Share

Kabanata 7

"Nay, tapos na po akong maghugas ng pinggan. Maari ba akong sumama kay tatay sa pangingisda?" paalam ni Araceae sa ina nang makita itong pumasok ng kusina. Kararating lang ng ina niya mula sa bayan, dalawang beses sa isang linggo kasi naglalabada ang ina niya sa bahay ng kaibigan nito, pandagdag kita na rin.

"Hindi ka ba pupunta sa bayan?" Umiling si Arceae sa ina.

"Naubos na po ang kakanin kaninang umaga kaya hindi na ako babalik ngayong hapon. Ang dami pong bumili nay," pagbibida pa ni Araceae. "Bukas po magluto tayo ng marami."

"Aba'y nakakatuwa naman kung ganun." Ibinaba ng ina niya sa kawayan na mesa ang plastic bag na dala nito. Lumapit si Araceae upang tulungan itong ilabas ang mga pinamili. "Bumili ako ng maraming kamatis, paborito ang mga ito." Napangiwi siya nang ibigay ng ina sa kanya ang dalawang kilo ng kamatis.

"Salamat, nay!" Ngiti ni Araceae. 

Tumalikod siya upang hugasan ang kamatis sa kawayan na sink at niligpit ng maayos sa lagayan. Sa totoo lang ay never niyang nagustuhan ang kamatis. Hindi nga niya alam kung bakit sinasabi ng ina niya na paborito niya ito, pati paksiw...hindi niya naman gusto.

Maraming bagay pa rin ang hindi maintindihan ni Araceae, kahit dalawang taon na ang lumipas mula nang dumating siya sa isla. Naniniwala man siya sa mga sinasabi ng ama at ina niya, hindi pa rin siya kumbinsidong siya nga ang nawawalang si Aries. Ngunit hindi naman mapatunayan ni Araceae na hindi siya si Aries. Hindi sapat na sabihing, sigurado siyang Araceae ang pangalan niya. Kung may progress man sa kanya sa lumipas na dalawang taon, iyon ay ang relasyon niya sa kanyang ama at ina, hindi na siya ganun ka distant sa mga ito. Nakabuti rin na hindi na niya madalas mapanaginipan ang lalaking iyon, ang lalaking tumatawag sa kanya ng 'Hayatim'. Malabo pa rin kay Araceae ang mukha nito, ngunit nakasisiguro siyang malaki ang kinalaman ng lalaking iyon kung bakit narito siya sa isla at walang maalala.

"Aries, nagpaalam ka na ba sa nanay mo?" tanong ng ama niya nang pumasok ito ng kusina. Humalik ito sa pisngi ng kanyang ina bago kumuha ng baso sa plastic na rack at nagsalin ng tubig mula sa pitsel.

"Opo, tay. Anong oras ba tayo aalis?"

"Ngayon na 'nak–"

"Sandali lang tay, may tumatawag." Maliksi siyang tumakbo patungo sa salas ng bahay at kinuha sa aparador ang smartphone na ibinigay sa kanya ni Temur. Napangiti si Araceae nang makita ang caller ID ng tumatawag.

"Tay, si Temur!" masayang pagbabalita niya sa ama.

"Hindi na po pala ako sasama sa dagat!" sabi niya at tumakbo palabas ng bahay. 

Walang malakas na signal sa loob ng tahanan nila, kailangan pa niyang pumunta sa tabing dagat para makasagap ng signal dahil kung hindi niya gagawin, hindi sila magkakaintindihan ni Temur.

Sa lilim ng malaking puno siya nagpunta at tumayo sa spot kung saan may magandang signal.

"Temur!" sagot ni Araceae sa tawag ng binata, hindi niya napigilan na ngumiti ng malapad. 

"Napatawag ka..."

"I missed your voice."

"Na-miss ko rin marinig ang boses mo, Temur. Kumusta d'yan sa Maynila?"

Dalawang linggo na ang nakalipas mula nang bumalik si Temur ng Maynila, tinupad nito ang pangako sa kanya na araw-araw siyang tatawagan o i-ti-text. Wala naman silang importanteng pinag-uusapan, kung anu-ano lang ang maisipan nilang topic, at talagang masaya na si Araceae sa ganun. Kahit hindi sinasabi ni Temur, alam niyang masaya rin ang binata sa tuwing kausap siya.

"I'm not doing well," malungkot nitong sagot.

Nag-alala agad si Araceae. Hindi ba ito nakapag pahinga ng maayos dahil sa trabaho nito? Minsan nilang napag-usapan ang tungkol sa busy nitong mga schedules. Madalas kasing nasa ibang bansa ang nakatatandang kapatid ni Temur kaya madalas itong abala sa negosyo ng pamilya.

"Nasa ibang bansa pa rin ba ang kapatid mo kaya hindi ka makapag pahinga?" nag-aalalang tanong niya dito.

"No, he's back in the Philippines..."

"Kung ganun bakit?" Pagtataka niya.

"I'm not doing well cause I miss you, Aries. I badly want to see and be with you right now." Nagulat siya ngunit nang tuluyang maintindihan ang ibig nitong sabihin ay wala sa sariling nakagat ni Araceae ang ibabang labi. Pakiramdam niya may paru-parong lilipad-lipad sa kanyang tiyan, ramdam niya ang pamumula ng kanyang mga pisngi. Napahiya pa siya nang makitang nasa kanya ang tingin ng ama na ilang dipa ang layo sa kinatatayuan niya.

Tumalikod siya mula sa side ng ama.

"Temur! Ikaw talaga...masyado kang mabulaklak magsalita," kunwari ay saway niya sa binata, pabulong dahil feeling ni Araceae nasa kanya pa rin ang tingin ng ama. 

Si Reynaldo naman ay napailing na lang sa inasal ng anak. 

"No. I'm just being honest about what I feel. Ikaw ba, hindi mo ako na-miss? Do you not wish to see me?"

Matatas magsalita ng ingles si Temur, hindi na 'yon nakakapagtaka dahil may lahi ang binata. Bukod doon, may mataas itong pinag-aralan. Si Araceae naman ay nakakaintindi ng ingles, may mga pagkakataon na napapasalita siya ng diretso ngunit 'di niya alam kung bakit. Ang sabi lang sa kanya ng ina at ama, matalino raw talaga siya at kinder pa lang ay mahusay nang mag-English.

"Syempre, gusto kitang makita at makasama. Pero masyado naman akong makasarali kung hihilingin ko na manatili ka sa tabi ko gayong may mga dapat kang gawin d'yan sa inyo. Isa pa, hindi mo naman ako kasintahan para mag-demand ako sayo ng mga tulad nito." Narinig niya ang mahinang pagtawa n binata, napalabi siya. Hindi naman siya nagbibiro, totoong wala naman silang ganung klase ng relasyon ni Temur.

"You're so cute."

"Tsk! Hindi ako cute."

"Beautiful then."

"Tigilan mo na ang pambobola mo, Temur. Masyado kang malandi," saway niya at sumimangot. "Hindi mo dapat ako binibiro ng ganyan dahil hindi tayo magkasintahan, mahuhulog ako sayo kapag patuloy mong ginawa 'yan."

"That's the plan, Aries. I need you to fall in love with me. Hindi pwedeng ako lang ang nahuhulog dito, it's unfair."

"Gusto mo ba 'ko?"

Temur chuckled. "Manhid ka ba o bato? Akala ko ay nilinaw ko na sayo bago ako bumalik ng Maynila?"

Pinalobo ni Araceae ang pisngi at nagbuga ng hangin.

"Ayoko lang maging assuming, Temur. Baka kasi iba ang nakarating sa akin sa mga pinaramdam mo. Mahirap umasa sa mga matatamis na salita at malalambing na gawa. Hindi ko gustong magsisi sa huli kapag nalaman kong na aaliw ka lang kaya ka nakipag lapit sa akin." Hindi man niya nakikita ang binata, alam niyang masama ang loob nito sa sinabi niya. Narinig pa niya itong nagbuntong-hininga sa kabilang linya.

"I like you, Aries. Kung hindi pa rin malinaw sa iyo... Will you be my girlfriend?"

"Huh?"

"Pwede ba kitang maging girlfriend? I'm not saying na gawin mo na akong boyfriend ngayon din mismo. I wanna court you first, papayagan mo ba ako?" Napalunok si Araceae ng malaki. Alam niyang sinabi niya sa binata na gusto niya ng malinaw na usapan, pero hindi niya inaasahan na ganito kalinaw.

"Itatanong ko muna kay nanay at tatay–"

"What?" Mahina itong natawa. "Seryoso? Ikaw ang liligawan ko hindi ang nanay at tatay mo."

"Temur, weird marahil ito pero gusto kong ang parents ko ang una mong ligawan. Gusto kita, 'yan ang totoo kong nararamdaman para sayo. Gwapo ka at mabait sa akin, sa tingin ko ay mabuting tao ka rin, pero bago mo ako ligawan kailangan mo munang makuha ang tiwala ng magulang ko."

Malaki ang respeto ni Araceae sa magulang niya. Kung gusto niyang pumasok sa isang relasyon, kailangan malaman muna ng magulang niya, at makilala ang lalaking natitipuhan niya. Pinangako niyang hindi na niya ulit sila susuwayin at hindi na bibigyan ng sama ng loob tulad ng ginawa niya noon, kahit naguguluhan pa rin siya sa totoo niyang pagkatao, sila pa rin ang tumatayong magulang niya. At bilang responsableng anak, kailangan nilang makuha ni Temur ang tiwala ng magulang niya.

"Right." Nagbuntong-hininga ang binata. "You're right. Dapat muna akong magpakilala sa kanila at ipakitang seryoso ako sayo bago kita ligawan."

Napangiti si Araceae. "Salamat, Temur."

"Para saan?"

"Dahil naiintindihan mo ako," madamdamin niyang sagot. 

May pagdadalawang isip pa rin siya, pero unti-unti na iyong nabibigyan ng kongretong sagot. Hindi naman kasi natural ang ganito, mayaman si Temur at taga Maynila, samantalang isang probinsyana lang siya na walang mataas na edukasyon, walang maibubuga ang pamilya niya pagdating sa yaman, pero narito si Temur, at gusto siyang maging nobya, pakiramdam tuloy niya ay siya si Cinderella.

"Anong magagawa ko? You just took my heart." Nakagat ni Araceae ang labi sa kilig. "I really like you, Aries. I hope you feel the same."

"Gusto rin kita, Temur. Sana hindi mo ako binobola lang," sabi niya at bahagyang sumimangot.

"Did someone hurt you badly before? You sound like someone betrayed or hurt you," worried na tanong ni Temur. Kahit sa telepono lang ay ramdam niyang sincere ang pag-aalala ng binata sa kanya.

"Marami akong gustong ikwento sayo, pero mas mainam na sabihin ko sayo ng personal..." 

Gusto niyang maging tapat. Kung plano nila ni Temur na pumasok sa isang relasyon, tama lang na ipaalam niya dito ang lahat ng tungkol sa kanya. Hindi niya alam kung counted ba ang nangyari sa nakaraan niya na hindi niya matandaan, pero dapat malaman ni Temur ang lahat. May pakiramdam kasi siyang may kasintahan siya noon, at ito ang naging dahilan kung bakit wala siyang maalala ngayon, isa pa dapat malaman ni Temur na hindi na siya virgin, minsan na raw siyang nakunan sabi ng ina niya.

"I understand. I won't force you, but I'm looking forward to hearing what you have to say when we meet again."

***

"Tay, gusto ko lang itanong. Wala po ba talaga akong naging kasintahan noon bago ako naglayas?" tanong ni Araceae habang nagdidilig ng halaman. Ang ama naman niya ay nagtatanim ng kamoteng-kahoy hindi malayo sa kinatatayuan niya.

"Wala naman, anak. Bakit mo na itanong?"

"Wala lang po, curious lang ako." Hindi na siya dinalaw ng lalaking iyon sa panaginip. Ngunit paminsan-minsan ay sumasagi sa isip ni Araceae ang lalaki tulad na lang ngayon. May mga pagkakataon na pilit niyang inaalala ang hitsura nito, pero hindi ganun kadali dahil matagal na niyang hindi napapanaginipan ito.

"Nasabi sa akin ng nanay mo na madalas ka raw bangungutin tungkol sa isang lalaki noong bago ka pa lamang dito sa isla."  Tumigil ito sa ginagawa at nag-angat ng tingin sa kanya. "Napanaginipan mo na naman ba siya?" 

Umiling siya.

"Matagal-tagal ko na pong hindi napapanaginipan ang taong iyon, kung totoo man siya. Pero tatay, may gumugulo kasi sa isipan ko. Minsan akong nakunan, hindi po kaya kasintahan ko ang taong iyon at siya ang ama ng dinadala ko noon? Hindi ho kaya may nangyaring masama sa amin noon kaya kami naghiwalay?"

"Hindi ko alam. Kahit ako ay gustong malaman ang nangyari sayo noon, pero tulad ng palagi naming sinasabi sayo, ikaw lang ang makakasagot ng lahat ng tanong mo." Tumango siya sa ama. Napakarami niya talagang tanong sa isipan. Sobrang dami na minsan ay sumasakit na ang ulo niya sa labis na pag-iisip. Naisip na niyang magpa-doktor pero wala siyang sapat na pera para ipa-check-up ang sarili, lagi na lang nauuwi sa gastusin nila sa bahay at pambayad ng utang.

"Hayatim," wala sa loob ma sambit ni Araceae.

"Ano 'yon? May sinabi ka ba Aries?"

"H-ho? Wala, tay." Tumalikod siya at inasikasong muli ang pagdidilig ng halaman. 'Hayatim' iyon ang salitang naalala niyang sinabi ng lalaki sa panaginip niya. Ano kaya ang ibig-sabihin ng salitang iyon?

"Tama!" Nanlalaki ang mata na bulalas niya. May bigla siyang naisip!

"Oh, may problema ba?"

"Teka lang, tay. Maiwan muna kita rito may gagawin lang ako sandali," paalam niya at ibinaba ang balde at tabo na ginamit niya sa pagdidilig.

Tumakbo siya patungo sa salas ng bahay at kinuha ang smartphone. Lakad-takbo na nagtungo siya sa tabing dagat, nang nasa spot na siya kung saan may malakas na signal, binuksan niya ang data ng telepono at nagtungo sa Go*gle at doon tinayp ang salitang 'Hayatim', nagulat siya sa lumabas na resulta.

"Sweetheart?" bulalas niya nang basahin ang ibig sabihin ng salita. Hayatim means 'sweetheart'? Kung ganun maaring kasintahan nga niya ang lalaking iyon sa panaginip niya. Ano ang nangyari sa kanila? Bakit nagkahiwalay sila? Bakit siya nakunan? Sino ba ang lalaking iyon? Sino ba talaga siya?

"Aries..." Napakurap-kurap siya.

"Nay!" Sa labis na pag-iisip 'di niya napansin ang paglapit ng ina sa kanya. "Narito na pala kayo." Sinalubong niya ang ina at kinuha ang mga dala nito.

"Kanina pa kita tinatawag pero nakatulala ka lang sa malayo. May problema ba?" tanong nitong sinilip ang mukha niya. Siya naman itong nag-iwas ng tingin.

"Wala naman po, may iniisip lang ako kanina."

"Si Temur ba?"

"Hindi po. Huwag niyo na po iyong intindihin, 'di naman iyon mahalaga." Ngumiti siya sa ina. 

Tinitigan ni Anne ang anak ng matagal pagkatapos ay nagbuntong-hininga. "Nagkita pala kami ni Temur sa bayan. Ang sabi niya ay susunduin ka niya dito bukas ng umaga." Lumaki ang mata ni Araceae sa binalita ng ina.

"Narito po siya?" Tumango ang ginang. 

"Hala! Bakit hindi ko alam? Anong oras niya raw po ako susunduin dito?" Mahinang natawa ang ina niya. 

"Pambihira kang bata ka, mabuti pa'y tawagan mo siya."

"Oo nga! Sige nay tatawagan ko po si Temur."

"Teka, mamaya na... Tulungan mo muna akong ihatid ito sa bahay." Tukoy nito sa mga bitbit nilang plastic bags

"Ay, oo nga pala. Sige po, mamaya ko na lang siya tatawagan." Na-excite siya nang malamang nasa lugar nila si Temur. Hindi na siya makapaghintay na makita at makausap ang binata! Dalawang buwan na rin mula noong huling magkita sila sa birthday nito siguro naman sapat na ang dalawang buwan. Kapag nakuha ni Temur ang loob ng ama at ina niya, sasagutin na niya ang binata.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status