Share

Kabanata 6

"Invited guest lang ang maaaring pumasok, pasensya na Miss." Dahilan ng security nang tangkain ni Araceae na pumasok sa private pool ng resort kung saan ginaganap ang party ni Temur. Umatras siya upang tingnan ang sign na nakalagay sa entrance. Tama naman siya ng pinuntahan na lugar, nasa loob ang party ni Temur.

"Naiintindihan ko po kuya, pero invited guest talaga ako ng celebrant. Narito pa nga ang regalo ko, oh?" sabi niya at pinakita sa security ang regalo niyang nakabalot ng gift wrapper. Siya pa mismo ang bumili ng gift wrapper sa book store sa bayan.

"Ipakita mo muna sa akin ang invitation card mo, Miss." Nakagat ni Araceae ang ibabang labi at nag-iwas ng tingin. Wala kasi siya ng hinahanap nito. Sa tawag lang siya inimbitahan ni Temur at hindi pa talaga sila nagkikita ulit ng binata simula noong araw na tinulungan siya nito. Wala rin naman siyang nakitang invitation kasama ng regalo ni Temur sa kanya.

"Kuya, pwede bang tawagin mo na lang si Temur? Sabihin mo hinahanap ko siya. A-aries, iyan ang pangalan ko."

"Sorry Miss, pero hindi pwede. Kung invited guest ka nga mabuti pa tawagan mo na lang ang kilala mo sa loob. Hindi talaga kita pwedeng papasukin ng walang naipapakita na invitation card, iyan ang protocol." 

Ginawa nga ni Araceae ang sinabi ng security, ang kaso ay hindi naman sinagot ni Temur ang mga tawag niya, siguro ay busy ito sa pag-aasikaso ng bisita nito.

Malalim siyang nagbuntong-hininga. 

"Sige, kuya. Hindi na lang ako tutuloy, mukhang busy po si Temur. Pwede bang iwan ko na lang ang regalo ko?" Umiling ito. Nanlumo naman si Araceae, mukhang hindi rin niya maipapaabot ang regalo niya kay Temur, sayang pinaghirapan pa naman niya ito. Bagsak ang balikat na tumalikod siya sa entrance ng private pool. Ngunit hindi pa man nakakalayo si Araceae ay may tumawag na sa pangalan niya.

"Aries! Where are you going? Hindi mo man lang ba ako babatiin ng happy birthday?" Nanlaki ang mata na lumingon siya. Si Temur nga! Malaki ang ngiti na tumakbo siya pabalik sa entrance ng pool, nasa tabi lang ni Temur ang security at ang dalawang lalaki na nakaitim na suit. 

"Hindi ako makapasok, wala kasi akong maipakitang invitation card. Bakit ka pala narito? Akala ko ay busy ka sa pag-aasikaso ng mga bisita mo."

"I forgot about the invitation card, sorry. Nakita ka ni James at Rupert na hindi pinapasok ng security kaya tinawag nila ako." Tukoy nito sa dalawang kasamang lalaki. 

Nilingon ni Temur ang security na kausap niya kanina. 

"Bisita ko siya, pasensya na sa abala kuya." Imporma nito.

Kinuha ni Temur ang kanang kamay niya at hinila siya papasok ng private pool. Nahihiya naman siyang nagpaalam sa security dahil sa casual na paghatak ni Temur sa kanya na para bang kay tagal na nilang magkakilala gayong pangalawang beses pa lang nila itong pagkikita. Hindi niya naman naiwasan na 'di pamulahan ng mukha nang tuluyan na silang makapasok ng pool, ang dami palang bisita!

"Okay lang ba na iwan muna kita dito?" tanong ni Temur pagkatapos siyang igiya paupo sa isang outdoor chair sa gilid ng pool. Napakadami ng bisita ang ilan ay nasa swimming pool nagtatampisaw, ang iba naman ay nagkakasiyahan, nag-uusap, kumakain at umiinom na kahit maliwanag pa.

"Oo. Okay lang naman ako dito," magiliw niyang tugon. Ayaw niyang maging abala kay Temur. Sigurado naman siyang may mga mahahalaga itong bisita na kailangan asikasuhin.

Nang umalis si Temur naiwan kasama niya ang isa sa mga bodyguard nito. Rupert ang pangalan ng lalaki kung hindi siya nagkakamali. Katulad ng usual na bodyguard matikas ang pangangatawan ni Rupert, halatang may matambok na abs itong tinatago at tila troso na mga braso. Kayumanggi ang balat nito at maayos na naka-ponytail ang mahaba nitong itim na itim na buhok. Hula ni Araceae nasa twenties lang din ang lalaki tulad niya, mas bata ito kay James na mukhan nasa mid forties na.

"Gusto mo ba ng makakain Miss?" tanong ni Ropert sa gitna ng kanyang pananahimik. Para kasi siyang tuod na nakaupo lang sa silya at hindi kumikilos.

"Hindi. Busog pa ako." Kumain kasi siya ng biko na niluto ng ina kanina. Ibinilin pa nga nito sa kanya na magdala at ibigay kay Temur, pero iniwan niya ang tupperware dahil nahihiya siyang ibigay iyon kay Temur.

"Drinks? Gusto mo ba ng maiinom?"

"Sige, maiinom na lang." Agad na tumalima si Rupert at tinungo ang mahabang lamesa ng mga pagkain at inumin sa gilid ng pool. Nakita ni Araceae na kinausap nito ang waitress na nakatoka sa sponge drinks at nakangiti itong in-entertain si Rupert. Iniwas niya ang tingin at dumako iyon sa couple na nasa gilid ng pool. Nakunot niya ang noo nang hindi maintindihan ang ginagawa ng mga ito. Pareho kasing hindi mapakali na nakalingkis sa katawan ng isa't-isa ang dalawa.

"Ano kaya ang ginagawa nila? Mukhang 'di naman sila nagsu-swimming."

"They're having sex...."

"Ay, kamote!" Napatalon si Araceae sa gulat dahil kay Rupert. Bigla na lang kasi itong nagsalita at halos isampal na sa kanya ang pulang plastic cup.

"Kamote?"

"Ha? Pasensya na. Ginulat mo kasi ako." Tinanggap niya ang inumin at ngumiti sa lalaki. "Salamat. Ikaw, bakit wala kang inumin?"

"I'm not here to party, Miss." Tipid nitong sagot at muling bumalik sa pwesto nito sa likod ng inupuan niya.

Wala naman siyang ibang ginawa bukod sa panoorin ang mga bisita habang umiinom ng sponge drink. Tinanong siya ni Rupert kung gusto ba niyang mag-swimming, pero tumanggi siya. Bukod kasi sa wala siyang kilala sa mga bisita, nahihiya siyang makihalubilo sa mga ito, mukha kasing mayayaman. Isa pa, ayaw niyang mabastos ng ibang bisita, feeling niya kasi marami ang mga lalaking hindi kaaya-aya ang ugali.

Paano kaya naging kaibigan ni Temur ang mga ito? Mabait si Temur at matulungin, ibang-iba sa mga lalaking narito sa party ng binata na kung makatingin sa kanya ay gusto siyang dalhin sa kama. Lumaki man siya sa isolated na isla, hindi siya mang-mang, marunong siyang umintindi ng English at marami siyang alam na pati siya ay hindi rin kayang ipaliwanag. Para bang natural na lang sa kanya na maalam sa mga bagay-bagay.

"Hi, ikaw ang bisita ni Temur na taga-kabilang isla?" tanong ng lalaking bigla na lang sumulpot at umupo sa tabi ni Araceae. Nagulat siya ngunit hindi iyon pinahalata. Tipid siyang ngumiti sa lalaki at tumango bilang sagot. 

"I'm Rowan. Temur's friend," pakilala nito't inilahad ang kanang kamay. Nag-aalangan man ay tinanggap ni Araceae ang pakikipag kamay ng lalaki. 

"Aries," pakilala rin niya dito.

"Pleasure to meet you, Aries. Anyways, do you want to join me and my friends?" Nilingon nito ang dako ng pool kung saan may grupo ng mga lalaki ang nakaupo sa chaise lounge chairs. Kahit siya ay nasa mga lalaki na rin ang tingin. Halata sa itsura na anak mayaman ang mga ito, pamilyar sa kanya ang iba, mula sa kilalang pamilya sa lugar nila, ngunit halatang hindi tagarito ang karamihan.

"Pasensya na. Dito na lang ako," magalang niyang tanggi sa imbitasyon nito. Nagbago agad ang bukas ng mukha ng lalaki, hindi nagustuhan ang naging tugon niya.

"Are you rejecting me? A woman in your class has the guts to decline my offer? Brave yet a very foolish action." Tumayo ito at hinawakan siya sa braso. Agad na lumayo si Araceae ngunit nahuli siya nitong muli sa braso at marahas na hinila patayo.

"Rowan ano ba! Bitawan mo 'ko. Nasasaktan ako!" Hinila niya ang sarili palayo ngunit nabigo siya. Lalo lamang nitong hinigpitan ang hawak sa kanya.

"Sino ka ba para ipahiya ako sa mga kaibigan ko, hamak na taga-isla? You like it or not, you'll come with me!" Sinubukan siya nitong kaladkarin, ngunit may kamay na pimigil sa lalaki at marahas siyang hinila kaya napabitaw si Rowan sa kanyang braso.

"Sorry, Sir. Pero hindi mo pwedeng gawin 'yan sa bisita ni Sir Temur," ani Rupert.

"Sa pagkakaalam ko available ang lahat ng babae sa party na ito. I can f*ck anyone I want—"

"Sorry but Miss Aries here is off limits Mr. Legaspi," magalang at mahinahon na tugon ni Rupert dito.

"Off limits, huh? Ang sabihin mo gusto niyang solohin ang babaeng ito. Fine. I'll leave that dirty woman alone." Nabastos siya't napahiya sa sinabi ni Rowan. Ang mga tao malapit sa kanila ay pinanunood sila ng may pagkadisgusto sa kanya. Nakuyukom ni Araceae ang mga kamao. Nasaan na ba si Temur? Nagpunta siya sa lugar na ito para sa lalaki, hindi para lang mabastos at laitin ng mga kaibigan nito. Mabuti pa siguro magpa-alam na lang siya, hindi niya rin yata ma-e-enjoy ang party na ito.

"Okay, ka lang?"

Tumango siya at hinarap si Rupert. "Pwede ko bang makausap si Temur? Gusto ko na kasing umuwi. Magpapaalam lang ako sa kanya."

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Rupert. Nakita niya ang pag-aalangan na pumaskil sa mukha nito, ngunit agad rin nito iyong binura. Bakit kaya?

"Follow me..."

Dinala siya ni Rupert sa loob ng villa ni Temur. Tulad sa pool area marami rin ang tao sa villa, ang iba ay naghahalikan pa. Bigla tuloy siyang naasiwa dahil sa mga ito. 

Sa third floor ng villa, tumigil sila sa harap ng isang pinto. Isang beses na kumatok doon si Rupert at nagpakilala. Mamaya pa ay lumabas si Temur na nakasuot ng puting roba at gulo-gulo ang buhok. Nagulat siya sa nakita at nag-iwas ng tingin nang magtagpo ang kanilang mga mata. Hindi siya mang-mang para hindi malaman kung ano ang ginagawa nito sa loob, tila may kidlat na karayom ang tumusok sa puso niya sa ideya na may kasama itong ibang babae habang nasa ibaba siya, parang tanga na naghihintay at nag-iisip na babalik ito para i-entertain siya sa party nito.

Pabulong itong kinausap ni Rupert. Tango lang ang tugon ni Temur sa bodyguard at pinaalis rin agad. Bumalik ang lalaki sa loob ngunit hindi nito isinara ang pinto, mamaya pa ay may lumabas na dalawang babae na tulad ni Temur ay nakausot ng roba. Kasunod ng dalawa sumilip si Temur sa pinto. 

"Hey, come in...," anyaya nito.

"H-hindi na Temur... Umakyat lang talaga ako dito para magpa-alam sayo na uuwi na—"

"Not so fast, Aries." Hinuli siya nito sa pulsuhan at hinila papasok ng silid. Kinain agad si Araceae ng takot, pakiramdam niya ay 'di siya makahinga. Ang bilis ng tibok ng puso niya!

"Hey, I'm not going to hurt you."

"Temur... Uuwi na 'ko." Hinila niya ang kamay at pinakawalan naman iyon ni Temur.

"I heard what happened. I'm sorry. I'm not going to hurt you like he did, trust me." Inilahad nito ang kamay sa kanya. Matagal niya iyong tinitigan bago ibinigay ang kanang kamay sa binata. Ngumiti si Temur at maingat siyang hinila palabas sa terrace ng kwarto nito. Bumungad sa kanya ang maliit na jacuzzi, sa gilid naroon ang mahabang lamesa na may pagkain. Nahiya agad si Araceae kay Temur dahil nag-isip siya ng masama nang makita niya ang binata sa ganung itsura kanina.

"Leah and Rebecca are my cousins. Hindi kita na harap agad dahil sa dalawang iyon, ipinahanda ko pa kasi itong request nila." Mapait itong ngumiti. "Alam kung iniisip mong babae ko ang dalawang iyon. They're my cousins and I don't even joined them here," anito at hinubad ang robe. Napatungo si Araceae sa labis na kahihiyan nang makita ang manipis na puting sleeveless at pulang shorts na suot ni Temur.

"Hindi naman sa ganun--" Hindi niya natuloy ang sasabihin nang hawakan ni Temur ang kamay niya at hinila siya palapit dito.

"I like you Aries. I really do," anito at magaan na hinalikan ang kanyang kamay. "I'm very interested in you. Sana hayaan mo akong mas makilala ka pa." Pinikit ni Araceae ang mga mata nang maingat nitong hawakan ang pisngi niya.

"The first time I laid my eyes on you, you never left my mind. No other woman has ever made me feel the way I felt about you. Is this what they call love at first sight?" Dumilat siya at tinitigan ang mga mata ni Temur.

"Mabulaklak kang magsalita Temur," komento niya.

"Hindi kung sa katulad mong kasing ganda ng diwata." Mahina siyang natawa sa sinabi nito. Hindi raw, ngunit daig pa nito ang politiko na tatakbo sa halalan dahil sa mga binitawang salita. Masarap pakinggan ngunit mahirap paniwalaan. Pero inaamin niya... Kinikilig siya sa mga sinasabi nito, ngayon pa lang siya nasabihan na maganda ng isang lalaki.

"Aries, I want to get to know you more. Gusto kong makilala ka at mapalapit sayo, will you let me?" Dalawang kamay na nito ang nakahawak sa kanyang magkabilang pisngi, habang marubdob siyang tinitigan sa mata. Tumango siya bilang sagot at bago pa man siya magbitiw ng kahit anong salita, lumapat na ang labi ni Temur sa kanyang labi at masuyo siyang hinalikan.

"Paano natin kikilalanin ang isa't-isa kung sa makalawa na ang balik mo ng Maynila?" Nahihiya niyang tanong at kinagat ang ibabang labi sabay iwas ng tingin sa binata. 

Ngunit hindi nito hinayaan na mawala dito ang kanyang tingin ng matagal. Gamit ang isang kamay, hinawakan nito ang kanyang baba at inangat ang kanyang mukha.

"Babalik agad ako para sayo, Aries. At habang naroon ako pwede bang textmate at callmate pa rin tayo?" Napangiti siya at tumango. Hindi man ganun kalaking bagay ang pagiging textmate at callmate, kahit papaano ay gumaan ang loob niya. At least, araw-araw niyang maririnig ang boses ni Temur kahit na malayo sila sa isa't-isa.

"Oo naman," positibo niyang sagot.

Ngumiti ito at muling inangkin ang labi niya at sa pagkakataong ito, matagal at mas mainit ang mga halik ni Temur na tinugon naman ni Araceae ng may parehong intensidad.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status