Share

Kabanata 5

Nakapagtatakang nagkakagulo sa bahay nang umuwi kami ni Venus. Nagtipon sa aming bakuran ang ilang farmers. 

“What's happening, Tiyo?” kunot-noong anas ni Venus. 

Iniwan ko na silang dalawa roon sa labas ng gate. Agad kong nilapitan si nanay na ngayon ay maluha-luhang nakikipag-usap sa kaniyang mga kasama. 

Napalingon silang lahat sa akin. 

“Ano pong nangyayari?” 

“Alliyah, halos kalahati lang ng kabuuang ani ang naisalba mula sa mga peste. Mas marami ang hindi na mapakikinabangan.” 

Bigla akong nilukob ng kaba. 

Pinagmasdan ko ang mga naroon. Bakas ang pagod sa kanilang lahat na sinasabayan pa ng kaguluhan. 

Muling nagsalita si nanay nang hindi agad ako nakaimik. 

“Ngayon lang nangyari ito. Sa ilang taon naming pagtatrabaho rito ay kabisado na namin ang pamamalakad kaya masasabi kong hindi namin ito kapabayaan. Kumpleto ang mga gamit at araw-araw kaming naroon kaya imposibleng hindi namin mapapansin kung may problema na sa mga tanim. Alam mo rin iyan, Alliyah.” 

Tumango ako at marahang hinagod ang likod ni Nanay. “Nauunawaan ko po.”

“Hindi ko lubos na mapaniwalaan ang nangyaring ito. Ngayon, anong gagawin natin?” 

“Nasabi niyo na po ba ito kina Ma'am Navi?” saad ko. 

“Oo, papunta na raw sila rito.”

Dahil sa kaguluhan ay hindi na ako nakapagbihis ng pambahay. Magkasama naming tinungo ni Venus ang farm. Nagulantang kami sa nakita. 

Sa bungad ay doon nakatambak ang tone-toneladang inani.

“Hala, grabe!” anas ni Venus. 

“Magkano po kaya ang halaga ng rejects na ito?” tanong ko sa isang ginang. 

“Naku, hija. Milyon din ang halaga ng mga iyan kung susumahin.”

Natutop ko ang aking bibig. Kung ganoon ay... 

“Ang nakakalungkot diyan ay kailangan naming bayaran ang damage dahil kapag hindi nahuli ang may sala ay lalabas na kaming lahat ang may kasalanan dito.” 

Hindi lang dahil sa nakikita kong lungkot sa mukha ng ginang ang nakahaplos sa akin, maging ang garalgal niyang boses. 

Naisip ko si Nanay. Kung mangyari ngang pabayaran sa farmers ang lahat ng damage, paano naman sila makakapagbayad? Ang isiping doble silang kakayod para roon ay masyado nang masakit para sa akin. Paano pa kaya ang mga nararamdaman nila ngayon? 

Nangilid ang luha ko habang naiisip ang problemang haharapin ni nanay kung sakali. 

Nagpakawala ako ng buntong-hininga para mabawasan ang namumuong bigat sa d****b ko. Ang alam ko lang sa ngayon ay hindi ko kayang manood lang. Kailangan kong tumulong kahit anong mangyari.

“I feel sorry po sa nangyari. Naaawa rin po ako kay Tiyo Banny.” Tila naubos din ang enerhiya ni Venus dahil sa kawalang sigla ng boses niya. 

Nagsitayuan ang mga naroon nang may nagbalitang dumating na raw si Ma'am Navi kaya't sumunod na rin kami ni Venus. Gusto kong malaman ang buong detalye ng pangyayari. 

Pabilog na nakaipon ang farmers sa bakuran ng bahay namin habang matamang nakikinig kay Ma'am Navi na siyang nasa gitna. 

Tahimik na pumuwesto kami ni Venus sa likuran. 

“This is really unbelievable. Kahapon ay bumisita rin ako sa farm at nakita ko mismong walang problema sa mga tanim. Now, how come? Paano nangyaring kinabukasan lang ay nagkalat na ang mga peste roon?” dismayadong saad ni Ma'am Navi. 

“Wala rin po kaming kaalam-alam, Ma'am.”

“Kagabi, sino ang huling bumisita roon?” Pumihit si Ma'am Navi para makita ang iba pa. 

“Ikaw, Allissa, 'di ba?” 

Nabaling ang aming atensyon kay Nanay. 

Kunot-noo siyang sumagot, “Ako nga, Narso. Ngunit hindi ako dumiretso sa loob ng farm. Hanggang bodega lang ako.”

“Anong ginawa mo roon?” muling tanong ni Manong Narso. 

Matamang nakatingin sa kanilang dalawa si Ma'am Navi, hinahayaan silang magpalitan ng salita. 

“Ibinalik ko yung kalaykay dahil may nag-iwan no'n sa daan.” 

“Ako ang nakaiwan no'n, nakalimutan kong ibalik, pasensya na,” pag-amin nung isa. 

Tumango si Nanay. 

“Wala ka bang napansing kakaiba, Allissa?” usisa ni Ma'am Navi. 

Hindi ako mapakali dahil natatakot akong baka madiin pa rito si Nanay. 

“Wala naman, Ma'am. Nang maibalik ko ang kalaykay ay agad din akong umuwi.”

“May somabotahe sa farm, sigurado ako. Ang kailangan nating matukoy ay kung sino. Posibleng ang isa sa inyo ang gumawa no'n o posible ring taga-labas. Gusto kong ilista ninyo ang lahat ng mga pangalang bumisita rito mula noong nakaraang linggo hanggang kahapon.”

Sumang-ayon ang lahat sa sinabi ni Ma'am Navi. 

“Bukas na bukas ay kailangang ipadala ninyo sa akin ang listahan. Pag-uusapan pa namin ni Ridley kung ano ang dapat gawin sa problemang ito. Simula ngayong araw ay wala na munang papasok sa farm. Maghintay na lang kayo sa susunod kong announcement.”

Nakahinga ako nang maluwag. Kung sino man ang taong iyon ay siya ang dapat na magbayad, hindi ang mga taong nadamay.

At isa pa, ano naman kaya ang motibo ng may pakana nito? Inggit?

Mabuti na lang at mahaba ang pasensya ni Ma'am Navi. Kung iba sigurong amo ay patatalsikin na kaming lahat dito kahit hindi pa alam ang ugat ng problema.

Hindi ko na nakausap si Nanay tungkol doon hanggang sa dumating ang gabi at natapos ang aming hapunan. Kung sabagay, wala rin naman akong ibang masasabi dahil wala akong alam. Basta't ang sabi niya'y maaga siyang magpapahinga dahil napagod siya sa ginawang general harvesting.

Kasalukuyang nakatitig ako sa kisame habang malalim na nag-iisip nang biglang tumunog ang cellphone ko, hudyat na may pumasok na mensahe roon. Nanatili akong nakahiga. Tamad ko iyong inabot mula sa study table. 

[Ruan:

Still up? I have news for you.] 

Good thing, bukas pa ang expiration ng load ko. Agad akong nagtipa ng reply.

[Ako:

Yup.] 

[Ruan:

I referred you to someone. I told him that you do portraits and he wants to see you tomorrow. If you say yes, I'll fetch you up.] 

Natuwa ako sa nabasa. May bago akong kliyente! 

Pero sino naman kaya iyon? 

[Ako:

Sige, anong oras?] 

[Ruan:

7am. He has an appointment to attend before 9am.]

[Ako:

Sino ba siya?]

[Ruan:

You'll know him tomorrow. I don't tell stories through screen, Alliyah.]

Napairap ako. Tamad nga palang magtype nang mahaba ang isang ito. Sa texts ay tipid siya pero in person naman ay maboka.

[Ako:

Sige na nga. Thanks for referring me! :)] 

Wala na akong natanggap na reply pagkatapos ng ilang minuto kaya nagpasya na akong matulog. 

“Nay, may pupuntahan ako ngayon,” pagsisimula ko habang nag-aalmusal kaming dalawa. 

“Saan?” 

“Hindi ko pa po alam. Susunduin ako ni Ruan mamaya. May kliyente raw po na gustong magpa-commission sa akin.”

“Aba, mabuti 'yan. Walang problema, basta umuwi ka rin bago dumilim. Hindi mo ba isasama si Venus?”

“Hindi na po, ihahatid naman ako ni Ruan pauwi.”

“Oh, siya. Sige. Aasikasuhin din namin ang listahan at ihahatid ko iyon mamaya sa mansion.”

Pagkatapos kong kumain ay dumiretso na ako sa banyo. Kailangan ko rin kasing habulin ang oras para matuyo ang buhok ko bago ako umalis. Wala kaming hair blower kaya towel dry lang ang ginagawa ko.

Matapos kong mag-ayos ng sarili ay isinalansan ko nang maayos ang arts ko sa lalagyan. Ang dadalhin ko lang ay ang maaayos at ang wips ay iiwan ko rito. 

Tuwina'y napapadako ang tingin ko sa naka-frame na portrait ni Russel at napapailing na lang ako. Mabuti na lang at hindi ugali ni nanay na usyosohin ang drawings ko. Hanggang ngayon ay hindi niya napapansing si Russel iyon at hindi ang kung sinong sikat na artista. 

Dahil mas nauna pang umalis si Nanay ay hindi na nakapagpaalam si Ruan sa kaniya. 

Magkahalong excitement at hiya ang nararamdaman ko habang nakasakay sa kotse ni Ruan. Panay ang pag-aayos ko ng damit. Nakapatong sa hita ko ang case kung saan naroon ang mga sample ng portrait na ipakikita ko sa kliyente. 

“He will surely like your arts,” paniniguro ni Ruan. 

“Sana nga. Kailangan ko rin talagang makaipon, eh. At isa pa, may problemang kinakaharap ngayon si Nanay kaya kahit papaano ay gusto kong tumulong.”

“What happened?” 

Iniliko niya ang sasakyan. 

“Nasira ang kanilang mga ani. Malaki ang nawalang pera.”

Kumunot ang kaniyang noo. “Ngayon lang nangyari 'yan, ah?” 

“Uhm. Kaya nga nag-aalala ako. Kapag napatunayang isa sa kanila ang may kasalanan, madadamay ang lahat.”

“If you need help, nandito lang ako.”

“Alam mo namang hindi ako sanay lumapit sa iba, Ruan. Hayaan mo, malalampasan din namin ito,” nakangiti kong sambit. 

Unti-unting lumiwanag ang paligid nang makalabas na kami mula sa kumpulan ng mga nagtataasang punong-kahoy na nakahilera sa magkabilang gilid. Ang kaninang malawak na lupain na dinadaanan namin ay napalitan ng malawak na kalsada kung saan nagkalat ang naglalakihang establishments. Narating na namin ang highway. 

“Pero kung sakaling magipit kayo, Alliyah. I'm just one call away.”

Ngumiti lang ako at tumango. Hindi pa rin talaga ako makapaniwalang ganito kabait sa akin si Ruan. Alam kong parte ng CMC ang kanilang pamilya kaya naman hindi na kataka-takang marami siyang maitutulong sa kapwa niya. Kung may pagkakataon lang ako ay pasasalamatan ko rin ang mga magulang niya dahil nakapagpalaki sila ng mabuting anak. 

Tanging ang family background lang ni Ruan ang alam ko tungkol sa kaniya. Iyong mga personal na impormasyon ay hindi ko magawang itanong dahil bukod sa nahihiya ako ay ayaw ko namang lumagpas sa privacy niya. Gayunpaman ay sapat na ang kabutihang ipinakikita at ipinararamdam niya sa akin. 

Tumigil ang sasakyan sa tapat ng isang restaurant. 

Nagkusa na rin akong lumabas nang bumaba na si Ruan. 

Iginiya niya ako sa loob ng naturang restaurant at dinala sa left side kung saan may naghihintay na isang lalaki. Nakasuot ito ng pormal attire, iyong isinusuot sa opisina. 

Saglit akong napatigil nang tila namumukhaan ko ang lalaki. 

“Yo,” bati ni Ruan. 

Naupo na rin ako nang ilapit niya sa akin ang upuang nasa harapan ng magiging kliyente ko.

“You're just in time.” Kasing-aliwalas ng panahon ang boses nito. 

Nagbaling ito ng tingin sa akin at swabeng inilahad ang kaniyang kamay. “Luke Clausen,” anito sa malambing na boses. 

Bahagya akong nagulat ngunit hindi ko iyon ipinahalata. Isa rin siyang Clausen.

Kaano-ano niya si Russel? 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status