"Mia,” ani pa ni Alonzo sa kanya sa kabilang linya pagkatapos nitong matigilan dahil sa kanyang sinabi.
"Medyo pagod ako ngayon Alonzo. Kung wala kang sasabihing maganda ay ‘wag mo na lamang akong kausapin. Isa pa, ayaw na kitang kausap. Kung may pag-uusapan man tayo pag-usapan na lang natin pagpasok ko sa trabaho," wika niya pa dahil ayaw niya nang marinig pa ang boses ng nobyong manloloko.
"Sige, magpahinga ka na. Tatawagan na lang kita sa ibang araw," wika pa ni Alonzo. Napansin niyang malungkot ang boses nito sa kabilang linya kung kaya't nagkibit balikat na lamang siya. Ang tulad ni Alonzo na magaling magbago ng kataksilan ay dapat lang na paghandaan niya.
Ganun pa man ay hindi niya mapigilang ang malungkot. Pakiramdam niya kasi ay ito na ang huli na pag-uusap nila ng nobyo na labis niyang minahal. Malungkot na inalis ni Mia ang cellphone mula sa kanyang tainga. Bago pa man bumaba ang kanyang kamay ay biglang kinuha ni Nicholas ang cellphone niya na kanyang ikinagulat.
Napalingon siya kay Nicholas. Seryoso ang mukha nito habang mabilis na nilagay ang contact number nito sa kanyang cellphone.
"Ano ang ginagawa mo?"
"This is my number… Ilalagay ko na para sa’yo. Tawagan mo ako kung kailangan.” sagot sa kanya ng lalaki.
Bago binalik ni Nicholas ang cellphone niya ay tinawagan nito ang sariling numero. Nakita niya ang pagpasok ng number niya sa cellphone ng lalaki.
“I will save your number,” ani pa nito kung kaya natutulala na lamang siya.
Binalik nito ang kanyang cellphone at tahimik na kinuha niya iyon at inilagay sa kanyang bag. Hindi niya malaman kung ano ang iisipin sa ginagawa ni Nicholas pero ang hindi niya maintindihan ay ang sarili dahil hinahayaan niyang gawin iyon ng lalaki.
Huminto ang sasakyan sa Shangri-La Plaza. Ito ang unang pagkakataon na nakapunta siya sa Shangri-La Plaza lalo na at ang mahal ng mga bilihin dito. Sapat na sa kanya ang mga paninda sa Divisoria. Nakakapunta lang naman siya sa mga sosyal na lugar kapag may lakas sila ni Alonzo pero kung siya lang—hindi siya mag-aaksaya ng pera para lamang sa mga luho. Isa pa hindi naman siya mahilig sa mga signature na gamit.
Mabilis na tumalima si Martinez at inakay si Nicholas upang paupuin sa wheelchair nito samantalang siya ay bumaba na ng sasakyan. Napatingin siya Shangri-La Plaza. Napakaganda no’n. Ang sosyal ng buong lugar.
Hindi niya maintindihan kung bakit siya dinala ni Nicholas rito pero dahil pagod na siyang magtanong ay tahimik na lang siyang sumunod sa dalawa papasok ng Shangri-La Plaza.
Akala ni Mia ay may bibilhin lamang si Nicholas kung kaya gusto nitong shopping mall, pero laking gulat niya ng diretsong dinala siya ni Nicholas sa seksyon ng pambabaeng kasuotan at huminto sa harap ng isang kilalang boutique. Napatingin siya kay Nicholas na nagtatanong ang mga mata pero hindi siya nito tiningnan man lang.
Kaagad silang sinalubong ng saleslady na nakangiti.
“Good morning, Ma’am, Sir,” bati ng saleslady sa kanila.
Tiningnan siya ni Nicholas pagkatapos ay tiningnan nito ang saleslady.
“Magsukat ka na ng mga damit na gusto mo. Kahit ano,” ani pa nito sa kanya bago binalingan ang saleslady. "Miss, could you assess her and have her try on the clothes that suit her?"
“Yes, sir!” sagot ng saleslady na todo ang ngiti kay Nicholas at Martinez. Kulang na lang ay mapunit ang ngiti nito.
"Hindi ko kailangan ng mga bagong damit, Nicholas," agad niyang tinanggihan ang gusto ng lalaki.
Napatitig sa kanya si Nicholas. Hindi niya mapigilan ang hindi kabahan dahil sa paraan ng mga titig nito. Pumayag na akong isuot mo yan sa araw ng kasal natin, Mia at ako ang masusunod kung gusto kong bihisan ka. I want the best for my wife,” ani pa ni Nicholas kung kaya napakagat labi siya. Hindi niya magawa ang sumagot.
Napatitig siya sa mukha ni Nicholas. Bagamat walang emosyon ang mukha nito ay bakas niya naman ang pagiging dominant nito. Nakakatakot ang mukha nito kapag tinutulan mo ang gusto. Wala siyang nagawa kundi ang sumunod na lamang sa saleslady. Kung ano-ano ang itinuro nito sa sales lady at pinapasukat sa kanya lahat ng magustuhan nito.
Kahit pakiramdam niya'y dominante si Nicholas ay hindi niya maitatanggi na may magaling itong panlasa pagdating sa damit. Isa-isa niyang sinukat ang damit na pinili nito at habang nakatitig sa salamin ay hindi siya makapaniwalang kaya niyang panindigan ang mga damit na pinili ni Nicholas para sa kanya. Ang hubog ng kanyang katawan ay bumabakat sa kanyang seksing alindog. Maging ang kanyang cleavage ay halos lumabas sa kanyang suot na bestida. Gandang-ganda siya sa kanyang sarili habang pinagmamasdan niya ang sarili sa salamin. Kung dati ay wala siyang lakas loob na suotin ang mga damit na sexy ngayon ay lakas loob niyang sinubukan ang lahat ng iyon. Lahat ng damit ay nabigyan niya ng hustisya.
"Sir, alin sa mga ito ang gusto ninyong bilhin?" tanong ng saleslady kay Nicholas pagkatapos niyang sukatin ang lahat ng iyon.
“Lahat!” sagot ni Nicholas na kanyang ikinagulat.
“Lahat?” bulalas niyang nanlaki ang mga mata kung kaya napatingin si Nicholas sa kanya. Hindi kaya biro ang mga presyo ng mga damit na sinukat niya. Hindi niya afford na bumili ng limang libo ang halaga sa isang damit lamang. Nakakalula kaya ang presyo.
“Yes,” sagot sa kanya ni Nicholas.
“Kasi–hindi ko naman kailangan ng ganyang karaming damit,” sagot niya pa.
“Kailangan mo,” ani pa ni Nicholas sa kanya sabay abot ng credit card sa saleslady.
Nang maglakad palayo ang saleslady ay mabilis niyang hinarap si Nicholas. Itinulak niya ang wheelchair nito sa isang tabi at sinenyasan si Martinez na ‘wag itong sumunod.
"Baliw ka ba? Ang mahal ng mga damit na yun! Tapos bibili ka pa ng napakarami. Hindi ko magagamit ‘yun lahat. Sayang lang ang pera mo," wika niya sa lalaki.
"Hindi kita pinakasalan para gawing katatawanan ng dalawang taong nanloko sa atin, Mia. Huwag ka ng tumutol pa dahil alam ko ang ginagawa ko,” may awtoridad na sagot sa kanya ni Nicholas.
Napatingin na lamang siya sa lalaki at hindi nakasagot. Pinanadar nito ang electric wheelchair papunta kay Martinez. Napabuntong-hininga na lamang siya.
Pagkalabas ng boutique ay dinala siya ni Nicholas sa seksyon ng mga panloob na kasuotan at pumili ito ng ilang set ng mamahaling underwear para sa kanya. Hindi niya mapigilang hindi mailang sa ginagawa ng lalaki. Napalunok na lamang siya sa mga binibili nito. Napansin niya ang pagpapa-cute ng salesman na bakla kay Nicholas na todo ang ngiti pero hindi naman ito pinansin ni Nicholas lalo na at abala ito sa pagtingin ng mga underwear na para sa kanya…Sa buong buhay niya ay wala pang lalaki ang bumili sa kanya ng kanyang mga personal na panloob at tanging si Nicholas lamang. Hindi niya tuloy maiwasan ang hindi pamulahan ng mukha. Hiyang-hiya na siya.
Napatitig siya kay Nicholas. Hindi lang mukha nito ang walang emosyon kundi maging ang kakayahan nito bilang isang lalaki ay wala na ring kakayahan.
Napalunok pa siya nang ipakita ng salesman na bakla ang t-back kay Nicholas na parang sinulid sa nipis. Napapangiwi siya. Ang mukha niya ay nagkulay kamatis. Hindi niya yata kayang isuot ang mga binibili ni Nicholas sa kanya.