Share

Chapter 3

Chapter 3

            Inaya siya ni Nanang Yeye na kumain muna dahil nagluto raw ito para sa pagdating nina Alejandro at Nexus sa hacienda. Tipid niyang tinanggihan ang paanyaya ng matanda at sa halip ay pinili munang magpahinga.

            Hindi siya maayos na nakatulog kagabi.

            Bakas sa mata ni Nanang Yeye ang lungkot habang nakasunod ang tingin nito sa kanya na paakyat ng hagdan.  

            Hindi niya tinapunan ng kahit na saglit na tingin ang pintuan ng master’s bedroom. Dire-diresto lamang siya papasok sa kwarto na nasa harap niyon.

            Ang maaliwalas na silid ang bumungad sa kanya. Hinubad niya ang suot na high heels bago basta na lang iyon itinapon sa sahig. Humakbang siya palapit sa sliding door na gawa sa salamin. Binuksan niya iyon at lumabas patungo sa Veranda.

            Binusog niya ang kanyang mga mata nang kulay luntiang kapaligiran. Ang mga bundok sa kalayuan, matataas na puno na ang ilan ay may nagkukumpulang bunga ng prutas, ang malawak na taniman ng pinya, mga gulay at iba pang prutas na ine-export pa sa ibang bansa.

            The Hacienda Constancia is definitely a paradise. Bukod pa roon, marami rin binubuhay ang Hacienda. Mula sa mga trabahador, mga scholar…

            Ilang oras din siyang nakatulog bago may kumatok sa pinto ng inuokopa niyang kwarto para.

            “Senyorita, nandito na po sina Sir Nexus at Sir Alejandro.”

            Napangiwi siya sa tinawag nito sa kanya.  

            “Susunod ako. And not Seniorita. Don’t call me that.”

            Tumango ang babae at mahiyain na tumalikod. Baguhan yata ito sa mansion at pamilyar sa kanya ang mukha nito. Parang iyon yata ang anak ni Ka-Berting na nakatira sa may pinyahan.

            Muli niyang isinuot ang hinubad na high heels nang wala siyang makitang pangloob na tsinelas. Dinig niya ang ingay sa living room nang nasa hagdan pa lamang siya. Boses ni Alejandro at Nanang Yeye. May mga nakasalubong din siyang mga maid na dala-dala ang ilang maleta paakyat.

            Dumako ang tingin sa kanya ng mga bagong dating nang tuluyan siyang makababa sa hagdan.

            Nagliwanag ang mukha ni Nexus nang makita siya. Ang kulay asul nitong mga mata ay halos magningning habang nakatingin sa kanya.

            “S-Steph,” tawag nito sa kanya sa nahihirapang tinig.

Kumpara nang huling beses niya itong nakita, hindi na ito gaanong maputla. Ang buhok nitong hanggang balikat ay nakatali ng manbun. Naka-upo ito sa wheelchair habang nasa likod nito ang isa pang lalaki na hindi niya kilala.

            Lumapit siya kay Nexus nang inilahad nito ang kamay sa kanya. She tried her best not to flinched when she finally holds Nix’s hand. Ngumiti ang dati niyang asawa, kita ang mapuputing ngipin.

            “Steph,” ulit nitong tawag sa kanya kaya tumaas ang sulok ng labi niya.

            “Hi,” mahina niyang wika.

            “N-Nandito na ako.”

            “Yes. Dito ka na muna titira hanggang sa gumaling ka.”

            “A-Alagaan m-mo ako?” parang bata nitong tanong, ang mga mata ay nangungusap.

            “Oo.”

            “T-Thank you.” Itinaas nito ang magkabila niyang kamay at dinampian ng masuyong halik ang mga iyon.

            Pasimple niyang inagaw ang kanyang kamay at binalingan si Nanang Yeye na nasa tabi ni Alejdandro.

            “Nanang, handa na po ba ang kwarto ni Nexus?”

            “O-Oo,” sagot ng matanda matapos magpalipat-lipat ng tingin sa kanila ni Nexus. Bakas sa mukha ng matanda na nakikisimpatya ito sa sitwasyon ng lalaki.

            Ipinakilala sa kanya ni Alejandro si Rex, ang private nurse ni Nexus. May kaunting alam din daw ang lalaki sa therapy at recommended daw ng GICC hospital.

            Naging maayos ang hapunan nila. Si Alejandro ang nanguna upang hind maging tahimik ang hapag-kainan. Siya naman ay tahimik lang na nakaupo sa tabi ni Nexus at paminsan-minsan itong sinusubuan katulad ng hiling nito.

            Hindi siya nagsasalita kung hindi naman siya tinatanong. She was suffocated the whole time. Kung hindi lang magtataka si Nexus, malamang ay kanina pa siya umalis sa hapag-kainan.

            Matapos ang hapunan, si Rex ang naghatid kay Nexus sa master’s bedroom. Hindi naman nahirapan ang nurse dahil may elevator naman ang tatlong palapag na mansion. Habang siya naman ang naghatid kay Alejandro sa labas ng bahay. Babalik din kasi ito sa Maynila dahil may mahalaga raw itong kailangan gawin doon.

            Nakahalukipkip siya habang nakasunod rito. Kaswal lamang niya itong tiningnan nang makalapit sila sa kotse nito at humarap sa kanya.

            “Mara, I know that this is hard for you. Pero kung hindi mo talaga gusto ang ginagawa mo, mas mabuti pang itigil mo na ito.”

            “Anong ibig mong sabihin?”

             “Matalino si Nix, alam kong sa ngayon ay naghihinala na siya. Hindi mo siya matutulungan na makaalala kung palagi mo siyang iiwasan,” Alejandro sighed,

“Kung hindi mo magagawa ang trabahong ‘to, mas mabuti pang sabihin mo na sa akin. Ako mismo ang magsasabi kay Letici. Kung patuloy mong iiwasan si Nexus, he will ask himself kung ano ang mali at malaki ang posibilidad na pilitin niya ang sariling makaalala. Kung malalagay lang sa alanganin ang kapatid ko, better if you quit this job and stay away.”

            Ang kulay asul na mata ni Alejandro ay seryosong nakatingin sa kanya, mistulang binabasa nito ang isipan niya. Pinigilan ang sarili niya ang sarili na gumawa ng kahit anong reaksyon bunga ng kulay asul na matang iyon. It was the same eyes as Nexus Almeradez.

            “You don’t know how I feel, Alejandro.”

            Bahaw itong natawa. “Wala akong sinabing alam ko kung ano ang nararamdaman mo.”

            “Hindi ito madali sa akin.”

            “Then quit the job. Ganon lang iyon kadali. Kung pera ang inaalala mo, kaya kong gawan ng paraan para hindi bawiin ni Leticia ang ibinigay nila sa ‘yong down payment.”

            Hilaw siyang tumawa.

“Take care of my brother. Kung hindi mo kayang pakisamahan siya, bukas ang Hacienda Constancia sa pag-alis mo.”

            Hindi siya umimik sa sinabi nito bagkus, ay pinanood niya na lamang itong sumakay ng kotse at umalis. Nakatayo lang siya sa harap ng mansion hanggang sa unti-unting nawala sa paningin niya ang kotse ni Alejandro.

            Umiling siya at gumuhit ang mas mapait na ngiti sa mga labi niya. Tama si Alejandro. Kung ayaw niya, ayaw niya talaga. Kung gusto niya, gusto niya. Pero hindi naman kasi pera lang ang usapan kung bakit siya pumayag.

            “Hindi ko kailangan ng pera niyo,” mahinang bulong niya sa gitna ng malamlam na liwanag na nanggaling sa loob ng mansion. “Gusto kong makitang masasaktan rin ang kapatid mo. Gusto ko rin madurog siya katulad ng pagdurog niya sa akin noon.”

            Nang bumalik siya sa loob ng mansion, wala na ang mga katulong na kanina ay nasa living room. Pati na rin si Nanag Yeye ay hindi na niya mahagilap. Umakyat siya sa hagdan at tinungo ang kwartong inuokupa niya. Subalit, makalipas ang ilang minuto niyang pagkakahawak sa seradura ng guest room, binitawan niya iyon at humakbang sa katapat na pinto.

            Ang malamig na seradura ng master’s bedroom ay nagbigay ng kilabot sa kanya. Dalawang taon na rin ang nakararaan nang huling beses niyang pumasok sa kwarto kung saan naging maganda ang pagsasama nila ni Nexus noon. Maganda, masaya… pero kasinungalingan lang pala.

            Nakita niya si Nexus nasa kama. Nakasandig ito sa headboard habang nasa paanan nito si Rex na hinihilot ang mga paa nito. Maliwanag ang ilaw sa kwarto kaya kitang-kita niya ang lamlam ng titig sa kanya ni Nexus.

            Naglakad siya palapit sa kama at umupo sa kaliwang bahagi. Isinampa niya ang kanyang mga paa sa malambot na matress at inayos ang mga unan sa likod nito upang mas maging komportable ito habang hinihilot ni Rex ang mga hita ni Nexus pababa sa mga paa nito.

            “Kailan ang balik niya para sa therapy?” tanong niya sa private nurse. Hindi niya inintindi ang paghawak ni Nexus sa kanyang baywang.

            “Sa susunod na buwan pa po, Ma’am. Sabi ni Dr. Johanson, kailangan raw munang magpahinga ni Sir Nix bago siya bumalik sa therapy session.”

            “Ipinahanda ko na ang kwarto na gagamitin mo. Nasa tabi lang nitong master’s bedroom. O kung gusto mo I can arrange a bed inside this master’s bedroom para mas madali mong maalalayan si Nexus.”

            “N-No,” tutol ng katabi niya at pinisil ang kanyang baywang.

            Hindi niya inintindi si Nexus. “Malaki naman itong kwarto. Para hindi hassle sa trabaho mo. From time to time, kailangan mong alalayan siya.”

            “N-No,” muling tutol ng katabi niya. “I-Ikaw…Ikaw ang m-mag-aalaga sa akin. Ikaw ang g-gusto ko.”

            “What do you think, Rex?”

            Nahihiyang yumuko ang lalaki at napakamot ng ulo lalo na nang balingan ito ni Nexus ng tingin. “Hindi na po, Ma’am. Ayos na ako sa kwarto ko sa kabila.”

            “You can call me, Amara.”

            “P-Po?”

            “You can call me by my first name. Huwag mo na rin akong i-po. Magkasing-tanda lang naman tayo di ba?”

            Tumango ang lalaki, namumula.

            Itinaas ni Nexus ang isa nitong kamay para senyasan si Rex na tumigil na. Matalim ang tingin nito sa nurse habang papalabas sa kwarto ang lalaki. Nang lumapat ang pinto pasara, muling pinisil ni Nexus ang kanyang baywang na ikinataas ng sulok ng labi niya.

            Madilim ang mukha ni Nexus nang nilingon niya ito, ang tingin ay nagbabanta. Katulad noon, tingin nitong iyon ay nagsasabing may hindi ito nagustuhan sa ginawa niya at kailangan niyang maparusahan.

            “A-Ano iyon?” Nabubulol man, mababakasan ng lamig ang boses nito.

            “Ang alin?” patay-malisya niyang tanong.

            Sa halip na sumagot, umismid lamang ito at hinapit ang katawan niya palapit. Hindi agad siya nakapag-react at huli na nang sumubsob ang mukha niya sa dibd ib nito. Napasinghap siya nang manuot sa kanyang ilong ang natural nitong amoy.

Lintek! Ang brusko pa rin.

            Nang hinaplos nito ang kanyang ulo, doon na siya natauhan at malakas na itinulak ito. Lagapak sana ito sa sahig kung hindi agad ito nakakapit sa headboard. Nanlalaki ang mga mata nito.

            Hinila niya si Nexus pabalik sa pagkakapwesto nito sa kama. Ramdam niya ang tingin nito na ipinagkibit-balikat niya lamang iyon.

            “Matulog ka na,” wika niya.

            Tipid itong tumango kaya tinulungan niya itong makahiga sa kama. Kinumutan niya ito at binuhay ang lamp. Sinara niya ang ilaw sa ceiling at muling binalikan si Nexus sa kama nito.

            Itinuro niya ang buzzer na nasa ulunan nito. “Press the buzzer kapag may kailangan ka.”

            Nang tumango ito ay tumalikod siya para sana lumabas na. Subalit, bago pa man siya makahakbang ay hinawakan ni Nexus ang kanyang kamay.

            Napatingin siya roon bago sinalubong ang kulay asul na mga mata ng dating asawa. “Bakit?”

            “H-Hindi ka t-tatabi sa a-akin. S-Saan ka pupunta?”

            “May mga kailangan pa akong tapusin na paperworks. Hindi ako papasok sa mga susunod na araw kaya kailangan kong tapusin iyon.”

            Hindi sumagot si Nexus kaya inalis niya ang kamay nitong nakahawak sa kanya. She felt cold all of a sudden. Sa mga sumunod na sandali ay parang gusto niyang hilahin ang kamay ni Nexus at muling pahawakan ang kanyang kamay.

            “I need to go. Pindutin mo na lang ang buzzer kung may kailangan ka.”

 Muli niyang inayos ang kumot nito at naglakad patungo sa pinto.

            “B-Bakit pakiramdam ko a-ang layu-layo mo? Nandito ka n-nga pero ang pakiramdam ko malayo k-ka sa a-akin, Steph.”

Comments (3)
goodnovel comment avatar
Gene Darden
bakit kaya ganon ang sitwasyon nila? ano ang ginawa ni Nexus sa kanya?
goodnovel comment avatar
Merly Bacuño Salazar
kawawang bexus nangangailangan ng tugon sa pag ibig na nararamdaman nia
goodnovel comment avatar
Nelly Jean Almar
Naiiyak na naawa aq kay Nexus.
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status