Share

Kabanata Lima

Psstt!

Sitsit ni Carlito kay Rafael na noo'y abala sa binabasa nitong aklat.

Nag-angat ng mukha ang binata at lumingon sa kanyang likuran.

Nakangisi si Carlito na nagawa pa siyang dunggulin sa braso.

"Mukhang ikaw ata ang hinahanap ni Ms. Buenavista," wika nito sabay nguso sa labas.

Sinundan niya ng tingin ang direksyong itinuturo ng kaibigan at kaklase. Bahagyang kumunot ang kanyang noo. Natanaw niya si Rada malapit sa may bintana ng kanilang silid.

Ano ang ginagawa ng dalaga sa gusali ng Agrikultura ng ganitong oras at naka-uniporme pa?

“Siguradong umabot na sa kanyang kaalaman ang iyong pagtanggi na makilahok sa darating na kasayahan.” anas ni Carlito.

Maaaring tama ang kaibigan, subalit ay kailangan pa ba na sadyain siya ng dalaga para lamang sa bagay na iyon?

Nakita ni Rafael na inilibot ng babae ang tingin. Hangang sa magsalubong ang kanilang mga mata.

Agad na kumaway si Rada pagkakita sa kanya. Lumiwanag ang mukha nito at awtomatikong nagplaster ang ngiti sa mga labi. Agad naman siyang tumayo upang lapitan ito nang masigurong siya nga ang pakay. Lalo pa at sinisimulan na rin siyang tuksuhin ni Carlito.

"Ang swerte mo talaga brad." anito na hindi na lamang niya binigyan pansin.

Humakbang na siya patungong pinto, agaw atensyon na rin kasi ang dalaga pagka't pinagtitinginan na rin ito ng mga kaklase niyang usyusero at usyusera.

"Senyorita?" aniya nang makalapit habang larawan ng pagtatanong.

"Hi Pael!" bati ni Rada na noo’y mahigpit na kinipit ang hawak na libro sa dibdib.

Animo ay doon hinuhugot ang lakas ng loob.

Napansin ni Rafael na medyo hindi komportable ang heredera dahil sa panaka-naka nitong pagsulyap sa kanyang mga kaklase.

“Ginabi ka na Senyorita, wala pa ba ang iyong sundo?" aniyang gumuhit ang pag-aalala sa mukha.

“Ahm... sinadya talaga kitang hintayin.

Ibig sana kitang makausap kahit na saglit lang.

Is it okay?" sagot ni Rada sa kanya sa kabadong tinig.

Lihim na napabuntong-hininga si Rafael. Hindi niya inaasahan na maglalaan ng oras si Rada na hintayin siya at sadyain para lamang makausap. Sa ganitong oras kung saan ay latag na ang dilim. Alas kuatro ang labas nito sa huling asignatura.

Samakatwid ay tatlong oras itong naghintay sa kanya dahil ala-siyete ng gabi naman ang pasok niya.

Nilinga niya ang loob ng kwarto. Pawang nakatuon ang pansin sa kanila ng mga kaklase. Animo mga nanonood ng palabas sa sine. Gusto niyang mapailing sa mga sari-saring reaksyon ng mga nakapaligid sa kanila. Mayroong nakangisi at nagbubulong-bulungan; Mayroon ding hindi talaga magkasya sa pagsulyap lang, kundi harapang inu+usisa ang dalaga.

"Ihahatid na kita sa labas at baka kanina ka pa inaantay ng iyong sundo," aniya kalangkap ang malalim na paghinga.

Nakaramdam naman ng kasiyahan si Rada sa narinig. May kalayuan rin ang gate sa gusali at kakain ito ng kung ilang minuto bago makarating iyon. Ibig sabihin ay magkakaroon siya ng sapat na oras at pagkakataon na makausap ang binata.

"O-okay lang ba sayo?" nasa tono niya ang tuwa ngunit hindi siya nagpahalata.

Tumango naman si Rafael kaya’t nagpatiuna na siyang humakbang nang igiya s'ya nito sa daan. Napakamaginoo namang talaga. Bulong ng dalaga sa sarili na puno ng kagalakan.

Tahimik sila ni Rafael habang sa daan. Parehong nagpapakiramdaman. Sinadya niyang bagalan ang paglalakad para matagal silang makarating ng gate.

"Pael, Hindi mo ba gusto ang aking ginawa?" Ang hindi na nakatiis na tanong niya. Siya na rin ang nagbukas ng usapin tahimik lang kasi ang binata sa kanilang paglalakad.

"Magiging sinungaling ako kung sasabihin ko na hindi. Senyorita, hindi nararapat sa isang tulad mo ang inaabot ng dilim dito sa akademya lalo na't mag-isa ka lamang." ang mahinahong sagot ni Rafael.

“Isa pa maaaring nag-aalala at hinahanap ka na rin ng iyong mga magulang, maging ng iyong sundo." dagdag pa nito.

Sa narinig ay bigla syang nahiya sa lalaki. Ang totoo ay naku-konsensya siya para sa mga magulang at kay Mang Kanor na maaari ngang kanina pa naghihintay sa kanya. Subalit ay mas nanaig ang kasabikan niyang makita ang binata at makausap ito. Kaya naman binalewala na lamang niya ang guilt na pumuno sa kayang dibdib.

Maliban sa daddy niya at sa kaibigang si Clark ay si Rafael pa lamang ang kauna-unahang lalaking kinausap siya sa paraang hindi nagpapakitang gilas. Lagi na'y kalmado at may paggalang ang mga kilos at salita nito.

Alin kung ibang lalaki lang ito, baka kanina pa siya pinakain ng kahanginan.

At malamang busog na busog na siya sa kayabangan.

" Sorry—- mahina niyang sambit.

Pasensya ka na pala sa mga kaibigan ko noong nakaraaan." biglang sabi niya.

" Gusto mo akong makausap para ihingi ng paumanhin sila Cathy at Bing?" si Rafael.

Gustong mainis ni Rada sa sarili.

She sounds stupid. Ginamit pa niya ang mga kaibigan para lang may mapag-usapan sila ni Rafael. Wala siyang maimik kaya napakagat labi na lamang.

" Ang magkaroon ng mga masayahing kaibigan ay hindi kahingi-hingi ng paumanhin senyorita. Bagkus ay Isa itong pagpapala sa parte mo.”

Tuluyang nag-init ang pisngi ni Rada.

Kung bakit kasi hindi pa niya matukoy-tukoy sa lalaki ang nais niyang sabihin. Kung nalalaman lamang nila Cathy at Bing ang mga pinaggagawa niya. Malamang ay masabon siya ng dalawa at paliguan ng pambubuska.

Naguguluhan siya kung bakit pagdating Kay Rafael ay nababawasan ang kanyang kumpiyansa sa sarili. Nagmumukha tuloy siyang hangal sa pakiwari niya.

"Ang hindi ko ba pag sang-ayon na lumahok sa darating na kasayahan ang dahilan kung bakit nais mo akong makausap, iyon ba ang iyong pakay senyorita?" diretsa na sa kanya ni Rafael.

" Pael kung ang inaalala mo ay ang gagas---

" Nagkausap na kami ni Mrs. Esperanza..." putol ng binata sa kanya.

" Iyong ipagpaumanhin ang aking hindi pagsang-ayon. Ang totoo niyan ay hindi ako mahilig sa pagtiripon, senyorita. At Ang pangyayari ng araw na iyon ng biyernes ay isang---

"Rada!"

Wika ng boses na pasalubong sa kanila. Pinutol nito ang mga salitang sana'y sasambitin pa ni Rafael. Sabay pa ang dalawa na napalingon sa matandang parating. Humahangos si Mang Kanor na larawan ng labis na pag-aalala.

"Diyos kong bata ka ako'y kanina pa paikot-ikot dito sa paaralan, ey hindi kita mahagilap. Ikaw ay baka mapagalitan na naman ng daddy mo. Saan ka ba nagsususuot Ineng?" banayad na bulalas ng matanda sa kabila ng paghingal. Bakas rito ang pagkabahala.

"Pasensya na po Mang Kanor. May tinapos po kasi akong aralin sa silid aklatan," ganting tugon ni Rada na biglang umilap ang mga mata.

Si Rafael naman ay bahagyang kumunot ang noo pagkarinig sa isinagot ng dalaga sa matandang lalaki.

Ngunit piniling magsawalang kibo.

Pagkatapos ng ilang minuto ay binalingan nito si Mang Kanor.

"Magandang gabi po itay Kanor," marahan at puno ng paggalang na bati ni Rafael sa matanda. Sabay abot sa kamay nito at nagmano.

"Kaawaan ka ng Diyos anak. Oras na baga ng iyong klase?" tanong ng matanda.

"Opo, subalit nakita ko po si senyorita na mag-isa, kaya't minabuti kong ihatid na siya dito sa labas," tugon ng binata pagkatapos ay pasimpleng sinulyapan si Rada na noo'y namutla. Hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang pag-awang ng mga labi nito.

"Ganoon ba? Maraming salamat, anak at ako'y labis na nag-aalala sa batang ire." ani Mang Kanor.

"O siya bumalik ka na sa loob at baka ika’y mahuli pa sa iyong klase," pagtataboy na nito kay Rafael. Binalingan ulit ng matandang drayber si Rada at Kinuha mula rito ang mga gamit nito sa iskwela at pagkatapos ay ipinasok na sa kotse.

Hindi naman makabawi sa pagka-gulilat si Rada diyata't magkakilala pala ang dalawang lalaki, at hindi lang basta magkakilala magka-pamilya pa. Kung maaari nga lamang na maglaho ng mga sandaling iyon ay ginawa na niya. Hiyang- hiya sya kay Rafael sa ginawa niyang pagsisinungaling sa harap pa mandin ng Tatay nito.

"Halika na ineng at kanina pa tayo hinihintay sa asyenda," pukaw ni Mang Kanor sa dalaga.

“Susunod na po ako Mang Kanor..." bantulot na sagot niya. Tumango muna ang matandang lalaki bago pumaloob na sa behikulo.

Lakas loob na hinarap naman ni Rada si Rafael.

"Sa... salamat Pael," malumanay at puno ng guilt na turan niya sa binata. Hindi niya ito matingnan ng diretso sa mga mata Sigurado siyang uusigin siya nito ng tingin. Dahil huling-huli nito ang kanyang pagsisinungaling.

Hays! Sino ba naman kasi ang mag-aakala na tatay pala nito ang kanilang family driver. Ano na lamang ang iisipin ng lalaki sa kanya. Na siya si Rada Buenavista ang unica iha ng pinagpipitaganang Senyor at Senyora ay may isang anak na ubod ng sinungaling. Nakakahiya!!!

"Pagbibigyan kita sa gabing ito ngunit hindi na sa mga susunod." bagama’t mahina ay malumanay na tugon sa kanya ni Rafael.

Binuksan ng binata ang pinto ng sasakyan. Kakatwa na walang pag-usig sa mga mata nito. Katulad ng dati ay walang bakas ng emosyon na masisilip roon.

"Pumaloob ka na sa sasakyan senyorita, Maaaring labis na ang pag-aalala ng iyong mga magulang." mosyon nito.

Wala sa sarili na pumasok na nga siya sa loob ng kotse. Maawtorisado ang bawat bigkas ni Rafael. Hindi niya namamalayan na sumusunod na lamang siya sa bawat sabihin nito. Marahan nitong isinara ang pinto nang makaupo na siya sa loob

"Mag-iingat po kayo itay," paalam ng lalaki na nagyuko ng ulo upang masilip si Mang Kanor.

"Ikaw rin anak, sige na at kami'y yayaon na..." tugon ng matanda. Sinimulan na nitong buhayin ang makina ng oto.

Bago tuluyang makaalis ay sinulyapan si Rada ni Rafael.

"Paalam Senyorita at magandang gabi." pormal na wika nito.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status