Share

Chapter 2

“Isa pa, Jeff please, pagbigyan mo na ako,” nagmamakaawang sambit ni Andrea sa kaibigan. Gusto niyang magpakalasing ng gabing iyon dahil pakiramdam niya'y iyon ang kailangan niya.

Hiyang hiya naman si Jeff sa pinaggagawa ng kaibigan nito. Nung tumawag kasi si Andrea ay papunta na ito sa trabaho nito. Akala nito ay kung ano lang na tambay ang sinasabi ni Andrea, hindi naman nito alam na maglalasing pala siya.

“Andrea, tama na sasampalin na kita tamo,” pagbabanta ni Jeff sa kaibigan.

Iniharang naman ni Andrea ang mga palad niya sa kanyang pisngi. “Pati ba naman ikaw?” saad niya gamit ang pambata na boses.

“Tigilan mo ako sis, umupo ka muna doon at magla-login muna ako,” saad nito bago pinaupo si Andrea sa isang sulok.

Naupo si Andrea at pilit inaalala ang nangyari sa kanya. Hindi niya maiwasang kumunot ang noo dahil sa mga problemang naalala niya. Hanggang ngayon hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyari sa kanya sa loob nang maghapon. Paano na sila ng kanyang ina ngayong wala na siyang trabaho?

"Mga gago! Sinesante niyo ako, kayo ang nawalan hindi ako," mahinang saad niya bago ininom ang tubig na nasa lamesa. Mayamaya pa ay iiyak o tatawa na lang bigla si Andrea na animo'y isang baliw.

Gabi na rin kaya marami na ang mga nakiki-party at mga nag-iinuman sa loob ng bar. May mga nagsasayaw at may mga naglalampungan sa gilid. Bukod kay Andrea ay may ilan din na kanina pa umiinom at naglalasing na marahil may kaniya-kaniya ring pinagdadaanan.

Samantala, nakaramdam si Andrea nang pagbigat ng pantog niya. Kaya kahit patumba-tumba ay pilit siyang pumunta sa comfort room.

"Hi, Miss gusto mo samahan na kita?" alok sa kanya ng isang lalaki na balbas sarado.

Hinawi naman ni Andrea ang kamay nito. "Tumabi ka dyan, hindi ko kailangan ng tulong mo," Gumegewang na wika niya bago pumasok sa loob ng cr.

Hindi niya pinansin ang kakaibang tingin ng lalaki at ipinagpatuloy ang paglabas ng mga dapat ilabas. Matapos niyang mailabas ang bigat ng kanyang pantog, lumabas siya ng comfort room.

Medyo nahimasmasan siya nang kaunti dahil sa ginawa niyang paghihilamos sa loob doon. Habang naglalakad pansin niya mga nagsasaya ngayon gabi.

“Sana lahat masaya,” bulong niya. Dahil sa nasa iba ang kanyang atensyon, hindi niya namalayan ang bulto ng isang lalaki.

“Sorry,” paghingi niya ng tawad. 

Aalis na sana siya nang makita ni Andrea ang lalaking nabangga niya na nakatitig sa kanya. Hindi niya maiwasang mamangha sa gandang lalaking nasa harapan niya. Maihahalintulad niya ito sa mga greek god.

Bago pa man niya maihakbang ang kanyang mga paa ay sinalubong siya nito nang mainit na yakap. Gulat na gulat si Andrea dahil sa biglaang pagyakap nito sa kanya. Naamoy niya rin ang pinaghalong amoy ng alak at ang pabangong amoy tila amoy ng isang baby.

“Hey, Mister!” Pagtulak ni Andrea sa lalaking ito. Lumipas pa ang ilang minuto ay hindi pa rin ito bumibitaw sa kanya. Mayamaya pa ay nararamdaman niya na nabasa ang balikat niya.

“Hala sir, anong nangyari sayo?” tanong niya. Bumitaw naman ito sa pagkakayakap sa kanya at mabilis na pinunasan ang bakas ng luha nito.

“Wala ito,” kaswal na wika nito bago humingi ng alak sa barista. Pagkalagok nito ng alak ay tumingin ito kay Andrea na nakatayo pa rin sa harapan nito.

“Hmm? Halika rito sabayan mo ‘ko,” Pag anyaya nito kay Andrea.

Mabilis naman na tumango si Andrea at umupo malapit sa lalaki.

“Matthew nga pala, pasensya na kanina, ha,” sambit nito habang kumakamot sa batok nito dala sa kahihiyan na ginawa nito.

Ngumiti naman si Andrea. “Wala ‘yon, If you don’t mind, ha, bakit ka nangyakap bigla?” tanong niya bago uminom ng alak na binigay nito. Dumaloy sa lalamunan niya ang pinaghalong tamis at pait ng alak na iyon. Ramdam pa niya ang pagguhit niyon sa lalamunan niya at naghatid ng init sa kanyang sikmura. “Andrea nga pala,” dagdag pa niya.

Sandali namang tumahimik si Matthew at tila may iniisip. Tinungga muna nito ang isang basong alak. Pinunasan nito ang tumagas sa mga labi.

Lihim na napalunok si Andrea dahil sa nasaksihan. Ni hindi niya akalain na sa simpleng galawan nito ay sadyang nakakamangha.

“Actually, I thought you’re my ex-girlfriend, pasensya,” paliwanag nito. 

Hindi na inalam pa ni Andrea ang ilan pang detalye dahil sa ayaw niya panghimasukan ang buhay nito. Tumango-tango muna siya kay Matthew bago niya ulit kinuha ang baso at ininom ang alak.

“Ikaw ba? Mukhang kagagaling mo lang din sa pag iyak ha?” tanong ni Matthew.

Dahil sa tanong na iyon ay bigla na naman naalala ni Andrea ang dahilan kung bakit siya nag iinom. Mayamaya pa’y hindi na niya naiwasan ang mapaluha.

Nagulat naman si Matthew dahil sa inasal ni Andrea, lumapit ito at inabutan siya ng panyo. “Hindi mo kailangan sagutin,” dagdag pa nito.

Tinanggap naman ni Andrea ang panyo nito at pinunasan ang kanyang luha, marahan din niyang isininga ang sipon na dala nang pag iyak niya.

Huminga muna nang malalalim si Andrea at mapait na ngumiti. “I was fired,” umpisa niya na tila pinipigilan ang mga luha na gustong pumatak. “Alam mo ang nakakainis? Nangopya raw ako ng designs?” maktol niya bago ininom ang pangatlong baso sa tapat niya.

Nanatili naman na nakatingin si Matthew kay Andrea at tumatango hudyat na magpatuloy siya sa pagkukwento.

“Designs ko ‘yun, eh, pinagpuyatan ko yun tapos sasabihan pa ako na nangopya, ang unfair,” reklamo niya. “Nagsisikap ako para sa amin ni Nanay tapos magkakaganoon pa. Nakakainis!" dagdag pa niya.

Nang mapansin ni Matthew ang pagtigil ni Andrea ay may bigla siyang naalala.

“Oh! So, designer ka pala, great!” komento nito kay Andrea. “Actually, my company has a fashion design department,” dagdag pa nito.

Napanganga naman si Andrea dahil sa sinabi nito.

“Wow! Bigatin ka pala,” nahihiyang sambit ni Andrea.

Bahagya namang napatawa si Matthew dahil sa reaksyon ng nasa harapan nito.

“Hindi naman masyado,” nakangiti niyang turan. May sasabihin pa sana ito nang tumunog ang cellphone nito. “Sagutin ko lang to, ha,” paalam nito bago tumayo at lumayo ng kaunti kay Andrea.

Tumalikod si Andrea at pinagmasdan ang mga nagsasayaw. Nang madako ang mata niya sa isang sulok napansin niya ang nanliliit na mata ni Jeff. 

Nakita niya ang pagbuka ng bibig nito.

“Kita ko 'yon.” yan ang pagka intindi niya base sa buka ng bibig nito.

Napatawa siya sa reaksyon nito at ibinuka rin ang bibig “Walang malisya,” natatawang sambit niya.

Makalipas ang ilang minuto ay bumalik na si Matthew. “Andrea right? Nag enjoy ako pero I have to go,” saad nito.

Tumango naman si Andrea rito. “Nice to meet you too,” sagot niya.

Mabilis rin na umalis si Matthew, sa hula ni Andrea ay mukhang may aasikasuhin pa ito. Napansin naman ni Andrea ang oras, hindi niya namalayan na inabot na siya nang madaling araw.

Lumapit si Andrea sa kaibigan niyang si Jeff. “Uwi na ako ha, salamat,” paalam niya bago yumakap dito. Kahit alam niyang may impluwensiya siya ng alak, kumpiyansa siyang kaya niyang umuwi ng ligtas.

“Oo, mag-ingat ka, ha,” tugon nito sa kanya.

Kahit gumegewang ay nagawa pa rin ni Andrea makauwi sa inuupahan nilang bahay. Pagpasok niya ay napansin niyang gising pa ang kanyang ina.

“Ayos ka lang ba, nak? Late na ata ang uwi mo,” bungad sa kaniya nito.

Lumapit naman si Andrea at mahigpit na yumakap sa ina. Doon din nag umpisang tumulo ang mga luha na akala niya wala na. Hinaplos-haplos naman ng kanyang ina ang likod niya.

Hindi man sabihin ni Andrea ay nararamdaman ni Alicia ang problema ng anak nito. Lumipas ang ilang minuto ay hindi rin namalayan ni Andrea na nakatulog na pala siya.

Pinahiga naman siya ng kanyang ina sa sofa nila na naglabasan ang ilang spring. Nang maihiga ni Alicia si Andrea ay pinatungan rin nito ng kumot. Hinalikan din muna nito ang noo ni Andrea bago pumunta at humiga sa higaan nito.

Kinabukasan ay maagang nagising si Andrea. Kahit masakit ang ulo ay bumangon pa rin siya. Napansin niya rin na sa sofa siya nakatulog.

“Good morning, Ma,” pagbati niya sa kanyang ina bago niya ito hinalikan sa pisngi.

“May mainit na sabaw d'yan sa lamesa, ayan ang higupin mo para mawala hangover mo,” sambit nito at itinuloy ang pagkukusot ng labahin.

Tumango naman si Andrea at inumpisahan humigop ng sabaw. Tila nahimasmasan naman siya dahil doon.

Naisipan niya na ngayong araw ay susubukan niyang mag-apply sa ibang kompanya. Kaya naman matapos kumain ay nag umpisa na siyang maligo at mag-ayos.

Pagkatapos niyang maligo ay nakita niyang may kausap ang kanyang ina.

“Alicia, ilang buwan na kayong hindi nakakabayad ng upa, may pangangailangan din kami,” dinig ni Andrea ang wika ng kanilang landlady.

“Aling Janet, mabayayaran ka rin namin sa katapusan,” sagot ng kanyang ina.

“Sige ha, babalik ako sa katapusan, kung wala kayong pambayad ay mag umpisa na kayong mag balot-balot,” sambit ni Aling Janet bago umalis.

Nang makababa si Andrea ay nakita niya ang malungkot na mukha ng kanyang ina. Kahit may sakit na ito ay hindi pa rin tumitigil sa paghahanap ng pagkakakitaan.

Naisipan ni Andrea na hindi muna sabihin na natanggal siya sa trabaho. Ayaw niyang dagdagan pa ang isipin ng kanyang ina.

“Ma, alis na po ako,” wika niya at h*****k sa pisngi ng kanyang ina.

“Sige nak, ingat," tugon ng kanyang ina.

Lumabas na si Andrea at  huminga nang malalim. Dala ang resume ay handa na siyang pasukin ang trabahong kahit iba na ito sa gusto niyang fashion design.

Sa kasamaang palad ay tila kakambit ni Andrea ang kamalasan. Kundi tinatanggihan ay halos “We’ll call you back” ang mga sinasabi ng nag iinterview sa kanya.

Umupo muna si Andrea sa isang bench para magpahinga. Nailabas niya rin ang pinaka tinatago niyang pera para lamang sa pag apply na iyon. 

Kinagabihan, bagsak ang balikat na umuwi si Andrea sa kanila. Hindi niya sukat akalain na sa dami ng pinuntahan niya ay walang tumanggap sa kaniya. Kahit na sa isang sikat na fast food chain ay tila inayawan siya.

Nang makapasok siya ay ngayon niya lang napansin na nakapatay pala ang ilaw.

“Ma, nasaan ka? Bakit patay ang ilaw?” pagtawag ni Andrea sa ina.

Lumabas naman si Alicia dala dala ang ilawan na bote o gasera. “Naputulan na tayo ng kuryente nak,” sambit nito.

Biglang nanlumo si Andrea dahil sa narinig. Umupo siya at niyakap ang kanyang ina. Hindi niya mawari kung bakit nangyayari ang lahat ng ito sa kanila.

Nasa ganoong silang posisyon nang bigla niya naalala ang lalaking nakilala niya sa Bar. 

“Oo tama, si Matthew,” bulalas ni Andrea. Sa puntong ito ay gagawin niya ang lahat mahanap lang ang kompanya nito anuman ang mangyari. Magbabakasakali siyang mag-apply sa kumpanya nito.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status