Share

CHAPTER 2

Napangiti na lamang si Angelo sa inasal ng anak. Agad na siyang tumungo sa loob ng paaralan at pumuwesto sa unahan. Iniabot na lamang niya sa guro ni Angela ang pizza na dala niya. Hindi alam ni Angelo kung bakit biglang bumilis ang tibok ng kaniyang puso ng makita niya ang guro ng anak. Hindi rin niya malaman kung anong dahilan niya at ibinigay niya sa guro ng anak ang pizza na dapat ay para sa kaniya.

Lumipas ang mga oras at nakikinig lamang siya sa pagpupulong at humantong na nga sa oras ng botohan para sa magiging mga pinuno ng mga magulang sa ika-apat na baitang.

“Mga parents dadako na po tayo sa ating botohan para sa president, vice president, secretary, treasurer, auditor, Pio at sgt. At arms. Ang mga mahahalal po ay magkakaroon ng responsibilidad na para naman po iyon sa ikabubuti at kaayusan ng ating mga anak.” Panimula ni Loraine na siyang guro ng ika-apat na baitang.

Napakalambing ng boses ni Loraine sa pandinig ni Angelo. Napatulala na ang lalaki sa dalagang guro ng anak.

“Sino po ang nais ninyong maging ating president, maaari na po ninyong ituro kung sakaling hindi ninyo kilala ang inyong napupusuang ihalal.”

“Ma’am siya po, ‘yong naka white polo po,” saad ng isang magulang habang itinuturo si Angelo.

“Okay po, ano pong name ni daddy?” tanong ni Loraine sa daddy ni Angela.

“Angelo po ma’am “magalang na sagot ni Angelo sa guro.

“Okay po, may lalaban pa po ba kay Daddy Angelo para sa posisyon bilang president?” tanong ng guro sa mga magulang na naroon.

“Siya na lamang po ma’am,” saad ng karamihan sa mga magulang.

Naihalal na ngang president si Angelo at naihalal naman sa ibang posisyon ang mga magulang na dumalo sa pagpupulong. Natapos na nga ang pagpupulong subalit pinaiwanan ni Loraine si Angelo sapagkat siya ang naging president ay kailangan nilang pag usapan ang mga project na natukoy sa pagpupulong.

"Good day po" bati ng guro kay Angelo na ikinagulat namna ng binata dahil iniisip nito kung may asawa na ba ang guro ng anak.

"Good day din po" Bati nito pabalik na pilit itinatago ang kabang nadarama.

Pinag usapan lamang nila ang mga proyektong nabanggit sa pagpupulong bago kanya-kanyang nagsiuwian.

Umiwe si Angelo na kinikilig kasama ang anak na si Angela.

Naging madalas ang pagpunta ni Angelo sa paaralan na pinapasukan ng anak dahil sa mga proyekto na ipapagawa nila na kailangan niyang pamunuan bilang isang presidente.

Mas nagkalapit ang loob nina Angelo at Loraine. Palagi na silang magkasama o di kaya naman ay magkausap at magka text o chat sa cellphone.

“Ma’am bakit gising ka pa po? Gabi na ah, mapupuyat ka niyan,” mensahe ni Angelo sa ka-chat niyang si Loraine habang tila kinikilig pa ang loko.

“Naggagawa pa po kase ako ng lesson plan daddy Angelo, ikaw po ba bakit gising ka pa? Baka malate ka niyan sa meeting natin bukas”reply naman ni Loraine sa chat ni Angelo.

“Huwag ka po mag-alala ma’am, mas maaga pa ako dadating sa’yo bukas,” sagot naman ni Angelo dito.

Kinabukasan ay maagang nagising si Angelo. Ipinaghanda niya ng pagkain ang anak at sabay silang kumain ng umagahan saka sila sabay na pumunta sa paaralan ni Angela.

“Daddy, napapansin ko po, si Ma’am Loraine kinikilig kapag magkasama kayo, nililigawan mo po ba siya daddy? Magiging mommy ko na po ba si ma’am?” nakangiting saad ni Angela sa daddy niya.

“Anak saan mo ba nakukuha ang mga tanong mong iyan? Ang bata bata mo pa,naiisip mo na ang bagay na iyan,” sagot naman ni Angelo sa anak.

“Daddy, ayos lang naman po sa akin na maging mommy ko si ma’am Loraine kase mabait at maalaga po siya, tiyak po na payag din si mommy Angel kung sakaling iibig ka po ulit,” seryong saad ni Angela sa ama.

Napangiti na lamang si Angelo sa sinambit ng anak. Lihim siyang kinilig sa naiisip. Paano nga kaya kung ligawan niya ang guro ng anak. Tanong nito sa kaniyang sarili sa kaniyang isipan.

Lumipas ang ilang sandali at nakarating na nga sila sa paaralan ng anak. Agad na pumunta ng library si Angela upang mag review.

Ipinarada naman ni Angelo ang sasakyan niya saka mabilis na tumungo sa meeting place nila ni Loraine.

Dumaan muna siya sa kantina upang bumili ng dalawang barbecue at dalawang coke mismo na memeryendahin nila ni Loraine.

Sa field ang meeting place nila ng guro. May maliit na kubo kase roon na maaaring tambayan. Sa loob ng kubo ay may munting kusina, maliit na kwarto at maliit na mesa na napalilibutan ng upuan.

Makalipas ang halos limang minuto ay dumating na rin si Loraine. Nagulat pa ito ng masilayan ang mukha ni Angelo na tila di inaasahang mauuna ito sa kaniya.

“Good morning po Ma’am,” masiglang bati ni Angelo sa guro sabay kuha sa bag nito.

“Good morning din po daddy Angelo, napaaga ka yata ah,” bati nito pabalik sa ama ni Angela.

“Nasaan pala si Angela? Bakit hindi mo kasama?” tanong nito kay Angelo.

“Nagpunta lang po ma’am sa library at kailangan daw niyang mag review para sa nalalapit ninyong pagsusulit,” sagot naman nito sa guro ng anak.

“Napakabait na bata talaga ng anak mo daddy Angelo. Palaging nangunguna sa klase, kaya hindi na ako magtataka kung sa bigayan ng marka ay siya ang maging top 1 namin, masipag na mag – aral, napakagalang na bata pa,” puri ng guro sa anak ni Angelo

“Kanino pa po ba ma’am magmamana? E ‘di sa daddy niya,” pabirong sagot nito sa dalaga.

“Biro po lamang ma’am, ang totoo po niyan ay tinuruan ko po talaga si Angela na palaging maging magalang, masunurin at mabait na bata dahil iyon ang tama at ikakasaya ng mommy niya sa langit kung lalaki siyang mabait at magalang na bata, kaya ayon po hanggang ngayon, iyon ang tumatak sa isipan niya,” dagdag pa ni Angelo.

“Wow naman, buti po at ganiyan mag-isip ang ama ni Angela, hindi siya mapapagaya sa mga batang suwail sa magulang,” saad naman ng gurong si Loraine.

“Nga pala po ma’am, napuyat ka yata kagabi at nahuli ka sa ating usapan?” tanong ni Angelo sa guro habang nakangiti.

“Maaga talaga ako dumating dito, may isang batang pasaway lang na nang-away ng kaklase niya kaya ayon pinagsabihan ko muna at pinayuhan,” sagot naman nito na tila pinaglalaban na hindi siya napuyat.

“Magmeryenda ka na po muna ma’am bago tayo magsimula,” saad nito saka iniabot ang barbecue kay Loraine.

Sa pagkuha ng dalaga sa meryenda na iniaabot ni Angelo ay ‘di sinasadyang magkadampi ang kanilang mga kamay.

Nagulat silang pareho at nagkatitigan sapagkat may kuryenteng dumaloy sa kanilang katawan matapos magdikit ang kanilang mga kamay.

Bumilis ang tibok ng kanilang dibdib ng mga oras na iyon kung kaya naman ay kapwa sila umiwas ng tingin sa isa’t isa.

Natapos nila ang pag uusap tungkol sa proyekto ng kapwa nagkakailangan. Sabay nilang nilisan ang lugar at kapwa nagsitungo na sa kani-kanilang pupuntahan.

Si Loraine ay nagtungo na sa kaniyang klase habang si Angelo naman ay pumunta na sa opisina kung saan siya nagtatrabaho.

Kapwa sila tulala at hindi makapag pokus sa kani-kanilang mga trabaho. Iniisip nila ang nararamdaman nila sa isa’t isa. Hindi na nakapagpigil sa sarili si Angelo. Pinadalhan niya ng mensahe si Loraine.

“Good morning, may I ask you to for a dinner with me and Angela tonight?” kakabakabang mensahe ni Angelo sa messenger ni Loraine.

Hindi siya mapakali matapos isend ang mensahe. Pauli uli siya sa harap ng kaniyang lamesa sa loob ng kaniyang opisina.

Ang opisina niya ay mayroong glass door patungo sa veranda kung saan matatanaw ang halos buong bayan ng San Diego.

Sa pagpasok mo sa opisina niya ay makikita mo ang upuan niyang swivel chair na may lamesa sa harap at may nakalaan na upuan para sa bisita. Punong puno ang opisina niya ng litrato ng kaniyang anak na si Angela.

Natauhan lamang siya ng biglang bumukas ang pintuan ng kaniyang opisina at iniluwa nito ang kaibigan niyang si Hubert.

“Bro, bakit parang nagulat ka yata sa pagdating ko?” tanong sa kaniya ng kaibigan na tatawa-tawa

“G*go, sinong ‘di magugulat sayo? Bigal-bigla kang napasok, ‘di ka marunong kumatok,” sagot niya sa kaibigan habang natatawa din.

“Bakit ka ba kasi paulit-ulit ha? Naabutan kitang tila ‘di mapakali ah? May problema ba?” seryoso ngunit nang aasar na tanong ng kaibigan ditto.

“Wala may hinihintay lang akong reply,” sagot naman niya na ikinagulat niya sapagkat nadulas siya sa kaibigan.

“Aha, sinong ka-chat mo? May hinihintay ka na ngayon na reply ah,” malokong saad ng kaibigan niya sabay tangka na kunin ang kaniyang cellphone.

“Wala bro, joke lang ‘yon, sino naman icha-chat ko? Multo?” natatawa ngunit kinakabahan niyang sagot sabay patay sa kaniyang cellphone na ngayon ay inaagaw na sa kaniya ng kaibigan.

“Okey, sana replyan kana ni THE ONE mo,” pabulong nitong sambit sa gilid ng kaniyang tenga sabay labas ng opisina niya habang humahagalpak ng tawa.

Nakahinga ng maluwag si Angelo ng makalabas na ang kaniyang kaibigan. Kinakabahan siya kung papayag kaya ang guro ng anak sa kniyang hiling.

Titingnan na niya sana ang reply ng guro ni Angela subalit biglang nag shut down ang kaniyang cellphone at sa kamalasan ay naiwan niya ang kaniyang charger sa kanilang bahay.

Sa inis at pagkaatat na mabasa na ang reply ni Loraine ay agad siyang pumunta sa opisina ng kaibigan upang humiram ng charger.

“Bro, may dala kang charger?” tanong agad niya pagkapasok pa lamang sa opisina ng kaibigan.

“Mayron, bakit, hihiram ka?” nakangising tanong sa kaniya ng kaibigan.

“oo sana kung hindi mo ginagamit “agaran niyang sagot

“Sabihin mo muna sakin kung sinong kachat mo bago ko ibigay sayo itong charger,” mapang-asar na sambit ng kaibigan saka iwinagayway sa harap niya ang charger na hawak.

“H’wag na uy, sige na ‘di na ako hihiram,” nakabusangot nitong saad saka bumalik sa kaniyang opisina.

“Sabihin mo na kase para makita mo na ang reply ng THE ONE mo”saad ng kaibigan niyang ka papasok lamang ng opisina niya na hindi niya namalayan na kasunod pala niya

“A-YO-KO, bahala ka diyan,sa bahay na ako magchacharge, bumalik kana sa opisina mo, nakakatampo ka, Hindi mo ako pinapahiram ng charger,” nagtatampong sambit nito sa kaibigan.

Humagalpak naman ng tawa si Hubert sabay abot ng charger sa kaibigan.

“Basta kapag sinagot ka na niyang nililigawan mo, ipakilala mo sa akin ah,” nakangising sambit nito saka lumabas ng opisina ni Angelo.

“Siraulo, wala akong nililigawan,” pahabol na sigaw naman ni Angelo sa kaibigan na kalalabas pa lamang.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Brenda Polido
kinikilig c angelo hahaha
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status