Share

Chapter 2

Hindi na matanggal ang abot-tengang ngiti sa mga labi namin ni Gen hanggang sa pumara kami ng jeep pabalik sa baranggay namin pauwi. Hindi na rin siya matigil kakatanong sa akin tungkol sa magandang balitang namutawi kani-kanina lang. 

"Dali na, Aly! Patingin! Super excited na ako! Mygod, finally!" Kanina pa siya gan'yan. Hinihila-hila ang laylayan ng damit ko. 

Pinagtitinginan na nga kami ng ibang pasaherong kasama namin dito sa loob ng jeep. Nawewerduhan na sila sa pinaggagawa nitong katabi ko. Masyado siyang magaslaw kaya wala akong nagawa kundi ibigay sa kan'ya ang cellphone ko. Kaagad naman niya iyong tinanggap para tingnan ang e-mail na natanggap ko galing sa secretary ng mga Madrial. 

Masyado akong masaya para maimbyerna. Habang nasa byahe ay hindi na mawala ang ngiti ko. Feeling ko kahit may nakakainis na bagay pa akong makita o maranasan ay mananatili akong masaya. Walang sinuman man o ano man ang makakapagtanggal ng ngiti ko ngayon. Hinayaan ko si Gen na hiramin muna ang cellphone ko hanggang sa makababa kami sa checkpoint ng aming lugar.

Nag-inat ako. Walang tigil si Gen kakadaldal sa akin habang ako ay patawa-tawa lang. Nagkahiwalay na kami nang makarating sa aming mga bahay. Ibinalik na niya sa akin ang cellphone bago nagtatakbo sa bahay sa tapat ng amin. Iyong kanila ay wala pang pinta kasi babagong gawa pa lamang noong isang araw. 

Pa-sway sway pa ako sa hawak kong brown envelope at iba pang papeles habang naglalakad papalapit sa munting tahanan namin. Bago ko pa mabuksan ang kahoy naming pintuan na may nakasabit na windchime sa itaas, iniluwa na niyon si Zoren. Kaagad lumiwanag ang mukha ng bunso namin 'pagkakita sa akin.

"Ate Yana, dito ka na ulit!" Tumalon siya at nag-squat naman ako para salubungin siya ng yakap.

Sobrang nakaka-miss ang batang ito.

"Kamusta ang gwapong Renren namin? Good boy ka ba dito habang wala si ate? Hindi ka naman naging pasaway, 'di ba? Hmm, bango bango!" Sininghot-singhot ko pa ang leeg ng bata.

Todo iwas na siya dahil nakikiliti na yata. Kumalas na ako at tiningnan siyang humahagikhik.

"Good boy po ako dito, ate! Promise!" Itinaas niya ang kamay habang taas din ang noo na para talagang nangangako.

Naiiling akong nakangiti parin."True 'yan, ah? Baka mamaya malaman ko nalang na palagi ka pa lang nasa labasan at nakikipag-away sa mga batang kalye d'yan. Nako, nako!" Nang sabihin ko iyon ay todo na ang simangot niya.

"Hindi po! Ang bait bait ko kaya palagi!" Giit niya. Pinaningkitan ko siya.

"Sus, daga ka ba?" Tumawa ako nang mas nalukot ang cute na cute niyang mukha."Charot lang, bhe! Bagong ligo ikaw?"

Proud siyang tumango."Oo naman yes po, ate! Kahit amuyin mo pa kili-kili ko!" Wala sa sariling itinaas niya ang kan'yang underarms.

Ngumisi ako."Ay, bet. Wala nang bawian 'yan, ikaw na nag-offer..." 'yung ngisi ko mala-demonyo na.

Kaya naman nabalisa siya at kaagad natauhan.

"J-joke lang pala, ate!" Bawi niya, humahakbang na paatras. 

"Wala nang bawian, 'di ba?" Mas nataranta siya.

"H'wag, ate! Hahaha!" Kumaripas na siya ng takbo nang umisang hakbang pa ako.

Parang bumalik ako sa pagkabata habang nakikipaghabulan sa kaniya. Ang saya ko lang ngayon kaya no to bad vibes talaga. Well, kahit naman tamaan ako ng bad vibes ay hindi ako magpapaapekto. 

"Zoren, come here! I'm gonna amoy amoy your kili-kili!" Humagalpak ako sa tawa nang mas tumakbo pa si Zoren papasok sa kwarto at ni-lock ang pintuan niyon.

Tumigil ako at saglit nagpahinga. Kinatok ko ang pinto nang ilang beses, natatawa habang hinihingal. Akala ko magiging lumbay na ang buong araw ko. Thanks God, may himala.

"Nakikipaglaro ka na naman kay Zoren? Para talagang bata," 

Ang sabi ko ay walang sino man o ano man ang makakabura sa ngiti ko ngunit matapos marinig iyon galing sa pamilyar na boses ay awtomatikong napanis ang kanina ko pang binuong ngiti. Nakapameywang si Ate Bridgette sa harapan ko.

"Ate, ikaw pala..." bahagya akong napayuko kasi ang talim ng tingin niya sa akin. 

Kunsabagay, palagi naman siyang ganiyan kung makatingin, minsan nga lang ay may halong pagka sarkastiko. Maputi din naman si Ate Bridgette, kaso iba ang pagkakaputi ng kutis ko kumpara sa kaniya. Pumuti siya dahil nagtrabaho siya ng apat na taon sa Taiwan. Hanggang ibaba ng balikat ang bagong rebond niyang buhok at palagi siyang nakasuot ng daster kasi buntis siya, tatlong buwan na.

Walang nakakaalam kung sino ang ama ng batang dinadala niya. Basta isang gabi umuwi na lamang siya rito dala ang mga bagahe niya at halata na ang umbok sa tiyan niya. Pero hindi malayong Taiwanese ang nakabuntis sa kaniya, iyon nga lang masaklap kasi tinakbuhan siya at hindi pinanindigan. 

Kaya siguro siya masungit lagi at parang may galit sa mundo kasi tinakbuhan siya ng lalaking minsan na siyang pinangakuan. Kung ako man ang nasa posisyon niya, baka hindi lang pagsusungit ang gawin ko. Kaya iniintindi ko nalang at patuloy na iintindihin.

"Ano na? May napala ka ba sa pagpunta sa kabilang bayan? O nganga na naman? Kung nganga na naman, itigil mo na 'yan. Lumalaki lang ang utang mo nang wala ka namang napapala sa huli." Humalukipkip siya pagkatapos.

Nag-angat ako ng tingin. Sa malayo na siya nakatingin, magkakrus ang mga braso at panaka-nakang umiismid. 

Napalunok ako. Sasabihin ko ba? Deserve niya ba malaman? Siyempre naman! Pero dapat isang bagsakan nalang para happy happy ang lahat.

"Uhm, nasaan ba sina nanay, ate?" Tanong ko.

Tumaas ang kilay niya."Lumabas sila pareho ni tatay, may pinuntahan. Bakit?" 

"Ano kasi---" 

"Alyana, anak?" Ang malambing na tinig na iyon ang pumutol sa sasabihin ko.

Pareho kaming lumingon ni ate sa may pinto at nakita ko doon si nanay Narisa at tatay Arthur. Kapwa gumuhit ang matamis na ngiti sa kanilang mga labi. Tumalon ang puso ko.

"Nay! Tay!" 

"Nagbalik ka na pala, anak!" Hindi na namin pinalampas pa ang segundo at niyakap namin ang isa't-isa.

Tumikhim si ate Bridgette dahilan para kumalas din kami kaagad, pero hindi parin nawawala ang saya sa mukha naming tatlo. Hinaplos ni tatay Art ang buhok ko habang si nanay ay hindi na magkaintindihan kung saan ako hahawakan.

"Nanay naman, para namang ilang taon akong nawala. Miss na miss nyo kaagad ako?" Biro ko.

"Aba'y siyempre! Dalawang buwan ka yatang wala rito! Na-miss ka namin sobra, Yana!" Nanggigigil niya ulit akong niyakap na ikinatawa ko.

"Kayo naman, na-miss nyo agad ang maganda!" Biro ko ulit. Ganito ka-kapal ang mukha ko, e. 

Tumawa si tatay."Miss na miss namin ang maganda naming anak," dahil doon ay nakipag-apir ako sa kaniya.

Mas close ako kay tatay, magkavibes kami kumbaga. Pero wala naman lamang. Lahat sila ay pantay-pantay para sa akin.

"Tch," natigil lang kaming tatlo nang nilampasan kami ni ate Bridgette.

Bumuntong hininga si nanay at sinuklay-suklay ang ilalim ng buhok ko. Sabi ko bawal bad vibes, e. Si ate Bridgette kasi ang main source ng bad vibes. Dapat ko na ba siyang iwasan para 'di ako mahawa? Charot lang.

Iwinaksi ko nalang iyon sa isipan ko at hinarap sina nanay.

"Nay... tay..."

"Ano iyon, anak? Kinakabahan kami sa iyo, ah." Sabi ni nanay pagkatapos kong hawakan pareho ang mga kamay nila.

Huminga muna ako nang malalim."May trabaho na po ako!" 

Natulala sila pareho. Bumukas ang pintuan ng kwarto at nagtatakbo palapit sa amin si Zoren. Nabura ang ngiti ko. Teka, hindi ba nila nagustuhan ang napakaganda kong balita? Mas maganda pa sa akin. Oo, payag na ako doon.

Uulitin ko pa sana ulit nang sumigaw si tatay at niyakap naman ako nang mahigpit ni nanay. Bumalik ang masigla kong ngiti. Nakigulo na din si Zoren sa amin at idinetalye ko sa kanila ang nilalaman ng e-mail. Si ate Bridgette lang ang hindi nakisali. Bigla nalang siyang nawala, e. Ewan ba saan siya nagpunta.

Saktong pagsapit ng umaga ay naghanda na ako. Hindi naman ako halatang excited. Hindi talaga. Sinabi ko kina nanay na ngayon na ang pagpunta ko sa mga Madrial dahil kagabi ay nag-reply na sa akin iyong secretary nila. Naibigay na sa akin ang address at instructions. 

Ngayon ay makikipagsapalaran ako sa Maynila dahil doon ang location ng pamilyang pagsisilbihan ko. Kaya ko ito.

"Bessy! I will miss you!" Halos masakal na ako sa higpit ng pagkakayakap sa akin ni Genelyn. 

Siya ang naghatid sa akin dito sa bus station. Hinayaan ko na lamang dahil ito na ang huli naming pagsasama. Hindi ko sigurado kung kailan ulit kami magkikita.

"Mami-miss din kita. Pakabait ka na, ah? Dapat kapag bumalik ako, single ka parin para vibes parin tayo!" Kumalas siya nang sabihin ko iyon.

Pinunasan niya ang kunwaring mga luha sa mata."Bessy naman! Of course, hihintayin kita bago ako magjowa para sabay tayong maging taken!" Hinampas niya pa braso ko.

Hinimas ko iyon. Ang sadista talaga ng babaeng 'to. Kawawa naman magiging boyfriend niya. Charot.

"Goals!" Nagtawanan kami bago nagyakapan muli.

Kumaway ako sa kaniya sa huling pagkakataon. Huminga ako nang malalim at binitbit ang mga gamit na dadalhin ko patungo sa syudad. Iniiwas ko ang tingin sa konduktor at pumasok na sa loob ng bus. Humanap ako ng magandang spot para upuan, bet ko iyong sa may bintana kaya tipid akong napangiti nang may bakante pa sa bandang dulo.

Mahaba-habang byahe ito kaya nagpasiya akong umidlip muna. Naramdaman kong may umupo sa tabi ko kaya umusog ako nang bahagya. Nagsimula nang umandar ang bus, dinalaw ako ng agarang pangungulila.

Nagmulat ako at tiningnan ang kaibigan ko mula sa malayo. Pumatak ang mga luha ko kasi hindi pa pala siya umaalis hangga't hindi umaalis ang bus na sinasakyan ko. Kumakaway siya habang may ngiti sa mga labi ngunit bago pa ako kumaway ulit pabalik, unti-unti nang lumiit ang imahe niya sa paningin ko hanggang sa tuluyan na siyang maglaho sa mga mata ko.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status