Share

CHAPTER 5

ELA's POV

"Isela..." narinig ko ang pagtawag sa'kin ni Elise.

Hindi ko alam kung bakit parang may kakaibang haplos sa puso ko sa tuwing naririnig ko ang sarili kong pangalan.

Nakakatawang isipin pero masyado ko atang mahal ang sarili ko.

"...ayos ka lang ba? Kanina ka pa walang masyadong imik," dagdag na sabi ni Elise.

Napatingin ako sa kanya. Bakas ang pag-aalala sa mga mata niya.

Humahanga talaga ako sa ganda ni Elise kahit napakasimple lang nito. Napakaamo din ng mukha na akala mo ay hindi marunong magalit.

Naalala ko tuloy kapag sinusubukan niyang maging istrikta sa mga batang tinuturuan niya sa isla. Mukhang epektibo naman sa mga bata dahil tumatahimik naman sila pero iba ang dating saakin no'n.

"Ayos lang ako. Napagod lang ata ako sa dalawang oras na biyahe sakay ng bangka," sagot ko sa kanya sabay ngiti nang bahagya.

Mula kasi nang makarating kami sa may pier, parang sumama ang pakiramdam ko. Hindi ko rin maintindihan ang biglang pagsakit ng ulo ko. Baka nabigla lang ako sa napakaraming tao na nadatnan namin nang makarating kami sa bayan.

Unang beses ko kasing pagluwas ito kaya paniguradong maninibago talaga ako.

Kadalasan kasi ay si Nanay Celia ang sumasama kay Elise sa pagpunta sa bayan kada buwan para mamimili ng mga kailangan ng mga bata sa pag-aaral.

"Bakit dito tayo Elise? Hindi pa ba natin nabibili lahat? Tsaka... h-hindi ba mahal ang mga pamilihin dito?" tanong ko nang bumaba kami mula sa tricycle na mukhang kakilala ni Elise ang may-ari. Panay naman ang tingin ko sa napakalaki at ilang palapag din na building na kaharap namin ngayon.

Hindi ko rin maintindihan kung bakit mukhang pamilyar sa akin ang lugar na ito. Napunta na kaya ako rito dati?

"May bibilhin lang ako na siguradong magugustuhan ng mga bata. Gusto ko rin na magandang kalidad ang gagamitin nila para kahit papa'no ay magtagal sa kanila," sagot niya.

Napatingin naman ako sa kanya.

"Gagamitin mo na naman ba ang sarili mong pera? Elise naman. Alam kong masyado mong mahal ang mga estudyante mo pero kailangan mo rin namang magtabi para sa sarili mo," sabi ko sa kanya.

Tumawa lang siya nang bahagya.

"Alam ko naman yan. Wag kang mag-alala. May sapat akong panggastos para sa sarili ko," sabi niya habang natatawa pa saka hinigit na 'ko papasok ng mall.

Pumasok kami kung saan may nakikita akong mga libro at mga gamit pang-eskwela sa may bandang dulo.

Hindi ko alam kung ano-anong kinukuha ni Elise at nilalagay sa isang medyo maliit lang na handcart. Ako naman ay patingin-tingin lang sa mga gamit na nandoon.

Bakit kaya mukhang hindi ako naninibago sa mga nakikita ko?

"Mama! Bibilhan mo na ba 'ko nung sinasabi ko sayong mga libro??" narinig ko ang sabi ng isang bata na mukhang excited.

Narinig ko rin ang pag-ring ng cellphone ni Elise na agad naman niyang sinagot habang nagbabayad siya ng mga pinamili niya.

"Bibilhan muna kita ng papel dito 'nak. Sa susunod na 'yong mga librong yun. Wag na makulit ha? Bibilhan kita mamaya ng paborito mong ice cream doon sa ice cream shop na lagi nating pinupuntahan dito sa mall. Hm?" pagkumbinsi ng ina sa anak niya.

I-Ice cream shop...

"Mama naman eh! 'Di ba sabi ko kailangan ko 'yong mga libro na 'yon sa school?? Lahat ng classmates ko meron na, ako na lang ang wala! Sige na pleeeease??"

Hindi ko namalayan ang kusang paggalaw ng mga paa ko papalabas sa kung saan man ako naroon.

Bakit ganito? Parang... may gusto akong puntahan. Para bang hinihigop ang mga paa ko papunta doon. At parang... may pangungulila akong naramdaman... nasasabik akong puntahan ang isang lugar na hindi ko matukoy kung ano at saan.

At ang napakalaking tanong...

Bakit??

Patuloy lang ako sa paglalakad na para bang saulo ko ang bawat daan at sulok ng building na 'to.

Hanggang sa kusang tumigil ang mga paa ko sa isang....

Ice cream shop???

Alam ko naman ang ice cream at ang lasa nito dahil minsan ay nagdadala ng pasalubong saamin si Nanay Celia kapag sila ang lumuluwas ni Elise. Pero hindi ko naman yun gaanong nagugustuhan kahit sila ay gustong gusto nila lalo na't tsokolate at ube ang kanilang paborito. Kaya't sa tingin ko ay hindi ko naman talaga hahanap-hanapin iyon.

Pero bakit ako nandito??

B-Bakit parang... gusto kong pumasok at tignan ang loob kung... kung...

---ano nga ba?

Hay nako! Nahihibang na ba 'ko? Natatakot na 'ko sa sarili kong kinikilos!

"Isela! Nandyan ka lang pala! Pinag-alala mo pa 'kong babae ka nako! Bakit ba bigla ka na lang nawala? May sinagot lang ako na tawag hindi na kita makita!" narinig ko ang boses ni Elise ngunit hindi ko pa rin gaanong naitutuwid ang pag-iisip ko kaya hindi ko agad siya nasagot.

"E-Elise..." pilit kong sambit sa pangalan niya dahil baka mag-alala na naman siya.

"P-Pasensiya na..." dagdag ko pa. Napansin ko kasi ang mga mata niyang parang nagsasabi na hindi nga ako okay.

Mas lumapit siya sakin at hinawakan ang magkabila kong pisngi.

"Isela naman eh. Sa susunod magpaalam ka naman sa'kin. Masyado mo 'kong pinag-alala. Ayos ka lang ba?" tanong niya.

Tumango na lang ako bilang sagot at binigyan siya ng isang ngiti.

Hinawakan ko nang bahagya ang braso niya dahilan para dahan-dahan niyang tanggalin ang mga kamay niya mula sa mukha ko. Baka kasi mapansin niya ang pisngi kong sa tingin ko ay namumula na.

"Tara na," sabi ko saka kami sabay na naglakad paluwas ng mall.

"Tumawag sa'kin si Aling Trina kanina. 'Yong kilala kong isa sa mga tindera ng isda sa may pier. Pinapasabi raw ni Mang Kanor na magmadali na tayo at mukhang magiging masama ang panahon mamayang gabi. Baka delikado na raw ang pagsakay ng bangka." sabi ni Elise habang naglalakad kami palabas.

Napasinghap naman ako nang makatuntong kami sa labas dahil sa nasalubong naming mainit na hangin.

Napakainit naman dito. Mabuti pa sa isla. Sariwa ang hangin at tahimik. Malayo sa ingay ng napakaraming tao at mga tunog ng sasakyan.

Namimiss ko na tuloy sila Nanay Celia.

"Gano'n ba. Aba't kailangan na nga nating umalis. Nasa'n na ba 'yong tricycle?" tanong ko sa kanya.

"Teka lang... Dito lang 'yon naka-park eh. Baka do'n sa may dulo---" sabi ni Elise pero hindi natuloy dahil may biglang humigit sa kamay ko at napatigil din siya dahil hawak ko siya sa may braso.

"Zenice," tawag ng isang babaeng hindi ko alam kung sino.

Medyo nagulat ako pagharap ko sa kanya dahil hindi ko akalain na ganito kaganda ang bubungad sa'kin.

Ang ganda ng mga mata niya. Pansin din ang perpektong hugis at haba ng kilay niya. Mahahabang pilikmata. Matangos na ilong at magagandang hugis ng labi. Napakakinis din tingnan ang mga balat niyang mukhang nagniningning pa dahil sa kaunting sikat ng araw. Napaka swak ang pagkakahulma ng bawat parte ng mukha niya. Agaw pansin din ang kakaibang kulay ng kanyang buhok na mas lalong nagpapadagdag sa dating niya.

P-Pero maganda pa rin si Elise!

"B-Bakit po?" mabuti at nagawa kong makapagsalita.

Pero hindi siya sumasagot. Nakatitig lang siya sa... m-mukha ko.

"O? Ikaw yung kanina ah. May kelangan po ba kayo?" rinig kong sambit ni Elise.

Nakita na niya ang babaeng 'to kanina?

Gusto ko mang tingnan si Elise na nagsalita ay hindi ko magawa dahil parang nanghihigop ang mga tingin ng babaeng 'to.

B-Bakit parang kakaiba ang mga tingin niyang 'yon?

Bakit parang... nagugustuhan kong titigan din ang mga matang ramdam kong pamilyar sa'kin?

Umiling iling ako sa isip ko.

Nadadala lang siguro ako sa emosyong pinapakita ng mga mata niya.

Tsaka hindi ko naman siya kilala ah! Sigurado akong... h-hindi ko pa siya nakikita.

Napasinghap ako nang bigla niya 'kong yakapin...

Mahigpit.

Napakahigpit na parang matagal niya 'kong hindi nakita.

Yakap ng isang taong matagal na naghintay para sa pagkakataong mayakap ulit ang mahal nila sa buhay.

Hindi ako agad nakakilos o kahit nakapagsalita.

At alam kong ganoon din ang reaksiyon ni Elise ngayon.

Ramdam na ramdam ko ang yakap niya.

At tsaka....

Ramdam na ramdam ko din ang...

...a-ang dibdib niyang t-tumatama din sa dib--- ano ba Isela! Umayos ka nga! At kelan ka pa naging manyak ha??

Tatanggalin ko na sana ang pagkakayakap niya nang bigla siyang magsalita.

"Zenice... It's really you... It's you, Love," mahinang sabi niya. Malinaw sa pandinig ko 'yon pero hindi ko alam kung narinig iyon ni Elise.

Ramdam kong nababasa ang balikat ko.

Naglalaway ba siya--- Isela! Tsk!

"I'm so glad you're alive... You came back... like you promised. Thank you. Thank you for coming back," sabi pa niya.

Mukhang umiiyak ang isang 'to ngayon.

Hala. Wala naman akong ginagawa ah. Siya nga 'tong may ginagawa sakin eh.

Marahan niyang hinahaplos ang likuran ko at parang ayaw na niya 'kong pakawalan. Kaya pilit akong kumawala sa pagkakayakap nito dahil parang hindi na din ako kumportable. Napapatingin na din sa'min ang iilang taong dumadaan malapit sa amin.

"W-Wait lang po..." sabi ko.

Kita ko ang mga mata niyang may luha nang makaharap ko ulit siya.

"Mali po ata kayo ng nilapitan. H-Hindi po ako ang tinutukoy ninyo. Pasensya na po," sabi ko sabay iwas ng tingin dahil parang gusto kong punasan ang mga luhang dumadaloy sa mamula-mula niyang pisngi.

Napakamot na lang ako sa may bandang kilay ko nang mapansin kong nakatitig lang siya sa'kin.

Nagulat ako sa pagngiti niya pero hindi ko pinahalata. Nginitian ko na lang din siya para hindi siya mapahiya. Naku naman.

Nang mapansin kong hindi na siya nagsasalita ay bahagya akong kumaway sa may mukha niya para kunin ang atensiyon niya.

"Uy," tawag ko sa kanya.

May dumi kaya ako sa mukha? O baka muta? Hala Isela!

Kaya ba panay ngiti siya dahil natatawa na siya sa itsura ko ngayon?

"A-Ah... I'm sorry. You're just really pretty Zenice," sagot niya na ikinabigla ko naman.

Gusto kong sampalin ang sarili ko dahil mukhang naapektuhan ako  sa sinabi niya.

Ano ba Isela! Hindi ikaw ang tinutukoy niya! Ibang tao yun! Tsk!

P-Pero... sino kayang Zenice? Hindi naman sakin pamilyar eh.

Tsaka... mas gusto ko ang pangalan kong Isela.

Hays. Eto na naman ako. Ipinagyayabang ko na naman ang sarili kong pangalan.

Sinuri ko ang babaeng kaharap ko ngayon.

"Maayos naman po kayo manamit... Sa totoo nga... sobrang ayos naman. Pero... m-may sakit po ba kayo?" tanong ko sakanya.

Maayos naman kasi talaga ang itsura niya. Mukhang mayaman pa. Hindi kaya sa utak ang problema niya?

Panay kasi ang banggit niya ng pangalang Zenice. Eh sinabi nang hindi ako 'yon. Baka... kamukha ko lang.

Teka... mayaman kaya 'yon kung sakaling may kamukha nga ako? Ano kayang itsura ko kapag nakasuot ng mamahaling dam--- Isela! Haynako! Tama na sa kung ano-anong naiisip mo ah. Tss.

Nagulat ako sa bahagyang pagtawa niya.

Hala. May deperensiya ata talaga 'to.

Dahan-dahan akong bumaling kay Elise at medyo tinakpan ang bibig ko para bumulong sakanya.

"E-Elise... t-tatakbo na ba tayo?" mahina kong sabi.

Pero kumunot lang ang noo niya. Ngumuso naman ako.

Hindi ba siya natatakot?

Hmp.

Binalingan ko ulit siya ng tingin at hindi niya pa rin inaalis ang pagtitig sa'kin.

Hindi niya ba nakuha ang mga sinabi ko kanina?

Hays. Mukhang kailangan niya talaga ng explanation. Sana naman ay madali siyang makaintindi tulad ng mga bata sa isla na madali lang kausap.

"Okay. Miss. Pakinggan mo 'kong mabuti ha?" sabi ko.

Umayos ako ng tayo para i-explain sa kanya na nagkakamali lang talaga siya.

"Hindi Zenice ang pangalan ko kundi Isela. Pero madalas akong tinatawag sa amin na Ela. Iyon ang palayaw ko. At ito namang kasama ko, siya si Elise. Isa siyang guro duuuuun sa napakalayong lugar namin," sabi ko pa.

Tumango naman siya.

Mabuti naman at naintindihan niya.

"Saan naman 'yong malayong lugar na 'yon?" tanong niya.

"Basta malayo. Isla Aparo ang tawag pero sa tingin ko ay hindi mo 'yon alam. Napakaliit lang ng lugar namin na 'yon. Saka..." tiningnan ko ulit ang kabuuan niya.

"...sa tingin ko hindi ka mahilig pumunta sa ganoong lugar. Kaya siguradong hindi mo talaga alam 'yon." dagdag ko. Totoo naman kasi eh. Mukhang sanay lang siya sa malinis, maganda at maayos na lugar.

Teka...

Eh malinis, maganda, at maayos naman ang isla namin ah. Malayo lang talaga.

"Uhm... Miss. Kailangan na talaga naming umalis. Naghahabol kami ng oras ngayon dahil baka hindi na kami makauwi sa araw na 'to. Mahirap kasi ang pauwi samin kaya... sana maintindihan mo. Tsaka... sino bang Zenice ang tinutukoy mo? Kaano-ano mo ba siya? Panigurado kasing nagkakamali ka lang," sabat naman ni Elise.

Hala oo nga pala! Kailangan na namin magmadali. Ilang oras pa ang biyahe namin.

Naku po.

"She's my wife."

Nagulat ako, pati na si Elise sa diretsong sagot ng babae.

Pero....

Ha?? Wife? As in asawa?

Siya? Ako? Kami??

Naguguluhan na talaga 'ko sa mga sinasabi nito. Hindi ko rin maiwasang mag-alala para sa kanya. Wala ba siyang kasama rito?

"H-hahaha... Pasensiya na pero w-wala pa 'kong asawa. H-hahaha..." Dinaan ko na lang sa tawa ang sinabi niya.

"Pasensiya na pero kailangan na talaga naming umalis," sabi ni Elise sabay higit sa kamay ko.

Nagpadala na lang din ako dahil baka hindi na nga namin maabutan si Mang Kanor.

Akala ko ay pababayaan na kami nung babae pero ramdam ko ang paghigpit niya sa kamay ko dahilan para mahinto kami ni Elise at biglang napaharap ulit sakanya.

"No please. D-don't leave me again... Zenice." Kita ko ang lungkot sa mga mata nito.

"Miss ano ba. Kailangan na talaga naming um---" naputol ang sinasabi ni Elise nang biglang sumigaw ang babae.

"I said no!" giit niya kasabay ang hindi magandang pagtingin kay Elise.

Hindi ko nagustuhan ang nakita ko.

"I-I'm sorry. I j-just---" hindi niya natuloy ang pagsasalita nang mapatingin ulit siya sakin.

Nalulungkot ako para sa kanya pero parang hindi ko naman matatanggap na bastusin niya si Elise. Siya na nga 'tong nakakaabala samin eh. 'Di ba?

Dahan-dahan kong tinanggal ang mga kamay niya sa braso ko.

"Hindi mo siya kailangang sigawan. Pasensiya na at kelangan naming magmadali. Pero aalis na kami sa ayaw at sa gusto mo. At isa pa... Isela ang pangalan ko. At hindi ako ang taong hinahanap mo," sabi ko saka nagsimulang talikuran siya.

Bago kami makapasok sa tricycle ay parang gusto ko siyang lingunin. Mali bang sinabi ko 'yon sa kanya? P-Pero...

"I'm sorry Zenice! But I'll promise to find you no matter what! Pupuntahan kita kung saan ka mang lugar mapadpad so wait for me! I'll be there for you and I'll make sure to take you back!!"

Narinig ko ang pagsigaw niya. Hindi ko akalain na gagawin niya 'yon.

Pero ano daw??

Hahanapin niya 'ko?

Bakit??

T-tsaka... Take me back?

Hala. Hindi ata sa utak ang problema niya. May sapi siguro ang isang 'yon.

Napabuntong hininga na lang ako dahil sa naisip ko.

Isasama ko na lang siya sa mga dasal ko.

Tama.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status