Share

CAPITULO CUATRO

"Inay! Itay! Andito na po ako!" sigaw ko sa kanila. Kakapasok ko lang sa aming munting bahay pero ramdam kong may kakaiba dahil sa nakakabinging katahimikan.

Gawa sa nipa at kawayan ang aming bahay kubo. Bahagyang nakataas ang aming kubo para malagyan ng ani at mga kasangkapang pang-ani ang silong.

Aakyat pa ng pitong hakbang ng hagdan para marating ang babahan ng bahay. At pagkapasok ay ang salas ang sasalubong sa'yo at sa dakong gilid naman ang silid ng inay at itay at sa akin.

Nang lumaki ako, binigyan nila ako ng hiwalay na kuwarto. Ang aming atipan ay gawa sa pinaghalong nipa at damo ng kogon. Ang dingding naman ay gawa sa pinahabi na mga pinatigas na dahon ng niyog. Ang bintana naman ay pinagkrus-krus na mga tira na kawayan para sa sala ngunit para sa silid ay amakan na maaaring ikiling. 

Alas tres y medya pa ngayon kaya siguro tulog pa sila. Sinindihan ko ang lampara na nakalagay sa aming lamesa at agad naghanda ng almusal. Naginit ako ng tsokolate at nagpakulo ng kamote.

Pumasok ako sa silid nila inay at itay at nakitang walang tao roon. Nakaramdam ako ng kaba sa aking dibdib nang malamang walang tao sa bahay. Inikot ko ang loob pati ang labas, ngunit walang tao pa rin. Natatakot ako sa maaaring nangyari kung kaya't tinakbo ko ang pinakamalapit na kapitbahay namin na si Mang Berting.

May pagkahawig ang aming bahay sa bahay nila Mang Berting, ang pagkakaiba nga lang ay mas malaki ang sa kanila dahil marami-rami na rin ang miyembro ng kanilang pamilya. Tulog pa ang kaniyang pamilya nang maabutan ko siya habang siya ay naghihintay sa pag-abot ng kaniyang panganay na lalaki na kasama ko rin sa servicio. Nagkakahiwahiwalay kasi kami noong nagsiuwian na, kaya hindi namin alam kung nasaan nakasakay ang iba.

"M-mang Berting, nasan ang inay at itay?" tanong ko sa kaniya, naguguluhan naman siyang tumitig sa akin na para bang naninibago sa aking hitsura. Doon ko lang napagtanto na hindi pala nila ako kilala sa anyong ito. Nyeta. Napakaiksi ng aking buhok, suot ko ay pantalon at camisa de chino kaya magtataka talaga siya kung sino ang aking tinutukoy.

Tumuwid ako sa aking pagkakatayo ay tumikhim, "Ang ibig ko pong sabihin ay nasaan sina Mang Pepe at si Manang Amor?" nakita kong parang nakuha niya ang aking gustong iparating dahil nawala ang kunot sa noo niya pero napalitan ito ng bagong ekspresyon.

"Sino ka?" tanong nito. Nagdadalawang isip akong sumagot dahil baka magtatanong pa siya kung bakit may lalaking anak sila inay at itay.

Paano na'to? Ang tanga mo talaga Corazon! Ramdam ko ang maginaw na pawis na dumaragan pababa galing sa aking noo hanggang sa aking baba.

Sasagot na sana ako nang eksaktong dumating ang kaniyang panganay na si Julio, "Ah itay!" sigaw nito kaya sabay kaming napatingin ni Mang Berting sa kaniya. Nang nakita ako ni Julio ay mas nagmamadali pa siyang lumapit sa amin at inilagay ang kaniyang braso sa aking balikat na ikinagulat ni Mang Berting.

"Anong ginagawa mo rito Paco?" tanong niya sa akin, "Ah, eh, hinahanap ko sina inay at itay," sagot ko sa kaniya.

Nagmano muna si Julio sa kaniyang ama bago lumipat sa gilid nito, "Tay, nasaan raw sina Mang Pepe?" mas kumunot ang noo ni Mang Berting at nagsalubong na ang kaniyang makakapal na kilay, "May anak na lalaki si Pepe?" yan ang unang lumabas sa kaniyang bibig, "Hindi mo alam tay? Ngayon ko nga lang din nalaman, sabi niya hindi siya pinapalabas ng kaniyang ama kaya walang masyadong nakakakilala sa kaniya. Kitang kita sa kaniyang maputing kutis ang hindi paglabas ng bahay, ngunit magaling naman siya sa mga gawain noong nagpopolo," paliwanag ni Julio.

Huminga ako ng malalim at dahan dahan itong pinakawalan, para akong nabunutan ng tinik sa pagpapaliwanag ni Julio sa kaniyang itay. Mabuti nalang at saktong umabot si Julio dito ngunit parang hindi pa rin siya makapaniwala sa kaniyang nalalaman ngayon.

"Hindi ko alam kung nasaan sila ngunit kanilang hinahanap si Corazon ngayon. Kawawang bata, nawawala. Sinabi nga namin na baka wala na yun, pero hindi pa rin sila sumusuko. Matagal tagal na rin noong nawala yung bata, magdalawampu o dalawampu't isang araw na. Hindi mo ba iyan alam hijo?" sabi niya habang nanliliit ang kaniyang mga mata na nakatingin sa akin.

Para akong nabuhusan ng malamig na tubig sa aking nalaman at napatulala dahil hindi ko inaakalang hahanapin nila ako.

Tumingin naman si Julio sa kaniyang itay na may pagtataka, "Sigurado po ba kayo diyan itay? Paano mawawala si Corazon eh bantay sarado iyan ng kaniyang mga magulang. Maliban nalang kung ito ay nagsisimba dahil isa siyang miyembro ng koro. Maaari kayang may kinalaman ang mga guardia civil dito itay?" sabi niya. Nanlaki naman ang aking mga mata sa kaniyang sinabi.

Kapag pinahanap nila ako sa mga guardia civil, sigurado akong mamamatay ako dahil sa aking pagpapanggap. At mapapahamak pa sila. Ngunit hindi naman siguro ganiyan kababaw ang mga guardia civil dahil lang nagpanggap ako para makapagtrabajo sa polo y servicio. Wala naman sigurong patakaran ang nagbabawal na hindi dapat magtrabajo ang babae hindi ba?

Tinignan ko si Mang Berting diretso sa kaniyang mga mata bago magsalita muli, "Uuwi po sila hindi ba?" nangingiyak kong sabi.

Hindi ako makakapayag na may mangyari sa kanila dahil lamang sa aking desisyon. Baka sumunod sila sa akin noong papunta ako ng Ciudad de Cavite, baka nandoon sila.

Nagkibit balikat lamang si Mang Berting, "Hindi ko alam hijo, hindi ko pa kasi sila nakikitang umuuwi at hindi ko rin napapansin si Pepe sa hacienda. Galit na nga rin si Don Fetalino at pinapahanap sila," sabi niya at mas lalo akong kinabahan dahil sa pagkakabanggit sa pangalan ni Don Fetalino.

"May nagsabi kasi raw kay Don Fetalino na tumatakas sina Pepe, ngunit alam naman nating hindi iyan ang totoo. Kaya kung ako pa sa'yo hijo, hanapin mo na sila sa lalong madaling panahon," sabi ni Mang Raul.

"Oh, pasok na muna kami ha? Pasensiya ka na, wala kaming maitutulong sa inyo sa ngayon," dagdag niya pa at tuluyan na silang pumasok sa kanilang bahay.

Naisipan ko na munang umuwi sa bahay nagbabasakaling nakauwi na sila, pero kung wala pa hahanapin ko sila ano man ang mangyari. At tama nga ako, wala sila sa loob.

Dahan dahan akong napaupo sa sarili kong higaan. Wala sa sarili akong humiga at ipinikit ang aking mga mata, umaasa na babalik na sila sa oras na buksan ko ang mga mata ko.

Naramdaman ko ang pagpatak ng aking luha, senyales ng aking pagsisisi dahil sa aking kagagawan maaaring masaktan sila inay at itay.

Naramdaman ko ang maligamgam na init ng araw sa aking pisngi dahilan kung bakit napabangon ako. Hindi ko namalayang nakatulog pala ako at ano na ba ang oras ngayon?

Tinignan ko ang anino ng poste sa labas at nahulaan kong nasa alas diyes at alas onse na pala ng umaga. Agad akong bumangon para tignan ang kusina baka nakauwi na sila inay, pero ang tanging nakita ko lang ay ang bakante espasyo ng bahay.

Naisipan kong puntahan ang kaibigan ni itay na si Don Rudolfo dahil pakiramdam ko may alam siya sa kung saan pumunta sila inay para hanapin ako. Si Don Rudolfo ang tumulong kina inay at itay na mamuhay dito sa Bulacan, siya rin ang nagpapasok kay itay sa Hacienda.

Hindi ko alam kung bakit sa Hacienda Fetalino pinatrabaho ang itay kung pwede namang sa Hacienda na lamang ni Don Rudolfo. Pero siguro ay hindi niya gustong abusuhin ang pagkakaibigan nila kaya sa iba siya nagtarabajo.

Pagkadating ko sa kanilang mansyon, bumungad sa akin ang malaking tarangkahang gawa sa metal na kinulayan ng kulay ginto at may nakaukit na salitang 'Hacienda Delos Santos'.

Isang beses ko lang nakita ang kaibigan ng itay na si Don Wilfredo Rudolfo Delos Santos at noon pa iyong nasa anim (6) na taong gulang pa lamang ako. Kaya hindi ko na naalala kung ano ang hitsura nito. Ang alam ko lamang ay ang daan patungo sa Hacienda nito dahil sa turo ng mga kapitbahay namin.

Agad naman akong hinarangan ng mga guardia personal kaya hindi agad ako nakapasok. Lumapit ang isang guardia personal na may dalang mahabang baril na may matulis sa tuktok nito, "Ano ang iyong kailangan indiyo?" nakadepensa ang kanilang tindig na parang hindi natitibag, "N-nandito po ba si Don Rudolfo?" rinig ko ang panginginig ng aking tinig.

Halong kaba at takot ang aking nararamdaman, para sa aking sarili at para kina inay at itay. Sakto namang may narinig kaming kaluskos ng kabayo at ingay ng karwahe ang papalapit sa malaking tarangkahan kung saan ako hinaharangan.

Bumukas agad ang tarangkahan kaya tumabi muna ako para makapasok ang karwahe ngunit tumigil ito sa aking tapat. Bumukas ang bintana nito at iniluwa ang pagmumukha ng isang lalaking nasa edad na higit limampu (50) hanggang limangpu't lima (55).

Medyo namumula ang balat nito at may pagkakulubot na. Kulay-abo ang kaniyang buhok pati balbas at bigote. Makapal-kapal rin ang kilay nito at mapupungay ang mga kulay tsokolateng mata. Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa gamit ang kaniyang mapupungay na mga mata.

Sa kaniyang mga tingin pa lang sumisigaw na ito ng karangyaan at awtoridad na nagpapatakot sa mga taong makasalamuha lang kahit ang mga mata nito. Nakasuot siya ng mamahaling kulay puting barong tagalog. At may kasama ito sa loob ngunit hindi ko lamang mawari dahil natabunan ito ng matanda.

Matapos niya akong tignan tumuloy na sa loob ang karwaheng sinasakyan nila, pero ang kasunod na karwahe ay tuluyang tumigil sa tapat ko.

Lumabas ang matandang lalaki na nakangisi ang makapalkapal na labi sa akin, suot niya ay kulay-kaki na barong tagalog. Nasa medyo siyamnapu (60) hanggang siyamnapu't lima (65) ang kaniyang hitsura, kulay kayumanggi ang kaniyang balat at pinaghalong kulay itim at kulay abo ang kaniyang buhok.

Kumunot ang kaniyang noo nang makababa na siya para salubungin ako, "Magandang hapon ginoo, ano po ang iyong sadya rito?" sabi niya sa akin.

Maharan akong yumuko para ipakita ang aking respeto sa kaniya at tumuwid na sa pagkakatayo, "Magandang hapon rin po senor, gusto ko lang pong kausapin si Don Rudolfo," sagot ko sa kaniya.

Bumanlag ang kaniyang mga mata, "Ako nga pala si Don Rudolfo Delos Santos. At ikaw naman si?" inilahad niya ang kamay sa akin. Inabot ko ito at nagpakilala.

"Paco, Paco Alfarero," sabi ko sa kaniya. Kumunot ang kaniyang noo ngunit bahagya itong ngumiti.

"Ah, ang anak nina Amor at Jose," at pumasok sa loob ng karwahe, "Pasok ka na hijo," dagdag niya, hindi ko gaanong narinig ang tawag niya sa akin kaya binalewala ko lamang iyon at pumasok na rin sa loob ng karwahe.

Malayo-layo ang distansiya ng tarangkahan nito patungong mansiyon. Madadaanan pa ang mga naglalakihang puno ng mangga at mansanas.

Nang makababa na kami at makatungtong sa kanilang portiko, tumambad sa akin ang malaking pintuan na may mga nakaukit na mga bulaklak. Pagpasok namin ay sinalubong kami ng makikintab na mga aranya na nakasabit sa kisame.

Inikot ko ang aking paningin sa loob na napansin ang mga muwebles at mga maliliit na pigurin ng mga santo na nakapatong sa isang aparador na may salamin, at may iba ring pigurin sa loob nito na nakikita. Humanga ako sa mga larawang nakabitay sa dingding.

Una kong nakita ang larawan ni Don Rudolfo kasama nito ang isang babaeng nakaupo habang siya ay nakatayo, bata pa tignan si Don Rudolfo sa larawang ito. Kasunod naman ay ang larawan na may kasama na silang batang lalaki.

Napatitig ako sa batang lalaki na nasa larawan. Kahiwig ito ni Don Rudolfo ngunit hindi ito nakuha ang kulay ng ama, kundi sa ina nito na porselana ang maputing balat. Katamtaman lamang ang hugis ng kaniyang mga mata at makapal ang kaniyang labi. Maliit ang ilong at kasing-itim ng uling ang buhok.

Nagulat ako ng tinawag ako ni Don Rudolfo kung kaya't tahimik akong sumunod sa kaniya papuntang salas kung saan nanatili ang mga panauhin para hintayin siya.

Sumalubong sa akin ang Don na pinandilatan ako kanina. Nakaupo siya ngayon sa isang upuang gawa sa mahogany at nakapahinga ang kaniyang mga braso sa magkabilang gilid nga upuang may pangpalagay ng braso.

Ramdam na ramdam ko ang kaniyang mainit na titig sa akin habang papalapit ako sa kanila. Kasabay nito ang pagkakilala ko sa kaniyang binatang kasama.

Septiembre 21, 1883

Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Takot ako baka hindi ko na sila makita muli, takot akong maiwan sa mundong ito. Sinisisi ko ang sarili ko sa pagkawala nila inay at itay, kung hindi nalang sana ako umalis ng bahay, baka alam kong ayos lang sila, ayos lang kami. Ngunit dahil sa aking pagkaawa sa kalagayan ng itay, wala na akong ibang maisip pa kundi ang pagsali at palitan ang kaniyang pagkapolista. Kung alam ko lang sana na susunod talaga sila sa akin para mahanap ako edi sana, sana... Wala akong maisip. Gusto ko lang talaga silang makita. Kahit na hindi ko pa siya gaanong kilala, naniniwala akong si Don Rudolfo lamang ang makakatulong sa akin. Sana'y matulungan niya ako para makita ko na silang muli.

Corazon

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status