Share

Kabanata 2

"HOYY! Ikaw pala!" dali-dali siyang lumapit sa akin upang sabayan ako sa paglalakad ko.

    

    Hindi ko siya pinansin at nanatiling nasa daan ang atensyon ko.

    

    "Gusto mong mag-lunch tayo ng sabay mamaya? Promise... treat ko... ako magbabayad." Nagtaas pa siya ng palad nito na animoy nangangako talaga.

    

    "Sorry," mahinang sambit ko. Hindi pa rin ako tumingin sa kanya. Alam kong may pagkakamali akong nagawa sa kanya, lalo na 'yong sinabi ko sa kanyang magpakamatay na siya. Alam kong nag-a-adjust pa ako, pero hindi ko naman talaga intensyong sabihin ang mga 'yon sa kanya.

    

    "Hahaha! Ano ka ba?! Okay lang 'yon... ano? Game ka? Mag-lunch tayo ng sabay?" abot tainga ang ngiti niya.

    

    Bahagya akong napangiti nang dahil sa kanya. Tumango na lang ako at sumang-ayon sa sinabi niya. Wala namang masama.

    

    "Yes!" bakas sa mukha niya ang saya. "I will see you then, byeeee!" paalam niya at tumakbo na ito papasok sa room niya. Mukha siyang bata na naka-inom ng pampa-hyper. Ang cute niya lang tingnan.

    

    Pero nagtataka pa rin ako sa ngiti niya. Hindi ko alam kung bakit gano'n pa rin siya ngumiti sa akin. Parang, kakaiba talaga. Hindi ko ma-explain.

    

    "Okay, class! Kindly pass your reports in front,"

    

    Ibinigay ko 'yong report kong nasa folder sa babaing nasa harapan ko. Gano'n kasi kami magpass, by row. Pakiramdam ko hindi ako mapakali sa kinauupuan ko, dahil tabi ko lang ang bintana, maraming dumadaan doon. Feeling ko talaga may nakatingin sa akin.

    

    "That's it for now, good bye class!"

    

    "Good bye, Ma'am."

    

    Tumayo na ako sa kinauupuan ko. Habang nag-aayos ako ng gamit ko ay may kaba akong nararamdaman. Pakiramdam ko talaga may nakatingin sa akin nang hindi ko alam. Nang maisukbit ko ang bag sa likuran ko ay napalingon ako sa bintana.

    

    Nagulat ako nang makita ko siyang kumakaway doon. Hindi ko pinahalatang nagulat ako. Kanina pa ba siya ro'n? Kumakaway siya habang abot tainga 'yong ngiti niya. Para niya akong tinatawag.

    

    "How was your day?" Sa tuwing titingin ako sa kanya ay nakangiti ito. Siya 'yong nasa unahan habang naglalakad kami. Dahil mahaba ang buhok nito, sumasabay ang paghawi nito sa bawat galaw niya. Kaya kapag lilingon siya sa akin, gumagalaw iyon. Ang ganda niya lang pagmasdan. "Siguro gutom kana?"

    

    "Hinintay mo ba 'ko kanina?" walang emosyong tanong ko.

    

    "Oo naman. Two subjects lang kami ngayong araw kaya may dalawang bakante. Tumambay na lang ako malapit sa bintana niyo at buong oras kitang pinagmasdan," sabay lingon niya sa akin at ngumiti.

    

    Nagpakawala ako ng mahabang buntong-hininga. Sabi ko na nga ba, kaya hindi ako mapakali kanina dahil tinitingnan niya ako. Hindi nga ako nagkamali.

    

    "Yan! Anong gusto mong ulamin? May meat, fish o 'di kaya 'tong gulay." Pinagpipilian niya 'yong ulam sa mesa, bakit kailangan pa niya akong tanungin?

    

    "I prefer vegetables," sambit ko.

    

    Nilagyan niya 'yong plato ko ng gulay. Hinayaan ko lang siya sa ginagawa niya. "'Yan! Kumain ka na,"

    

    "Hindi ka ba nangangawit kakangiti mo?" tanong ko sa kanya habang nasa pagkain ang atensyon ko.

    

    "Hindi!" Kahit hindi ko siya sulyapan ay alam kong nakangiti siya.

    

    Habang kumakain kami ay may kung anong isinusulat siya sa isang maliit na notebook. Parang mini diary niya ito. Curious ako kung anong isinusulat niya roon. Kaya tinanong ko siya. "Ano 'yan?"

    

    "Diary ko. Lahat nang nangyayari sa buhay ko kasama ka, isusulat ko rito." nginitian niya ako. "At p'wede ba? Ngumiti ka naman, hindi 'yong lagi kang nakasibangot diyan... please.." Bahagya siyang tumayo upang abutin 'yong pisnge ko at ikinorte niya iyo na parang nakangiti. "'Yan, dapat ganiyan.. hahahaha!"

    

    Bumalik na siya sa upuan niya. Ngumiti na lang ako ng pilit para hindi siya malungkot. Siguro ito 'yong magandang nangyari sa buhay ko ngayon, at least kahit papa'no ay may masasabi akong best part sa buhay ko.

    

    Nang matapos kaming kumain ay naglakad-lakad na kami papunta sa kung saan kami dadalhin ng aming mga paa. Hanggang ngayon ay nagsusulat pa rin siya sa diary niya. Kaya habang abala ito, hindi ko maiwasang mapatitig sa kanya.

    

    Ano bang mayroon sa isang katulad mo? Bakit hindi ako maka-hindi sa lahat ng gusto mo? Hindi naman ako dating ganito. Lahat ng kumakausap sa akin kaya kong baliwalain, pero ikaw? Hindi ko kaya.

    

    "Kwento ka naman," rinig kong aniya at isinara na niya 'yong diary niya.

    

    "Ano namang ikwekwento ko?" mahinang tugon ko.

    

    "Sa buhay mo. Kung bakit ka ganyan. Bakit wala kang kaibigan, walang kasa-kasama, walang kumakausap sa iyo. May problema ba?"

    

    Dapat ba akong mag-open sa kanya?

    

    Umiling na lang ako. Nakakita ako ng isang bench kaya umupo ako roon. "Wala,"

    

    "Anong wala?" Umupo siya sa tabi ko at hinarap niya ang mukha ko sa mukha niya. Hinawakan niya 'yong pisnge ko. "Kitang-kita ko sa mga mata mo. Ang lungkot ng buhay mo,"

    

    Inalis ko 'yong kamay niya. "May sinabi ba akong hawakan mo ang mukha ko?"

    

    "Bakit? May masama ba ro'n? Kahit na singkit ka, nakikita ko pa rin 'yang mga katotohanan sa mga mata mo. Para kang nasa dagat, may malakas na bagyo at parang tinatangay ka niyon. Tapos bigla ka na lang lulubog dahil feeling mo may humihila sayo pababa. Wala kang naririnig kundi 'yong tunog lamang sa ilalim ng dagat. Unti-unting dumidilim ang paligid mo habang lumulubog ka.” Napahinto ako sa mga sinabi niya. "Sige, sabihin mo ngayon. 'Yan yong totoong nararamdaman mo hindi ba?" nakatingin lang siya sa akin.

    

    Napayuko ako at agad nag-iwas ng tingin sa kawalan. Humihigpit 'yong pagkakahawak ko sa pantalon ko. Bakit ganito 'yong nararamdaman ko? Bakit pakiramdam ko sa buong buhay ko ay nakasama ko na siya? Bakit halos lahat alam niya?

    

    Hindi ko marinig 'yong ibang tao. Para akong nasa ilalim ng madilim na karagatan, unti-unting nahuhulog at lumulubog, sumisigaw ngunit walang nakakarinig.

    

    Napalingon ako sa kanya. "Sino ka ba talaga?" kinakabahang tanong ko sa kanya.

    

    "Nababasa ko 'yang mga mata mo, nababasa ko kung gaano kalungkot 'yang buhay mo." Nakangiti pa rin siya hanggang ngayon.

    

    Umiling-iling ako. Hindi, hindi p'wede 'to. Ni minsan wala akong pinagkwentuhan ng mga problema ko o mga nangyari sa akin noon. Kahit pamilya ko ay walang alam. Imposible 'to!

    

    Tumayo ako at tumalikod sa kanya.

    

    "Hindi kita kilala. Pero nararamdaman kita." Napalingon ako dahil sa sinabi niya.

    

    "Umalis ka na," sambit ko at nagsimula na akong magmartsa palayo sa kanya.

    

    Hindi p'wede 'to! Bakit alam niya 'yong tungkol do'n? Nagsisimula na akong kabahan. Wala akong pinagsabihan ng mga problema ko, wala! Wala! Wala! Ano bang mayroon sa kanya? Bakit lagi siyang nakangiti? Bakit gusto niya akong makasama?

    

    Biglang bumuhos ang malakas na ulan habang naglalakad ako. Wala akong nagawa kundi mapayuko na lang. Tatawid na sana ako sa kabilang kalye nang bigla akong businaan.

    

    "Hoyyy! Wala ka bang mata?! Bwisit!"

    

    Mas lalong kumuyom ang kamao ko at nagpatuloy na ulit sa paglalakad.

    

    Ayoko na ng ganito. Pagod na 'ko. Ayoko ng magpakita sa mga tao. Sa mga mata nila, wala akong kwentang tao! Punong-puno ako ng kasalanan, punong-puno ako ng kamalasan. Walang tao ang nagkakaroon ng oras para sa akin. Walang pumapansin, mas lalo akong nasasaktan nang dahil doon. 'Yong tipong ikaw lang ang nakaka-alam ng sitwasyon mo, sobrang sakit itago ng mga 'yon.

    

    "Anak, kain na," rinig kong sambit ni mama habang kumakatok sa pinto ng kwarto ko.

    

    Hindi ako sumagot, nakahiga lang ako sa kama ko habang nakatulala sa kawalan.

    

    "Anak, Raymond..."

    

    "Ma, hayaan mo na muna siya. Baka pagod lang, okay?" rinig kong pagpapakalma ni ate kay mama.

    

    Tumigil naman na siya sa pagkatok.

    

    Ayoko munang maistorbo nang kung sino. Gusto kong mapag-isa. Pero paano? Pakiramdam ko lagi katabi ko 'yong Kate na 'yon. Hindi ako mapakali hangga't hindi ko nalalaman kung ano talagang papel niya sa buhay ko. Kung sino siya, kung anong ibig sabihin niya sa bawat sinasabi niya. Naguguluhan ako!

    

    Kinuha ko 'yong phone ko at 'yong earphone. Nagsimula akong makinig ng mga japanese pop songs para kumalma ako. Ipinikit ko ang aking mga mata, kumakalma na ang utak ko sa pag-iisip. Hindi ko namamalayan na nakatulog na pala ako ng mahimbing.

    

    This is how I escape my life for a while. This is how I escape my sadness and pain. I know this is too much, to the point that I can't handle all of this. Parang gusto ko na lang sumabog.

    

    Hindi ko marinig 'yong ibang tao. Para akong nasa ilalim ng madilim na karagatan, unti-unting nahuhulog at lumulubog, sumisigaw ngunit walang nakakarinig.

    

    Hindi makatakas dahil ako'y hinihila pababa. Pilit akong umaahon, ngunit hindi ko magawa. Sinubukan ko, ngunit hindi, hindi ko talaga kaya.

    

    Takot, lungkot, masalimuot na pangyayari ang kumakatok. Pusong nadudurog habang katawa'y lumulubog.

    

    Wala akong marinig....

    

    Kateeeeeeee!

    

    Agad akong bumangon at napahawak sa ulo ko. Masamang panaginip. Hinahabol-habol ko ang hininga ko. Hinawakan ko 'yong dibdib at leeg ko.

    

    "Buhay ako," sambit ko sa sarili ko at bahagyang ngumiti.

    

    Akala ko talaga nalulunod na 'ko. Akala ko totoo. Hindi ko inaasahang magiging gano'n ang takbo ng panaginip ko. Nakakatakot. Tapos, sa dulo ng panaginip ko, habang hinihila ako ng karagatan pababa, tinatawag ko ang pangalan ni Kate.

    

    "Si Kate," sambit ko.

    

    Tumayo ako sa kinahihigaan ko at lumabas ng kwarto. Pagkalabas ko ay nadatnan kong naglilinis si mama. "Oh? Gising ka na pala. Hindi ka kumain ng hapunan kagabi. Okay ka lang ba?"

    

    Tumango ako, "Opo ma,"

    

    "Kumain ka na riyan. Kahit late ka na, pumasok ka pa rin,"

    

    Hanggang ngayon ay hindi pa rin mabura sa isipan ko ang panaginip na 'yon. Nagtataka rin ako kung bakit tinatawag ko 'yong pangalan niya.

    

    "Mond, may naghahanap sa iyo! Kaibigan mo raw!"

    

    Napakunot noo ako. Dali-dali akong pumunta sa sala. Laking gulat ko na lang nang makita kong nakangiti si Kate habang naka-upo sa sofa namin. Nakahinga ako ng maluwag nang makita ko siyang okay.

    

    "Okay ka lang ba?" tanong ko agad sa kanya.

    

    "Oo naman. Pumunta ako rito para itanong din 'yan sa iyo." Nakangiti pa rin siya. Parang wala siyang pinoproblema.

    

    Haist! Mond naman e! Ang daming iniisip! P'wede ba? Chill ka lang!

    

    Nasa kusina kami. Pina-upo ko muna siya para makapag-agahan. Dahil nagtitimpla ako ng kape, pinagtimpla ko na rin siya.

    

    "Coffee?"

    

    "Thanks," nakangiting sagot niya. Halata ngang hindi siya nangangawit sa kakangiti niya. 'Yong totoo? Robot ba 'to?

    

    "Tungkol kahapon... pasensya ka na. Nadala lang ako ng damdamin ko," nakatingin ako sa kawalan habang umiinom ng kape.

    

    "Wala 'yon. Ang akin lang, gusto kitang tulungan. Ayokong mawala sa mundong 'to nang hindi ka sumasaya,"

    

    Napayuko ako nang dahil doon sa sinabi niya. Nakakaramdam ako ng paninikip ng didbib. Hindi ko alam kung bakit. Kahit hindi ako magsalita, alam kong alam niya kung anong nasa loob ko. Naniniwala na ako sa kanya ngayon.

    

    "Ano ba 'yong sinasabi mong mamamatay ka na? May sakit ka ba?" tanong ko.

    

    Umiling siya. "Wala. Wala akong sakit. Pakiramdam ko lang na anytime p'wede akong mamatay."

    

    "Tss! H'wag ka ngang magsalita ng ganiyan. Hindi magandang biro 'yan!" Hindi ako naniniwala ro'n. Hindi mo naman talaga malalaman kung kailan at kung saan ka mamamatay. Saka, base sa mukha niya, masyado pa siyang bata para mamatay.

    

    "Uhm. Hayaan mo na, kalimutan mo na 'yon. Basta gusto kitang makasama, p'wede ba 'yon?" Ngumiti ito na halos mapunit na ang labi niya. Ang cute niyang tingnan.

    

    Wala sa sarili akong natawa.

    

    Teka? Ha? Tumatawa ako?

    

    "Uyyyy! Tumatawa ka na? Seryoso ba 'yan?" laking tuwa ni Kate nang makita akong tumatawa.

    

    Sinubukan kong pigilan. Tumango na lang ako sa kanya. Nang dahil do'n pumalakpak pa siya. Hahaha. Nakakatuwa talaga si Kate. Ngayon lang ulit ako tumawa ng ganito. Kahit papa'no nga ay napapasaya niya ako.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status