Share

Forbidden Romance with my Billionaire Stepbrother
Forbidden Romance with my Billionaire Stepbrother
Author: LavenderPen

Prologue

Sunod-sunod akong napalunok ng laway nang pahampas at umiigting ang pangang ibagsak ni Daddy ang binabasa niyang newspaper sa working table. Malakas na umalog ang computer set na nakapatong dito sa lakas ng naging impact. Abot-abot na ang aking kaba. Parang lalabas na ang patuloy na kumakalabog na puso sa nanunuyo kong lalamunan. Sa inaabot na palaging sermon mula sa kanya ay hindi pa rin nasasanay ang katawan ko. Kada sesermunan niya ako ay hindi ko pa rin maiwasang kabahan. Gaya ng nakasanayan ay tahimik akong nakatayo sa kanyang harapan. Bahagyang nakatungo ang ulo hindi dahil nahihiya kung hindi dahil ayaw kong magtama ang mga mata namin. Hinihintay ang paulit-ulit at walang katapusang litanya niya ng mga sermon. Bahagi na iyon ng aming umaga sa pagsisimula pa lamang ng araw.

“Ano na naman ang kalokohang ginawa mo sa school, Hilary? Ang aga-agang tumawag sa akin ng Principal niyo. Ilang subject classes na naman ang hindi mo pinasukan kahapon tapos mahuhuli ka lang nila na nasa likod ng court ng school sa may gilid ng dagat nakatambay at tumatagay?” halos pabulong lamang iyon pero sa paraan ng pagbigkas ni Daddy sa mga salitang ito ay halatang punong-puno na siya sa akin.

Hindi ako nagsalita. Lumabi lang ako. Iyon ang madalas kong gawin habang pinapalagpas sa kabilang tainga ang mga sinasabi niya. Ano pa bang bago? Wala rin namang mangyayari kung sasagot ako at dedepensahan ang sarili. Isa pa ay totoo rin naman ang sumbong na nakarating. Useless kung magra-rason ako. Lalo lang siyang magngitngit sa matinding galit kapag ginawa ko iyon. Mabuti na ang manahimik na lang ako. Hindi ko itatanggi o ikakaila na matigas ang ulo. Sino ba ang nagturong maging ganito ako? Siya rin.

“Hindi ko na alam ngayon kung ano ang gagawin ko sa'yong bata ka! Napapagod na ako pero hindi ka naman marunong makinig. Ibinibigay ko naman ang lahat ng luho mo! Ano pa ba ang kulang, Hilary? Hindi ka naman dating ganyan!”

Mentally na umikot ang aking mga mata sa ere. Ang lakas ng loob niyang magtanong sa akin kung bakit ako nagkaganito? Eh samantalang siya ang dahilan kung bakit ako nagre-rebelde ngayon. Kung hindi lang siya nag-asawang muli, eh di wala sana kaming problema. Hindi eh. After ng first death anniversary ni Mommy, nagpakasal siya kaagad. Halatang hinintay lang niya ang araw na umabot doon. Masaya naman kaming dalawa lang. Ang dami niyang libreng oras at panahon. Kada weekend may bonding kami kaya hindi ko rin nararamdaman gaano ang pagkawala ni Mommy. Eh, ano iyong ginawa niya? Kumuha pa siya ng ibang babae. Babae na hindi ko talaga gusto. Bukod sa kinuha niya na ang lahat ng atensyon ni Daddy, siya na lang palagi ang kasama nito. Tapos magtatanong siya bakit ako ganito?

“Hindi ka sasagot diyan? Hindi mo ako bibigyan ng dahilan kung bakit mo ginagawang mag-rebelde?”

Umigting na ang panga ko. Naikuyom na ang kamao. Sagad na rin ang pasensiya ko. Buti sana kung nahati lang ang atensyon niya sa amin, hindi eh. Ibinuhos niya ang lahat ng iyon sa babae. Wala ng natira sa akin. Ano niya ba ako? Anak niya ako hindi ba? Nagagawa niya pang makipag-dinner sa labas sa kanya tapos sa akin palaging ang mga maid na lang ang kasama. Hindi na siya nagpapaka-ama. Wala na! Ni hindi niya ako tanungin kada weekend kung ano ang kailangan ko. Sa paggawa lang ng kalokohan na gaya nito napupukaw ko ang atensyon niya, tapos tatanungin niya ako kung bakit ganito?

Huminga ako ng malalim. Kumurap-kurap pa. Hindi ako pwedeng umiyak. Ayokong ipakitang mahina ako. Iiyak lang ako kapag nag-iisa ako. Iyong ni isa kahit ang mga maid ay hindi nila ito makikita.

Pagbaba ko pa lang ng silid kanina ay ipinatawag niya na ako agad sa opisina upang sabunin lang. Araw-araw na namin itong routine sa loob ng halos dalawang taon mula ng ikasal siya. Sa araw-araw na iyon feeling ko ay malapit pa rin kami dahil nga ganito ang ginagawa niya kapag may mga kasalanan akong nagagawa sa school.

“Grade 10 ka na. Hindi ka na bata. Dapat ay naiintindihan mo na ako, Hilary. Huwag mo namang pahirapan ang Daddy na e-disiplina ka. Alam mo namang ang lahat ng ito na ginagawa ko ay para sa'yo. Hindi ito para sa akin lang anak.”

Hindi ko lubusang maintindihan. Saang banda ng pag-aasawa niya ang para sa akin? Wala. Siya lang naman itong nakikinabang doon. Hindi ako.

Pinili ko pa rin ang manatiling tahimik. Ni ang tingnan siya nang matagal ay hindi ko magawa sa labis na pagkasuklam ko sa ginawa niya. Oras na gawin ko iyon. Paniguradong iiyak ako habang paulit-ulit na nire-recite ang pagkamuhi ko sa kanya at sa babaeng pinakasalanan niya at walang hirap na ipinalit sa pwesto ni Mommy. Okay lang sana kung dalaga iyon, hindi eh. May isang anak ito, malaki ang agwat ng edad namin. Sa New Jersey nagtra-trabaho. Ang unang pagkikita namin ng lalake ay noong kasal nila. Subalit kahit hindi namin siya kasama, para sa akin ay malaking kahihiyan pa rin ito ng aming pamilya. Ini-explain naman ni Daddy sa akin na first love niya raw ang babae. At wala akong pakialam kahit na puppy love niya pa iyon. Hindi rin naman mahirap ang babae para isipin ko na pera lang namin ang habol niya mukha naman siyang mabait, ako lang ang nagmamaldita. Pero kahit na, ayoko pa rin sa kanya. Kinamumuhian ko siya, silang dalawa ng anak niya!

“Kahit hindi mo na sobrang ayusin ang pag-aaral o bigyan ako ng mataas na marka gaya ng dati, Hilary basta maipasa mo lang ang lahat ng subject at tigilan mo na ang mga bisyo lalo na ang pag-iinom. Babae ka! Bata ka pa. Ano ka ba? Anak ka ba ng lasenggo? Kakabarkada mo iyan eh! Bad influence ang mga sinasamahan mo!”

Humigpit na ang kuyom ng kamao ko. Pilit na nagbingi-bingihan. Feeling ko ay sasabog ako. Iyon na nga lang ang way ko para makuha ang atensyon niya, pipigilan niya pa ako? Alam niya kung ano ang pinag-ugatan ng pagiging ganito ko! Dadamay niya pa mga kaibigan kong siya na lang hingahan ko. Anong klase siyang ama?

“Akin na ang cellphone mo!” lahad niya ng kamay, sa tingin niya matatakot ako sa gagawin niya? “Bawal kang gumamit nito mula ngayon. Ako ang magsasabi kung kailan mo ito makukuha, Hilary.”

Kahit hindi niya na ibigay, wala akong pakialam.

Dinukot ko na iyon sa bulsa ng suot kong palda. Walang anumang emosyon na ini-abot sa kanya.

“Ang mabuti pa ay pauwiin namin dito ang Kuya Chaeus mo at baka sakaling tumino-tino ka na.”

Kuya Chaeus my foot!

Kailan ko pa naging Kuya ang kutong lupang iyon? Sinabi ko bang tanggap ko siyang maging kapatid? Ni hindi nga kami pareho ng apelyidong ginagamit. Gumunaw man ang mundo, kahit pumuti pa man ang kulay ng uwak ay hindi ko siya matatanggap kagaya ng ina niyang malandi.

Subukan nilang gawin. Lalo kong sisirain ang buhay ko! Lalo akong magre-rebelde sa kanila.

“Gusto mo ba iyong mangyari, Hilary?!”

Sa tuwing may kasalanan akong nagagawa, iyon ang laging panakot nila sa akin ng asawa niya. As if naman na matatakot ako sa payatot na iyon! Isang tulak ko lang doon, matutumba na iyon at magkakalasog-lasog ang buto. Mukha siyang mal-nourished. Halatang kulang sa aruga ng ina niyang malandi. Parang hindi rin siya kumakain naturingang masarap daw siyang magluto. May hitsura nga siya puro cheek bones naman. Wala akong matandaan na nagkasundo kami noon tuwing umuuwi iyon ng bansa. Minsan pa nga ay itinataon ko na aalis ng bahay kapag iyon ay uuwi. Ako na lang ang umiiwas sa kanya kahit na hindi naman dapat dahil sa amin ang bahay.

“Bahala ka Dad, kung iyon ang gusto mo. Narito man iyon o wala. Hindi pa rin ako magbabago sa ginagawa kong nagpapasaya sa akin. Ito na lang nga iyon ipagbabawal mo pa sa akin? At saka—”

“Hilary? Naririnig mo ba ang sarili mo?” ahon na niya sa upuan sa ginawa kong pagsagot. Halatang naputol na ang pisi ng pasensiya. “Anong klaseng mindset mayroon ka para sabihin mo sa akin na diyan mo nakukuha ang kasiyahan? Masyado ka pang bata! Mura pa ang edad mo at maging ang katawan mo para tumanggap ng alak. Saan ba ako nagkulang? Anong pagkakamali ko?”

Gusto niya ba talagang maging honest ako at ulit-ulitin ko ang rason na kinakalimutan niya?

Hindi ko naman sinabing makipaghiwalay siya sa babae tutal asawa niya na. Atensyon lang naman niya ang hinihingi ko. Masama bang hilingin ito?

“D-Daddy, alam mo naman ang dahilan ko kung bakit ako nagkakaganito. Bakit kailangan mo pa akong tanungin? Kailan ba ako nagbago? Mula lang noong kumuha ka ng bagong asawa di ba?”

Namasa na ang bawat sulok ng aking mga mata. Isang salita pa at tiyak hahagulhol na ako ng iyak. Sobrang bigat na ng puso ko. Puno iyon ng naipong sama ng loob sa kanya. Mataman niya akong tinitigan. Iniiwas ko ang paningin. Ayokong makita niyang namumula na ang mga mata ko at nagbabadyang kumawala na ang mga luha dito.

“Hilary naman, dalawang taon na ang lumilipas. Hindi mo pa rin sila matanggap? Nakikita mo naman na mahal niya ako at mahal ka rin niya. Why don't you give her a chance to prove na dapat mo siyang maging pangalawang ina? Wala naman siyang masamang ipinakita sa'yo anak!”

Wala nga, pero mang-aagaw siya ng atensyon. Iyong para sa akin ay sa kanya na lang napunta.

“Azalea is a good woman. Mas mahal ka pa nga niya keysa sa tunay niyang anak. Isinasarado mo lang ang puso mo sa kanya. Alam mo anak? Kung pagbubuksan mo siya, magkakasundo—”

“No, Dad! Kahit kailan hindi ko siya matatanggap! Hindi ko siya tatawaging Mommy at hindi niya iyon kayang palitan sa puso ko! So please, huwag mo akong piliting gawin iyon dahil ayoko!”

Cue ko na iyon para tumalikod at iwanan ang amang nagpupuyos pa rin sa galit. Ilang beses na niya akong kinumbinsi at kinausap about this. Ngunit matigas ako kagaya ng pagiging matigas ang ulo. Ayokong sundin ang nag-iisang hiling niya. Hinding-hindi ako makipapag-plastikan sa babaeng iyon. Ayoko sa kanya! Period!

“Hilary, nag-uusap pa tayo!” parang kulog ang tinig niya nang sumigaw ngunit mas malakas ang loob ko na padabog na isara ang pinto ng office.

“Papasok na ako sa school. Late na ako.” sagot ko kahit na alam kong hindi niya ako maririnig.

Tuloy-tuloy akong humakbang patungo ng sala. Dinampot ang school bag na nasa may sofa.

“Hilary, hindi ka man lang ba kakain ng almusal?” ang stepmother ko na nakangiti ng malapad.

Lantarang inirapan ko siya. Ang plastik niya! Akala niya siguro hindi ko alam na pinapakinggan niya ang araw-araw na pagtatalo namin ni Daddy nang dahil sa kanya. Magpapanggap pa talaga siyang walang narinig? Hanga rin naman ako sa kakapalan ng balat niya at pagiging manhid. Hindi siya natinag sa matalim na paninitig na ginawa ko. Aba at talagang sinasagad niya ang galit ko!

“Hija, uulitin ko na nakahanda na ang agahan. Masyado pang maaga. May oras pa para kumain.”

Masama ko siyang tiningnan. Bigla na lang siyang yumuko. Minsan nakakaramdam din naman ako ng awa dahil hindi siya nagkulang sa pagsubok na makipaglapit sa akin o kunin ang loob ko sa lumipas na dalawang taon na kasal siya kay Daddy. Nariyan iyong palagi niya akong binibilhan ng kung anu-anong mga gamit, damit, bags, accessories, jewelries kapag may out of town siya o kapag may pinupuntahan siya na mga event. Hindi niya rin nakakalimutan ang mga mahalagang mga araw sa buhay ko gaya ng birthday. Binibigyan niya ako ng gifts pero hindi iyon sapat para maging maamo ako. Typical na gawain ng isang ina para sa anak na naghihintay na umuwi. Ganun siya. Okay din naman ang ugali niya. Nakikita ko rin naman na hindi niya pinapabayaan si Daddy. Hindi niya rin inaabuso ang pagiging asawa niya dito. Kung iisiping mabuti ay para siyang si Mommy. Iyon nga lang ay mataas ang pride ko at ang init pa rin sa kanya ng dugo ko. Kakompetensya sa atensyon ni Daddy ang tingin ko sa kanya. Hindi ito nabago.

Nangingibabaw pa rin ang galit ko. Ang sama ng loob ko sa kanya. Tinatanggap ko naman ang mga binibigay niyang gamit, pero never ang isa doong isinuot at ginamit ko. Tinatambak ko lang ang mga iyon sa ilalim ng kama. Hindi naman sobrang sama ng ugali ko na ipapamigay iyon o kung hindi naman ay harapang itatapon. Kung hindi siya pumayag na magpakasal agad kay Daddy eh di baka may chance pang kaibiganin ko siya. Gumaan ang loob ko sa kanya. Sana man lang din ay kinuha niya muna ang loob ko bago siya pumayag doon. Hindi eh. Nalaman ko na lang na ikakasal na sila ay sa mismong kaarawan na. At saka ni hindi si Dad nagsabi na plano niyang mag-asawa pa ng ibang babae. Nagulat na lang ako may kasalan ng magaganap sa pagitan nila.

“Sa school na lang. Nakakawala ka ng gana.”

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Anita Valde
thanks Author sa update
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status