Share

Kabanata 9

Dali-dali akong bumaba mula sa kwarto kahit magulo pa ang buhok. Nag-iiwan ng ingay ang bawat hakbang ko sa hagdan dahil mabibigat iyon.

Nilagpasan ko si Nanay na kasalukuyang naghahanda ng almusal. Ang sabi ni Ma'am Navi ay pare-parehong nasa bakasyon ang maids nila at dalawang hardinero. Sakto rin namang nangyari iyon sa farm at napalipat kami rito nang wala sa oras. Kahit papaano'y makatutulong kami sa mga gawaing bahay, wala mang sabihin ang mga Clausen. 

Narinig ko pa ang tanong ni Nanay kung bakit ako nagmamadali pero hindi ko na iyon nagawang sagutin. 

Dumiretso ako sala at agad tiningnan ang bilog na mesa pero wala na roon ang sketchpad ko. Sigurado akong dito ko iyon naiwan kahapon! 

Bumalik ako sa kusina. 

“Nay? Yung sketchpad ko?”

“Jusko kang bata ka. Sketchpad agad hinahanap mo, eh tingnan mo nga 'yang hitsura mo.”

“Naiwan ko po kasi iyon kahapon sa sala. Wala na po roon,” nag-aalalang sabi ko. 

“Aba, eh maaga akong gumising ngayon. Wala rin akong nakitang sketchpad doon.” 

Nagugutom ako sa amoy pa lang ng mga niluto ni Nanay pero hindi ko magawang matakam. Kailangan kong mahanap ang sketchpad ko! Hindi ko pa rin iyon nagugupit. Dadaanan iyon ni Ruan mamaya! 

Nagpabalik-balik ako sa sala. Nilibot ko na rin iyon, tiningnan ang bawat ilalim at lalagyan na puwedeng mapagpatungan pero bigo akong mahanap. Umagang-umaga, pinagpapawisan ako! 

Natigil lang ako nang makita si Daimler. Kung anong ibinilis ng pagbaba ko kanina sa hagdan, siya namang pagbagal ng kaniya. Tamad na tamad siyang humahakbang pababa. Medyo magulo rin ang buhok at nakakunot ang noo. Hindi yata maganda ang gising ng isang 'to. 

Hindi niya ako napansin. Dumiretso siya sa kusina. Lumapit ako nang kaunti roon.

Humikab pa siya nang tuluyang makalapit sa mesa. Walang ganang umupo at matamlay na kumuha ng pagkain. 

“Morning,” kahit papaano'y binati niya si Nanay. 

“Magandang umaga, hijo. Hindi mo na ba hihintayin si Madeley?” Ipinagsalin siya ni Nanay ng tubig sa baso at inilagay iyon sa gilid niya. 

“She can handle herself,” balewalang saad niya at nilantakan na ang pagkain. 

“Siya nga pala, ibinilin ni Sir Ridley na umattend ka sa photo shoot ng kapatid mo mamaya. Hindi raw kasi makakapunta roon ang mama mo.”

Wala na pala ang mag-asawa kung ganoon? Ang agad nilang umalis. 

Daimler groaned. “Seriously, I can't do that. That's so girly,” nakangiwing reklamo niya.

Bahagyang natawa si Nanay. “Pero iyon ang ibinilin ng papa mo.”

“Tell Dad I'm not going.”

“Oh siya, sige. Sasabihin ko. Kumain ka muna riyan at magpakabusog.”

Tyempong lumabas si Nanay ay agad akong nakiupo sa hapag-kainan pero hindi ako nag-abalang kumain.

Ilang segundo rin ang dumaan sa pagitan namin ni Daimler pero wala pa rin akong nasasabi! Nagmukha tuloy akong tuod sa harap niya! 

“Why? Don't stare,” suplado niyang puna.

Saka lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na magtanong. “N-nakita mo ba yung sketchpad ko? Naiwan ko kasi sa sala kahapon. Ngayon ko lang ulit naalala pero nung i-check ko, wala na roon.”

Kunot-noo niyang tinapos ang kinakain at pagkatapos ay uminom ng tubig.

“So, that's yours, huh...”

Namilog ang mga mata ko. “Hala! Nakita mo? Saan mo nilagay?”

“You're wrong. I didn't even touch it.”

Muli siyang naglagay ng ilang slices ng bacon sa kaniyang plato sabay dampot ng sandwich.

“P-pero, nasaan na 'yon? Hindi ko na kasi mahanap, eh.”

Hindi siya tumitingin sa akin. Abalang-abala siya sa pagkain na para bang sarap na sarap siya sa bacon at sandwich. 

“Ask Russel about it. I saw him checking your sketchpad yesterday night.”

Napipi ako sa sinabi niya. 

Russel. 

Si Russel na naman. Sa halip na ganahan dahil alam ko na kung sinong mapagtatanungan ng nawawala kong sketchpad ay biglang umurong ang kagustuhan kong makuha iyon. 

Napabuntong-hininga ako. Iyon pa lang ang pagkakataong nakuha ko ang atensyon ni Daimler. 

Mangha siyang nakatingin sa akin habang nginunguya ang pagkain. Sumandal siya sa upuan at humalukipkip.

“What's with you and Russel, by the way?” 

Lalo akong napako sa diretsahang tanong niya, hinalukay ang isip para sa magandang isasagot doon kahit alam kong wala. 

Wala naman kasing kung ano sa amin ni Russel. Sa akin lang... Ako lang yung may problema. 

“W-wala naman.”

Hindi na siya sumagot pero hindi ibig sabihin no'n na kumportable ako sa pananahimik niya. Alam kong marami na siyang napapansin. Siguro ay dahil lalaki rin siya at ramdam niya kung may gusto ang isang babae sa kanila? At isa pa'y may conclusion na siya noong una pa lang. Paano pa ako makatatanggi? 

Inokupa ng platong puno ng pagkain ang mesang tinititigan ko. Dahil sa lalim ng iniisip ko'y ni hindi ko napansing ikinuha na niya ako ng pagkain. 

Mas inilapit pa iyon ni Daimler sa akin nang mabalik ako sa wisyo. 

“Eat. You look pale,” seryosong saad niya at ipinagpatuloy ang kaniya. 

Tipid akong ngumiti. Buti ka pa, Daimler... Isip ko. 

Magwelga man ang loob ko, sa huli ay wala pa rin akong choice. 

Ito ang pangatlong beses na tatawagan ko si Russel. Good thing, madaling kausap si Daimler at agad nitong ibinigay sa akin ang numero ng kuya niya. 

Sa unang mga tawag ay walang sumagot. Pinatagal ko pa ng ilang segundo ang tawag bago muling patayin. Baka naman busy siya o naka-silent ang cellphone niya? But sure he's busy. Nasa trabaho siya kaya hindi na dapat ako nagtataka. Kalakip ng buntong-hininga ay hinayaan ko munang mamatay ang screen ng cellphone ko. 

Gamit ang kamay ay sinuklay ko ang aking buhok. Sumasayaw ang ilang hibla nito sa hangin at ang ilan ay tumatabon sa mga mata ko. Tanaw ko mula rito sa veranda ang malawak na farm. Bigla akong nangulila. Parang gusto kong bumalik doon ngayon at doon na lang ulit manirahan. Ngunit dahil nga sa nangyari ay tumamlay na ang hitsura ng farm. Noong naroon pa kami, buhay na buhay ito dahil sa iba't ibang tanim, karamihan ay nagmumula sa mga masasaganang bunga ang iba't ibang kulay. May naaaninag akong mga bulto ng tao sa sentro, gumagalaw ang mga iyon. Marahil ay ilang farmers. Kumusta naman kaya si Tiyo Banny? Yung mga kasamahan namin na napalipat din? Yung perang kailangang bayaran? Hindi ko mapigilang mag-alala. Wala kaming maipambabayad doon. 

Nagitla ako sa biglang pagtunog ng cellphone ko. Sa isang iglap ay nilukob ako ng kaba. Ilang segundo ko munang tinitigan iyon, tila nag-iisip pa kung sasagutin o hindi. Pero dahil sa sketchpad ko ay kailangan ko 'tong gawin, gaano man kahirap. 

“H-hello...”

Walang sumagot sa kabilang linya. Tanging ang malalalim na paghinga lang ang naririnig ko. May kaunting tunog din ng pagtipa pero hindi ko na gaanong marinig. 

“H-hello?” ulit ko, hindi ko maipagkakailang may halong excitement iyon. 

Napaungol ako nang makagat ang labi ko sa hindi malamang dahilan!

Ganito pala yung walang gana, Alliyah? 

“Are you okay?” maagap na tugon ni Russel sa kabila. 

Pakiramdam ko'y hinaplos ako ng boses niya. 

"A-ayos lang...” 

Hindi na ulit siya nagsalita. Napapikit ako. I need to do this! 

“R-Russel...” marahang tawag ko sa kaniya. 

Ang isiping naiistorbo ko siya ngayon sa kaniyang trabaho ay isa nang malaking kahihiyan para sa akin. Kailangan kong madaliin ito. 

“Uhm?” 

Humugot ako ng lakas sa sariwang hanging nalalanghap ko. 

“K-kanina pa kasi ako tumatawag. M-may itatanong lang sana ako.”

“I'm sorry...”

Napalunok ako, tila bumara sa lalamunan ko ang biglang paghingi niya ng tawad. Taksil ang puso ko... palagi na lang itong nang-aagaw ng puwang sa mga bagay na walang kinalaman sa kaniya. Umaasang kalakip ng mga salitang iyon ang mga bagay na nararamdaman ko. Yung sakit, inggit, panghihinayang. Yung mga pagkakataong palihim akong nasasaktan dahil sa kaniya. How I wish that he says sorry for all the hurt. Sana nga ay ganoon na lang. Kaso alam ko rin namang hindi at imposible iyon. Alam kong... nagsosorry lang siya dahil ilang beses niyang na-miss ang calls ko. 

“Ang sabi kasi ni Daimler ay nakita ka niyang hawak ang sketchpad ko kagabi. Itatanong ko lang sana kung... saan mo nilagay pagkatapos no'n... H-hindi ko kasi mahanap.”

Narinig ko ang pagpapakawala niya ng malalim na paghinga. Sa mumunting kaluskos ay naiimagine kong may ginagawa nga siya ngayon. 

“Nasa kwarto ko.”

Pinigilan kong mapasinghap. Unti-unting lumilinaw sa imahinasyon ko kung paano niya iyon dinala sa kwarto niya. Tuloy ay may malikot na parte ng isip ko ang tumawag sa akin. Bakit naman niya ginawa iyon? Ano kaya ang pakiramdam kung ako iyong isinama niya sa kwarto imbes na sketchpad ko?

Geez! Kukurutin ko na talaga ang sarili ko. 

“B-bukas ba ang kwarto mo? Puwede ko bang kunin doon?”

“Yeah... sure.”

Sa pagpayag niya ay wala na akong sinayang na sandali. Imbes na mag-ikot at suyurin ang mansion ay mas pinili kong magtanong kay Daimler. Bawas hassle na rin kaysa mahuli ako ni Nanay o ni Madeley. 

Sinuwerte ako dahil naabutan ko pa si Daimler sa garahe, naghahanda na sa pag-alis. 

Lumingon siya sa akin. Nailagay ko ang daliri ko sa aking labi dahil sa tensyong nararamdaman.

“Paalis ka na?” tinanong ko pa rin kahit obvious naman iyon. 

Tumango siya. 

“A-ano... I need your help.”

Nag-iinit ang buong mukha ko habang unti-unting lumapad ang ngisi niya matapos kong sabihin ang kailangan ko. 

“Upgraded, huh. From digits to personal room.”

Napasinghap ako. Ito na ulit yung Daimler na mapang-asar! Wala na yung supladong Daimler na nakausap ko kanina.

“H-hindi ganoon! Kukunin ko lang yung sketchpad ko!” dispensa ko bago pa mas lumawak ang kung ano mang iniisip niya.

Knowing him, he's also a naughty boy for sure!

Nagkibit-balikat siya, binalewala yung sinabi ko pero naroon pa rin ang multo ng ngiti. “Nasa dulo ang kwarto niya, sa second floor. Isolated 'yon kaya madali mong makikita.”

Bagama't walang katao-tao sa 2nd floor ay sumasabay sa mabibilis kong hakbang ang tibok ng puso ko. Bawat pintig nito'y katumbas ng samu't saring pakiramdam. Palaging ganito. Hihintayin ko na lang ang panahong magbabago ito, siguro sa panahong iyon ay hindi na rin ako ganito kahina. I know how a woman should act. But unfortunately, I can't. Kasi sa ngayon, pinangungunahan ako ng sariling katawan. Ngunit paano nga ba kung dumating ang araw na wala na akong pakialam? Hindi ko rin alam. 

Nagawa kong pagmasdan ang mansion kahit palingon-lingon ako, takot na baka mahuli ng kung sino. Gawa sa marmol ang sahig. Ang barandilyang pumapalibot sa aking dinaraanan ay nakakonekta sa magarbong hagdan. May nagkalat na chandeliers sa bawat sulok ngunit maliliit lang iyon, hindi kagaya ng nasa sentro, sa 1st floor na siyang pinakamalaki sa lahat at nagmistulang hari na sinusundan ng mga kawal. 

Nawaglit ang konsentrasyon ko dahil narating ko na ang silid na siya ngang nag-iisa sa dulo. Bumalik na naman ang bolta-boltaheng kumakalat sa buong sistema ko, kahit ang seradura pa lang nito ang nakikita ko. 

Nakagat ko ang labi ko habang papalapit doon. Ganap na akong nasa harap at pinasadahan ko ng tingin ang pinto pataas. 

Napagtanto kong narito na ako sa kwarto niya, pinayagan niya akong pumasok kaya malaya akong makita ang lahat ng puwede kong makita. 

Nangiti ako, iniisip sa kabila ng lahat, kung gaano ako kasuwerte. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status