Makalipas ang ilang araw, naghanda si Criselda ng simpleng salu-salo para sa kaarawan ng kanyang anak na si Natalie. Inimbitahan niya si Freddie at ang anak nitong si Liam na dumalo sa hapunan. Ngunit nag-alinlangan siyang yayain din ang kabilang kapitbahay kaya kinausap muna niya ang may kaarawan.
“Ma, huwag na nating imbitahin sila. Sigurado akong hindi rin sila interesado.”
“Pero baka isipin nilang bastos tayo. Ang lapit-lapit lang ng bahay nila, makikita nila ang mga ilaw at handaan dito sa bakuran,” sagot ni Criselda habang tinitingnan ang mga palamuting ilaw na nakasabit sa puno.
“Ganito na lang, Ma. Ako na lang ang magdadala ng cake kay Tita Sally. At least, hindi mukhang bastos at hindi rin masyadong OA.”
“Sigurado ka ba diyan, anak?”
“Opo. Kasi kung imbitahin pa natin sila, baka isipin nilang nanghihingi ako ng regalo. Eh ‘di lalo lang akong kukuyugin ng mga anak niya.”
Napabuntong-hininga si Criselda, pero pumayag na rin. “Sige, kung mas kampante ka diyan, anak. Wala na akong tutol.”
“Salamat, Ma. At salamat din sa mga niluto mong paborito ko. By the way, inimbitahan ko pala si Aliyah, natatandaan mo pa ba siya? Kaibigan ko noong high school, yung madalas mag-overnight dito noon.”
“Si Aliyah? Aba, oo naman, natatandaan ko. Pero saan kayo nagkita ulit? Ang tagal ko na ring hindi siya nakikita.”
“Sa Facebook po. Nagta-trabaho siya ngayon sa isang kompanya ng appliances. Pitong taon kaming hindi nagkita, Ma! Ngayon lang ulit.”
“Ang saya niyan, anak. Mabuti at makikita ka ng kaibigan mo. At least, hindi puro ako lang ang kausap mo araw-araw.”
“Grabe ka, Ma. Kailan pa naging nakakasawa kausap ang sarili mong nanay?” biro ni Natalie sabay yakap at halik sa pisngi ng kanyang ina.
Pagsapit ng gabi, handa na ang lahat. Naka-set up ang mga mesa sa hardin, may musikang marahang tumutugtog, at nakaayos ang mga pagkain. Nakasuot si Natalie ng puting sleeveless at mahabang palda na bumagay sa kanya.
Dumating ang unang bisita, si Freddie kasama ang anak niyang si Liam.
“Wow! Ang ganda-ganda mo ngayon, Ate Natalie!” agad na sabi ni Liam.
“Tama ang anak ko. Ang ganda mo ngayong gabi,” sabay ngiti ni Freddie.
“Hay naku, mag-ama talaga kayong pareho—parehong matatamis ang dila,” natatawang sagot ni Natalie.
“Ito pala ang aming regalo para sa’yo, Natalie,” sabay abot ni Freddie ng isang kahon. Tinanggap iyon ng dalaga na may ngiti.
“Naku, hindi niyo na sana pinag-abala ang sarili ninyo. Ang importante nandito kayo para makisalo.”
“Hindi pwede iyon, birthday mo ito. At si Liam pa mismo ang nagpumilit na humanap ng malaking regalo,” natatawa si Freddie.
“Talaga? Ikaw ang pumili para sa ate mo?” tanong ni Natalie habang nakayuko sa bata.
“Opo! Ako po!” sagot ni Liam na nakangisi.
“Ay, ang sweet naman! Halika nga, bigyan kita ng isang halik sa pisngi,” sabi ni Natalie sabay dampi ng halik sa bilugang pisngi ng bata.
Pagkatapos ay inanyayahan niya ang mag-ama na umupo. “Sige po, relax lang kayo. Ang inaantay na lang natin ay si Aliyah, tapos kompleto na tayo.”
“Salamat po, Tita Criselda,” sagot ni Freddie matapos magmano.
Simple lang ang kasayahan pero punô ng tawanan, lalo na’t si Liam ay hindi mapakali sa kakatawa at kakukulit.
Maya-maya, dumating na rin si Aliyah, naka-red skirt at office attire, may suot pa ring salamin, pero mas gumanda na dahil sa tamang ayos at panahon. May dala-dala siyang higanteng teddy bear na halos hindi niya mabunot mula sa taxi, kaya halatang hingal na hingal siya pagdating.
“Happy birthday, Natalie! O heto, regalo ko para sa’yo.” Inabot ni Aliyah ang isang malaking teddy bear na kulay tsokolate. Niyakap agad ito ni Natalie, halos matakpan ang mukha ng kaibigan kaya’t napatingala siya para makita ito.
“Grabe, Aliyah, salamat ha… pero hindi na ako bata para sa mga teddy bear.”
“Sus! Eh dati ang hilig mo sa teddy bear na ganito, diba? Naalala ko pa, may isang binatilyo dati na nagregalo sa’yo tapos aliw na aliw ka. Kaya eto, mas malaki pa para talbugan ‘yung regalo niya!” pabirong sabi ni Aliyah habang nagtatawanan silang magkaibigan papasok ng bahay.
“Magandang gabi po, Tita Criselda! Ako po si Aliyah,” masiglang bati ng dalaga na ikinatahimik sandali ng lahat habang napalingon sa kanya.
“Magandang gabi rin, Aliyah,” masayang tugon ni Criselda sabay tanggap sa kanyang pagmamano.
“Aliyah, siya nga pala si Freddie, kapitbahay natin.” Mabilis na ipinakilala ni Natalie ang dalawa.
“Magandang gabi po, ako si Aliyah, kaibigan ni Natalie.” Saglit na natigilan ang dalaga nang makita ang kakisigan ni Freddie, pero agad din niyang inayos ang ekspresyon.
“Magandang gabi rin, Aliyah. Liam, bumati ka kay Ate Aliyah,” wika ni Freddie.
“Magandang gabi po, Ate Aliyah,” bati ng batang lalaki na may magalang na ngiti.
“Ay, ang cute naman! At tinawag pa akong Ate!” Sa loob-loob ni Aliyah ay napa-isip siya: Naku, sayang… pero kung kasing-cute naman ng anak, puwede na ring palagpasin.
“Eh kasi tinatawag niyang Ate si Natalie, kaya dapat pati mga kaibigan niya tawagin din,” biro ni Freddie na kinindatan pa si Natalie.
“Gano’n ba?” sabay kindat din ni Aliyah sa kaibigan.
“Umupo ka muna, Aliyah. Natalie, ilagay mo na muna ‘yang teddy bear doon sa mesa. Mas maganda, pag nag-picture taking tayo mamaya, kita lahat ng regalo. Cute ng dala mo ah, ang laki!” suhestiyon ni Criselda.
“Tama ka, Ma!” mabilis na sang-ayon ni Natalie bago inilapag ang teddy bear katabi ng iba pang regalo. Tuloy, iyon ang naging pinakapansin-pansin sa lahat.
Likas na masayahin at palabiro si Aliyah kaya mabilis siyang nakihalubilo sa lahat. Kahit pa naka-salamin siya at may hitsurang nerdy, lumulutang ang kumpiyansa at pagiging totoo sa sarili.
“Ang sarap ng mga ulam niyo, Tita Criselda! Naku baka palagi na akong makikikain dito ha,” sabi niya habang nakatawa.
“Huwag kang mag-alala, anak. Anytime puwede pumunta rito. Eh si Natalie nga, dito na ulit nakatira kaya mas madalas ka pang makakapunta.”
“Talaga? Ay, ang saya! Naalala ko tuloy yung panahon na palagi akong nagtatago dito sa inyo tuwing may away kami ni Papa. Naku, minsan nga muntik pa siyang magwala dito. Nakakahiya talaga pag naiisip ko.” Napailing si Aliyah habang bumabalik sa alaala ng panahong ipinipilit ng ama niyang kumuha siya ng kursong ayaw na ayaw niya.
“Oo nga, muntik pa akong himatayin noon. Pero buti na lang mahal ka ng tatay mo kaya hinayaan ka rin niyang magdesisyon para sa sarili mo,” dagdag ni Criselda na parang sariwa pa ang alaala.
“Ngayon, okay na rin po. Hindi man bongga ang trabaho ko, masaya naman ako. Interpreter ako sa isang Japanese boss. Ang tatay ko, naku, sa bunso ko na siya nakatutok. Kaya ligtas na ako.” Natawa si Aliyah habang ikinukwento.
“Ahem! Pasensya na, pero baka puwedeng mag-blow na ng cake si Natalie? Baka makatulog na muna ang anak ko bago pa siya makatikim,” sabat ni Freddie habang nakatingin kay Liam na nakahikab na sa harap ng lahat.