Share

Chapter 6

  Katulad ng sinabi ni Thauce ay inilipat kaagad si Seya sa hospital ng kapatid niya dito sa Martini's Hospital. Namangha ako sa laki at ganda ng ospital. Hindi talaga basta mayaman ang pamilya nila Thauce.

Napakayaman ng mga ito.

"Are you the relative of Seya?" tanong sa akin ng doktor.

"O-Opo, ate niya po ako, doc."

Nakiusap ako kay Thauce na baka maaaring patapusin muna ang operasyon ni Seya at masiguro ko na ligtas ang kapatid ko bago ang bakasyon. Sa Palawan nila napagdesisyunang magkakaibigan na pumunta at magsaya. Nalaman ko naman kay Errol na ang pamilya ni Lianna ang may-ari ng resthouse na tutuluyan namin.

Nalulula ako sa kanila. Ang taas-taas nila.

Sinabi sa akin ng doktor kung kailan ang schedule ng opera ni Seya. Matinding kaba ang naramdaman ko pagkabanggit pa lang niya sa salitang 'operation' napakabata pa ng kapatid ko para pagdaanan ang ganitong pagsubok sa buhay.

Nakatingin lang ako sa doktor habang sinasabi sa akin ang mga dapat kong malaman bago ang operasyon.

"Maraming salamat po, dok," sagot ko at yumuko sa doktor nang masabi na niya sa akin ang mga dapat at hindi dapat gawin.

Pumasok ako sa silid ni Seya. Napakaluwang, ang loob ay may flatscreen tv pa, sa gilid ay may nakahiwalay na higaan, na sa tingin ko ay para sa magbabantay. Mayroon din mahabang sofa na para sa mga bisita. May drawer na lagayan ng mga damit, lamesa sa gilid at mayroong ref.

Napakaganda ng silid na ito.

"Ate! ang ganda naman dito sa bagong ospital! mayroon pang tv, oh! maaari kaya akong manood?" tanong ni Seya sa akin.

Nilapitan ko siya, hindi ko maiwasan na hindi mapangiti. Na-miss ko ang pagiging masigla niya. Nitong mga nakaraang araw kasi ay matamlay siya at hindi nakakain ng maayos.

"Sa tingin ko ay puwede naman, Seya, ang kaso lang ay hindi ko alam kung paano iyan buksan. Kapag may pumasok na nurse mamaya makikisuyo ako, ha?"

Tumango siya sa akin at nang makita ko na mahihiga siya ay kaagad akong umalalay.

"Ate, tingin mo, gagaling pa kaya ako?"

Natigilan ako sa tanong niya sa akin. Nakatingin ang inosente niyang mga mata, matalino ang kapatid ko, alam niya na ang sakit niya ay delikado at nakamamatay. Sa tingin ko ay kinakabahan siya.

Inilayo ni Seya ang tingin sa akin nang hindi ako nakasagot.

"Kasi, sayang naman iyong isang taon na lang makakatapos na ako. Pangarap natin iyong dalawa, hindi ba?" tanong niya at muli akong tiningnan.

Nanginig ang mga labi ko. Hindi ko gusto kung saan tutungo ang mga sinasabi niya. Ayokong mangyari iyon. Sa akin, sa isip ko, gagaling siya. Naniniwala ako doon.

"Seya..."

"Stage 3 cancer, ate, mabilis kumalat ang cancer cells at kapag hindi naagapan ay lumalala at maaaring mauwi sa kamatayan. Kahit papaano ate ay nakapag-research naman ako sa sakit ko. Kaya, ate..."

"H-Hmmm?" tanong ko, hindi ko inaalis ang tingin ko sa kaniya.

Napakabigat sa dibdib marinig na kay Seya mismo nanggagaling ang ganitong mga salita. Iniiwas ko ang tingin ko sa kaniya nang lumabo ang aking tingin dahil sa luha. Pinipigilan ko na hindi maiyak sa harapan niya kasi kailangan kong maging matatag para sa aming dalawa pero napakahirap.

Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin para maalis ang takot sa isip ni Seya.

Kasi ako mismo... takot na takot.

"Ate... huwag na kaya?"

Pinalis ko ang mga luha sa magkabilang pisngi ko nang marinig ang sinabi niya.

"A-Anong huwag na kaya? a-ano ba iyang sinasabi m-mo, Seya?" tanong ko.

Inilibot niya ang kaniyang paningin sa buong silid, pati sa aparato sa gilid. Ngumiti siya sa akin at hinawakan ang mga kamay ko.

"Mahal ang pagpapagamot, ate, hindi rin sigurado kung gagaling ako, iba na rin ang nararamdaman ko sa katawan ko. Ate, gusto kong mabuhay ka nang hindi nahihirapan dahil sa akin."

Napaawang ang mga labi ko sa sinabi niya.

"Naisakripisyo mo na ang lahat, noong nakatira tayo sa ilalim ng tulay, kitang-kita ko ang hirap mo na maitaguyod ako at mapag-aral. Hindi ka na nga minsan kumakain, iyong barya na mayroon ka ay ibibigay mo pa sa akin pang-baon sa eskwela. Nakikita ko rin na kahit nahihirapan ka noon sa pagpadyak sa lumang bisikleta para mangalakal ay kahit kailan hindi kita narinig na nagreklamo."

"Ate... puro na lang si Seya, puro na lang kung ano ang makabubuti kay Seya, puro na lang si Seya ang inaalagaan. Paano naman ang Ate Zehra?"

Umangat ang kamay ko sa pisngi niya at ngumiti kahit na nahihirapan at napakabigat ng kalooban ko sa sitwasyon namin ngayon.

"Mas mahihirapan ang ate kapag nawala ka, Seya, kaya nga ginagawa ko ang lahat, hindi ba? Saka, paano naman ako kapag nawala ka? ikaw ang lakas ni ate. Ikaw ang dahilan kung bakit nagpapatuloy ako at nagsisikap sa buhay."

Kaya ko tinanggap ang nais ni Thauce. Hindi ko kayang mawala ang kapatid ko. Gagawin ko ang lahat, kahit sarili ko pa ang kapalit para lang masigurado na gumaling sa sakit niya si Seya. Alam kong mali ang gagawin ko, may masasaktan akong tao sa huli, pero wala na akong ibang pagpipilian.

"May nararamdaman ka ba? sabihin mo sa akin kung may kakaiba kang nararamdaman, ha? ibinilin sa akin iyon ng doktor. Kailangan natin na sundin ang lahat ng sinabi sa akin bago ang operasyon mo--

"Mahal sa ospital na ito, ate, isa ang Martini's Hospital sa nangunguna at pinakamagaling na ospital sa bansa. Pati ang operasyon ay mahal, narinig ko na tinulungan ka ni Kuya Thauce, kapatid niya ang may-ari ng ospital na ito," nagtataka ang ekspresyon ng mukha niya.

"Ate, bakit? hindi si Kuya Thauce ang iniisip kong tutulong sa 'yo, kung hindi ay si Kuya Errol. Siya ang palaging nariyan, nakikita ko at ipinapakita sa iyo na tutulungan tayo. Bakit kay Kuya Thauce ka tumanggap ng tulong?"

Hindi ko maaaring sabihin sa kaniya ang tungkol sa kasunduan.

"Narinig mo ang sinabi ni Lianna, hindi ba, Seya?" sabi ko at inayos ang kumot niya. Ngumiti ako ng tipid.

"Pagta-trabahuhan ni ate iyon. Babayaran ko si Thauce."

"Ate... malaking halaga iyon."

Hinawakan ko siya sa pisngi. Walang malaking halaga sa akin, lahat ay gagawin ko para sa kapatid ko. Bumaba ang tingin ni Seya at nakita kong nagsalubong ang mga kilay niya.

"M-Mas kailangan ko pa lang tibayan ang loob ko. Kailangan kong gumaling dahil baka kapag hindi ka nakabayad kay Kuya Thauce ay kung ano ang mangyari sa 'yo, ate."

"T-Tama, huwag kang mag-alala, Seya, ang sabi naman ng doctor ay maaagapan ang sakit mo sa oras na maisagawa ang operasyon sa susunod na linggo. Ngayon, kailangan nating maghanda, kailangan mo magpalakas at iwasan ang mga sinabing bawal ng doktor. Para maging maayos at matagumpay ang operasyon, ha?" sabi ko sa kaniya.

Hindi nawawala ang ngiti sa mga labi ko.

Kailangan kong maging matapang para sa aming dalawa.

"Opo! sige, ate, matutulog muna ako. Kailangan kong magpalakas! Hindi ka naman aalis, 'di ba?"

Umiling ako sa kaniya, "Dito lang ako, Seya. Babantayan ka ni ate."

Hinimas ko ang kaniyang noo pataas sa kaniyang buhok. Nang pumikit si Seya ay hinawakan ko ang kamay niya. Ilang minuto lang ay naramdaman ko na nakatulog na siya.

Muling tumulo ang mga luha ko. Natatakot sa kung ano ang mangyayari sa mga susunod na araw para sa aming magkapatid. Lalo na sa oras na kailangan kong umalis upang sumama kay Thauce.

Nang bumukas ang pinto ay napalingon ako. Nakita ko si Thauce na seryosong nakatingin sa akin habang papalapit. Dahan-dahan kong binitawan ang kamay ni Seya at tumayo. Hinarap ko siya.

"Thauce..."

"How is she?" tanong niya.

Nilingon ko sandali si Seya bago sumagot, "Maayos naman, katutulog lang niya. Kinausap na ako ng doktor kanina at pinaalalahanan sa mga kailangan at hindi kailangang gawin para sa paghahanda sa operasyon ni Seya."

Tumango si Thauce.

"Ang kapatid ko ang mag-o-opera kay Seya. He's one of the best doctor in the country."

Akala ko ay iyong doktor kanina... k-kung ganoon ay doktor rin pala ang kapatid niya.

"Katulad ng sinabi mo sa akin, kailangan munang matapos ang operasyon at masiguro na ligtas si Seya. I am granting all of your request, Zehra Clarabelle. Sa oras na matapos ang operasyon at masiguro na maayos ang kalagayan ng kapatid mo, gagawin mo na ang lahat ng sasabihin ko sa 'yo."

Nagtama ang mga mata namin.

"Lahat ng sasabihin ko."

  "Hindi ko naman nakakalimutan iyon, Thauce. Sana ay pagkatiwalaan mo ako na hindi ako sisira sa napag-usapan. Isa pa, mayroon akong pinirmahan na kontrata. Sa oras na lumabag ako ay maaari mo akong ipakulong anumang oras."

Hindi siya nagsalita. Naglakad siya at naupo sa sofa na nasa loob ng silid ni Seya. Nilingon ko ang aking kapatid, lumapit sandali at nang masigurado na malalim na ang tulog niya ay hinalikan ko ito sa noo bago lumapit kay Thauce.

Naupo ako sa tapat niya. Seryoso ang kaniyang mga mata na nakatingin sa 'kin. Hindi ko alam pero, ang mga mata niya ay napakaraming ibinibigay na emosyon para sa akin. Sa tuwing titingnan ko siya at magtatama ang aming mga mata ay nailalayo ko ang aking tingin. Hindi ko kayang tagalan ang mga ito.

"I want everything clear to you, Zehra Clarabelle. Ayoko rin ng paulit-ulit ako sa pagsasabi sa 'yo ng tungkol sa usapan natin."

Siya lang naman itong kusang palaging nagsasabi non tungkol sa akin. Napabuntong hininga ako. Wala kasi siyang tiwala. Nakikita ko iyon sa kaniya, parang ang nasa isip niya ay sa oras na magamot ang kapatid ko ay babali na ako sa usapan.

Kahit ilang beses ko atang sabihin sa kaniya na mananatili ako hanggang sa tatlong buwan ng kontrata ay hindi siya matitigil kapapaalala.

Wala siyang tiwala.

Pero, sino nga ba naman ako? isang babae na bigla na lang dumating sa buhay nilang mayayaman. At ngayon ginagamit niya sa pinsan niya upang makuha ang babaeng mahal niya. Ako, bilang nangangailangan para sa pagpapagamot ng kapatid ko ay tinanggap ko ang offer niya.

"Sa oras na matapos ang operasyon, Thauce, maaasahan mo ang mga salita ko."

Tumango siya sa akin at may kinuha siya loob ng kaniyang suit. Nakita kong papel iyon na pahaba. Pinirmahan niya iyon at pagkatapos ay inilagay sa lamesa.

"I talked to Jio. Hindi ka na papasok sa bar niya. Ako na ang nagpatanggal sa iyo at sinabi ko na kinuha kita bilang personal na assistant ko."

Personal assistant? ano ba ang ibig sabihin niya doon? gayong wala naman akong natapos kung hindi elementarya.

"Thauce... sana ay hinintay mo na ako na lang ang makipag-usap kay Sir Jio, kaya ko naman mag-resign ng maayos," sabi ko sa kaniya.

Hindi siya nagsalita at tiningnan lang ako. Kinuha ko ang papel na nasa lamesa at tiningnan iyon. May nakasulat na amount sa baba.

"One hundred thousand..." tumingin ako kay Thauce. "P-Para saan ang isang daang libo?"

"Katulad ng sinabi ko, magtatrabaho ka sa akin, Zehra Clarabelle. Hindi iyon basta salita lamang para maisama kita sa Palawan. Sa paraan na ito makikita ko kung talagang gusto ka ni Errol. Nakikita ko na ang interes niya sa iyo pero nais kong makasigurado."

Hindi ako makapaniwala.

"That's an advance payment for the whole month vacation being my personal assistant. Wala ka na rin trabaho, saan ka kukuha ng pagkain at pambili ng gamot ni Seya? wala ka nang ibang pagpipilian kung hindi ang tanggapin ang perang iyan."

Hindi ko alam kung ano ang kailangan kong maramdaman, pera ang problema ko, dapat ay maging panatag na ako ngayon dahil tama siya, may panggastos na ako sa araw-araw ni Seya dito sa ospital. May pambili ng pagkain at gamot, pero... bigla akong nakaramdam ng matinding awa at sakit sa dibdib ko.

Simula nang mamatay ang mga magulang namin ay dalawa lang ang mahalaga sa akin. Ang aking kapatid na si Seya at kung paano kumita ng pera. Namulat ako sa maagang pagta-trabaho at hindi nakapag-aral ng sekondarya. Pinilit ko at sinikap na matugunan ang pangangailangan ng aking kapatid sa araw-araw at mapagtapos siya ng pag-aaral.

Kahit hirap noon ay walang reklamo dahil napupunan ang pagod ko sa tuwing titingin sa aking kapatid na masipag mag-aral at napakabait.

Ngunit bigla akong pinaluhod at idinapa ng nangyaring ito kay Seya. Nanghingi ako ng tulong sa Diyos. Nagmakaawa ako.

Ito ba iyong tulong na hiniling ko?

Napatingin ako kay Thauce.

Sa ganitong paraan ba ng Diyos sinagot ang hiling ko na matulungan ako sa kalagayan ni Seya?

"Next week is the scheduled operation," tumayo siya kaya't napatayo na rin ako.

"Lianna wanted to be here before and after Seya's operation. She said that you will be alone so she wanted to come for you to be with someone you can lean on during your sister's operation. Errol told her about your story. Na kayo lang dalawa ni Seya ang magkasama."

Hindi ko inaasahan ang sinabi niya. Naramdaman ko nang mabait talaga si Lianna, kahit na nakikita ko ang sakit sa kaniya tuwing malapit sa akin si Errol ay hindi ko naramdaman ang ibang ugali niya bukod sa kabutihan at awa sa kaniyang mga mata habang nakatingin sa aming magkapatid.

"If you don't have questions, I will go now. I have a meeting to attend."

Umiling ako kay Thauce, "Wala... na."

Tumingin ako sa papel na hawak ko.

Limang milyon... Isang daang libo... Kahit magtrabaho ako ng walang tulugan hindi ako kikita ng ganito kalaking pera.

Pero sa taong ito sa harapan ko, para sa minamahal niya, sa isang iglap ay kaya niyang pakawalan ang ganito kalaking halaga.

"Salamat dito," sabi ko at itinaas ng kaunti ang cheque.

"You don't need to thank me, Zehra Clarabelle. Hindi libre ang lahat ng ibinibigay ko sa 'yo. Ang lahat ng ito ay may kapalit."

Nagtama ang mga mata namin, umiwas ako. Hindi ko talaga kayang tagalan ang tingin niya.

"I'm going."

Tumango na lang ako at hindi na sumagot pa. Nang makalabas siya ng silid ni Seya ay tiningnan ko ang cheque na ibinigay niya sa akin. Doon nakasulat ang buong pangalan niya.

Thauce Arzen Alessandro Cervelli.

Napatingin ako sa pinto.

"Kung ganoon ay may Alessandro pa ang pangalan niya."

"Ang haba ng pangalan niya."

Inilagay ko sa aking bag ang ang cheque na ibinigay ni Thauce pagkatapos ay bumalik sa tabi ng aking kapatid. Hinawakan kong muli ang kamay ni Seya at marahan na hinimas ang kaniyang buhok.

"Gagaling ka, Seya... gagaling ka."

Kahit anong pagsubok ang dumating sa buhay namin, hindi ako susuko, alam ko na magkakaroon kami ng maayos na buhay ni Seya, kung saan hindi ko na kailangan mag-isip kung paaano kikita.

Sa oras na iyon, wala na ring sakit si Seya at puro saya na lang ang mararamdaman namin.

Habang nakatuon ang aking mga mata sa kapatid ko ay naramdaman ko na nag-vibrate ang cellphone ko. Binuksan ko iyon at tiningnan kung sino ang nagmensahe.

Si Lea. Kinakamusta niya si Seya.

Nang mapansin ko pa ang isang mensahe ay napakunot ang aking noo.

"Errol?"

Binuksan ko at binasa ang nilalaman. Sampung minuto na ang nakalipas. Sa tingin ko ay nagpadala siya ng mensahe noong kausap ko si Thauce.

"Can I come? I just want to bring foods. Saka, nakapagpahinga ka na rin ba? Kung hindi pa ay maaaring ako ang magbantay kay Seya so that you could sleep and get some rest. I am on leave today so don't worry about my work."

Ang bilis ng tibok ng puso ko.

Bago pa ako makapagreply ay bumukas ang pinto ng silid ni Seya. Nilingon ko kung sino ang dumating.

"Zehra."

"Hindi ka nag-reply kaya pumunta na ako."

Errol... 

Mga Comments (3)
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
laban zechra at seya .........
goodnovel comment avatar
Myles Berces Canillo
Laban lang zehra ha? WG isusuko. Yan ang uso ngayon
goodnovel comment avatar
Remely Tuastomban
nakakadala ng emotion, nakakalungkot..
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status