“Araaay…” Napadaing si Natalie dahil medyo mali ang kanyang bagsak mula sa bakod.
Napahiga siya sa damuhan, napakunot ang noo sa sakit. Nakalimutan niyang sa bakuran nila ay may upuan siyang ginagamit sa pag-akyat, pero dito wala kaya diretso siyang bumagsak. Dahan-dahan siyang tumayo at nilakad ang bola para kunin ito.
“Liam! Naririnig mo ba si Ate Natalie?” sigaw niya pabalik.
“Opo, naririnig ko!” sigaw ng bata mula sa kabilang bakuran.
“Ibabalik ko na ang bola mo ha. Ihanda mong saluhin!” paalala niya.
“Opo, sige po, ihagis n’yo na!”
Inihagis ni Natalie ang bola. Mataas ang lipad nito, pero medyo sumobra sa direksyon kaya lumagpak sa isang sulok ng bakuran nila. Agad namang tumakbo si Liam, kinuha ang bola, at bumalik ulit sa dati niyang puwesto, masiglang naghihintay.
“Hintay ka lang, Liam, aakyat na si Ate para bumalik sa inyo,” sigaw niya.
“Opo!” tugon ng bata.
Muli siyang tumalon, pilit kumapit sa kanto ng bakod. Pero nang idiin niya ang paa para umakyat, nadulas siya at bumagsak muli sa damuhan. Ilang ulit niyang sinubukan, ilang beses ding nauwi sa parehong resulta. Si Liam naman, paulit-ulit na sumisigaw ng,
“Ate Natalie, kaya mo ‘yan!” habang sinasagot niya ng, “Oo, malapit na!”
Huminga siya nang malalim at sinubukang muli. Nang sa wakas ay nahawakan niya ang kanto ng bakod, pinilit niyang iangat ang katawan. Ngunit nang hinaan ang kanyang mga kamay, nabitawan niya ito.
“Waaaah!”
Imbes na muling bumagsak sa damuhan, bigla na lang siyang napunta sa bisig ng isang lalaki. Napadilat siya at halos mapatigil ang tibok ng kanyang puso nang makita ang mukha ni Stefan—malapit na malapit, halos isang dangkal lang ang pagitan nila.
Napailing si Stefan, halatang naiinis, bago siya dahan-dahang ibinaba sa lupa.
“Anong ginagawa mo dito sa loob ng bakuran ko?” malamig na tanong ni Stefan, nakatitig nang diretso, parang may kasalanan talaga siya. At sa totoo lang, mali nga ang ginawa niyang basta na lang pumasok.
“Eh… kasi, lumipad ‘yung bola ni Liam papunta rito. Sinilip ko sa harap pero parang walang tao, wala ring nakaparadang sasakyan, kaya… ayun…” paliwanag niya, sabay kagat sa labi.
“Parang walang tao? Sinubukan mo bang pinindutin ang doorbell?” singhal nito.
“Naku…” napabulong si Natalie, “hindi po…”
“Next time, pindutin mo muna. Alam mo ba na puwede kitang ipa-blotter sa pulis dahil sa trespassing? Nagpunta si Mama at si Priam sa labas, tapos nasa casa pa ang kotse ko. At ikaw, ayan, akyat-bakod.”
Mahina niyang sambit, parang nagtatampo, “Dati naman lagi akong tumatalon sa bakod papalabas…”
Bigla nilang narinig ang boses ni Liam mula sa kabilang bakod. “Ate Natalie! Nandiyan ka pa ba?”
Napabalikwas si Natalie. “Oo Liam! Andito lang si Ate!”
Napakunot ang noo ni Stefan. “Kanino bang bata ‘yan?”
“Anak po ni Sir Fred. Pinaiwan niya muna kay Mama para bantayan.”
“Si Freddie, ‘yung kapitbahay natin?” gulat na tanong ni Stefan. Noon lang niya nalaman na si Criselda pala ay nagbabantay ng bata.
“Oo, Stefan. Eh… pwede bang makahiram ng upuan? Aakyat na lang ako pabalik.” Nakiusap siya.
“Hindi.”
“Ha? Bakit naman? Hindi puwedeng maiwan ng matagal ‘yung bata mag-isa!” nag-aalala niyang tugon.
“Hindi ibig sabihin na hindi ka babalik. Ang ibig kong sabihin, dadaan ka sa harap. Hindi ‘yung paakyat-bakod at baka mabalian ka pa. Tawagin mo na lang siya, sabihing maghintay.”
Napilitan siyang sumunod. “Liam! Hintay ka lang ha. Dadaan si Ate sa pintuan ng bahay para bumalik!”
“Opo!” sagot ng bata.
Kaya hinatid siya ni Stefan hanggang sa mismong pintuan ng bakuran. Pero hindi pa doon nagtapos, sinamahan pa siya nito pabalik sa kanilang bahay.
“Bakit pa? Hanggang dito na lang dapat,” sabi ni Natalie, nagtataka.
“Gusto ko lang makita kung sino ‘yang batang ‘yan,” sagot ni Stefan nang walang halong emosyon. Hindi niya aaminin, pero halata namang may iba siyang dahilan.
“Natalie, ipakilala mo nga ako sa batang ‘yan,” ani Stefan. Ngumiti si Natalie at yumuko para kausapin si Liam.
“Liam, ito si Kuya Stefan, kapitbahay natin.”
Magalang na nagmano si Liam kay Stefan.
“Hindi ko alam na tumatanggap pala si Criselda ng alaga,” komento ni Stefan.
“Ngayon ko lang din nalaman,” sagot ni Natalie. “Maupo ka muna, Stefan.” Itinuro niya ang upuang kahoy sa harap ng bahay.
“Sige.”
“Liam, upo ka muna diyan sa tabi ni Kuya Stefan. Maghahanda si Ate ng meryenda para sa inyo.”
“Opo, Ate Natalie,” masunuring sagot ng bata bago umupo sa tabi ni Stefan. Tahimik lang itong nakatingin sa kanya habang si Natalie naman ay mabilis na pumasok sa kusina. Nakita niya ang suman na gawa ng kanyang ina, agad niya itong inilabas.
“Stefan, ito ang suman na ginawa ni Mama. Para talaga sa akin ito, pero sobra, hindi ko mauubos mag-isa.”
Tinitigan lang ni Stefan ang plato, walang sinabi, ni hindi agad ginalaw.
“Liam, marunong ka na bang uminom ng red syrup habang may kasamang kakanin?”
“Opo!”
“Kaya, ilapag mo muna ‘yang bola, kumain ka muna.” Hinila ni Natalie ang bola mula sa bata at inilapag sa gilid, saka bumaling muli kay Stefan.
“Pasensya ka na, Stefan, tubig lang ang meron kami. Hindi ako bumili ng juice o softdrinks.”
“Okay lang, hindi naman ako nauuhaw,” malamig na sagot nito. Wala nang nagawa si Natalie kundi ibaling ang atensyon kay Liam.
“Kain ka nang marami, ha. Baka pagalitan ako ng papa mo kapag bumalik siya.”
“Opo!” Sagot ni Liam, sabay kuha ng tinidor at agad isinubo ang kakanin. Napangiti si Natalie at siya man ay kumuha rin ng isa, pasimpleng sumisilip kay Stefan na nananatiling tahimik.
‘Kung ganyan lang din siya, bakit pa kaya siya pumunta rito?’ bulong niya sa isip.
Ramdam ni Natalie ang bigat ng katahimikan. Iba na si Stefan ngayon kumpara sa dati—mas seryoso, mas malamig. Parang hindi na niya alam kung paano ito kakausapin.
“Bakit hindi mo tikman, Kuya Stefan? Masarap po,” biglang tanong ni Liam, inosenteng nakatingin sa kanya.
Bahagyang napangiti si Natalie. Sa wakas, may nagtanong din para sa kanya.
“Ah, ganun ba? Sige, tikman ko,” sagot ni Stefan, saka kinuha ang tinidor at sumubo ng isa.
“Masarap po, ‘di ba?”
“Oo, masarap nga—tama si Liam.” Ngumiti siya nang maluwang sa bata, pero nang lumingon kay Natalie, balik ulit sa seryoso ang mukha.
Nang matapos ang meryenda, parehong busog sina Liam at Stefan. Magkatuwang silang nag-usap tungkol sa bola at agad ding nagyayang maglaro sa bakuran. Naiwan si Natalie para hugasan ang plato, saka bumalik sa labas.
Doon ay nadatnan niyang naglalaro ng masigla ang dalawa. Halos hindi magkamayaw sa kasiyahan si Liam habang hinahabol ang bola. Madalas pang yumakap si Liam sa hita ni Stefan, at binubuhat naman siya nito para paikot-ikutin sa hangin.
Napatitig si Natalie, at sa isang iglap ay naisip niya kung paano kaya kung ito ang magiging itsura ng sarili niyang pamilya—siya, si Stefan, at ang isang anak na naglalaro sa kanilang harapan. Napangiti siya mag-isa, parang baliw.
Hanggang sa biglang mapatingin sa kanya si Stefan, seryosong mga mata na parang bumabasag sa kanyang ilusyon. Unti-unti siyang natauhan, at napawi ang ngiti sa kanyang labi.
“Natalie,” tawag ni Stefan makalipas ang ilang sandali.
“O-opo, Stefan?”