Share

Chapter 3 - Overtime

Bumaba si Shalanie ng kotse pagkatapos buksan ng driver ang pinto nito. Kasalukuyan siyang nasa parking lot. Sinipat niya ang suot na relo. Alas-tres y medya na ng hapon. Kagagaling lang niya sa isang investors meeting sa isang italian restaurant. Marami silang pinag-usapan tungkol sa kompanya at negosyo habang kumakain sila. Naging topic din siya doon. Ang tungkol sa love life niya na ayaw na ayaw niyang pinag-uusapan.

Naging tampulan sila ng tukso ng Chief Operating Officer na si Tyron. Bagay daw sila ika ng ilang mga tsismosong investors at sumang-ayon din naman ang iba. Gustong-gusto naman iyon ni Tyron. Nakangisi ito at tuwang-tuwa ito sa usapang iyon habang siya ay naasiwa.

Kahit na ayaw niya ang pinag-uusapan ay hindi naman siya maaaring magmaldita sa harap ng mga investors kahit pa gustong-gusto na niya itong gawin, pero pilit na lamang niyang nginitian ang mga ito at nanatiling tahimik tungkol sa bagay na iyon. Nakahinga lang siya ng maluwag nang matapos ang meeting.

Naiirita pa rin siya kapag naiisip iyon. Ano ba kasing pakialam ng mga ito sa buhay niya?

Weekend ngayon at dapat ay nagsasaya siya ngunit hindi n’ya iyon magawa. Kailangan kasi niyang mag-overtime dahil sa dami ng trabaho niya ngayon. Napabuntong-hininga na lamang siya at nagpatuloy sa paglalakad patungo sa elevator.

Nang makapasok siya ng elevator ay kaagad na niyang pinindot ang botton sa 9th floor. Naroon kasi sa 9th floor ang opisina niya. Wala naman siyang ibang kasabay nang sumakay siya. Pabor iyon sa kanya dahil mas gusto niya ang mapag-isa sa loob ng elevator dahil kung may kasabay siya ay malamang na pagbubulungan lang siya ng mga ito.

Nang dumaan ang elevator sa 5th floor ay bumukas ito. Marahil ay may taong sasakay doon. Napaangat ang mukha niya ng tuluyan na itong bumukas at tumambad sa paningin niya si Samuel.

Sumakay ito. “Welcome back, Boss. Kumusta ang meeting?” nakangiting tanong nito kay Shalanie. Hindi kasi ito isinama ni Shalanie sa meeting na iyon dahil may kailangan itong tapusin na mga report sa opisina. Kaya naman na ni Shalanie iyon at hindi na niya kailangan pa roon si Samuel. Pero sa kabilang banda ay naisip niya na sana ay isinama na lang niya ito.

“Maayos naman,” walang gana nitong sagot. Kahit pa kasi lunch meeting iyon at kumain lang sila ay napagod pa rin siya roon. Paanong hindi? Kung buhay ba naman niya ang pag-usapan ay nakakapagod talaga iyon.

 “Mabuti kung ganoon,” masayang ani naman ni Samuel. Ngunit naramdaman rin nito na wala sa mood ang boss nito.

“Ano’ng ginagawa mo sa 5th floor?” tanong niya rito. Hindi kasi niya inaasahan na makikita ito sa ibang floor dahil ang alam niya ay busy ito sa opisina at gumagawa ng mga report. Kailan pa ito natutong magbulakbol?

“Namasyal lang saglit,” sagot niya na ikinataas ng kilay ni Shalanie. Hindi naman iyon nakita ni Samuel dahil parehas silang nakaharap sa pinto ng elevator. Napataas ang kilay ni Shalanie dahil nagagawa pa nitong mamasyal sa dami ng trabaho nila ngayon. Pambihira talaga.

Habang umaakyat paitaas ang elevator ay nakiusap si Samuel kay Shalanie kung maaaring hindi ito mag-overtime dahil kaarawan diumano ng ina nito. Kaya hanggat maaari ay gusto nitong umuwi ng maaga.

“Wala naman dito ang mother mo. Sa lahat ng empleyado, ikaw itong allergic sa overtime,” masungit na sagot niya.

 Lingid sa kalaman ni Shalanie na naririto sa Canada ang ina ni Samuel. Dumating ito noong nakaraang lingo upang mag-celebrate ng kaarawan nito kasama ang anak. Iyon kasi ang gusto ni Samuel. Mis na mis na nito ang ina kaya pinag-ipunan nito ang ticket ng ina upang makapunta ng Canada kasama ang dalawa pa nitong tiyahin na kapatid nang ina. At hindi pa nito iyon nasasabi kay Shalanie, wala naman kasing dahilan para sabihin pa nito ang tungkol doon.

“Hindi naman sa gano’n, Boss. Natapat lang talaga na may mahalagang okasyon. Ayoko lang na magtampo sa akin ang nanay ko. Ganito na lang, Boss. Kung matatapos ko ba ng mas maaga ang lahat ng mga ipagagawa mo, puwede na ba akong umalis kaagad?” mungkahi ni Samuel. Tumingin ito kay Shalanie at hinintay ang magiging sagot. May paki-usap sa mga mata nito. Disidido itong umuwi ng maaga at hindi talaga ito mag-o-overtime. Sana nga ay payagan na ito ng estrikto nitong boss.

Ngalingaling sigawan niya ito ngunit mahigpit niyang pinigilan ang kanyang sarili. Sa loob ng mahabang panahon na pagtatrabaho niya sa MWSI ay wala pang kahit sinong empleyado roon na mas mababa ang posisyon kaysa sa kanya ang nakipag-bargain ng ganoon sa kanya. Kaunti na lang at kapag hindi siya nakapagpigil ay mapipika na talaga siya kay Samuel. Mabuti nga at nakakapagpigil pa siya. Bakit ba gustong-gusto nitong umuwi kaagad. Mababaliw ata siya sa assistant niyang ito.

“Meet me in five minutes. We’ll talk about it,” inis na sabi niya. Hindi n’ya ito tiningnan o nilingon man lang. Eksakto naman na bumukas na ang pinto ng elevator sa 9th floor. Lumabas na siya ng elevator at kaagad na naglakad at tinungo ang opisina niya. Pag dating doon ay tinawagan niya ang isang employee at sinabing i-forward ang lahat ng sales account nila nang buwang iyon kay Samuel. Naisip niyang turuan ito ng leksiyon sa pagkwestiyon nito sa kanyang pasya.

Lumapit siya sa personal ref sa sulok ng opisina niya at kumuha ng bottled water doon. Kaagad naman niya iyong binuksan at ininom. Pakiramdam niya ay uhaw na uhaw siya. Hindi pa niya nauubos ang laman ng bote ng maramdaman niya na may tumulong likido mula sa kanyang ilong. Bigla yata siyang sinipon. Nang mapatingin siya sa sahig ay nakakita siya ng patak ng dugo.

Nagtungo siya sa banyo na nasa loob ng kanyang opisina at binasa ang kanyang batok. Iyon ang turo ng kanyang ina noong bata pa siya. Ganoon daw ang ginagawa kapag nagdurugo ang ilong. Noong kasing maliit pa siya ay mas madalas magdugo ang ilong niya lalo na kung mainit ang panahon. Ngayon naman ay dumudugo ang ilong niya kapag labis ang stress niya. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya alam kung bakit kailangang basain ang batok kapag nagdurugo ang ilong. Hindi niya alam kung ano ba talaga ang paliwanag doon.

Sunod niyang ginawa ay tumingala at hinawakan ang nosebridge niya na malapit sa mga mata. Iyon talaga ang tamang first aid na sinabi sa kanya ng doctor. Pero ang nakasanayan niyang pagbabasa ng batok ay hindi na niya naalis pa at iyon ang una niyang ginagawa. Wala naman sigurong masama doon.

Kumuha siya ng kapirasong tissue at binilot iyon pagkatapos ay isinuksok niya sa butas ng kanyang ilong. Nang matapos siya ay lumabas na siya ng banyo at muling naupo sa kanyang swivel chair. Mukhang kailangan niya ng pahinga ngunit imposible iyon. Marami silang trabaho at mag-o-overtime pa nga sila.

Kauupo lamang niya nang makarinig siya ng mga katok. Pinapasok niya ito kasabay ng pagtatanggal niya ng tissue na isinuksok niya sa butas ng dumudugo niyang ilong. May kaunti pang dugo doon kaya kaagad niya rin iyong pinunasan gamit ang din ang tisue.

Si Samuel ang pumasok. Lumapit ito sa table niya. Kaagad naman itong napatingin sa tissue na nakapatong sa ibabaw ng table niya. Kaagad din iyong ipinag-alala ni Samuel.

“Boss, ano’ng nangyari sa iyo? Ayos ka lang ba?” tanong nito sa kanya. Bumakas ang pag-aalala sa mukha ni Samuel at maging sa tinig nito.

“I’m fine. Dumugo lang ang ilong ko.”

“Sigurado ka? Kailangan mong masuri ng doctor. Dadalhin kita sa ospital.”

Concern ba ang nakita niyang rumihistro sa mukha ni Samuel? Lahat ng naging assistant niya kahit pa babae ay wala ni isang nag-alala para sa kanya. Almost all of the employees of MWSI hated her. And her executive assistant hater her the most. Mabibilang sa mga daliri sa kamay ang nakakaintindi sa work attitude niya. Kaya imposible ba na may taong concern sa kanya at si Samuel iyon.

“Napatakan ng dugo ang damit mo, Boss,” puna ni Samuel sa damit niya. Naka puting blouse si Shalanie kaya kitang-kita ang tumulong dugo roon. 

“Hayaan mo na,” masungit na anas niya kay Samuel.

“Ang sungit talaga,” pabulong na sabi nito at pabalyang umupo sa upuan na nasa harap ng table ni Shalanie. Totoo namang napakasungit talaga ng boss nito. Kaya nga walang nagtatagal na assistant nito kundi si Samuel lamang.

Nagkunwari naman si Shalanie na hindi iyon narinig. Sanay naman na siyang nakakarinig ng ganoong mga salita. Kaya baliwala na lang iyon sa kanya.

“Madalas ba mangyari ito sa iyo, Boss?” pag-aalala pa rin ni Samuel kay Shalanie.

“Ayos lang ako, Samuel. Anyway, about your request, hindi talga p’wede dahil kailangan talaga nating mag-overtime. Sa bahay ko tayo mag-o-overnight. Kasama natin si Arah. Mas komportable magtrabaho ro’n. At para rin hindi n’yo maramdaman na OT ang ginagawa n’yo.

Bumuntong-hininga ito bago sumagot. “Okay,” dismayado nitong sagot.

“Go back to your work,” utos ni Shalanie.

Tumayo na ito. Pinagmasdan ito ni Shalanie at nabanaag niya ang lungkot sa anyo nito. At sa kung anong dahilan ay nakaramdam siyang bigla ng guilt. Dati-rati ay wala naman siyang pakiaalam sa damdamin ng mga tauhan niya. Gusto sana niyang bawiin ang naging pasya. Pero naisip din niya na kapag ginawa niya iyon ay baka isipin nito na lumalambot na siya. Hindi p’wede iyon dahil kailangan niyang mapanatili ang reputasyon niya sa kompanya.

Hindi na muling dumugo ang ilong niya ngunit buong hapon naman niyang tiniis ang pag-uusig ng kanyang konsensiya para kay Samuel. Napapaisip pa rin siya kung babawiin ang pasya ngunit sa huli ay hindi na niya iyon binawi pa.

 

Nang matapos ang office hour nila ay nagtungo na sila sa bahay ni Shalanie. Doon na nila itutuloy ang kanilang mga gagawing trabaho.

Sumakay sila sa sasakyan ni Shalanie. Si Samuel na ang nagmaneho nito. Sa unahan nakaupo si Arah at sa likuran naman si Shalanie. Tahimik ang naging biyahe nila. Walang nagtangkang magsalita. Panaka-naka siyang napapasulyap sa front mirror. Ramdam ni Shalanie na masama ang loob ni Samuel. Hindi niya mawari kung bakit apektado siya sa nararamdaman ng assistant niya. Ano ba kasi ang pakialam niya rito? Gusto niyang mainis sa sarili.

Pilit niyang pinalis ang mga tumatakbo sa kanyang isipan. Hindi tamang isipin pa niya ito dahil makakadagdag lang lalo ito sa stress niya. Ipinaling na lamang niya ang kanyang mukha sa bintana at tumanaw sa labas hangang sa makarating sila sa bahay niya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status