Share

CHAPTER TWO

SI VINCENT…

GUWAPO, MATIKAS, MAPORMA…Iyan si Vincent Valderama. Sa gulang nitong treinta’y nuwebe, ay isa nang matagumpay na negosyante sa sarili nitong negosyo. Ang import/export ng mga produktong gawa sa mga local na materyales tulad ng abaka, kahoy, kawayan, anahaw at iba pa - ang naging best sellers ng dati’y maliit lamang niyang negosyo na ngayo’y matatawag na ring maliit na kompanya, dahil mayroon na rin siyang mahigit dalawangpung  mga tauhan na katulong niyang nagpalago ng kan’yang hanapbuhay.

Galing sa kahirapan at nagsikap na makatapos sa pag-aaral hanggang kolehiyo, naging working student si Vincent sa kurso niyang Business Management. At dati’y empleyado lamang siya bilang Junior Marketer sa isang malaking kompanya na gumagawa ng mga de-kalidad na furnitures sa bansa.

Nahasa ng husto ang kaalaman niya sa larangan na iyon at pinag-aralan niya ang pasikot-sikot ng negosyo. Ipinangako niya sa sarili, hindi habangbuhay ay magiging empleyado lamang siya. Balang araw, siya na ang magiging ‘boss’ sa sarili niyang kompanya, at natupad na nga iyon ngayon. Dahil sa sipag at pagsisikap niya na makamit ang hinahangad sa buhay.

Makaraan ang sampung taong pag-i-empleyo, at nang makaipon ng sapat na puhunan kasama na ang natanggap niyang separation pay nang mag-resign siya sa kompanya, heto na nga ang naging bunga ng pagpupunyagi niyang makapagtatag ng sariling hanapbuhay na hindi na nangangamuhan kun’di siya mismo  ang may-ari at amo.

Ulilang lubos na si Vincent. Maliit pa lang siya nang pumanaw ang kan’yang ina sa panganganak sa pangalawang anak. Sa kasamaang palad, pati ang sanggol na kapatid niya’y hindi rin pinalad na mabuhay.

Nakapag-asawa uli ang kan’yang ama ngunit maging ito ay maagang binawian ng buhay nang maaksidente ang jeep na minamaneho nito nang siya ay binatilyo pa lamang. Mula noon, naging solo na lang siyang namumuhay at sa murang edad ay natuto nang magbanat ng buto upang maisalba ang araw-araw niyang pangangailangan lalo na ang tungkol sa kan’yang pag-aaral. Hinangad niyang makapagtapos dahil gusto niyang makaahon sa kinamulatang hirap. At kailanman ay hindi siya umasa sa mga kamag-anak ng kanilang pamilya at pinatunayan niya sa mga ito na kakayanin niyang tumayo sa sarili niyang mga paa.

“Tingnan mo nga naman pare,” umpisa ni Roy, ang kaibigang matalik ni Vincent. “akalain mo ba, na isang araw, lalaki ng ganito ang dati ay maliit mong negosyo? Dati sa silong ng bahay n’yo lang ang production area mo, ngayon, heto na. Nasa ibang lugar ang production area. May stock room at sariling opisina ka pa ngayon. May kompanya ka na sa malaking building na ito, pare!” Napapa-palatak si Roy habang inililibot ang mga mata sa paligid. “At hindi biro ang renta rito, pare. Isang katunayan na succesful talaga ang business ng kaibigan ko at malaki ang pumapasok na income!”

Nakangiting napatango-tango si Vincent. “Ipinangako ko ‘to sa sarili ko pare, remember? Na pauunlarin ko ang sarili ko. Na hindi habangbuhay, empleyado lang ako. Well, thanks to you. Isa ka sa nagpapalakas lagi ng loob ko at isa rin sa nagbibigay lagi ng mga ideya kung paano ko pa madaragdagan ang mga produktong inilalabas namin sa market.”

“That’s what friends are for, ‘di ba? Anyway, kailangan yata humingi na rin ako ng s’weldo sa ‘yo, pare. Bago pa maubos ang mga ideya kong isini-share sa ‘yo?” biro pa ni Roy.

“Hindi mo pa kailangan ‘yon, pare. Marami ka pang pera. Saka na pag numipis na ang pitaka mo!” nagtawanan uli sila.

“Anyway, nabanggit nga pala ni Dina sa akin, na kung hindi ka raw sana nag-resign sa kompanya, tiyak na ikaw ang pumalit sa puwesto ni Mr. Estanislao. Marketing manager ka na sana, pare. At mas malaki na ang sahod.”

Umiling si Vincent. “I’m sorry for Sir Estanislao loss. Bata pa siya para mawala agad. Sayang, napakabait pa naman niya at may malasakit sa mga empleyado, but pare, okay na ako sa ganito. Na may maliit na negosyo lamang. Ang mahalaga, wala na akong amo. And about Dina, your wife, nabanggit niya noon na magri-resign na rin siya, anong nangyari? Matutuloy ba?”

“Oo, pare. Effective this month. “Tini-train niya rin kasi ‘yong papalit sa kan’ya. Knowing her boss, hindi ‘yon papayag na ang papalit kay Dina ay wala pang masyadong nalalaman sa trabahong bibitawan niya as Executive Assistant. Naiinip na nga ako. Gusto kong tumutok na lang siya sa mga anak namin lalo na kay bunso na malapit nang pumasok sa daycare. Alam mo naman, hindi p’wedeng lagi na lang ipaubaya sa yaya ang mga bata. Tatlo ‘yon, pare. Tatlong makukulit! Madalas nga, late na ako lagi pumunta sa hardware dahil iniintindi ko rin ang mga bata lalo pag pumasok na si Dina sa opisina. Buti na lang at mapagkakatiwalaan ko ang assistant kong si Jak.” Mahabang k’wento ni Roy.

“Tama ‘yon. It’s about time na mag-concentrate na lang si Dina sa inyo lalo na sa mga bata. Ang tagal niya na rin doon. Halos kasabayan ko siya, ‘di ba?”

“How can I forget that, pare? Ikaw ang dahilan kung bakit ko siya nakilala?”

“Kaya wala kang karapatan na humingi sa akin ng suweldo kasi malaki ang utang na loob mo sa akin!”

Napuno uli ng tawanan nila ang paligid.

“Nag-expand na rin ng sobra ang hardware n’yo pare. At kung plano n’yo na magtayo ng isa pang branch, just let me know. Baka makatulong ako.”

Tinapik ni Roy ang balikat ng kaibigan. “Of course! Alam ko naman ‘yan, Vincent. Salamat, pare!”

***

IGINALA ni Vincent ang mga mata sa paligid ng maliit niyang kompanya na iyon matapos makaalis ang kaibigan na dumalaw. Tama si Roy. Successful na siyang matatawag.

Sino ang magsasabing hindi kakayaning magtagumpay ng tulad niya? Na maagang iniwan ng namayapang mga magulang?

Mula sa mga natutunan niya sa panahon ng pagiging empleyado, ini-apply niya iyon upang maumpisahan niya ang minimithi.

Sipag at tiyaga ang naging puhunan niya. Kung paano niya narating ang anomang mayroon siya ngayon.

Mula sa design overseeing, sa pagbili at graphing ng mga materyales, sa pagri-research upang mas ganap niyang maintindihan ang marketing needs and demand, nakabuo siya ng unang produkto na nag-swak agad sa market dahil sa de-kalidad nitong mga katangian.

Sa tulong ng ilang tauhan na kinuha niya, una niyang nabuo ang isang sala set na ang materyales ay binubuo ng sitenta porsiyento ng abaka na personal pa niyang inangkat sa Bicol. At siya mismo ang gumawa ng design noon.  Mula noon, sunod-sunod na ang mga produktong inilabas nila gamit ang mga lokal na materyales na nang kalaunan ay nakarating din sa ibang bansa katulad ng Brunei at Singapore.

Sala set, dining table, cabinet, bed frames…name it. Anything about furnitures, ginagawa ‘yan ng TEAM VINCENT. ‘Yan ang simpleng ipinangalan niya sa kan’yang kompanya. Dahil para sa kan’ya, hindi siya magtatagumpay kung wala ang tulong ng kan’yang mga tauhan. Kaya naman ganoon na lamang ang pagpapahalaga niya sa mga ito.

P’wede na sana siyang mag-isip ng tungkol sa pagpapamilya. Kaya na niya katulad ng madalas banggitin sa kan’ya ni Roy, pero, sino? Kanino? Minsan nang nalagay sa balag ng alanganin ang usaping pang-puso niya at matapos iyon, parang ayaw niya munang sumuong sa panibagong relasyon. Kuntento pa naman siya sa kasalukuyan niyang estado. Binata at malaya. Hindi pa siya nagiging mapaghanap. Kung may darating uli, at magiging kapalaran na niya, bakit hindi. Eh ano kung halos nasa kuwarenta na siya? Isa pa ‘yan sa madalas kant’yaw sa kan’ya ng mga kakilala niya. Basta ayaw na niyang magmadali sa pag-ibig…

At pagsisikapan niya munang mas lumago pa ang negosyong ito para sa magiging mga anak niya sa hinaharap. Iyon ay kung may darating uli na bagong pag-ibig sa buhay niya…

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
Paul Rañin
bagay kyo ni andria
goodnovel comment avatar
Bhie Rambonanza In
baka kayo ni Andrea Vincent ang itinadhana
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status