Share

Kabanata 1

15 YEARS AGO

Napangiwi ako sa kapatid ko habang pinaglalaruan nito ang lipstick ni Mama.

“Ate, ano ba ‘yan? Labas na kasi tayo!” Kanina ko pa siya niyayayang lumabas para makipaglaro sa mga kaibigan namin ngunit parang wala itong naririnig. Abala siya sa harapan ng salamin ng kabinet namin.

“Papagalitan na naman tayo niyan, ginamit mo na naman ‘yan.” Tukoy ko sa kulay pulang lipstick na hawak niya. Tumawa lang ito sa sinabi ko at hindi ako pinansin. Napairap ako dahil kahit anong gawin niyang pag lagay ay lumalagpas pa rin iyon sa kan’yang labi.

“Bahala ka nga, kanina pa ‘ko niyayaya ni Maymay mag laro.” Tinalikuran ko na siya at lumabas ng kwarto namin.

Bumaba ako sa may sala at naabutan si Mama na nanonood ng telenovela na madalas niyang subaybayan sa hapon. Napatingin ito sa akin bago napunta ang mga mata niya sa hagdanan sa likuran ko.

“Ang ate mo, Aya?”

Napangiwi ulit ako dahil sa tanong nito sa akin. Napakamot ako sa ulo dahil hindi ko alam kung sasabihin ko ba kung anong kabaliwan ang ginagawa ng kapatid ko sa kwarto. Mamaya kasi ay madamay pa ‘ko kung ilalaglag ko siya.

“Nasa taas po,” simpleng sabi ko at ‘di na dinugtungan. Kinuha ko ang paper doll na nakalagay sa maliit na lamesa sa harap niya dahilan kung bakit napa angat ang kilay nito.

“Lalabas ka? Mag gagabi na, tumigil ka riyan.” Napasimangot ako. Kasi naman si Ate, e! Kanina ko pa niyayaya, ‘yan tuloy ‘di na p’wede. Kainis! Dapat talaga kanina pa ‘ko umalis.

Sumalampak na lang ako nang upo sa sofa sa tabi ni Mama. Hindi na ako sumagot dahil tiyak mapapalo na naman ako kapag nagpumilit ako. Ang hapdi pa nga ng palo niya sa akin sa puwit dahil tumakas ako para mag jolen kahapon. Ayoko na madagdagan iyon!

“Ano bang ginagawa ni Criselda sa itaas? Pababain mo nga!” Lalo akong sumimangot. Nautusan pa nga!

“‘Te, baba ka raw!” sigaw ko habang pinapalitan ng damit ang paper doll na hawak. Natawa naman si Mama sa tabi ko kung kaya’t napatingin ako sa kan’ya. Napailing ito sa akin.

“E ‘di sana ako na lang tumawag kung isisigaw mo lang din naman po, ‘di ba? Ang batang ‘to talaga!” Ginulo nito ang buhok ko bago ulit nabaling ang atensyon niya sa TV.

Mga ilang minuto pa ay bumaba na rin ang magaling kong kapatid. Naningkit ang mata ni Mama sa kan’ya. Pa’no kasi ay kahit nabura niya ang lipstick sa bibig, may marka pa rin nito sa kwelyo ng damit niya. Napairap ako ulit. ‘Pag ako talaga nadamay, ay talaga naman!

“Ginamit mo na naman ba iyong lipstick ko, Criselda?” Agad na napahinto si Ate na dapat yata at papunta sa kusina.

Umiling siya at akmang tatakas na kaso nagsalita ulit si Mama.

“May mantsa ‘yong damit mo, magsisinungaling ka pa?” Napadasal ako na sana ‘wag akong madamay nang tumayo si Mama mula sa pagkakaupo. Shetoks naman, ‘di na nga nakapaglaro, madadamay pa ata!

“A-ah, sinubukan ko lang po, Ma.” Napayuko si Ate nang lumapit si Mama sa kan’ya. ‘Pag ‘to tumingin sa banda ko, di-dilaan ko talaga ‘to. Kulit ka, ha?

“Anong sinabi ko sayo? ‘Di ba sinabi ko na ‘wag kang mangingialam ng gamit na hindi naman sa’yo?”

Napabaling ako sa TV sa harapan nang makitang kumuha ng hanger si Mama. Pinilit kong libangin ang sarili sa panonood habang naririnig kong pinapalo ang kapatid ko. ‘Wag kang lilingon, Aya! ‘Pag lumingon ka, susunod ka na!

Halos hindi ko na marinig ang tunog mula sa telebisyon dahil sa iyak at pagmamakaawa ni Ate. Nang napadako ang tingin ko sa orasan at nakitang malapit na mag ala sais ay agad akong tumayo.

Hindi ko binalingan ang kahit na sino sa kanila at kumaripas papunta sa kusina. Mag sasaing ako para ‘di ako masunod sa palo!

Habang hinuhugasan ko ang bigas ay biglang may kumatok sa gate dahilan para magsitahulan ang mga aso sa kalapit na mga bahay.

“Aya, tingnan mo nga kung sino,” utos ni Mama na agad ko namang sinunod.

Taka kong tiningnan ang isang matangkad at matipunong lalaki sa labas ng gate. Sa likuran nito ay isang magarang kulay itim na sasakyan. Ngumiti ito sa akin.

“Ikaw si Aya, ‘di ba?” Tumango ako rito. Mas lumapad ang ngiti nito sa akin.

“And’yan ba si Mama mo?” Napatingin ako sa pintuan ng bahay namin bago ulit bumaling sa misteryosong lalaki.

“Tawagin ko lang po, manong,” paalam ko sa kan’ya bago pumanhik ulit papasok.

Nang makapasok ay nakaupo na ulit si Mama sa sofa at nanonood habang si Ate naman ay luhaan na itinutuloy ang pag sasaing.

“Sino raw?” tanong ni Mama na hindi inaalis ang tingin screen sa harapan.

“Ewan ko po, nagtanong lang po kung andito ka raw. Lalaki po, e, may dala rin pong kotse,” sagot ko.

Taka kong tiningnan si Mama nang napatayo ito bigla at kumaripas palabas. Anong meron?

Ngunit wala pang ilang segundo lamang ay pumasok ulit si Mama.

“Doon muna kayo sa itaas, bilis! Walang bababa hangga’t ‘di ko sinasabi. Makakatikim talaga kayo sa akin, isang suway pa!”

Kaya naman ay agad kaming sumunod ni Ate na kakatapos lang magsaing. Nang makapasok kami sa loob ng kwarto ay saka lamang tumunog pabukas ang gate. Dinig ko ang tawa ni Mama at n’ong ‘di kilalang lalaki sa ibaba.

Sinubukan kong ilapat ang tainga ko sa pintuan ng kwarto para mas marinig pa sila kaso ang malakas na hikbi ng kapatid ko ang naririnig ko. Iritado kong binato ito ng hawak ko na unan.

“Tigil ka nga, kakulitan mo kasi, e! Tapos ngayon ay iiyak iyak ka riyan.” Inirapan ko ito at mas lalo pang pinag igihan na pakinggan ang usapan sa ibaba.

Nagulat ako nang may lumipad din na unan sa akin.

“Ang sakit, bwiset ka! Sinumbong mo ‘ko, ‘no? Kaya nalaman ni Mama na ginamit ko!” Inirapan ko siya ulit at hindi na muna pinansin dahil sa kuryusidad ko sa lalaking nasa ibaba. Kung sinumbong ko siya sana ay kanina pa siya napalo!

“Ricardo, alam mong hindi tayo p’wede rito, andito ang mga bata.” Napakunot ang noo ko sa sinabi ni Mama. Ricardo? Sinong Ricardo? Pinilit kong alalahanin ang mga pangalan ng mga kamag-anak at kapit-bahay namin. Wala akong matandaan na may pangalang Ricardo sa kanila.

“Hoy, ano bang ginagawa mo riyan?” Tanong ni Ate kung kaya’t hindi ko narinig ang sinabi ng lalaki pabalik.

“Pocha, manahimik ka nga,” bulong ko kay Ate na ngayon ay nagtataka na rin sa ginagawa ko. Lumapit ito sa akin at ginaya ang posisyon ko.

“Bakit? Ano meron?” marahang bulong niya at sinubukan ding makinig sa usapan.

“May lalaki, e. Mukhang mayaman, may kotse,” bulong ko pabalik. Nagsalubong naman ang kilay ng kapatid ko sa pagtataka.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status