Panay ang buntonghininga ni Eleanor habang nakatitig sa apoy na tila nagsasayaw sa tungkuang lupa. Kasalukuyan siyang nagluluto ng kaniyang agahan, pero lagpas alas-diyes na ng umaga. Madalas ay ganoon ang rutina niya sa isla mula nang umuwi siya roon. Gigising ng tanghali, matutulog ng madaling araw. Minsan pa, hindi talaga siya dalawin ng antok. Tila wala sa sariling binuksan niya ang kalderong nakasalang. Bigas ang laman niyon, pang buong maghapon na niyang kainan. Dahil kung hindi niya gagawin iyon, baka pati pagkain ay katamaran na niya. Palagi kasi siyang walang gana, palaging tulala, at palaging malungkot. Alam naman niya kung ano at sino ang dahilan niyon, hindi niya lang magawa pang tanggapin ang lahat. Muli niyang ibinalik ang takip ng kaldero nang makitang hindi pa naman kumukulo iyon. Dahil sa pagiging lutang niya, hindi niya naisip na kasasalang pa lang niya sa niluluto at kalahating oras pa ang hihintayin niya bago maluto iyon.
Last Updated : 2025-10-29 Read more