Share

Kabanata 6

"Bakit ba ang kulit mo, Laura? Hindi nga ako makakadalo. Busy ako," bungad kaagad sa akin ni Lara sa kabilang linya. 

"Gusto ko lang namang samahan mo akong tumanggap ng aking parangal, Lara." sagot ko naman pagkatapos ng isang buntonghininga. 

"Alam mo, kahit naman wala ako do'n, pwedeng-pwede mo pa ring tanggapin ang tropiyo mo." mariing sabi nito. Narinig ko pang may kung anong kakaibang tunog sa background ng aking kapatid.

"Pero, Lara.." pagtutol ko. 

"Ang ayaw ko sa lahat Laura, 'yong makulit. Si Bernard ang imbitahin mo, hindi ako." galit na sabi nito.

Napailing ako kapagkuwan. Mukhang wala na nga akong magagawa. Gusto ko lang naman sanang makita at makasama ang aking kapatid kapag tatanggap na ako ng aking tropiyo. 

Lahat ng naabot ko ay para sa kanila. Bahagi sila ng aking pagsusumikap at tagumpay. Ngunit, dahil ayaw ni Lara mukhang hindi na mangyayari ang bagay na iyon.

Ang lahat ng pagsisikap ko ay nagbunga rin. Noon pangarap ko lamang ang maging artista, ngunit sobra-sobra pa ang dumating sa akin. Naging sikat ako at tiningala. At higit sa lahat, ako ang itinanghal na Best Actress ngayong taon sa MMFF. 

"Akala ko ikaw ang sandigan ko sa lahat?" halos bulong na lamang ang aking pagkakasabi sa mga katagang iyon. Nagsisikip ang dibdib ko dahil sa dismaya. 

Hindi sumagot ang aking kapatid. Nanatili lamang ang bukas ang linya ngunit hindi na siya muling nagsalita pa. Nasasaktan ako sa mga nangyayari sa amin ngunit siguro ay may dahilan ang lahat. 

Kahit mabigat sa aking dibdib ay pinatay ko ang tawag. Luminga-linga ako sa paligid at natanaw ko ang aking mga kasama na abala sa pag-aayos. Isang eksena ang aming ginagawa para sa aking pelikulang panghapon.

"Miss Laura, ready na daw po ba kayo?" tanong sa akin ng production assistant. Tumango ako at agad na tumayo. 

Isa akong maybahay sa pelikulang ito kaya maluwang na daster lamang ang aking suot. Wala rin akong kolorete sa mukha kaya naman mas magaan ang pakiramdam ko.

Pumuwesto ako sa harap ng aking kapwa artista at pilit na kinakalma ang sarili. Hindi madali ang aking trabaho kaya naman paulit-ulit kong inaalala sa aking utak ang aking linya. 

"Lights, camera, action!" sigaw ng direktor sa amin. 

Humarap kaagad ako sa aking kapareha. Agad-agad na tumulo ang aking mga luha. Napapailing pa ako at dinama ako ang aking mga linya.

"Ano ang kulang sa akin, Damien? Bakit mo nagawa sa akin ito?" sabi ko habang itinuturo ang aking puso. "Pumili ka! Ako o ang babae mo?!" 

Niyakap ako ng aking kapareha. Malungkot din ang kaniyang mga mata. Habang ako naman ay isiniksik ang sarili sa kaniyang dibdib.

"Ikaw lang ang pipiliin ko, Marga. Hindi ko sinasadya, nangyari na lang bigla. Pero mahal kita," sabi nito ng may diin. 

"Cut!" sigaw ng direktor.

Nagpalakpakan ang lahat. Humiwalay kaagad ako sa aking kapareha at nginitian ito ng bahagya. Natatakot akong baka makita pa kami ni Bernard sa ganoong posisyon. Seloso pa naman ang boyfriend ko. 

"Ang galing mo talaga miss Laura. Deserve na deserve ang Best Actress award." masayang sabi sa akin ng aking P.A. Agad ako nitong inabutan nga tubig at panyo. 

"Dumating na ba si Bernard?" tanong ko dito kapagkuwan. Sinipat ko rin ang aking relo at nakitang mag-aala una na ng madaling araw. 

"Hindi pa po, Miss. Pero, sure naman pong susunduin kayo ng gwapo mong boyfriend." sagot naman nito. Halata sa kilos ng aking P.A. na kinikilig ito. 

Napailing ako at nakaramdam ng pagmamalaki sa sarili. Marami mang babae ang nagkakagusto sa aking nobyo ay walang pag-asa ang mga ito. Bernard eyes were on me from the very beginning.  

Hindi ako natatakot o nangangamba dahil alam kong mahal niya ako. 

"Next take!" sigaw ulit ng aming direktor. Tumayo ulit ako at naghanda.

Mula ng naipadala ako sa theatre show noong Senior High ay madalas na ang pagsali ko sa mga acting workshops. At simula noon naging abala na rin ako, hanggang sa makilala. 

It's been a while since I started waking up early and sleeping late. Katulad na lamang ngayon. 

Ilang take pa ang ginawa namin hanggang sa matapos kami. Nang sulyapan ko ang aking wrist watch ay alas-tres na ng madaling araw. Pumasok kaagad ako sa aking tent at nagpahinga. Gusto nang pumikit ng aking mga mata ngunit hindi maaari. 

"Nand'yan na po ang sundo mo, Miss Laura. Kanina pa 'yan naghihintay." imporma sa akin ng aking P.A. 

Agad akong napangiti. Sigurado akong nakakunot na naman ang noo ni Bernard dahil sa tagal natapos ng aming taping.

"Dapat pinapasok mo na lang dito sa tent. Nasaan ba si Bernard?" tanong ko dito.

"Ay! Miss, hindi po si Sir Bernard eh, mas gwapo po." sagot naman nito.

Napakunot ang noo ko. Sino namang susundo sa akin maliban kay Bernard? Dali-dali kong inayos ang aking mga gamit sa tulong ng aking P.A. Lumabas kaagad ako ng tent at inilibot ang paningin, at doon nakita ko ang taong hindi ko inaasahang makita.

"Andrew," bulong ko sa sarili. 

Nilapitan ko kaagad si Andrew ng may pagtataka. Habang ito naman ay titig na titig sa akin. Kapag ganito niya ako tingnan ay kinakabahan ako. Para kasing may bagay siyang gustong makita sa akin. 

"Anong ginagawa mo dito? Nasaan si Bernard?" sunod-sunod na tanong ko. 

Ilang sandali pa ito bago sumagot. Nakita ko pang napatiim bagang ito sa aking sinabi. Nakapagtataka ngunit, hindi ko na lamang pinansin. 

"Nasa San Vicente. Umuwi na kaya ako na lang ang initusan niyang sumundo sa'yo." sagot nito. Kinuha ni Andrew ang bitbit kong bag at nauna na sa aking maglakad. Agad niyang isinakay sa kotse ang aking mga gamit at pinagbuksan ako ng pinto. 

"Salamat," tanging nasabi ko na lamang sa kaniya. 

Tumango siya at pagkatapos ay nagtungo sa driver's seat. Mabilis niyang pinaandar iyon at ilang sandali pa ay binabaybay na namin ang bayan ng aming probinsya. 

Pareho kaming tahimik ni Andrew habang nasa byahe. Prente akong nakaupo katabi niya habang siya naman ay panaka-nakang sumusulyap sa akin. 

Ilang sandali pa ay napabuntong-hininga ako. Kinuha ko ang aking cellphone sa bulsa ng aking cargo jacket at tinawagan si Bernard.

"Bakit hindi ka man lang nagsabi na hindi mo pala ako masusundo?" tanong ko kaagad ng sagutin nito ang aking tawag. Hinaluan ko pa ng inis ang aking boses upang mapagtanto niyang hindi ako natutuwa. 

"Sorry! honey, may pinapagawa kasi si Daddy. Pwedeng mag-commute ka na lang muna?" sagot naman nito. Napakunot ang noo ko. Agad-agad ay binalingan ko si Andrew na abala sa pagmamaneho. 

"Sige," tanging nasabi ko na lang kay Bernard.

Natahimik ako matapos ang tawag. Hindi ko alam kung ano ang iisipin ko. Naguhuluhan ako dahil sa sinabi ni Bernard sa akin.

"Bakit sabi mo, pinapasundo ako ni Bernard? Why did you lie, Andrew?" tanong ko dito ng makahuma.

"Kung sasabihin ko bang sinadya kong sunduin ka, sasama ka ba sa akin?" nakakalokong tanong nito. 

Nang sulyapan ko siya ay nakita ko pa itong napapailing. Huminga ako ng malalim. Babae akong tao kaya may pakiramdam ako kung bakit niya ito ginagawa. 

"Mahal ko si Bernard at siya lamang ang lalaking mamahalin ko, Andrew. Kaya tigilan mo na ito." mariing sabi ko.

Napaluha na lamang ako habang inaalala ang tagpong iyon sa aking buhay. Sumasakit ang aking dibdib sa isang reyalisasyon. Hindi ko alam ngunit pakiramdam ko ay matagal na akong naloko. Pakiramdam ko matagal na akong naging bulag. Matagal na akong naging tanga.

Dahil sa sinabi sa akin ni Glenda ay mabilis akong nagbihis. Ni hindi na ako kumain ng tanghalian at hindi na rin nagpaalam kanino man. 

Mabilis akong nagtungo sa munisipyo gamit ang pick-up ni Bernard. Pinagtitinginan pa ako ng mga empleyado at binabati ng ilang kakilala, ngunit hindi ko na sila pinagtuunan ng atensyon. 

"Magandang hapon, Mayora." bati sa akin ni Glenda. 

Tinanguan ko lamang ito at nilagpasan. Dumiretso kaagad ako sa opisina ni Bernard. Saktong pagbukas ko ay bumulaga sa akin ang isang tagpo na mas lalong nagpasakit sa aking puso. Nanunuot ang pait na para bang nilulukob ang aking buong pagkatao.

Si Bernard at ang aking kakambal na nagtatawanan. 

"Ahemm," Tikhim ko. 

Nakuha ko kaagad ang kanilang atensyon. Pumasok ako sa loob at walang kakurap-kurap kong tinitigan ang aking asawa. Nakatingin ito sa akin at nakangiti ngunit alam kong pilit lamang iyon.

Sinuyod ko ang aking paningin at nakitang may pagkain sa mesa na pumapagitna sa dalawa. Ngunit ang mas lalong nakadagdag sa sakit na aking nadarama ay ang katotohanang isang order lamang iyon. 

Hinawakan ko ang aking dibdib habang pilit kong pinipigilan ang aking mga luha. Natanong ko na lamang ang aking sarili kong kaya ko pa ba? Hanggang saan ang kaya kong gawin para sa pagmamahal ko sa aking asawa? 

Was it still worth it?

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status