Share

Chapter 3

Brianna

"Hintayin mo naman ako, Peter. Nakita mo na ngang marami akong libro na pupulutin 'tapos bibilisan mo pa ang paglalakad mo. Napaka-walang kuwenta mo talagang kaibigan. Napaka-ungentleman mo rin," nangungunsensiyang sabi ko sa kaibigan ko. Naglaglagan kasi sa semento ang ibang libro na dala ko habang naglalakad kami sa hallway ng school.

Marami kasi akong hiniram na books dahil nagpapahiram din ang kakambal ko. Tinatamad kasi itong pumunta ng library kaya nakisabay na lang sa akin.

"Eh sino ba naman kasi ang nagsabing manghiram ka ng maraming libro? Mukhang nanuno sa punso ka yata at bigla kang sinipag magbasa," nang-aasar na sagot ni Peter.

"Hindi naman ito akin lahat. Mas marami ang kay Bry—" Napahinto ako sa pagsasalita nang pag-angat ko ng aking mukha ay wala na sa harapan ko ang kaibigan ko. Hmp! Napaka-ungetleman talaga. Hindi man lang huminto sa paglalakad para tulungan akong magbitbit ng mga dala-dala kong libro.

Akmang tatayo na ako nang bigla na lamang may dalawang kamay mula sa likuran ko ang pumisil sa mga pisngi ko. Napakuyom ang isa kong kamao. Ang pinaka-ayaw ko sa lahat ay ang hinahawakan at pinipisil ang mga pisngi ko na para bang isa akong bata na pinanggigigilan. At walang ibang tao na nangangahas gumawa sa akin niyon kundi si Peter lamang.

Inihanda ko ang aking sarili at pagkatapos ay pabigla akong lumingon sa aking likuran para bigyan ko siya ng isang malakas na suntok. Ngunit nagulat ako nang paglingon ko ay biglang tumama ang nguso ko sa noo niya. Nakayuko pala ito sa likuran ko mismo at sobrang lapit ng mukha sa ulo ko kaya hindi sinasadyang n*******n ko siya sa noo.

"Bakit ka nanghahalik, Brianna? May gusto ka ba sa akin?" nakangising tudyo nito sa akin. Hindi man lang ito nagulat na bigla ko siyang n*******n sa noo samantalang ako ay biglang nanlaki ang mga mata. Siyempre, first kiss ko 'yon. Sabihin pang sa noo ko lamang siya n*******n at hindi pa sinasadya ay halik pa rin iyon. At hindi si Peter ang taong gusto kong maging unang halik kundi si Dean. Ngunit wala na. Nasira na ang pangarap kong maging first kiss ang binatilyo dahil sa pasaway kong kaibigan.

"Peter! Alam mong hindi ko 'yon sinasadya, okay?" nandidilat ang mga matang wika ko. Hindi ko rin napigilan ang mapasimangot. Sa panaginip man o sa totoong buhay ay talagang panira ito ng pangarap ko.

"Aminin mo nga, Brianna. You secretly had a crush on me, right? Hindi lang si Dean ang crush mo kundi ako rin," patuloy na panunudyo nito sa akin. Hindi mawala-wala sa mga labi nito ang natutuwang ngisi.

"In your dreams!"

Tumawa lamang ng malakas si Peter sa sinabi ko. Pagkatapos ay kinuha niya ang ibang libro sa kamay ko at nagpatiunang naglakad habang kumakanta.

Mas lalo akong napasimangot nang marinig ko ang lyrics ng gawa-gawa niyang kanta.

"Oh my sweet, Brianna. Why did you kissed me just now? Is it because you secretly likes me? Oohh..."

"Will you please shut up, Peter? Baka may makarinig pa sa'yo at mag-isip na totoo iyang kinakanta mo," nanggigigil na saway ko sa kanya. Paano na lang kapag may makapansin sa lyrics ng kanto nito? Eh di na-tsismis pa na may lihim akong gusto sa kanya kahit wala naman.

"Brianna secretly had a crush on me. Oohh..." patuloy na kanta ni Peter sa gawa-gawang lyrics.

Hanggang sa nakalabas na kami ng building ay patuloy pa rin siya sa pagkanta sa walang kuwentang lyrics niya.

"Shut up, Peter!" naiinis kong sigaw sa kanya. Pero hindi siya tumigil sa pagkanta. Tatawa-tawa lamang ito at pasulyap-sulyap sa akin habang kumakanta.

Tumakbo ako palapit sa kanya para bigyan siya ng isang tadyak sa puwit ngunit mabilis siyang nakailag at ipinagpatuloy ang pagkanta sa sariling lyrics. Tila tuwang-tuwa ito sa nakikitang pagkainis sa mukha ko.

"Talaga, Peter? Hinalikan ka ni Brianna?" tanong ng kaklase naming si Rhea na nakarinig pala at naka-intindi sa lyrics ng kanta ni Peter.

Hindi sumagot si Peter. Pero nakangising tumango naman sa kaklase namin na siyang pinaka-tsismosa sa loob ng classroom namin. Kapag minamalas ka nga naman talaga.

"It's not true, Rhea. Kaya huwag kang maniwala sa lalaking iyan," sabi ko sa kaklase namin kahit pa alam ko naman na hindi pa rin niya ako paniniwalaan.

"Eh, ano ang tawag sa ginawa mo sa akin kanina kung hindi totoo na hinalikan mo ako? Balat na dumikit sa ibang balat?" amused na tanong ni Peter. Talagang ayaw akong tantanan sa ginagawang pang-iinis.

"Correction. Hindi kita hinalikan, okay? Ang nangyari kanina ay aksidente lamang. So I didn't considered it as a kiss, okay?" hindi lang yata mga mata ko ang nanlalaki kundi maging ang dalawang butas ng ilong ko sa sobrang pagkapikon.

"So it's confirmed! You really did kissed, Peter," namimilog ang mga matang bulalas ni Rhea. May maichi-chismis na naman ito sa classroom namin.

Igigiit ko pa sana sa tsismosa naming kaklase na hindi ko nga hinalikan si Peter pero bigla na lamang niya akong tinalikuran. At nahuhulaan ko na kung saan ito pupunta. Sa loob ng classroom namin para ipagkalat ang maling impormasyong nalaman.

"Nakakainis ka talaga, Peter! Dahil sa'yo ay machi-chismis pa tayo ngayon," masama ang tinging wika ko sa kanya. Ngunit hindi naman ito apektado sa aking pagsusungit. Talagang sanay na ito sa ugali kong gano'n kapag naiinis.

"Eh ano naman ngayon? Mabuti nga't sa akin ka machi-chismis at hindi sa crush mo. Kapag na-chismis kayo ni Dean na may relasyon ay siguradong dadami ang kaaway mo dito sa school."

"Ang boses mo hinaan mo, gosh! Baka may makarinig ulit sa'yo." gustung-gusto ko na talagang sakalin ang kaibigan kong ito. May balak pa yata itong ipangalandakan sa buong campus na may lihim akong crush kay Dean.

Sa halip na hinaan ni Peter ang boses ay mas lalo lamang nitong nilakasan kaya napalapit ako sa kanya. Pero mabilis siyang nakalayo sa akin kaya naiwan na naman akong nanggigigil sa kanya.

Sa sobrang inis ko sa nakangisi niyang pagmumukha ay walang pakundangan kong hinubad ang isa kong sapatos at pinalipad sa mukha niya. Ngunit mabilis niyang nailagan ang aking sapatos.

Akala ko ay lalagapak lamang sa lupa ang aking sapatos ngunit hindi pala sa lupa lumagapak kundi sa dibdib ng isang lalaking estudyante na nakatayo malapit sa kinatatayuan ni Peter.

Nanlaki ang mga mata ko at nakagat ko ang aking pang-ibabang labi nang makita ko kung sino ang lalaking estudyante na minalas na matamaan ng madumi kong sapatos. Ito't walang iba kundi si Dean! Ang aking pinakamamahal. Tarantang napalapit tuloy ako sa kanya.

"Oh my God! Dean, I'm sorry. Hindi ko sinasadya. Naku, nadumihan ng sapatos ko ang uniform mo. Ano'ng gagawin ko?" hindi magkandatutong sabi ko kay Dean habang pilit kong inaalis sa pamamagitan ng mga daliri ko ang nagmarkang dumi na dumikit sa damit niya.

Ang lakas ng tawa ni Peter sa katangahang ginawa ko. Tila tuwang-tuwa ito na makitang napapahiya ako sa harapan ni Dean.

"Ang ganda ng imprenta ng damit mo, Dean. Saan ka ba nagpa-imprenta at magpapa-print din ako ng ganyang design?" nakangising tanong nito kay Dean. Ang tinutukoy nitong design ay ang marka ng maruming sapatos ko na dumikit sa puting uniporme ng binata.

Saglit kong itinigil ang ginagawa kong pagkuskos ng dumi sa damit ni Dean para tapunan ng masamang tingin ang kaibigan ko na abot hanggang tainga ang pagkakangisi.

"Kasalanan mo 'to! Kung hindi ka sana umilag ay hindi mapupunta ang sapatos ko kay Dean. Hindi sana nadumihan ang damit niya ngayon," paninisi ko sa kanya. Pagkatapos ay muli kong kinuskos ng aking mga daliri ang dumi.

Muli akong napakagat ng mga labi ko nang sa halip na maalis ang dumi sa uniform ni Dean ay mas lalo lamang itong kumapit at kumalat pa. Napapikit ako dahil sobra akong kinakabahan. Natatakot ako na baka magalit siya sa akin. Pero dagli rin akong napamulat ng mga mata nang biglang hinawakan nito ang dalawa kong kamay na patuloy na kinukuskos ang dumi kahit na hindi naman iyon natatanggal.

"No need to scrub it. Hindi naman tubig at sabon ang mga daliri mo para maalis ang dumi," ani Dean habang inilalayo ang mga kamay ko sa damit niya. As usual, seryoso pa rin ang anyo nito na siyang madalas nitong expression.

Kahit hindi ko na kinukuskos ang dumi sa damit niya ay pareho pa rin kaming nakatayo sa harapan ng isa't isa habang magka-hugpong ang aming mga paningin. Tila pareho kaming nabatubalani sa isa't isa.

Sobrang bilis ng tibok ng aking puso habang nakatitig ako sa kanyang mga mata. Ito ang unang beses na nagkatitigan kami ng matagal at ganito pa kalapit sa isa't isa. Nakita kong bahagyang gumalaw ang kanyang 'di kalakihan pang adam's apple. Doon napatutok naman ang mga mata ko. And I found it cute and adorable. Tila may sariling isip ang kamay ko na umangat at marahang hinaplos ang gumagalaw niyang adam's apple.

"Brianna, nakakahiya ka! Kababae mong tao ay ikaw itong nauunang humawak sa lalaki," sigaw ni Peter sa aking tabi. Mabilis niyang kinuha ang kamay kong humahaplos sa leeg ni Dean at mabilis na hinila palayo sa binatilyo.

Hinarap ko ang kaibigan ko at piningot ko siya sa kanyang tainga bago pa siya makatakbo ulit. "Mabuti at ikaw na ang lumapit sa akin. Halika rito at mag-uusap tayo."

"Ouch! It hurts, Brianna!" reklamo nito pero hindi ko pinansin.

Kipkip ko sa isang kamay ang dala kong mga libro samantalang hawak naman ng isang kamay ko ang tainga ni Peter na naglakad kami papunta sa classroom namin. Excuse ko na lang ang ginawa kong pagpingot sa tainga ni Peter para makaiwas sa nakakahiyang sitwasyong iyon. Hindi ko kasi alam kung ano ang pumasok sa utak ko't bigla ko na lamang hinaplos ang adam's apple ni Dean. Hay naku, nakakahiya talaga ang ginawa ko.

"BRIANNA, sorry na. Hindi na kita aasarin pa tungkol sa nangyaring halik."

Magmula nang makapasok kami sa loob ng classroom namin ay walang tigil na si Peter sa kakahingi ng tawad sa akin. Ngunit hindi ko feel na patawarin siya kaagad lalo pa't pagpasok namin sa classroom kanina ay inulan kami ng panunudyo ng aming mga kaklase. Sabi ko na nga ba't ipagkakalat kaagad ni Rhea ang bagong tsismis na nakalap. Talagang walang tatalo rito bilang numero unong tsismosa sa school namin lalong-lalo na sa aming classroom.

"Dahil sa'yo ay dalawang beses akong napahiya sa harapan ni Dean kaya hindi kita mapapatawad," masama ang loob na sabi ko sa kanya. Naiinis talaga ako kay Peter dahil siya ang sinisisi ko kung bakit ako napahiya sa harapan ni Dean.

"Ayos lang 'yon. Naka-tsansing ka naman sa kanya. Saka dapat nga'y magpasalamat ka pa sa'kin dahil nagawa mong maka-tsansing sa crush mo dahil sa akin," mahina ang boses na wika nito habang nakangisi.

"Peter!" inis kong sigaw. Napatingin tuloy sa amin ang mga tsismosa naming kaklase lalo na si Rhea na parang rabbit sa laki ang mga tainga.

"Uuyy, may lover's quarrel silang dalawa," tukso sa amin ng isang kaklase naming lalaki. Lalong tumindi ang inis ko kay Peter nang magtawanan ang lahat ng mga kaklase naming nasa loob ng classroom.

"Sorry na ulit. Promise, hindi ko na talaga babanggitin 'yon. Saka hindi naman nila narinig iyong sinabi ko na crush mo si Dean dahil hininaan ko naman ang boses ko," ani Peter. Umupo ito sa armchair ng silya ko at umakbay sa akin.

Dahil naiinis talaga ako sa kanya kaya hindi ko na siya pinansin pa. Nagkunwari ako na hindi siya nag-e-exist sa paligid ko.

"Sorry na talaga, please. At bilang peace offering ko sa'yo ay ililibre kita ng paborito mong ice cream kapag wala tayong pasok sa ating pang-huling subject sa hapon."

Bigla akong napalingon sa kanya. "Talaga? Ililibre mo ako ng ice cream?" namimilog ang mga mata na parang bata na tanong ko sa kanya. Weakness ko talaga ang ice cream. It's my favorite dessert. Kaso minsan lang kami payagan ni Mommy na kumain ng ice cream dahil baka mabilis daw na masira ang ngipin namin. Sobrang lamig at tamis daw kasi ng ice cream kaya hindi maganda sa ngipin. Araw-araw naman kaming nagto-toothbrush ni Bryle pero ayaw pa rin niya kaming pakainin masyado ng ice cream.

Tumango si Peter. "Ako ang magbabayad sa lahat ng ice cream na mauubos mo basta bati na ulit tayo."

Hinawakan ko ang magkabila niyang pisngi at pinanggigilan. "Ang cute mo talaga, Peter. Pero mas cute ka kapag kumakain na tayo ng ice crea—"

Sabay kaming napaigtad ni Peter nang bigla na lamang may bumagsak na kung anong bagay sa ibabaw ng table ko. Napalingon ako sa pinanggalingan ng bumagsak na bagay na walang iba kundi ang sapatos ko na tumama sa dibdib ni Dean at basta ko na lamang iniwan sa labas kanina. Dahil kasi sa pagkapahiya ay hindi ko na nagawang kunin at isuot ang aking sapatos.

Nanlaki ang mga mata ko at bumilis ang tibok ng aking puso nang makita kong nasa tabi ko pala si Dean at seryoso ang mukha habang nakatingin sa amin ni Peter. Mukhang nakahiram ito ng uniform dahil malinis na ang suot nito at wala nang marka ng dumi ng sapatos ko.

"Naiwan mo ang sapatos mo doon sa labas," maikling sabi ni Dean bago walang paalam na tumalikod at naglakad palabas ng aming classroom. Naiwan akong nakatunganga habang nakasunod lamang ng tingin sa papalabas niyang pigura.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status