Share

Kabanata 2

Want

Hindi ko talaga maintindihan kung bakit may mga mayayamang grabe kung gumastos ng pera. I mean, wala naman akong karapatang pakialaman sila dahil pera naman nila ’yon. Pero nasasayangan lang ako sa mga ginagastos nila sa hindi naman importanteng bagay.

Buti na lang at hindi bumaba ng kotse iyong si Theros para ipilit sa akin iyong pera. Ilang minuto pa ang lumipas ay natanaw ko silang sunod-sunod na umalis. 

Napailing na lang ako bago umupo sa harap ng kaha. Alas-syete pa lang ng gabi kaya may tatlong oras pa akong hihintayin bago umuwi. Tumunog ang cellphone ko hudyat na may natanggap akong mensahe.

From: Allen

Kita tayo mamaya. Hintayin mo ako sa park. 

Nagtataka man ay pumayag pa rin ako. Ang sabi niya kanina nagkayayaan sila ng tropa niya, eh bakit makikipagkita pa siya sa ’kin? Ayos lang naman kahit umuwi na siya sa kanila.

Mabilis na lumipas ang oras hanggang sa namalayan ko na lang na alas-diyes na ng gabi. Inayos ko ang gamit ko bago kinuha ang susi doon sa kabinet. S’yempre dahil ako ang huling aalis dito sa bakery, ako rin ang magsasara. 

Dumiretso ako sa park na sinabi ni Allen at doon naghintay. Kanina nag-text siya ulit na papunta na siya pero hanggang ngayon wala pa rin. Hindi ko naman na siya mai-text kasi wala na akong load.

Isang oras pa ang lumipas pero wala pa rin si Allen. Pinapapak na ako ng lamok dito at kaunti na lang ang taong nakikita ko. Malalim na ang gabi kaya tahimik na rin ang paligid. Tanging pagaspas ng dahon ang naririnig ko dulot ng malamig na ihip ng hangin. 

Hindi naman ako natatakot. Nalulungkot lang ako kasi mukhang nakalimutan na naman ni Allen ang usapan namin.

May bago pa ba? Sa loob ng ilang taon naming magkarelasyon, palagi naman siyang nahuhuli kapag magkikita kami. Never pa siyang nauna sa meeting place namin. Naiintindihan ko naman na busy siya. Palagi naman siyang may dahilan kaya iniintindi ko na lang.

“Dawn, I’m sorry. Hinatid ko pa kasi ’yung tropa ko kaya—

“Ayos lang,” putol ko sa sinasabi niya. “Bakit ka ba nakipagkita?”

Bumuntonghininga siya. “Gusto ko sanang bumawi sa ’yo. Aayain sana kitang kumain sa labas pero hatinggabi na baka gusto mo nang umuwi.”

Luminga ako sa paligid at doon ko napansin na talagang kami na lang ni Allen ang nandito sa park. 

Tumang ako. “Pagod na nga ako. At saka, hindi mo naman kailangang bumawi. Hindi naman ako nagtatampo,” saad ko at pilit na ngumiti. 

Napangiti siya at agad akong niyakap. Ganito naman siya palagi kapag nanunuyo siya. Kaunting lambing lang at s’yempre mahal ko siya kaya patatawarin ko.

Kumalas siya sa yakap at itinaas ang kanang kamay niya na parang nanunumpa.

“Promise, hindi na ako mala-late sa susunod na date natin,” pangako niya kaya napailing na lang ako.

Palagi niya namang sinasabi ’yan pero nala-late pa rin siya sa date namin. Hindi na ako umaasang matutupad niya ang pangako niya. 

“Ihatid mo na ako pauwi,” sabi ko at nauna na sa motor niya. Agad din naman siyang sumunod at inabot sa akin ang isang helmet.

Habang nakaangkas ako sa motor niya ay hindi ko maiwasang mag-isip. Mahal ba talaga ako ni Allen? O baka naman nagsasawa na siya sa akin? May iba na ba siya kaya parang nagbago na? 

At kung may iba nga siyang babae, sino ’yon? Anong naibibigay ng babaeng ’yon sa kaniya na hindi ko kayang ibigay? 

Magdamag akong binagabag ng isiping iyon. Kahit na anong pilit kong alisin ang pagdududa kay Allen, mas lalo lang iyong lumalala. Hanggang sa nakatulugan ko na lang ang pag-iisip.

Kinabukasan ay naisipan kong gumising nang madaling araw para masamahan sila mama at papa sa palengke.

“Dawn, imbes na gumising ka nang maaga para tulungan kami dapat nagpahinga ka pa,” sabi ni mama sa akin habang nililinisan niya ang patungan ng mga gulay.

“Oo nga naman, anak. Alam kong mahirap ang kolehiyo at nakakapagod kaya kailangan mo nang sapat na tulog,” saad naman ni papa na nag-aayos naman ng trapal sa harap ng puwesto nila rito sa palengke.

Ngumiti ako habang sinasalansan ang mga gulay. Napakamaalalahanin talaga ng mga magulang ko. Ayaw nilang napapagod kaming magkakapatid kaya hangga’t maaari ay hindi nila kami inoobligang magtrabaho.

“Ayos lang po ako. Hindi na rin po kasi ako inaantok kanina kaya sumama na lang ako dito,” sagot ko sa kanila.

Nang matapos akong mag-ayos ng paninda ay sumulyap ako sa orasan. May isang oras pa ako para pumunta sa campus kaya kinuha ko na ang bag ko.

“Alis na po ako. Gagabihin po ulit ako ng uwi,” paalam ko sa kanila.

Pahakbang pa lang ako ay narinig ko pa ang malalim na paghinga ni mama kaya nilingon ko siya. Kita sa mga mata niya na parang naaawa siya sa akin kaya ngumiti ako.

“Anak, huwag mong pagurin nang husto ang sarili mo. Kalusugan pa rin ang pinakamahalaga sa lahat,” bilin niya sa akin.

Tumango ako. “Opo. Hindi naman po nakakapagod ang trabaho ko sa bakery kaya nakakapagpahinga pa rin ako. Kayo po ang huwag masyadong magpagod. Baka magkasakit kayo.”

Tumawa si papa at umakbay kay mama. 

“Para namang sobrang tanda na namin ng mama mo. Malakas pa kaya kami. Kaya pa nga naming gumawa ng isa n’yo pang kapatid—

Siniko siya ni mama. “Puro ka kalokohan. Sige, basta ikaw ang magbubuntis.”

Nagpatuloy pa sila sa pag-aasaran kaya hindi ko maiwasang mapangiti. Kitang-kita ko ang pagmamahal sa kanilang mga mata. Kahit na minsan nag-aaway sila, palagi nilang inaayos iyon agad.

Masuwerte ako sa mga magulang ko. Kahit na madalas kaming kapos sa pera, hindi naman kami kapos sa pagmamahal na galing sa kanila. 

Hindi ko na sila inistorbo pa sa paglalambingan at umalis na ako. Malapit lang dito ang terminal ng jeep kaya lalakarin ko na lang tutal ay maaga pa naman.

Habang naglalakad ay natanaw ko ang isang matandang patawid sa kalye. Mabagal ang bawat hakbang niya at napansin ko ang humaharurot na motor papunta sa direksyon niya.

Hindi na ako nag-aksaya ng panahon at agad kong tinakbo ang distansya naming dalawa. 

“Lola!” sigaw ko at agad siyang hinila para hindi siya mahagip ng motor.

May kabigatan ang matanda kaya pareho kaming natumba sa kalsada. Naitukod ko ang siko ko at sa tingin ko ay nagkasugat iyon. Hindi ko na iyon inintindi at agad na tinulungang tumayo ang matanda.

“Ayos lang po ba kayo, ’la?” tanong ko sa matanda.

Tumango siya. “Oo, Iha. Salamat sa pagligtas sa akin. Ikaw ba ay nasaktan?”

Ngumiti ako bago umiling. “Huwag n’yo po akong alalahanin. Tatawid po ba kayo? Samahan ko na po kayo.”

Dinampot ko na rin ang bag na dala niya bago ko siya inalalayan sa pagtawid. 

“Salamat talaga, Iha,” sambit ni Lola pagkatawid namin.

“Walang anuman po. Mag-iingat po kayo.”

Tinanaw ko pa siya hanggang sa makalayo siya bago ako nag-umpisang maglakad ulit patungong terminal. Napapangiwi na lang ako sa tuwing kumikirot ang sugat ko sa siko. Nilagyan ko na ito ng panyo pero masakit pa rin.

Pagdating sa campus ay dumiretso na ako sa clinic. Hiniram ko ang first aid kit sa nurse at sinimulang gamutin ang sarili. 

“Mukhang masakit ’yan.”

Dahandahan akong lumingon sa nagsalita at nakita ko na naman ang lalaking may dimples sa pisngi. 

“Ikaw na naman. Anong ginagawa mo rito?” tanong ko sa kanya bago bumalik sa paggamot ng aking sugat.

Nilinis ko muna ito bago ko pinahiran ng ointment pampawala ng hapdi. 

“Masakit kasi ang ulo ko,” rinig kong sabi ng kausap ko. “By the way, I’m Phoenix Javier. You can call me PJ or anything you like.”

Naglahad pa siya ng kamay pero tiningnan ko lang ’yun dahil may ginagawa ako. Iniligpit ko na ang first aid kit at ibabalik na sana iyon nang muli siyang magsalita.  

“Nice to meet you, too, Miss Dawn Talia Celeste.”

Muli akong napatingin sa kanya nang banggitin niya ang pangalan ko. Naabutan ko siyang hawak na ang notebook ko at nakangisi pa.

“Bakit mo pinakelialaman ang gamit ko?” malumanay kong tanong sa kanya.

Ayaw kong magalit agad dahil nakakasira lang ng araw. Hindi ko rin naman ugaling magalit sa mababaw na dahilan lang. At saka, mahapdi pa rin ang sugat ko kaya ayaw ko nang pataasin pa ang emosyon ko.

Nagkibit-balikat siya. “Para malaman ang pangalan mo.”

“Seryoso ka?” hindi makapaniwalang tanong ko. Tumango siya at ngumiti. “Ganiyan ba talaga kayong mayayaman? Kung anong gusto dapat makuha?”

Sa isang iglap ay nawala ang ngiti sa mukha niya. Hindi ko na iyon pinansin at ibinalik ko na sa bag ko ang notebook na kinuha niya kanina.

“Nope.”

Nakakunot-noong nilingon ko siya nang magsalita siya. Tinaasan ko siya ng kilay.

“We don’t always get what we really want. Hindi namin nakukuha ang mga bagay na nagpapasaya talaga sa amin. Alam mo kung bakit?” Dahandahan akong umiling. “Kasi hindi naman namin alam kung ano ba talagang kailangan namin para sumaya.”

Pagkatapos sabihin iyon ay tumalikod na siya at naglakad palayo. Napabuga ako nang malalim na hininga at napaisip.

Para sa taong lumaki na laging nakukuha ang gusto sa buhay, mahirap talagang isipin kung ano ba talagang pinakagusto nila. Kung lahat nga naman nakukuha nila nang walang hirap, anong bagay pa ba ang hahanapin nila?

Hindi ko alam ang pakiramdam n’on dahil tinuruan ako ng magulang ko na makontento sa lahat ng bagay na nakukuha ko. Dahil kapag nakontento ka raw, doon ka tuluyang magiging masaya. Pero aaminin kong marami akong ambisyon sa buhay. Marami akong gustong makuha para sa sarili ko at para sa pamilya ko. At gagawin ko ang lahat para makuha ang mga iyon. 

“Dawn, pumunta ka na muna sa supplier ng harina at i-confirm mo ang order natin para bukas,” utos ni Aling Mona sa akin nang mailapag ko ang bag ko. 

Tumango ako habang nagtatali ng aking buhok. “Sige po.”

Lumabas na ako ng bakery at naglakad na patungo sa kabilang kanto. Doon kasi nakapuwesto ang supplier ng harina ni Aling Mona. Ako talaga ang nagpupunta ro’n para magbilin tungkol sa order naming harina. 

Habang naglalakad ay may natanaw akong pamilyar sa kabilang kalsada. Bumagal ang bawat hakbang ko habang inaaninag kung sino ang mga iyon. 

Tumawid ako sa kabila para makasigurong tama nga ang nakikita ko. At doon bumilis ang tibok ng puso ko. 

Si Allen...may kasamang ibang babae. Magkahawak sila ng kamay at parehong nakangiti sa isa't isa. At ang babaeng kasama niya? Walang iba kundi ang kaibigan ko. Si Chariz.

Huminga ako nang malalim bago kinuha ang cellphone sa bulsa. Tinawagan ko ang number ni Allen at kitang-kita ko ang pagkawala ng ngiti niya nang makita ang tawag mula sa akin.

“Hello? Dawn? Napatawag ka, may kailangan ka?” bungad niya sa akin at hindi ako nakasagot agad.

Uminit ang sulok ng aking mata at humapdi ang lalamunan ko. Pinigilan ko ang paghikbi upang hindi niya marinig ang pag-iyak ko.

“N-Nasaan ka? Busy ka ba?” tanong ko habang tinatanaw silang dalawa.

Nakatingin si Chariz kay Allen at hindi ko malaman kung anong emosyon ba ang nasa mukha niya ngayon. Naiinis din ba siya dahil naistorbo ko sila?

“Oo, kasama ko nga ’yung kaibigan ko. Bakit? Magpapasundo ka ba?”

Kaibigan. May kaibigan bang ka-holding hands? Samantalang kapag kaming dalawa ang lumalabas, halos ayaw niyang hawakan ang kamay ko. Hindi naman ako pasmado.

“Ah gano’n ba. Sige. Naitanong ko lang. Mag-iingat ka.”

Pinatay niya agad ang tawag at muling humawak sa kamay ng kaibigan ko. 

Kumikirot nang sobra ang puso ko. Hindi ko alam kung ano bang dapat gawin. Lalapitan ko ba sila? Kokomprontahin? O hahayaan na lang?

Kailan pa? Kailan pa nila ako niloloko? Bakit hindi ko napansin? Gano’n ba ako ka-tanga?

Hindi ko na alam. Gusto ko na lang umiyak nang umiyak pero hindi puwede. May trabaho pa akong kailangang gawin. 

“Hindi ko alam na nakakaiyak pala mag-check ng supplier?”

Napaangat ako ng tingin kay Aling Mona.

Naghihintay na pala siya sa harap ng bakery. Agad kong pinunasan ang pisngi ko dahil hindi ko namalayang umiiyak na pala ako.

“Hindi po ako umiiyak. Napuwing kasi ako sa daan,” pagdadahilan ko.

Ngumiwi si Aling Mona na parang hindi siya naniniwala kaya ngumiti ako. 

“Pinapasabi po nung supplier natin na nakahanda na raw po 'yung order ninyo para bukas,” pag-iiba ko sa usapan. 

Pumasok siya sa loob ng bakery at sumunod ako sa kanya. Parang sobrang bigat ng pakiramdam ko ngayon. Wala naman akong sakit pero halos ayaw humakbang ng mga paa ko. 

Uupo sana ako sa silya nang mapansin kong parang nahihirapang huminga si Aling Mona. 

“Aling Mona, ayos lang po kayo?” Nilapitan ko siya at inalalayang umupo. 

“Ayos lang ako, Iha. Madalas lang sumakit ang dibdib ko nitong mga nakaraang araw.”

Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. “Naku po, baka kailangan n’yo na pong magpa-check up sa doktor.”

Tinapik niya ang braso ko at ngumiti. 

“Hindi na kailangan. Nawawala rin naman agad ang kirot. Ikaw Iha, mukhang matagal mawawala ang kirot sa puso mo.”

Natigilan ako sa sinabi niya dahil hindi ko agad naintindihan iyon. Nang ma-realize ko ang ibig niyang sabihin ay natawa ako. 

"Aling Mona naman, malakas po ang puso ko. Kayang-kaya nito ang kahit anong sakit—

“Pero kapag nasanay sa sakit ang puso mo, magiging manhid ’yan. At kapag naging manhid ang puso ng isang tao, makagagawa siya ng mga bagay na makakasakit sa kanyang kapwa. Dahil manhid na siya at hindi na nakararamdam ng awa sa iba.” 

Wala sa sariling napahawak ako sa dibdib ko, sa tapat ng puso ko. Hindi naman siguro mangyayari sa akin ’yun? Kasi ngayon lang naman ako nakaranas nang ganito. Ang masaktan nang dahil sa pag-ibig. 

“Kaya kung ayaw mong maging manhid ang puso mo, iwasan mo na ang mga bagay na nakakasakit sa damdamin mo.”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status