Share

Kabanata 1

Impress

Mabilis na lumipas ang mga araw simula nang mag-exam ako sa University. Ang sabi sa amin, hintayin na lang daw namin ang admission letter na ipapadala nila at doon daw nakalagay kung nakapasa kami o hindi.

Hanggang ngayon ay wala pa rin akong natatanggap kaya naman kinakabahan na ako. Kung sakaling hindi ako makapasa doon, kailangan ko na namang maghanap ng ibang school.

Abala ako sa paglalampaso ng sahig nang lumapit sa akin si Laiza, ang bunso kong kapatid.

“Ate, malapit na pong magpasukan, bibilhan n’yo po ba ako ng bagong sapatos?” tanong nito habang inosenteng nakatingala sa akin. 

Nasa palengke pa sila mama at papa kaya kaming tatlo lang ang naiwan dito sa bahay. Day-off ko rin ngayon sa trabaho ko sa bakery kaya sinamantala kong maglinis.

Ngumiti ako sa kapatid ko at umupo kami pareho sa silyang kahoy. Sa pasukan ay nasa ikatlong baitang na siya habang si Danico ay nasa ikaanim na baitang na.

Ang bilis ng panahon, parang kailan lang ay mga batang paslit pa sila pero ngayon...hayst.

“Luma na ba ang sapatos mo?” tanong ko at ipinakita niya sa akin ang gamit niya.

Napabuntonghininga ako nang makitang punit na ang suwelas ng sapatos. Hindi na talaga puwedeng magamit ito dahil papasok na ang tubig sa loob kung sakaling umulan. 

“Ilang taon ko na pong gamit ’yan, ate. Kung wala pa po tayong pera ayos lang po,” malumanay na saad niya.

Kumirot ang puso ko sa sinabi ni Laiza. Hinaplos ko ang buhok niya bago ko siya niyakap. Humapdi ang lalamunan ko at nanginig ang aking labi. 

“Huwag kang mag-alala, bibilhan ka ni ate ng bagong sapatos. Pagkakuha ko ng suweldo ko,” pangako ko sa kanya.

Malakas ang loob ko sa lahat ng bagay pero pagdating sa pamilya ko, nanlalambot ako bigla. Lalo na kapag nakikita kong nahihirapan sila. Gusto kong lagi silang masaya. Gusto kong ibigay lahat ng pangangailangan nila. Pero hindi ko pa kaya sa ngayon. Wala pa akong kakayahan ngayon.

Lumapit din sa tabi ko si Danico at naglalambing na yumakap. 

“Ate, sa akin po kahit bagong bag na lang. Butas na po kasi ’yung ginagamit ko. Saka, sira na po ang zipper,” sabi ni Danico. 

Tumango ako bilang pagpayag. Sa isip ko ay kinukwenta ko na agad kung magkano ang gagastusin ko para sa dalawa kong kapatid. Hindi naman kasi gano’n kalaki ang suweldo ko. Mukhang kailangan ko pang dagdagan ang part-time job ko. 

Ayaw ko namang iasa lahat kila mama at papa ang gastusin. May edad na rin sila at ayaw kong masiyado silang napapagod sa trabaho. 

Kinagabihan ay tiningnan ko ulit ang email ko. Nakita ko doon ang isang mensahe galing sa University na in-apply-an ko. 

“Please, Lord. Sana nakapasa ako,” bulong ko bago pinindot ang unread email. 

Pumikit muna ako nang mariin bago ako huminga ako nang malalim. Dahandahan akong nagmulat ng mata at binasa ang nakasaad sa email. 

Pagkabasang-pagkabasa ko palang ng salitang 'Congratulations' ay bumilis agad ang tibok ng puso ko. 

Tinapos kong basahin ang email at halos hindi na ako makahinga. Nanginginig ang aking kamay at nanlalamig ang buong katawan ko.

“N-Nakapasa ako. Nakapasa ako. Ma! Pa! Nakapasa ako!”

Lumabas ako ng kuwarto at naabutan ko ang pamilya ko sa sala. Nanonood sila ng telebisyon at sabay-sabay na napalingon nang sumulpot ako. 

"Ma! Pa! Pumasa ako!” sigaw ko at ipinakita sa kanila ang email na natanggap ko. 

Nanlaki ang mga mata nila at agad akong niyakap ni mama. Niyakap ko rin siya pabalik.

“Salamat sa Diyos! Alam kong makakapasa ka, Dawn,” sabi ni mama bago kumalas at hinaplos ang pisngi ko. 

Si papa naman ang sunod na yumakap sa akin. “Ipinagdasal ko na makapasa ka, anak. At agad na sinagot ng Diyos ang hiling ko.”

“Congrats, ate,” magkasabay na sabi naman ng dalawa kong kapatid. 

Hindi ko mapigilang maluha. Ramdam na ramdam ko ang suporta nila sa akin. Kaya mahal na mahal ko sila at ipinapangako kong gagawin ko ang lahat para makapagtapos. 

“Salamat sa inyo. Kayo ang nagbigay ng lakas ng loob sa akin,” sambit ko at nagyakapan kaming lahat. 

Siguro totoo nga ang kasabihan na kapag masaya ka, mabilis ang takbo ng panahon. Dahil namalayan ko na lang na pasukan na. At s’yempre dahil unang araw ko sa kolehiyo, sobrang kinakabahan ako. 

Tapos nag-text pa sa akin si Allen na hindi niya raw ako maihahatid dahil may inaasikaso raw siya. So it means, mag-isa lang akong babiyahe papunta sa campus. 

“Manong sa MSU po. Estudyante,” sabi ko pagkaabot ng aking bayad. 

Lima lang kaming pasahero sa jeep dahil maaga pa naman. At dahil wala namang traffic ay mabilis lang kaming nakarating sa campus. Sa gate malapit sa parking lot ako ibinaba ng jeep dahil iyon lang ang nadadaanan ng kalsada. 

“Good morning po, Manong guard,” bati ko sa guwardiya nang makapasok ako sa gate. 

Nag-tap ako ng I’d doon sa machine bago ako dumiretso sa loob. Natanaw ko agad ang napakalawak na parking lot ng university. Palibhasa, karamihan ay mayayaman ang nag-aaral dito kaya may sari-sariling kotse ang ibang estudyante. 

Narinig ko pa ang pagbukas ng gate kaya lumingon ako. Pumasok ang isang itim na kotse at pumarada sa side na malapit sa akin. Bumaba mula roon ang isang lalaki na ang aga-aga pa lang ay nakakunot na ang noo. 

Nakasuot siya ng uniform kaya nalaman ko na dito rin siya nag-aaral. Magkaiba nga lang ang kulay ng patch namin, ibig sabihin magkaiba kami ng year level.

Bitbit ang kanyang itim na bag ay naglakad siya sa pathwalk kung nasaan din ako. Tumunog pa ang phone niya at agad niya ring sinagot iyon.

Nagkatinginan kaming dalawa kaya nag-iwas ako ng tingin. Hindi ko alam kung bakit nakuha niya ang atensyon ko. Siguro dahil sa tindig at postura niya.

“I’m on my way, Raven. Shut up! I’m gonna kill you for ruining my sleep, I swear,” dinig kong sabi niya gamit ang baritonong boses. 

Sa postura pa lang halata namang mayaman. Pero mukhang masama ang ugali. Sino ba namang papatay ng tao dahil naistorbo ang tulog? 

Nang makalagpas siya sa akin ay doon lang ako nakahinga nang maluwag. Hinintay ko pa siyang makalayo bago ako nagsimulang maglakad. Hawak ko ang piraso ng papel kung saan nakasulat ang schedule ko at ang room na papasukan ko. Dito na rin nakalagay kung anong number ang locker na gagamitin ko. 

“Dawn!”

Nilingon ko ang tumawag sa akin at nakita ko si Chariz. Tumatakbo siya papunta sa akin kaya huminto ako sa paglalakad. 

Nakapasa rin kasi siya dito sa campus. Buti na lang talaga dahil kung hindi, magiging loner ako rito. Wala akong kilala, eh. 

“Chariz. Kanina ka pa rito?” tanong ko sa kanya habang hinihingal pa siya sa harapan ko. 

Nakangiti siyang tumango. “Oo. Excited kasi ako. Halika, samahan kita sa first class mo. Patingin nga ng sched mo,” sabi niya at hinablot ang hawak kong papel. 

Mayamaya lang ay sumimangot siya kaya kumunot ang noo ko. Ano na namang problema ng babaeng ’to? 

“Bakit magkaibang-magkaiba ang sched natin? Ikaw ba nag-request nito?” tanong niya. 

Kumurap ako at napakamot sa noo. Ni-request ko na ilagay lahat sa umaga hanggang hapon ang klase ko dahil sa gabi ako magtatrabaho. Nakausap ko na si Aling Mona tungkol doon. Tutal hanggang gabi naman ang bakery niya, pang-night-shift na lang ako at sa umaga ay may papalit sa akin. 

“Oo, Chariz. Alam mo namang may trabaho ako,” sabi ko. 

Ngumuso siya bago tumango. “Naiintindihan ko. Halika na para makapagpahinga ka pa saglit.”

Ngayon ko lang napagmasdan nang mabuti ang buong campus. Noong araw kasi ng exam ay kinakabahan ako kaya hindi ko na masiyadong binigyang-pansin ang paligid.

Sobrang lawak pala talaga ng Manhattan State University o MSU. Bawat course ay mayroon walong palapag na gusali at lahat ng iyon ay air-conditioned. 

May malawak na soccer field din at mayroong gymnasium, auditorium, at swimming pool. Kaya naman pala maraming gustong makapasok sa university na ’to. Bukod doon ay talagang mataas ang kalidad ng pagtuturo ng mga professors nila rito.

Pagkarating sa room ay pumuwesto agad ako sa pinakadulong parte. Wala naman akong kakilala rito kaya mas mabuting sa dulo na lang ako. At dahil nga unang araw pa lang ay puro pagpapakilala muna ang ginawa namin. May ibang professor na nagbigay agad ng handouts pero karamihan ay wala namang pinagawa. 

Nang pumatak ang alas-tres ng hapon ay agad kong inayos ang gamit ko. Malapit na ang aking huling klase at didiretso na ako sa bakery pagkagaling dito. 

Dumaan muna ako sa locker room para iwan ang ibang gamit ko doon. Para na rin hindi ako mahirapan magbitbit. 

“Dawn, mabuti at nandito ka na. Kailangan ko na ring umalis. Ikaw na ang bahala rito,” bungad sa akin ni Aling Mona pagkapasok ko pa lang sa bakery. 

Tumango ako. “Sige po. Ingat po kayo.” 

Nang maisara ko ang pinto ay agad akong nagtungo sa banyo para makapagbihis. Suot ko pa kasi ang uniform ko at sobrang naiinitan na ako. 

“Pabili! Pabili po ng tinapay!”

Nataranta ako nang marinig na may bumibili kaya agad akong lumabas ng banyo. 

“Sandali lang!” sigaw ko rin pabalik. 

Nang makita ko ang bumibili ay halos matigilan ako. Siya! Siya ’yung lalaki doon sa parking lot. Iyong papatay dahil naistorbo ang tulog niya. Teka, kung mayaman siya, bakit dito siya bibili ng tinapay? Hindi ba dapat doon sa mall?

May lumapit sa kaniyang isa pang lalaki. Nakangisi iyon kaya lumilitaw ang dalawang magkabilang dimples sa kanyang pisngi. Tinapik niya ang balikat ng lalaking masungit.

“Theros, bakit ang tagal mo? Nahihirapan ka bang magdesisyon kung anong bibilhin?” natatawang tanong niya.

Sumulyap muna sa akin iyong Theros bago kunot-noong humarap doon sa tumatawa niyang kasama.

“She took too long to come out. Dapat kasi sa iba na lang tayo bumili, bakit dito pa sa bakery?” tanong ni Theros at halatang naiinis na siya.

“Kaya nga dito tayo bibili kasi bakery ’to at tinapay naman ang hanap natin. Subukan mong bumili doon sa hardware baka bigyan ka ng semento."

Pati ako ay natawa dahil sa sinabi nung lalaki. Pareho silang napatingin sa akin kaya uminit ang pisngi ko sa hiya.

“Tss. Ikaw na ang bumili. Babalik na lang ako sa kotse,” pikon na sabi ni Theros. 

Nagkibit-balikat lang iyong isang lalaki bago tuluyang humarap sa akin. Nakangiti siya kaya pati ako ay napangiti na rin.

“Pasensya na, Miss. Pabili na lang ako ng tig-fifty pieces nitong dalawang tinapay,” sabi niya at itinuro iyong naka-display sa istante.

Tumango ako at agad na binalot ang tinapay. Buti na lang at umabot pa dahil paubos na rin ang mga ito.

“100 pesos lahat,” sabi ko.

Kumuha siya ng pera sa bulsa at nakangiting inabot sa akin ang 500 pesos. Tumalikod ako at inilagay sa kaha ang pera bago kumuha ng panukli.

Pagkaharap ko sa kanya ay nakalayo na siya. 

“T-Teka!” sigaw ko pero hindi siya lumingon at dumiretso lang sa pagtawid.

Hindi niya ba alam na may sukli pa siya? Mukha naman siyang matalino pero bakit umalis siya agad nang hindi kinukuha ang sukli?

Agad akong lumabas ng bakery at tumawid na rin sa kabilang kalsada. Nakita ko iyong lalaki na may kausap pang dalawang lalaki. Hindi nila kasama iyong Theros ang pangalan. 

Mayamaya pa ay may kinawayan sila sa malayo hanggang sa lumapit ang mga batang-kalye.

“Pila muna kayo. Hindi kayo mauubusan. Kapag nagkulang, bibili pa kami ulit,” sabi ng lalaking may dimples.

Kitang-kita ang malalaking ngiti sa labi ng mga batang iyon. Halatang hindi pa sila kumakain buong araw. Hindi ko rin maiwasang mapangiti. 

Akala ko matapobre ang mga lalaking ’to, may mabubuting puso rin naman pala. Ewan ko lang doon kay Theros, parang ipinaglihi sa sama ng loob.

Nang matapos sila sa pagbibigay doon sa mga bata ay tuluyan na akong lumapit. Lumingon sa akin iyong nakaiwan ng sukli at nagtaas ng kilay na parang nagulat.

Inabot ko sa kanya ang pera. 

“Sukli mo. Naiwan mo kanina,” sabi ko at bigla siyang tumawa.

Napakunot tuloy ang noo ko. Masiyado yata siyang masayahin at kahit seryoso ang usapan ay talagang tumatawa siya.

“Sinadya ko talagang iwan, Miss. Keep the change.”

Napanganga ako sa sinabi niya. “Keep the change? Eh, isang daan lang ang binili mo tapos 400 ang tip?”

Kinuha niya ang kamay ko at ibinalik doon ang sukli. 

“Miss, ayos lang ’yan. Hindi ko naman pera ’yan. Sa kaibigan namin,” natatawang sabi niya bago sumulyap sa dalawa niya pang kasama.

Kumunot ang noo ko. "Hindi naman pala sa ’yo pera, eh bakit ang lakas mong mamigay ng tip?”

Saglit niya akong tinitigan na para bang isa akong math problem na hindi niya masagutan. Ginulo niya ang buhok niya bago bumuntonghininga.

“Fine. Kung gusto mong ibalik ang sukli, pakibigay na lang sa kanya.” Itinuro niya ang isang kotse na sa tingin ko ay nandoon iyong Theros.

“Bakit ako? Ikaw ang kumuha ng pera niya dapat ikaw ang magbigay ng sukli.”

“Ikaw naman ang namimilit, Miss. Kaya sige na. Ibibigay mo sa kanya ang sukli o tatanggapin mo na ’yan?” nakangising tanong niya.

Naiinis na tiningnan ko siya bago padabog na naglakad palapit sa kotse. Nakabukas ang bintana sa may driver's seat kaya kitang-kita ko si Theros na nakapikit. Tulog ba siya?

Sobrang tangos naman ng ilong ng isang ’to. At kahit nakapikit parang may kaaway pa rin. 

“Staring is rude.”

Napaatras ako nang magsalita siya. Pagmulat niya ng mga mata ay doon ko lang napansin na kulay abo pala ang mga iyon. Ang ganda.

“What do you need?” he asked using his usual deep-voice.

Lumunok muna ako bago inabot sa kanya ang pera. Nagtaas siya ng kilay habang pinagmamasdan iyon.

“Sukli mo ’yan. Ayaw kasing kunin ng kaibigan mo kaya sa ’yo ko na lang ibinigay,” paliwanag ko.

“Just keep that. Nabaryahan na ’yan kaya hindi na kasya sa wallet ko.”

Muli na naman akong napanganga dahil sa sinabi niya. Ano raw? Ayaw na niyang tanggapin kasi hindi na kasya sa wallet niya? Gano’n ba karami ang pera niya?

Umiling ako. “Hindi puwede. Ilagay mo na lang sa bulsa mo. Huwag ka ngang magsayang ng pera na akala mo dinadampot lang ’yan ng magulang mo sa kung saan.”

Kung seryoso na ang mukha niya kanina, mas naging seryoso siya ngayon. Lumalim pa ang gitla sa noo niya kaya kinabahan ako. May nasabi yata akong mali.

Agad kong inabot sa kanya ang pera at dahil ayaw niyang kunin ay hinulog ko na lang sa lap niya.

“Hindi ko tatanggapin ’yan. Isuksok mo na lang sa bulsa mo kung hindi na kasya sa wallet mo.”

Pagkasabi n’on ay tumalikod na ako para maglakad palayo.

“Are you trying to impress me, freshman?”

Muli ko siyang hinarap nang magsalita siya. Iniisip ko kung paano niya nalaman na freshman nga ako? Pero nang sumulyap siya sa may bandang leeg ko ay doon ko napansin na suot ko pa pala ang I’d lace ko.

“Ikaw ’yung babae sa parking lot ng MSU. And you’re trying to impress me by—

“Excuse me, walang koneksyon ’yun sa sukli mo. Hindi ako nagpapa-impress. Ang hambog mo naman masyado.”

Hindi ko na siya hinintay na magsalita at agad na akong umalis. Ayaw kong tuluyan niyang masira ang araw ko. Kung malaki ang problema niya sa buhay, huwag niya akong idamay.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status