Share

Chapter 4

Kinagabihan, kahit na napipilitan ay luumabas pa rin si Abigail sa kuwarto at pumunta sa kusina. Katunayan ay ayaw niyang kumain na kasalo sa hapag si Axis subalit wala siyang pagpipilian. Ito ang nagluto ng mga pagkain at animo nananadya pa na hinihintay siyang lumabas para makakain na sila.

Nang makita niya ang pagkain sa mesa ay namutla siya. Gilalas na nakamata siya sa isang mangkok kung saan ang nakikita niyang nakalagay roon ay palaka. Naramdaman niya ang pagbaliktad ng sikmura niya kaya agad siyang napatutop sa bibig.

Umarko ang kilay ni Axis na kumuha ng isa at isinubo iyon. He eats it with so much gusto. He even licked the tip of his finger and smiled at her. Ngunit para sa kan'ya ay nang-aasar ang ngiti nito.

"Pagpasensyahan mo na at isa akong hikahos na tao kaya hindi kita mahahainan ng masarap na… ano nga ang tawag niyong mayayaman doon… ah, steak nga pala," ngumunguyang sabi nito.

Ang nararamdaman niyang gutom ay biglang nawala dahil sa nakitang inihain nito. Mariing naglapat ang labi niya na lumabas siya ng kusina. "Wala akong gana!!" masungit na sikmat niya. Hindi na lamang siya kakain at magsha-shower na lang siya. Nawalan din naman siya ng ganang kumain.

Kinuha niya ang tuwalya at robe sa maleta niya. Hindi pa kasi niya ito naayos sa aparador. Pagkatapos ay lumabas siya at hinanap ang banyo. Nagpaikot-ikot siya sa sala hanggang sa kusina pero hindi niya iyon nakita.

At ang hudyong si Axis ay kumakain lang habang pinapanood siya. Nang mapagod siya ay namawyang siya sa harap ng binatang hindi pa tapos kumain. Nag-angat ito ng ulo at blangkong tinignan lang siya.

"Where— nasaan ang banyo mo rito?" mabilis na tinagalog niya ang kaniyang tanong.

Itinuro nito ang isang pinto. "Buksan mo 'yan at lumabas ka. Nasa labas ang banyo," tufon nito.

"W-What??" malakas na singhal niya. "S-Sa labas ang banyo…"

Tumango ito at uminom ng tubig.

Atubling lumapit siya sa pinto at binuksan iyon. Madilim na sa labas pero nakabukas ang ilaw doon. Kaya naman nakita niya ang tinutukoy nitong banyo. Gawa naman iyon sa semento pero aminin niyang natatakot siyang lumabas ng mag-isa. Maraming senaryo ang agad na naglaro sa utak niya. Paano kung may ahas o kaya ay multo roon?

Napalunok siya at akmang lalabas pero binawi niya ang paa. She gritted her teeth. Nilingon niya si Axis na tapos nang ayusin ang mga pinagkainan nito at nagsisimulang hugasan ang mga iyon.

"Samahan mo ako sa labas," lukot ang mukhang asik niya. Huminto ito sa paghuhugas at pinunasan ang kamay sa basahan na nakasabit sa pako.

"Wala namang masasamang loob dito sa amin. Friendly lahat kami rito," wika nito at nagpatiunang lumabas. Binuksan pa nito ang banyo at inilahad ang kamay. "Bilisan mo at susunod din ako."

Nangangatog ang tuhod na pumasok siya roon. Pagkakitang walang shower ay napapikit siya dahil pakiramdam niya ay mahihilo na siya sa pagpipigil na tumili. Pinaypayan pa niya ang sarili gamit ang kamay.

Maya ay nagmulat siya at isinabit ang tuwalya sa sabitan bago naghubad. Nang buhusan na niya ang katawan ng malamig na tubig ay napasigaw siya sa gulat. Nangaligkig pa siya dahil sa lamig. Tiniis niya ang lamig at binilisan na niya ang pagligo. Pagkatapos ay mabilis na isinuot niya ang robe at ibinalabal sa ulo ang tuwalya at nagmamadaling lumabas.

Naabutan niyang mahinang tumatawa si Axis at nang makitang lumabas siya ay tumigil ito pero kita pa rin iyon sa mata nito. Nanggagalaiting pumasok na siya sa loob at dumeretso sa kuwarto niya. Nang maisara ang pinto ay mabilis na nagpalit siya ng damit. Saka lamang niya na-realize na lahat ng dinala niyang damit pantulog ay nighties.

Napaiktad siya at napalingon sa pinto nang kumatok doon si Axis. Pinaikot niya ang kaniyang mata bago naiinis na pinagbuksan ito.

"Bakit?" mataray na tanong niya.

Inilagay nito sa kamay niya ang sweater at isang jogging pants. "Nahulaan ko na ang mga dala mong damit ay katulad ng suot mo kanina. Kaya ayan, isuot mo 'yan dahil malamig 'pag gabi rito," anito at ito pa ang humila pasara sa pinto.

Sa una ay ibinato niya iyon sa kama at tinignan lang pero nang manginig siya sa lamig ay napipilitang isinuot niya iyon. Malaki ang damit pero okay na 'to kaysa ang mamatay siya sa lamig.

Ngayon ang dilemma naman niya ay hihigaan niya. Nailatag na niya ang banig sa kama pero ayaw pa rin niyang mahiga roon. Ang puwet nga niya ay masakit pa rin dahil sa matagal na nakaupo siya sa sahig kanina. How much more pa kaya kung hihiga na siya, 'di ba?

Habang nagdadalawang isip siya kung mahihiga na siya ay may narinig siyang ingay sa labas. Tumayo lahat ng balahibo sa kaniyang katawan nang matantong isang kuwago ang narinig niya. Napayakap siya sa sarili pero nang muling marinig iyon ay animo ipo-ipong lumabas siya ng kaniyang kuwarto at tumakbo papunta sa kuwarto ni Axis.

Malakas na kinalabig niya iyon. "Open this door!!" sigaw niya.

Nang buksan iyon ni Axis ay animo hangin na pumasok siya roon bago pa siya mapigilan ng binata.

"Ano na naman ba ang problema mo?" halata na ang inis sa tonong usisa ni Axis. "Hayaan mo naman akong matulog at may trabaho pa ako sa bukid bukas!"

Inignora niya ang ginamit nitong tono at sumiksik sa kama nito. "I-In my room… t-there's—"

Bigla siyang napahinto at naningkit ang mata nang may ma-realize siya. Kinapa niya ang kama at umakyat yata lahat ng dugo niya sa kaniyang ulo dahil sa galit. Paano nito naatim na patulugin siya sa kuwartong 'yun na tanging banig lang ang gamit niya habang ito ay may sariling kutson? Inilibot niya ang tingin sa maliit na kuwarto nito at lalong nanggigil siya ng makita ang heater na naka-on.

"Axis!!" she exclaimed furiously. "You're not a gentleman!!"

Nagkibit balikat ito at dahan-dahang lumapit sa kanya. "Gusto mo bang malaman kung gaano ako ka-ungentleman? Wala naman sigurong sisihan dahil ikaw ang nagkusang pumasok sa kuwarto ko at nahiga pa sa kama ko."

Mabilis pa sa alas kuwatrong bumaba siya ng kama at hinablot ang unan sabay amba dito. "Huwag kang lalapit sa'kin!! I swear, ipapakulong kita kapag may ginawa kang masama sa'kin!"

Hindi nagpatinag si Axis at lumapit pa rin sa kaniya. Umatras siya hanggang sa nakasiksik na siya sa dingding. Bumadha sa mukha niya ang kaba at takot dahil sa nakitang kakaibang emosyon na dumaan sa mata nito. Sisigaw sana siya nang hawakan nito ang braso niya at hinila siya. Itinulak siya nito palabas ng kuwarto at isinara ang pinto malapit mismo sa mukha niya. Muntik pang matamaan ang kaniyang ilong sa ginawa nito.

She was dumbfounded to utter a single word. Wala pa siyang isang araw dito mababaliw na talaga siya dahil sa inis niya rito.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status