Napaupo nang maayos si Felicity, litong-lito. Ang kinapatid niya ay hindi kasal kay Hendrix, kundi sa mas batang kapatid nito? At ang sarili niyang kasal kay Hendrix ay isang lihim na relasyon. Malinaw na hindi siya nito pinakasalan dahil sa pag-ibig. Pero kung ayaw naman nito sa kanya, bakit pa siya pinakasalan nito?
Isang ingay sa labas ang bumasag sa kanyang pag-iisip. Paglabas ni Felicity, kaagad niyang nakita si Isabel na nag-iimpake ng mga gamit sa isang kahon. Namumula ang mga mata nito sa pag-iyak.
Nang dumaan ito sa mesa ni Felicity, nanginginig sa galit si Isabel. "Felicity, huwag mong isipin na dahil lang sa nagplano ka para mapatalsik ako ay wala nang nakakaalam na sinusubukan mong akitin si President Leviate. Napakaraming babae ang naghihintay sa kanya. Sa tingin mo ba talaga ay mas magaling ka sa kanilang lahat?” Mapang-asar itong ngumiti habang lumalapit. "Ang puso ni President ay para pa rin kay Ms. Elise. Ang kumpanyang ito ay mapupunta rin sa kanilang dalawa sa huli. Ang isang magandang mukha na walang ibang maipagmamalaki tulad mo ay masisira rin. Maaaring natanggal ako sa trabaho ngayon, pero hindi ka rin magtatagal. Maghihintay ako hanggang sa makita kitang mapahiya."
Kumunot naman ang noo ni Felicity sa kalituhan. Natanggal sa trabaho? Bakit?
Nang makaalis si Isabel, lumapit ang isa pang sekretarya at bumulong, "Secretary Abella, hindi mo ba alam? Si Ms. Isabel ang nagdala ng kape kay President kanina para sa'yo. Ipinagmamalaki pa niyang tatlong buwan niyang pinag-aralan kung paano ito timplahin para sa kanya. Hindi namin alam kung ano ang ginawa niya para magalit ang boss, pero agad naglabas ng termination notice ang HR pagbalik kaagad niya sa mesa."
Umiling ang kanyang kasamahan. "Ang dahilan daw ay hindi siya seryoso sa trabaho at gumagawa ng mga walang kwentang bagay para magpapansin. Pagtitimpla lang naman ng kape... paano naging masama 'yon?"
Hindi sumagot si Felicity.
Kinilabutan siya habang pabalik sa kanyang opisina. Nang maalala kung paano walang awa na ginamit ni Hendrix ang kumpanya ng kanyang tito para pilitin siyang bumalik, napagtanto niya kung gaano talaga ito kadelikado na tao.
Dahil desperado siyang makahanap ng matatakbuhan, kinuha ni Felicity ang telepono sa kanyang opisina. Kusang nag-dial ang kanyang mga daliri sa numerong kabisado ng kanyang puso.
Nang sa wakas ay sumagot ang kabilang linya, isang malalim na boses ng lalaki ang narinig niya. Mas malalim at matatag na ito kumpara nong limang taon na ang nakaraan, ngunit agad pa rin niya itong nakilala.
Si Damien.
Agad na napuno ng luha ang mga mata ni Felicity. Ang magising sa isang mundong ganap nang nagbago ay nag-iwan sa kanya ng matinding takot. Ang tanging taong naisip niyang matatakbuhan ay ang boyfriend niyang nakasama niya ng tatlong taon—ang lalaking minsan niyang pinangarap pakasalan.
Pero ngayon, nakakulong siya sa isang kasal kay Hendrix. At si Damien... ay pinsan ni Hendrix. Paano ba nagkamali ng ganito ang lahat?
Matapos ang ilang segundong masakit na katahimikan sa kanyang panig, naging seryoso ang boses ni Damien sa kabilang linya.
"Felicity? Is that you?"
Biglang naramdaman ni Felicity ang mabilis at malakas na pagtibok ng kanyang dibdib. Ibinaba niya ang telepono habang bumabalot sa kanya ang isang hindi maipaliwanag na takot at pag-aalala.
Hindi man lang niya alam kung ano ang kinakatakutan niya. Ang nakababatang kapatid niya ay engaged kay Hendrix at hawak pa ni Damien ang kamay niya noong sinabihan siyang tawaging Pinsan si Hendrix.
Paano nangyari na biglang naging sister-in-law ni Hendrix si Elise, habang siya naman ay naging hipag ni Damien?
Muling tumunog ang telepono sa opisina. Hula ni Felicity ay si Damien ang muling tumatawag, pero hindi siya naglakas-loob na sagutin ito. Takot na takot siyang kapag nalaman niya ang katotohanan, mas magiging masakit ang totoong nangyari kaysa sa anumang iniisip niya.
Pagkatapos ng dalawang tunog, may sumagot sa tawag—pero hindi galing sa lamesa niya.
Nang mapagtanto ni Felicity ang nangyari, bigla siyang nahilo. Paanong nakakonekta ang telepono sa opisina niya sa linya ni Hendrix?
"Hello? Is that you, Felicity?" Narinig ang nag-aalala na boses ni Damien sa kabilang linya. Pero mula sa kabilang panig, wala kundi isang nakakatakot na katahimikan.
Pagkalipas ng ilang segundo, narinig ni Felicity ang malalim, malamig, at walang pakialam na boses ni Hendrix.
"Wrong number."
Halatang natigilan si Damien, pero hindi pa ibinababa ni Hendrix ang telepono.
Nagsimulang manginig ang mga binti ni Felicity. Dahil hindi na kayang tiisin ang tensyon, mabilis niyang kinuha ang telepono habang nasa linya pa ang dalawang lalaki at walang alinlangan itong ibinaba nang malakas.
Isang busy signal ang narinig ng dalawang panig. Bahagya pang kumunot ang kilay ni Hendrix, seryoso ang kanyang mukha at nakatikom ang kanyang mga labi. Ibinalik niya ang telepono sa lalagyan nito, pero ang kanyang madilim na mga mata ay nakatitig pa rin doon.
Si Gabriel, na nakatayo malapit doon at naiinip na, ay halos lumabas ang kaluluwa sa gulat nang marinig ang sinabi ng amo at ang mga salitang iyon ay kay Felicity.
Hindi siya sigurado kung nag-iimagine lang siya, pero kaninang umaga, pinagalitan nang husto ni Director Isabel si Secretary Abella. Sa loob lang ng sampung minuto, inutusan na agad ng President ang HR na tanggalin at palitan ito. Bukod pa doon, sa harap mismo niya, tumawag ang amo sa ilang matataas na opisyal at bangko para tuluyang putulin ang lahat ng ugnayan sa Abella Group.
Nang makabalik lang si Secretary Abella ay saka kumalma ang gulo. May masamang pakiramdam si Gabriel sa lahat ng ito. At totoo nga, kalmadong itinaas ni Hendrix ang kanyang tingin, pinalikot ang takip ng kanyang panulat, isinara ito at dahan-dahang ipinikit ang kanyang mga mata.
Nang idilat niya muli ang mga ito, isang matinding galit na mahirap itago ang makikita sa kanyang mata. Ang gintong liwanag ng palubog na araw ay tumatama sa kalahati lang ng kanyang mukha, na nag-iiwan ng malalim na lilim sa kanyang gwapong mukha. Ang lalim ng kanyang mga matang walang emosyon ay hindi matantiya.
Ang kanyang mga mahahabang daliri ay tumutuktok sa lamesa. Sa bawat tuktok, nanginginig ang talukap ng mata ni Gabriel sa kaba. "I-imbestigahan—"
Bahagyang itinaas ni Hendrix ang kanyang baba, isinara ang folder sa harap niya, at tinuro ang kanyang telepono sa lamesa. "Gusto kong makuha ang lahat ng rekord ng tawag ni Felicity sa nakalipas na buwan, pati na rin ang listahan ng lahat ng nakakausap niya—bawat detalye."
Ang malakas na pagbagsak ng p***o ay parang tumama diretso sa puso ni Gabriel na nagdulot sa kanya ng malamig na pawis. 'May mali talaga kay Mr. Leviste ngayong araw.' Sa isip ni Gab. 'At si Secretary Abella ay mas kakaiba kaysa sa karaniwan.'
Pagkalipas ng ilang sandali, inilabas ni Gabriel ang kanyang telepono, binuksan ang kanyang mga contact, at tumawag sa isang numero.
"Hello, Madam? Si Gabriel po ito... Sa tingin ko po ay nag-aaway si Mr. Hendrix at ang kanyang asawa. Baka po mag-divorce na sila."
Nakaupo si Hendrix sa likurang upuan ng isang mahabang sasakyan habang isa-isang iniabot sa kanya ni Gabriel ang mga dokumento ng kumpanya.
Lahat ng mga papel na ito ay maingat na sinuri ng iba't ibang departamento bago makarating kay Hendrix para sa huling desisyon. Ang bawat malaking hakbang ng kumpanya ay kailangan ng approval ng mga boss at shareholders, pero magkakabisa lang ito kapag may pirma na ni Hendrix.
Ang kamay na humahawak sa panulat ay nanatiling matatag, habang ang mamahaling relo sa kanyang pulso ay kumikislap sa asul na liwanag ng kanyang tablet screen. Sa isang mabilis at siguradong galaw, pinirmahan ni Hendrix ang kanyang pangalan at inilahad kay Gabriel.
Inabot naman ni Gabriel ang dalawang kamay para maingat na kunin ang mga dokumento. Nang makitang mukhang mabuti ang mood ng amo, naglakas-loob siyang magsalita. "Tumawag po si Madam ngayong araw. Gusto niya po kayong pumunta sa ancestral home bukas."
Ang malamig na tingin ni Hendrix ay tumama kay Gabriel sa ilalim ng liwanag ng mga ilaw sa daan. Naramdaman naman ni Gabriel ang kaunting kaba—pinag-aralan muna niyang mabuti ang mga salitang ito bago sabihin. "Nakabalik na po si Sir Damien. Nabanggit niya po na dadalhin niya ang kanyang girlfriend sa bahay para ipakilala sa pamilya."
Pinagsiklop ni Hendrix ang kanyang mga kamay, habang nagdilim ang kanyang mukha. "Labrador ang apelyido ni Damien. Anong koneksyon ng pagpakilala ng girlfriend niya sa pamilyang Leviste?"
Pilit na tumawa nang mahina si Gabriel. "Hindi ko po... hindi ko po masyadong alam ang mga detalye."
'Tagahatid lang ako ng mensahe!' Sa isip ni Gab.
Ipinikit ni Hendrix ang kanyang mga mata at sumandal para magpahinga. Patingin-tingin si Gabriel sa kanya, pero wala nang ipinakitang reaksyon ang lalaki. Habang sa loob-loob ni Gabriel, hindi niya mapigilang magbuntong-hininga.
Mukhang ang biglang pagbabago ng mood ng Amo sa opisina kanina ay panandalian lang. Sa puso niya, si Secretary Abella ay hindi pa rin kayang ipantay kay Elise—ang tanging babaeng ginusto niya pero kailanman ay hindi naging kaniya.
Nang walang marinig na sagot sa loob ng mahabang katahimikan, maingat na nagtanong si Gabriel, "Sasabihin ko po ba kay Madam na hindi kayo makakapunta bukas?"
Matagal bago idinilat ni Hendrix ang kanyang madilim na mga mata, na walang ipinapakitang anumang emosyon. At sa wakas ay nagsalita siya sa isang seryosong boses, "Ikaw ang magdesisyon.” Isinandal ni Hendrix ang kanyang katawan nang mas malalim sa upuang balat.
Biglang nag-vibrate ang telepono sa kanyang bulsa. Inilabas niya ito at ang nakalagay sa caller ID ay si Elise. Bahagyang gumalaw ang kanyang kilay, at dahil sa sanay na, agad niya itong sinagot.
"Hendrix, uuwi ka ba para maghapunan ngayong gabi?"
Agad na tumingin si Gabriel sa labas ng bintana, ginagawa ang lahat para magpanggap na wala siya doon.
"Ayaw kasing kumain ni Kael kapag wala ka, at hindi siya kayang hawakan ni Mama," malinaw na narinig ang boses ni Elise sa tahimik na loob ng kotse.
Mabilis na sumagot si Hendrix. "Pauwi na ako. Ibigay mo ang telepono kay Kael."
Nagkaroon ng maikling katahimikan sa linya, bago narinig ang malinaw pero naiinis na boses ng isang batang lalaki na sumisigaw ng "Second Daddy!" sa speaker.
Pilit na kinagat ni Gabriel ang kanyang labi para pigilan ang tawa, pero may nakawala pa ring maliit na tunog sa kanyang ilong.
Tinitigan siya ni Hendrix ng isang nakamamatay na tingin. Agad na pinigil ni Gabriel ang kanyang tawa at nagpanggap na biglang inubo. Second Daddy? Nakakatawang pakinggan yon sa isip ni Gabriel.
Halos kalahating oras na kinausap ni Kael si Hendrix bago sa wakas ay ibinaba ang telepono.
Nang mawala ang tawag, biglang tumunog ang telepono ni Gabriel. Hindi siya naglakas-loob na sagutin ito habang nagsasalita ang amo, pero ngayon ay mabilis niya itong sinagot.
"Hello, ito po ang Light Kindergarten. Kayo po ba ang daddy ni Freya? Nasa paaralan pa kasi siya. Hindi pa siya sinusundo ng kanyang mommy at hindi namin siya makuntak sa kanyang number. Pwede po bang pumunta kayo rito?"
Sigurado si Gabriel na narinig ito ni Hendrix ang bawat salita. Kailangan ng kindergarten ang contact information ng dalawang magulang—ang isa ay numero ni Felicity, at ang isa naman ay kay Gabriel na idinagdag ayon sa utos mismo ng amo.
Bihirang humawak si Hendrix ng mga ganitong maliliit na bagay sa bahay, kapag may emergency, si Gabriel ang dapat na humawak nito. Siyempre, sa nakalipas na limang taon, hindi kailanman kailangang manghimasok ni Gabriel—palaging maayos at walang kapintasan ang pag-aalaga ni Felicity kay Freya.
"President, sunduin ko na po ba muna ang bata, o..." tinakpan ni Gabriel ang mikropono ng telepono gamit ang kanyang kamay at maingat na nagtanong.
Walang anumang emosyon ang mukha ni Hendrix habang sumagot nang may malamig na kawalan ng pakialam. "Busy ako. Tawagan mo si Felicity—ipagpatuloy mo ang pagtawag hanggang sa sumagot siya."