Share

Kabanata 8

Dire-diretso kong tinahak ang mapunong daan papunta sa amin. Malapit nang dumilim kaya mas binilisan ko ang lakad ko. Hindi dilim ang kinakatakutan ko kundi ang galit ni nanay at tatay sa akin. Bantay-sarado na nila ako dahil sa nangyari.

Natigil ako sa aking paglalakad at napahiyaw nang may humablot sa akin papasok sa mapunong bahagi.

Bigla akong binundol nang kaba ngunit agad ding napawi sa aking nakita. Nanlalaki ang mata ko nang harapin ako ni Sander. Ang akala ko ay masamang tao na ang humablot sa akin.

Agad akong pumiglas sa kanyang hawak. Ramdam ko ang tusok ng mga mga maliliit na sanga at talahib sa aking balat.

"Ano ba! Ba’t bigla-bigla ka na lang nanghihila? Nakakagulat ka naman akala ko kung sino na,” nandidilat ang mga mata kong nakatingin sa kanya habang nakahawak sa aking dibdib.

Inis na inis ako dahil sa paghila niya sa akin.

"Cha naman eh, huwag mo na kasi akong iwan.” Hindi na ako nagpumiglas nang hinawakan niya ako. Inaamin kong gusto ko ang pakiramdam ng kanyang yakap ngunit iniiwasan ko lang ang mga talahib na tumutusok sa aking balat kaya’t nagpaubaya ako.

"Hindi na magbabago ang desisyon ko,” matigas kong sabi sa kanya.

Pinilit niyang hinuli ang tingin ko dahil hindi ko kayang makipagtitigan sa kanya. Pakiramdam ko ay magiging marupok na naman ako at muling bibigay sa gusto niya.

"Ganito na lang ba tayo? Hanggang tingin na lang ba ako sa'yo?” Malungkot niyang saad.

Humugot muna ako ng lakas ng loob bago ako kumawala sa kanya saka siya tinalikuran. Humapdi ang aking balat na sumagi sa mga sanga ng kahoy at talahib sa pagmamadali kong makalayo sa kanya. Hindi pa man ako nakalimang hakbang ay naririnig ko na ang mga boses ng aking mga magulang.

"P*ta talaga ang batang 'yon gabi na wala pa rin, hindi ko lang talaga makita-kitang magkasama na naman sila ng Sander na iyon at kakalbuhin ko na siya.” Nararamdaman ko na ang gigil sa boses ni nanay.

"Malilintikan talaga yan sa'kin mamaya,” segunda pa ni tatay.

Nagpang-abot kami ni Sander dahil sa pagtigil ko nang marinig ang nag-uusap. Nag-aalala akong tumingin kay Sander.

"Umalis ka na!” halos nagmakaawa ang boses ko para lang mapaalis siya.

Handa akong harapin lahat ng galit nila sa akin pero baka hindi ko kakayanin kung anuman ang magawa nila kay Sander.

Bago pa ako humakbang pasulong ay muli niya akong hinila sa may talahiban at kumubli roon. Nasa likod ko siya kaya't agad kong naramdaman ang matigas na bagay na tumutusok sa aking likuran. Agad niyang ipinatong ang kamay sa ulo ko, dahil matangkad siya sa akin ay sumubsob ako sa kanyang dibdib. Mas lalo niya akong ikinubli sa may talahib nang papalapit na ang boses nila nanay.

Tumigil yata ang mundo ko dahil sa nangyayari. Hindi na ako makapag-isip nang tama dahil sa nararamdaman ko ngayon.  Mali mang isipin ito pero nararamdaman ko pa talaga ang matigas na bagay na tumutusok sa akin. Tahimik na ang paligid nang mag-angat ako nang tingin sa kanya.

Parang nagulat pa siya nang bigla siyang lumayo sa akin. Maging ako ay nagulat din sa naging reaksiyon niya.

"Sorry!" usal niya

Napakagat ako sa aking labi at kinalma ang sarili. Hindi ko na binigyan ng malisya ang nangyari at bigla ko na lang siyang iniwan. Sinasampal-sampal ko ang mukha ko habang kumakaripas sa paglalakad. Nag-iinit ang buong mukha ko at katawan.

Hindi na rin sumunod si Sander hanggang sa makarating ako sa bahay. Natigil ako sa pagmamadaling makapasok nang madatnan si Tintin na nasa harapan ng salamin at hinihipo ang kanyang mukha. Wala na ang mga benda sa kanyang mukha at katawan. Bigla akong inatake ng konsensiya habang pinagmamasdan ko siyang tinatanaw ang sarili sa salamin. Blangko ang kanyang emosyon habang hinihipo ang sunog na parte ng kanyang dating makinis na mukha.

Matalim ang mga tingin niya mula sa salamin na nakatitig sa akin. Tumayo siya at lumapit sa akin.

"Nakikita mo ba ang resulta ng kapabayaan mo? Anong pakiramdam na makita ako sa ganitong sitwasyon, masaya ka ba?”

Ang sakit niyang magsalita. Wala akong magawa kundi lunukin ang sama ng loob ko sa mga salitang galing sa kanya, nawala na ang respeto niya sa akin.

"Tin, pwede bang respetuhin mo naman ako kahit konti? Konti lang, ate mo pa rin naman ako kahit paano. Nawawala na ang respeto mo sa akin,”

Para siyang baliw na tumawa mag-isa at muling tumingin sa akin nang matalim. Hindi na yata mawala sa kanya ang mga nanlilisik niyang mga mata.

"Nawala na ang respeto ko sa'yo simula nang gabing 'yon, at huwag mo akong tuturuan kung dapat ba kitang respetuhin o hindi. Nakalimutan ko nang kapatid kita,”

Natulala lang ako nang sinadya niyang bungguin ang balikat ko at lumabas. Panong ang isa kong kasalanan ay nagpabago sa kanya? Naiintindihan kong galit siya pero mas matanda pa rin ako sa kanya. Paano niya ako nakayanang sagutin ng ganito?

Hindi ko naman sinadyang masunog siya. Matatanggap ko pa kung kamuhian niya ako dahil sinadya ko siyang sunugin, pero aksidente ang nangyari.

Kung natuloy ba ang pagkamatay ko ay napatawad na kaya niya ako? Tatanggapin niya kayang aksidente ang nangyari?

Nanlulumo akong tumungo sa loob at nagbihis. Muli kong naalala si Sander kaya't napadasal na lang ako na sana hindi sila magsalubong ni tatay at nanay.

Saktong paglabas ko papunta sanang kusina ay siya namang pagpasok ni nanay at tatay.

"Saan ka galing?” Agad na usisa ni nanay.

"May meeting lang kami nay, tay kaya ako ginabi,” sagot ko na totoo naman, pwera lang yung pagkikita namin ni Sander

"Bakit hindi ka namin nakasalubong sa daan?”

Napalunok ako sa tanong ni tatay. Anong isasagot ko?

"Baka nagkasalisihan lang tayo,” agaran kong sagot. Hindi naman siguro halatang kabado ako.

Matalim ang tingin ni nanay sa akin mukhang may pagdududa.

"Ayos-ayusin mo lang ang pagtatago Cha. Sinabi ko na sa'yong isang pagkakamali mo pa kakalimutan ko nang anak kita,” banta ni nanay.

Alam ko naman nay, kaya nga nakipaghiwalay na ako kay Sander kahit hindi niyo sinabi.

Ang hirap pala ng ganito, yung bawat kilos mo ay bantay sarado.

Ang hirap magkamali parang lahat ng gagawin mo ay hindi tama. Ang hirap buoin ang isang bagay na nawasak. Parang isang puzzle na kailanma’y hindi mabuo dahil nawawala ang isang parte.

Sinira ko ang tiwala nila sa akin at kahit anong pilit kong buuoin ito ay may kulang pa rin at hindi ko mahanap ang basag na pirasong iyon.

Dahil sa gaganaping prom ay nagpatawag ng PTA Meeting. Hindi ko pa nasasabi kay nanay at tatay ang tungkol dito kaya't ako na lang muna ang nakinig. Simula nang araw na iyon pakiramdam ko ay nawalan na ako ng karapatan sa kanila.

Habang nakikinig ako ay naglalakbay ang diwa ko kung saan ako hihiram ng isusuot. Wala ring pera si nanay at tatay para mag rent ng isusuot at wala rin akong kakilalang mahihiraman. Hindi naman daw kailangang bongga basta ay long gown.

Napabuntong hininga na lang ako nang matapos ang meeting. Hinintay ko munang magsialisan ang mga parents. Lumapit ako kay ma’am Flores pero naunahan ako ng isang nanay kaya't hinintay ko muna silang matapos sa pag-uusap.

"Ma’am?" Napatingin siya nang lumapit ako sa kanya.

"O, Cha bakit hindi pumunta ang nanay mo?” agad niyang tanong.

"Hindi pa po nila alam ma’am, hindi ko pa sinabi sa kanila.” Nagtatakang tingin ang iginawad niya sa akin. ”Alam niyo naman po ang nangyari at hindi maganda ang relasyon namin ni nanay at tatay,” ngumiti pa ako nang malungkot sa kanya. Hindi naman lingid sa kaalaman niya ang nangyari kaya’t naiintindihan niya ang ibig kung sabihin.

"Kung gusto mo ako na lang ang magsasabi sa kanila?” Agaran akong umiling sa kanya.

"Huwag na po ma’am, kung pwede sana hindi na lang ako pupunya sa prom?” Nangungusap kong sambit.

Matagal siyang nakatingin sa akin bago nagsalita "Cha, naiintindhan ko naman ang sitwasyon mo, pero hindi talaga pwedeng maging exempted ka. Una pa lang ay sinabi ko na nang malinaw at isa pa mababa ang grades mo hindi kayang hatakin ng special exam ang grades mo. Isa pa magiging unfair sa iba kung papayagan kita.”

Para akong sinampal sa kanyang sinabi. Oo nga naman, wala akong kakayahang ipasa ang special exam at makapal na talaga ang mukha ko kapag nanghingi pa ako ng isa pang special exam. Naiintindihan ko naman si ma’am pero wala akong choice ngayon kundi magmakaawa na lang.

"Huwag kang mag-alala tutulungan kita para makahanap ka ng mahiraman,”

Kumislap ang mata ko dahil sa sinabi niya. “Talaga po? Salamat talaga maam!” Pinagdikit ko pa ang aking mga palad dahil sa pasasalamat.

Kahit hindi naman dapat ay natutuwa ako dahil kay ma’am. Kahit pa pinapamukha sa akin ng pagkakataon na isa akong kawawang nilalang pero pilit nitong pinapaintindi sa akin na dapat akong magpasalamat dahil may mga tao pa ring handang tumulong sa akin.

Naging abala ang mga guro dahil sa paparating na JS Prom kaya wala gaanong klase. Lumipat kami sa open ground at nagpractice ng buong routine para sa program. Kasama si Andra sa cotillion dance at si Rita naman ang magiging emcee, samantalang ako ay nagmamasid lang sa mga kaganapan.

Napasulyap ako kay Arnold at Sander na nakaupo sa may di kalayuan. Hindi ko alam kung anong pinag-uusapan nila pero nararamdaman kong tungkol ito sa akin dahil sa akin nakatuon ang tingin ni Arnold. Mag-iisang linggo na ring hindi na kami gaanong nag-uusap at tamang sulyap na lang sa isa't isa.

"Okay, 15 minutes break muna guys,” anunsiyo ng baklang nagtuturo ng steps para sa Cotillion.

“Samahan mo 'ko bili tayong tubig,” yaya ni Andra sa akin pagkalapit nito. Tumayo na ako at sumunod sa kanya.

“Sama ako mga bruha,” sumunod na rin si Rita sa amin.

"Break na pala kayo ni Sander? Wala ka bang balak sabihin sa amin?” Napakagat ako sa labi dahil sa tanong ni Andra. Alam kong nakaraan pa nila gustong itanong ang tungkol sa amin.

Balak ko naman talagang sabihin.

"Weeh??" Hindi makapaniwalang bulalas ni Rita. "Kaya pala ang tahimik niyo nitong nakaraang araw at hindi ko na rin masydaong nakikita si Sander,"

"Ayoko lang madagdagan ang galit ni nanay at tatay sa akin,"

Hindi ko sila nilingon at dumiretso sa paglalakad. Hindi pa ako handang pag-usapan ang nangyari sa amin ni Sander.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status