Share

Chapter 7

Reen

Mabalasaw, malinggal, maasap, at 'di nakalulugod na kapaligiran ang bumalot sa apat na sulok ng silid kantahan kung saan ako naroon. Hindi ako mapakali kanina pa, pero wala akong ibang pamimilian kundi ang magtiis sa ganitong atmopera sa loob ng limang oras.

Pangalawang linggo na akong nagtatrabaho sa bar na ito. Pero tila ito ang maituturing kong pinakamalubhang gabi kung ikukumpara ko mula sa unang araw na nagtrabaho ako rito. Ewan ko ba, pero itong mga customer kasi na pumili sa akin ay tila kakaiba. Mukha silang tumira ng kakaibang dahon bago pumunta rito. 

Maliban sa isa, na nagpakilalang Ivo Reyes. 

Simula nang pumasok kami rito sa KTV room, ay hindi na siya umaalis sa tabi ko. Kung sa bagay, hindi naman sa pagmamayabang pero hindi lang siya ang gumawa nito sa akin. Gayunpaman, ang pakiramdam ko laban sa kanya ay 'di tulad nang naramdaman ko no'ng nakaraang araw— doon sa isang lalaki na naka-shades at naka-hoodie.

Naalala ko na naman tuloy siya. Ang wirdong lalaki na aking na-meet. 'Yon ngang perang binigay niya sa akin ay tinabi ko agad. Hindi ko iyon babawasan hanggang sa magkita kami ulit, nang matanong ito kung para saan iyon.

"Are you okay?" 

Napahinto ako mula sa 'king iniisip nang marinig ang tinig ng katabi kong lalaki— si Ivo. Tipid akong ngumiti sa kanya, saka isang beses na tumango. 

Hindi ko alam, kung ugali ko lang ba talaga ang mailang sa presensya ng mga lalaki? O sadyang ayoko lang talaga sa kanya at sa mga barkada nito. Para kasi silang mga basag-ulo kung umasta!

Medyo nadismaya rin ako, mula nang magpakilala si Ivo sa akin bilang isang anak ng congressman sa kanilang lugar. Bukod doon, sinabi rin niya na nakapagtapos siya ng pag-aaral sa isang eksklusibong paaralan, na tanging mga milyonaryo lang daw ang tinatanggap.

Edi wow! Edi ako na ang slap soil!

Sa buong gabing dumaan, habang masayang nagkakantahan, nag-iinuman, at naninigarilyo ang mga kasamahan ni Ivo ay abala naman ito sa pakikipagkwentuhan sa akin— actually, siya lang pala ang k'wento nang k'wento. 

Ewan ko ba, pero wala akong gana makipag-usap sa kanya. Pa'no ba naman kasi, kulang na lang ay dumalaw si Amihan sa distrito kung nasaan kami. Ang dami niyang hangin sa katawan! 

Lahat na yata ng bagay ay naipagmalaki na nito. Pero ang pinaka malala sa mga sinabi niya— magaling daw siyang kumanta. 

Umasa ako. Pinilit ko ang maniwala. Baka kasi sa bagay na iyon ay mapatunayan niya sa 'kin na nagsasabi ito ng totoo. 

Ngumiti ako sa kanya nang ilabas nito ang phone niya. Aaminin ko na na-amaze ako. Halata kasi rito na mayabang nga siya— este, mayaman pala. Dahil sa mamahalin nitong cellphone. 

Itinuon ko ang aking paningin sa screen n'yon. Sandali akong sumeryoso, nang mapansin ang itsura niya sa video habang may hawak na mayk. 

G'wapo siya. Maayos tumindig, kagalang-galang kung kumilos, at malinis kung titingnan. Sa palagay ko nga'y marami na itong nabolang babae— 'wag lang talaga siya magpapakawala nang hangin mula sa kanyang katawan. 

Napalunok ako nang sandaling magtama ang aming mga mata. Tumikhim ako saka muling ibinaba ang tingin sa phone niya. Hindi ako umiimik sa kanya. Hinayaan ko lang ito, hanggang sa i-play niya ang isang video sa akin, kung saan, inaawit niya 'yung paborito raw nitong song— ang trading my sorrow. 

Mabilis na nagbago ang aking ekspresyon. Hindi ko alam kung ngingiti ba ako sa kanya, o ngingiwi. Basta, ang nagawa ko na lamang ay napakamot sa 'king ulo.

Pisti!

Hindi sa nanlalait ako, o nais ko lamang itong pagsabihan ng kung ano dahil 'di ko siya trip. Mahirap magsinungaling at magpigil, at ang totoo ay muntik ko nang maibuga ang iniinom kong beer nang marinig ang boses niya. 

Amazeng! Ang masasabi ko lang talaga, ay maganda ang meaning nang kinanta niya. Pero— 'yung kumanta? Change topix na lang!

Nakisama ako sa mga customer namin sa gabing ito, kahit wala ako sa kondisyon. Medyo nakakaramdam na rin ako ng hilo dahil sa mga nainom ko. Si Ivo naman kasi! Minsan, kahit ayokong lumagok ay nagagawa ko na lamang makaiwas lang sa mga k’wento niya. 

Medyo nabuhayan ako ng dugo, nang mag-aya na umuwi ang dalawa sa mga customer namin. 

Nagpasalamat ako kay Ivo nang abutan niya ako ng sampung libo. May silbi rin pala ang pakikinig sa mga kwentos nito.

Aaminin ko, buong duty ko’y nakaramdam ako ng pagkabagot. Pero nang mahawakan ko ang tip niya sa akin, kahit papaano’y sumaya ang puso ko. Lalo, nang bigla kong maalala si Inay, Kuya Marv, at Maro. Makakatulong na ako nang maayos sa kanila, makakaipon pa ako para sa binabalak ko tungkol kay Papa.

Lumipas ang mga oras, kinailangan na naming umuwi. Bago ako tumayo mula sa ‘king puwesto, biglang pumasok sa isip ko ang kaibigan ko— si Liller.

Kumusta kaya siya? Iba pa rin talaga kapag kasama ko ito. Kahit hindi kami parehong napipili sa iisang room, lumalakas pa rin ang loob ko dahil maisip ko lang na narito rin siya, nabubuo na ang kompiyansa ko sa ‘king sarili.

Sana’y maka-move on agad siya sa pagkawala ng tatay niya.

Naglakad ako palabas, kasabay nang dalawang babae na kapareho kong napili kanina. Pinakiramdaman ko ang sarili ko. Bukod kasi sa nahihilo ako, naka-heels pa ako. 

Dahan-dahan akong tumungo papunta sa restroom, balak ko sana ang magbihis para makauwi agad. Ayoko kasing lumalabas dito nang ganito ang itsura ko, masyadong maikli ang pulang dress na suot ko. Bukod sa delikado na ang panahon ngayon, at hindi ko nakalakihan ang lugar na ito, ay masakit pa sa paa ang suot kong sandals. 

Maganda nang nag-iingat.

Papasok na ‘ko sa CR nang bigla akong matigilan sa paglalakad dahil bigla na lamang may humarang sa aking dapat na daraanan. Nakayuko ako, pero mabilis akong nag-angat nang mukha nang makilala ko ang isang pares ng sapatos na natamaan ng aking mga mata.

"Sir Ivo?" nagtataka kong wika.

Pasimple akong umatras dahil sa sobrang lapit namin sa isa’t isa.

"Uuwi ka na ba? Ihahatid na sana kita."

Napasimangot ako sa sinabi nito. Napakasiga kasi ng kanyang tono.

"Magbibihis ka ba?" Napalunok ako nang pasadahan niya ako nang tingin mula sa ‘king ulo hanggang sa mga paa ko.

"Bihis ka na, hintayin kita rito," sabi pa nito.

Hindi ako nakakibo dahil sa sinabi niya. Segundo ang lumipas bago ako nakaisip ng isasagot sa kanya.

"Nako, Sir," Pinilit ko ang ngumiti at tumingin nang diretso sa kanya dahil ayokong isipin nito na dapat lamang niya akong ihatid. "Hindi na po. Huwag ka na po mag-abala. M-may— sundo po kasi ako," pagsisinungaling ko.

Naisara kong bigla ang aking mga labi nang makita kong nagtiim-bagang siya. Lalo pa 'kong nabahala nang magbago ang ekspresyon ng mukha nito. Ibang-iba sa itsura niya no'ng kinakausap niya ako kanina sa loob ng KTV room.

Ano ba'ng nangyayari sa kanya? Naka-shabu ba 'to? Bukod sa biglaang nagbago ang kanyang mood, ay namumula pa ang mga mata nito. Hindi ko mawari kung galit ba siya o dahil nakainom lang? Well, p’wera biro'y nakararamdam na 'ko nang takot dahil sa mga pinapakita nito.

Huminga ako nang malalim, saka inayos ang paghawak sa bag na dala-dala ko. Magsasalita sana ako pero hindi na iyon natuloy nang bigla niya ‘kong talikuran. Sinundan ko ito nang tingin habang naglalakad nang nakapamulsa. 

Lakas tama amp!

Dalawang beses akong napailing bago tuluyang pumasok sa CR. Nagbihis ako agad at hindi na nag-aksaya pa ng oras. 

Tahimik akong lumabas ng bar nang matapos sa 'king ginawa. Ito na naman ako, kahit nakainom ay hindi ko mapigilang ma-miss si Liller.

Ito ang unang gabing pumasok ako rito sa bar na hindi ko kasama ang bago kong kaibigan. Lumuwas kasi ito sa lugar kung saan binurol ang kanyang ama. Hindi na niya nabanggit sa akin kung saang lugar iyon, hindi na rin kasi ako nag-usisa pa dahil naisip ko na baka makadagdag lang ako sa mga isipin niya.

Tumawid ako habang iniisip ang kaibigan ko. Pero muli, ay bigla na lamang akong natigilan sa paglalakad nang biglang sumulpot sa harapan ko si—

“Ivo?”

Nilukob ako nang pagtataka't takot nang mapansin ang malalim niyang tingin sa akin. "A-anong ginagawa mo rito?” Nagsalubong ang mga kilay ko nang ngumisi siya sa akin. "Akala ko u-umuwi ka na—"

“Sabi mo may sundo ka."

Sinundan ko ang paglingon nito sa kanyang kanan matapos sabihin iyon. Hindi ko alam, pero ramdam ko ang malakas na pagdagundong nang dibdib ko. Lalo, nang mapansin ko na walang ibang tao malapit sa dako kung saan kami nakatayo ni Ivo.

Natakot ako. Lalo, nang sunod niyang lingunin ay ang kaliwa nito. Nang siguro'y wala siyang nakita ay muli niyang binalik sa 'kin ang kanyang mga mata.

“Sinungaling ka," Sabay ngisi nito.

Nangunot ang noo ko. Ang kaninang kaba ko'y lalo pang nadagdagan dahil sa kanyang sinabi.

“H-hihintayin ko pa rito 'yung—

“Ako ang maghahatid sa ‘yo," mariin niyang sabi. 

Napaigtad ako mula sa 'king kinatatayuan nang maramdaman ko ang mahigpit niyang paghawak sa ‘king pulsuhan.

Potaena nito, ah!

“Bitiwan mo nga ‘ko, Ivo. Ano ba?!" 

Hindi ko na napigilan ang pagtaasan siya ng boses dahil sa takot na aking nararamdaman. Ewan ko, hindi ko maintindihan ang mga nangyayaring ito dahil kung babalikan ko ang mga nangyari kanina, ay okay naman siya  kahit puro hangin ang nalabas sa bibig niya!

“Sumama ka sa ‘kin!" Namilog ang mga mata ko nang sigawan niya 'ko at subukan nitong hilahin!

"Ayoko, peste ka! Ano ba?!" Nagpipipiglas ako habang pinipilit nitong makuha.

"Ang arte-arte mo, bayaran ka lang naman!" sabi pa niya.

Hindi ko alam, pero bigla na lang umakyat ang dugo ko sa 'king ulo. At wala na 'kong ibang naramdaman kundi pag-init ng magkabilaang dulo ng aking mga mata.

Anong karapatan niyang husgahan ako? Alam niya ang buhay na meron ako? Oo, bayaran nga ako. Pero pinaghihirapan ko naman iyon. Nagtitiis ako kahit hindi naman talaga ako sanay sa ganitong trabaho! 

Mahirap lang ako, pero mayroon akong dignidad sa 'king sarili. Hindi ako magbebenta ng laman para sa pera. Tinanggap ko ang trabahong ito para sa 'king pamilya. Akala ko'y hindi ako makararanas bastusin nang ganito kaya tinanggap ko at patuloy na tinitiis ang trabahong ito.

Sino bang tao ang gusto na mag-stay sa pagiging mahirap? Sa palagay ko'y wala kahit isa.

Wala . . .

Ramdam ko ang mga luhang pumapatak mula sa 'king mga mata. Alam ko na hawak pa rin ako ni Ivo sa 'king kanang pulsuhan. Pero hindi na 'ko nanlaban pa dahil para bang bigla na lang akong nakaramdam nang panghihina.

Lumipas ang ilang segundo, nang maramdaman ko na muli akong hihilahin ni Ivo. Wala na 'kong lakas para makalaban pa, kaya hinayaan ko na lang ito.

Bahala na kung saan niya ako dalhin. Kung ano ang gusyo niyang gawin sa 'kin. Total, pagod na rin ako. Pagod na 'kong isipin kung anong kasalanan ko sa mundo para maranasan ang kahat nang ito.

Nakakadalawang hakbang pa lamang ako habang hila-hila ni Ivo, nang bigla kaming matigilan pareho dahil sa isang tinig na nagsalita mula sa aming likuran.

“Bitiwan mo siya.”

Unti-unti ay namilog ang mga mata ko nang marinig iyon. Bukod sa nabuhayan ako nang loob dahil posibleng hindi na matuloy ni Ivo ang binabalak niya laban sa akin, ay pamilyar pa ang boses na 'yon sa akin.

Dahan-dahan akong lumingon sa 'king likuran. Nang mataan ng aking mga mata ang bulto ng isang lalaki ay agad kong nabawi ang kamay ko mula sa mahigpit na pagkakahawak dito ni Ivo.

“Ikaw?” iyon lamang ang tanging salita na aking nabitawan nang magtama ang aming mga mata.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status