Share

Kabanata Anim

Sa sasakyan ay hindi mapakali si Rada. Labis ang nadarama niyang kahihiyan para sa sarili. Ilang beses syang nag-ipon ng hangin sa dibdib bago nagsalita.

"Mang Kanor, pasensya na po kung huli na akong lumabas." paghingi nya ng paumanhin sa matandang drayber.

"A...ang totoo po niyan ay wala naman po akong aralin na tinapos. May hinintay lang po akong isang kaibigan, humihingi po ako ng paumanhin sa aking pagsisinungaling." malumanay at puno ng damdamin na wika pa niya kay Mang Kanor.

Ngumiti ang drayber na sinilip sya sa unahang salamin.

"Wala kang dapat na ipangamba sa akin, Ineng, ikaw ang aking inaalala dahil siguradong mapapagalitan ka na naman ng Senyor.,"

"Salamat po,. ngunit huwag po kayong mag-alala at sanay na rin po ako kay daddy," sagot niyang asa tono ang lungkot.

Hindi na sumagot ang matanda ngunit dumaan ang pagka-awa sa mukha nito para sa dalaga. Malapit ang loob nito kay Rada. Nasundan nito ang paglaki ng batang heredera. At bagama't lumaking may ginintuang kutsara sa bibig ay nanatiling mababa ang loob ng dalaga sa mga taong maliliit at maralita.

Katunayan ay hindi ito namimili ng mga taong nais kaibiganin. Anuman ang mga estado nila sa buhay ay patas itong tumingin. Maging ang mga tauhan sa asyenda ay kasundong-kasundo rin ni Rada. May mga pagkakataon pa nga na tumutulong ang dalaga sa mga gawain. Kaya't kinagigiliwan ito ng lahat. Bagay na hindi bukas sa kaalaman ng Senyor pagka't ayaw iyon ipaalam ni Rada sa ama.

Napailing na lamang ng lihim si Mang Kanor at itinuon ang pansin sa pagmamaneho. Batid niyang may hindi pagkakaunawaan ang mag-ama at maaaring dinaramdam rin iyon ng dalaga.

Itinuon naman ni Rada ang pansin sa labas ng sasakyan patingala sa langit. May mangilan-ngilang bituin siyang natanaw sa itaas. Ngunit hindi sapat upang magbigay tanglaw sa gitna ng dilim. Maging ang buwan ay tila ayaw pang sumilip at nais magdamot sa gabing iyon.

Habang nakatingala sa kalangitan ay isa-isang binalikan ni Rada ang mga pangyayari kanina. Sa sobrang kahihiyan ay hindi niya magawang salubungin ang mga titig ni Rafael. Ni hindi man lang siya nakahingi ng paumanhin sa lalaki. Sumidhi ang tawag ng konsensya sa kanyang pandama. Dalawang beses na siyang nakakagawa ng kahiya-hiyang bagay sa harap nito.

Sa ginawa niyang pag-amin ngayon kay Mang Kanor ay lumuwag ang dibdib niya ng bahagya at bumuti ang pakiramdam. Nakakahiya talaga Kay Rafael at sa tatay pa mismo nito s'ya nahuling nagsinungaling.

Pagkatapos ng isang malalim na paghinga ay isinandal niya ang likod sa upuan ng kotse. Mariing pinagdaop ang mga mata at nang may maalala ay bigla ring dumilat.

"Ma... mang Kanor, bata pa lang po ako ay naninilbihan ka na bilang drayber ni daddy. Pero ni minsan ay hindi niyo po nabanggit na may anak po pala kayo," ang hindi na nakatiis na usisa niya sa matanda.

"Ah, si Rafael ba ang tinutukoy mo ineng?" anang drayber na sinulyapan siya muli mula sa salamin.

Tumango si Rada sabay ang alanganing ngiti. "Pa...pasensya na po kayo kung bigla na lang ako nagtanong pero kung hindi po kayo komportable na pag u—-

."Naku walang problema Ineng." putol na ni Mang Kanor. Ngumiti muna ito at nagpatuloy sa pagsasalita.

"Hindi ko anak si Rafael, pamangkin ko s'ya. Anak siya ng malapit kong pinsan na si Lourdes. Nakasanayan lang niyang tawagin akong itay, dahil maaga siyang naulila sa ama," paliwanag ng matanda.

" T.. talaga po?" sagot ni Rada na napatuwid ng upo sa likod. Nabuhay ang kuryosidad. Nabuhay ang kanyang interes sa kuwento ng pamilya ni Rafael. Gusto niya talagang makilala ng lubos ang lalaki. Kaya naman ay mataman siyang nakikinig ngayon sa pagsasalaysay ni Mang Kanor.

"Dalawa na lamang sila sa buhay ng pinsan kong si Lourdes. Sa Maynila sila dating naninirahan at maayos naman ang kanilang pamumuhay roon kahit na silang mag-ina na lamang," kwento ni Mang Kanor.

"Subalit dinapuan ng malubhang sakit sa baga si Rafael. Siguro ay mga sampung taon gulang siya noon. Naubos ang kabuhayan ni Lourdes dahil sa pagpapagamot sa kanya," dugtong nito.

Sa parteng iyon ay nalungkot si Rada. Nakaramdam ng habag para sa binata.

"Sa awa ng Diyos ay naging maayos ang kalusugan ng aking pamangkin. Nang bumuti na ang kanyang lagay ay hinikayat ko ang aking pinsan na dito na mamalagi sa San Isidro," paliwanag pa nito. "Mahirap din ang mag-isa sa buhay, silang dalawa na lamang ni Rafael ang aking pamilya," tuloy na kuwento ni Mang Kanor.

"Mabuti po pumayag si Aling Lourdes na dito na po sila manirahan ni Pael?"

"Noong una ay likas sa pagtanggi si Lourdes, subalit mas bumuti ang kalusugan rito ni Rafael. Malaking tulong ang nagawa ng presko at sariwang hangin dito sa probinsya. Maliban sa nagustuhan na rin manirahan dito ng aking pamangkin. Masuwerte si Lourdes at napakabuting bata ng kanyang anak. Napakamatulungin at napakasipag," papuri pa ng matanda sa binata.

Sa mga narinig na kwento mula sa Matandang drayber ay hindi maiwasan ni Rada na muling humanga sa lalaki. Paghangang tila ay gustong lumalim.

"At mapalad din po kayo Mang Kanor dahil itinuring kayong ama ni Rafael," turan ni Rada.

"Tama ka ineng. Isang biyaya para sa akin na maituring bilang ama ni, Rafael, isang kaloob ang matawag niyang Itay " buong kababaang sambit pa ng matanda.

Hindi na nawala ang ngiti sa labi ni Rada habang pinakikinggan pa si Mang Kanor sa mga kwento nito. Dahil roon ay unti-unti na niyang nakikilala ang binata.

Pagdating sa asyenda ay agad siyang bumaba ng sasakyan at nagmamadaling tinungo ang pinto papasok sa malaking bahay. Kasunod si Mang Kanor na bitbit ang mga gamit niya sa iskwela. Saglit siyang napahinto nang sa pagbukas ay bumungad agad ang mga magulang sa malaking sala at naghihintay sa kanyang pagdating.

"Sit down!" Ang malagom na tinig ni Senyor Ramon.

Madilim ang mukha ng ama habang nakaupo sa pang isahang silya.

Sa tabi nito ay ang Senyora na nakatayo kababakasan ng pagkabahala ang kanyang ina. Lumiwanag ang mukha ng babae pagkakita sa kanya. Akmang sasalubunging sya ni Clara subalit pinigilan ito ng kanyang ama.

Mula pa sa bungad ng pinto ay matalim na ang mga mata ni Ramon sa kanya.

Humingi ng paumanhin si Mang Kanor at sinusubukan pa sanang magpaliwanag sa pagka-antala nila.

Subalit sinenyasan ito ng Senyor na lumabas. Walang nagawa ang matanda kundi ang sumunod.

Isang nagpapasalamat na tingin naman ang ipinukol ni Rada sa matanda. Tumango naman si Mang Kanor na nakaunawa. Pagkatapos ay tuluyan na itong lumabas. Siya naman ay marahang naglakad palapit sa mga magulang at naupo sa mahabang sopa. Pinagsalikop niya ang mga palad at napayuko.

"I'm sorry Dad for being late---

"As always." agaw ng Senyor sa mataas na boses.

"Ramon, ba...baka naman may mahalagang bagay na ginawa sa iskwelahan ang anak mo. Narinig mo naman ang paliwanag ni Kanor may tinapos na aralin sa silid aklatan, si Rada.” singit ng Senyora.

Napakagat labi si Rada, pati si Mang Kanor ay nagawang makapagsinungaling para lamang mapagtakpan sya.

" Aralin? " baling ng Senyor sa asawa.

Gumuhit ang nakakalokong ngisi sa labi nito.

"At kaylan pa naging masipag sa pag-aaral iyang anak mo?" anito na sinulyapan si, Rada.

"Eversince, she's an irresponsible little brat and very immature. Most of her time ay inuukol sa barkada at bulakbol. And it's your fault, Clara. Pinamihasa mo ang iyong anak sa pagiging tamad sa pag-aaral." ang maanghang na salita ng Senyor sa asawa. Walang nagawa ang Senyora kundi ang itikom ang bibig. Batas sa asyenda ang mga salita ni Ramon.

"What is it this time Rada?" patuloy ng Senyor pagkatapos bumitaw ng marahas na paghinga.

Lihim na huminga ang dalaga. Paano ba niya sasagutin ang ama ng hindi lalabas na nagsisinungaling si Mang Kanor. Pinangatawanan ng matanda ang alibay niya rito para lang maiiwas siya sa sermon ng daddy niya.

At sa totoo lang ay mas higit siyang nakaramdam ng guilt. Para kay Mang Kanor at higit lalo sa mommy niya.

Napalunok muna siya ng ilang beses bago tumingin sa ama at sinagot ito.

"I'm sorry Dad, it's my fault. Nagsinungaling po ako kay Mang Kanor.

Na... nakipagkita po ako sa isang kaibigan."

pag-amin niya sa ama.

Hindi nakaligtas Kay Rada ang pagsinghap ng Ina maging ang pag-awang ng mga labi nito.

Naroon ang pamamangha sa mata ng Senyora.

Saglit namang natigilan ang Senyor. Unti-unti ay nagbago ang reaksyon ng mukha nito. Animo hindi makapaniwala sa narinig mula sa anak. Tumiim ang pagkakatitig ng lalaki at pilit sinasalamin ang katapatan sa sinabi ng dalaga. Pagkalipas ng ilang sandali ay lumambot ang aura nito ngunit nanatili pa rin itong pormal.

" Umakyat ka saiyong silid at walang lalabas ng asyenda buong Linggo.

Nagkakaintindihan ba tayo Rada?" maawtoridad nitong wika.

"Yes, Dad." sagot niya sa ama.

Pagkatapos niyon ay tumayo na si Ramon. Indikasyon na tinatapos na nito ang usapan. Humakbang ang senyor patungong silid aklatan. Senenyasan ang Senyora na sumunod.

"Paakyatan mo ng pagkain ang anak mo kay Manang Yoly." narinig niyang wika ng ama bago tumalikod.

Ang tinutukoy nitong Manang Yoly ay ang tumatayong mayordoma sa hacienda at siyang nag-alaga sa kanya mula pagkabata.

Bago siya tuluyang umakyat ng hagdan ay nakita niya ang pagliwanag ng mukha ng mommy niya.

Bumuka ang mga bibig niya na nagsasabing I'm sorry. Bagama't walang namutawing salita roon ay batid niyang nakuha ng kanyang Ina ang ibig niyang sabihin pagka’t ngiting-ngiti ito.

Kahit na sinabi ng ama na grounded sya ng isang Linggo ay kakatwang may kakaibang saya sa puso niya. Iba pala ang pakiramdam pag nagsasabi ka ng totoo. Magaan ang pakiramdam na pumanhik na sya sa kanyang silid.

Muli ay sumagi sa isip niya si Rafael, pumuno sa kanyang balintataw ang maamo at seryosong mukha nito. Sumilay ang ngiti sa sulok ng kanyang mga labi sa pagkaka-alala sa lalaki. Hays, mukhang magiging kainip-inip ang mga susunod na araw. Hindi pa man lumilipas ang araw na ito ay gusto na niyang hilahin pagka't sumisigid ang pagnanais niya na makita at makausap muli ang binata.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status