Nang mapansing hindi pa rin kumikilos si Felicity, marahang siniko siya ni Gabriel, ang executive assistant ni Hendrix.
Napakurap agad si Felicity. "Ha?" Napatingin siya kay Gabriel bago maingat na sumulyap kay Hendrix.
Agenda ng meeting?
Paano niya iyon malalaman?
Wala siyang kahit katiting na alaala tungkol sa trabaho niya.
Ang totoo, pumasok lang siya sa opisina ngayon upang alamin kung ano ang nangyari sa buhay niya sa nakalipas na limang taon.
Lumipas ang halos tatlumpung segundo ng nakakabinging katahimikan.
May bahagyang tumikhim mula sa kabilang dulo ng mesa.
Ngunit nanatili na nakatayo si Felicity, tila isang estatwa.
Lalong dumilim naman ang ekspresyon ni Hendrix. Bahagyang kumunot ang makapal nitong kilay.
"Mr. Leviste.” Mabilis na tumayo ang direktor ng Secretariat, si Isabel. "May backup copy po rito."
Agad niyang iniabot ang dokumento kay Gabriel. Lihim na napabuntong-hininga ang lahat ng nasa conference room. Sa loob ng maraming taon, wala pang sinumang naglakas-loob na magkamali ng ganoon sa harap ni Hendrix. Lalong hindi si Secretary Abella.
Kilala si Felicity bilang maingat, mahusay, at halos walang pagkakamali sa trabaho.
Ngunit ngayon...
Para bang ibang tao ang nasa harapan nila.
Hindi na muling tinawag ni Hendrix si Felicity matapos ang insidente na iyon. Ngunit tumagal ng halos tatlong oras ang meeting.
Buong oras siyang nakatayo habang suot ang mataas na heels. Unti-unting sumasakit ang kanyang mga paa. Sa huli, lihim niyang inilipat ang bigat ng kanyang katawan sa isang binti upang maibsan ang kirot sa kanyang sakong.
Ang maliit na galaw na iyon ay hindi nakaligtas sa matalas na mga mata ni Hendrix. Doon lamang niya tunay na napansin ang kasuotan ng babae.
Bahagyang lampas-tuhod ang haba ng palda nito. Sa ilalim ng maliwanag na ilaw ng conference room, lalong namukod ang mapuputi at makinis nitong mga binti.
Nang bahagya itong lumipat ng tayo, bahagyang umangat ang laylayan ng palda.
Mula sa kinauupuan niya...
Madaling mahagip ng tingin ang tanawing nasa ilalim nito. Sa unang pagkakataon sa loob ng limang taon… Matagal na nakatitig si Hendrix kay Felicity.
Nagkataong napatingin din sa kanya ang babae.
Sinalubong siya ng malalaki nitong mga mata na puno ng inosente at naguguluhan na tanong. Para bang hindi nito maintindihan kung bakit siya nakatingin.
Bahagyang ibinaba ni Hendrix ang kanyang tingin.
Ang maputi at makinis nitong balat ay tila lalo pang makatawag-pansin. Hindi niya napigilang maalala ang nangyari sa pagitan nila kagabi. Unti-unting uminit ang kanyang katawan.
Napalunok siya.
Dahil sa biglang pagtahimik ni Hendrix, halos walang sinuman sa conference room ang nangahas huminga nang malakas.
Nagkatinginan ang ilang executive bago tahimik na ibinalik ang kanilang pansin sa meeting.
Nang tuluyang matapos ang meeting, palihim na nakahinga ng maluwag si Felicity. Ngunit bago pa man siya makaalis, lumapit si Gabriel na may magalang na ngiti.
"Secretary Abella." ani nito, “Gusto po kayong makita ni President Leviste sa kanyang opisina."
Bahagyang kumunot ang noo ni Felicity.
Ang totoo...
Balak na sana niyang umuwi. Tutal, kung asawa nga talaga siya ni Hendrix, may karapatan naman siya sa kumpanyang ito.
Kung hindi na siya papasok bukas… Wala namang masamang mangyayari, hindi ba?
"Ha?" Hindi niya napigilan ang mapa-simangot. Sa isip niya, hindi pa rin niya matanggap na asawa niya si Hendrix.
Higit sa lahat… Sa alaala niya, mayroon pa siyang boyfriend, gusto sana niyang tumanggi.
Ngunit nakatitig lang si Gabriel sa kanya, halatang hindi siya nito hahayaang makatakas.
"Sige na nga..." Mahinang buntong-hininga ang pinakawalan ni Felicity bago naglalakad papunta sa opisina ng CEO.
Pagpasok ni Felicity sa opisina ng CEO, nadatnan niyang may kausap pa si Hendrix sa telepono. Ni hindi man lang siya nito sinulyapan at ipinagpatuloy lamang ang pag-uusap.
Tahimik na nilibot ni Felicity ang tingin sa maluwag na opisina. Nang makita ang bakanteng upuan sa tapat ng mesa ng lalaki, bahagya siyang nag-alinlangan bago maayos na umupo.
Napatingin si Hendrix sa kanya, kung ikukumpara sa dating Felicity na laging maingat at halos hindi makahinga sa tuwing kaharap siya, ibang-iba ang babaeng nasa harapan niya ngayon.
Kalma.
Kumpiyansa.
At walang kahit katiting na takot sa kanyang mga mata.
“Bakit? Bawal ba akong umupo rito? tahimik na naisip ni Felicity. Kung asawa niya talaga ako, may parte rin ako sa kumpanyang ito. Mag-asawa kami, hindi ba?
Huminto sa pagsasalita si Hendrix. Mula sa kabilang linya ay biglang narinig ang mapanuksong boses ng kausap nito.
"Mr. Leviste, may babae ka pala sa opisina mo? Himala 'yan. Huwag mong sabihing ang kinababaliwan mong—"
Hindi na hinayaang matapos ni Hendrix ang sinabi nito. Agad niyang pinatay ang tawag.
Tahimik na umayos ng upo si Felicity at diretsong sinalubong ang tingin ng lalaki. Kung tutuusin, dapat ay natatakot siya rito.
Taglay ni Hendrix ang malamig at makapangyarihang presensya ng kusang nag palayo sa mga tao.
Kung may isang taong hindi kailanman natakot sa kanya, marahil ay si Elise lamang—ang stepsister niyang minsang minahal nito.
Matagal siyang tinitigan ni Hendrix.
Samantala, tila walang pakialam si Felicity. Itinaas pa niya ang isang paa at marahang minasahe ang masakit niyang sakong.
"Magpaliwanag ka." Mababa ngunit mariing umalingawngaw ang boses ni Hendrix. Kasabay noon ay muling bumaba ang tingin nito sa kanyang mga binti. Limang taon na niya itong nakikitang nakasuot ng office attire. Ngunit ngayon lang niya napansin ganoon pala ito kaakit-akit.
Huminto si Felicity sa paghihilot ng paa at nagtataka na tumingin sa kanya. "Alin doon?"
"Hindi mo man lang naihanda ang agenda ng meeting sa gitna ng isang mahalagang pagpupulong." Malamig ang kanyang tinig. "Hindi ba’t kailangan mo dapat ipaliwanag ang nangyari?"
Napabuntong-hininga naman si Felicity. Tutal, balak na rin naman niyang umalis. Hindi na niya kailangan magkunwari. "Hindi na.” Ani niya, “Wala talaga akong maalala."
Nanigas agad si Hendrix. Ang mga daliri nitong kanina'y marahang kumakatok sa ibabaw ng mesa ay biglang huminto.
Tama ba ang narinig niya?
Hindi lang siya sinagot ni Felicity… Direkta pa nitong sinabi na wala itong balak magpaliwanag.
Tumayo si Felicity at inayos ang gusot sa kanyang palda. Hindi niya mapigilan na mapasimangot.
Sinong matinong tao ang bibili ng ganito kaikli na palda? Halos kalahati lang ng hita ang natatakpan nito. Kapag hindi maingat ang pag-upo, siguradong may makakakita ng underwear.
Bigla niyang naalala ang isa pang pakay niya. "Ah, oo nga pala." Tumingin siya kay Hendrix. "Dahil sinabi mong asawa mo ako, nagpasya na akong mag-resign."
Bahagyang tumaas ang kilay ng lalaki.
Nagpatuloy siya. "Tutal, sabi mo naman, may bahagi ako sa kumpanyang ito. Mas mabuti sigurong manatili na lang ako sa bahay para maging mabuting asawa at ina." Ngumiti siya ng bahagya. "Yun lang ang sasabihin ko. Aalis na ako." Pagkasabi non ay tumalikod na siya. Ni hindi na niya hinintay ang sagot ni Hendrix.
Pumayag man ito o hindi, wala na siyang pakialam. Sino ba naman na gugustuhing magtrabaho araw-araw sa ilalim ng isang boss na laging nakasimangot at nakakatakot?
Pagkatapos mag-resign, ang susunod niyang gagawin ay tapusin ang katawa-tawang kasal na iyon. Hindi niya alam kung bakit niya pinakasalan si Hendrix. Mas lalong hindi niya maintindihan kung paano sila nagkaroon ng anak.
Kailangan niyang ipa-DNA test si Freya.
Kung mapapatunayan na anak niya talaga ang bata, isasama niya ito at aalis silang dalawa.
Tutal...
Noon pa man ay fiancé na ito ni Elise.
Paano siya napunta sa lalaking dapat ay mapapangasawa ng sarili niyang stepsister? Kung malalaman iyon ng iba, saan pa siya pupulutin sa kahihiyan?
Tahimik na pinanood ni Hendrix ang paglabas niya. Bahagyang umangat ang sulok ng kanyang mga labi sa isang mapanuksong ngiti.
Sa wakas ba'y napagod na rin siyang habulin ako?
O...
Isa na naman ba itong bagong paraan para kunin ang pansin ko?
Nakakatawa, ngunit anuman ang balak nito, wala na iyong saysay. Isang taon na lamang ang natitira sa limang taong kontrata ng kanilang kasal.
Kapag hindi na kailangan ni Amanda ang dugo ni Freya, matatapos na rin ang kasunduang iyon.
Maghihiwalay sila.
Magbabalik sa kani-kanilang buhay. At tuluyan nang mawala si Felicity sa mundo niya. Hindi naman niya ito pababayaan.
Kapag natapos ang kontrata, bibigyan niya ito ng sapat na pera upang mamuhay ng marangya kasama ang anak nito habang buhay.
Inalis ni Hendrix ang lahat ng iyon sa isip. May mas mahalagang bagay siyang kailangan asikasuhin.
Pagkalabas ng opisina ng CEO, nagtanong si Felicity sa isang empleyado kung nasaan ang sarili niyang opisina. Pagbukas niya ng p***o, hindi niya napigilang mapatigil.
Napakalawak ng opisina, tinatayang halos isang daang metro kwadrado ang laki nito. Ang malalaking salaming bintana mula sahig hanggang kisame ay nagpapakita ng napakagandang tanawin ng buong lungsod.
Napanganga siya.
Limang taon na ang nakalipas, pangarap lamang ng mga estudyanteng nag-aaral ng Finance ang makapagtrabaho sa Leviste Group.
Ngayon...
May sarili pa siyang opisina rito at balak na niya agad itong iwan. Umupo siya sa harap ng mesa at nagsimulang halughugin ang mga dokumento. Umaasa siyang may makikita siyang bakas ng buhay na nawala sa kanyang alaala. Ngunit bago pa siya makapag bukas ng unang drawer—
Malakas na bumukas ang p***o. Kasabay nito ang mabilis na tunog ng mataas na takong na papalapit. Isang babaeng galit na galit ang sumugod papasok. "Felicity!" Naglalagablab ang mga mata nito sa galit.
"Anong problema mo ngayon? Napakalaki ng pagkakamali na ginawa mo sa meeting!" Malakas na sigaw nito, "Kung ayaw mo nang magtrabaho rito, maraming naghihintay na pumalit sa puwesto mo!"