Share

CHAPTER 6

Halos mabingi si Hexy dahil sa lakas at bilis ng tibok ng kaniyang puso sa narinig.

"M-May nagsabi ba s-sa'yo na..." Namamaos niyang sabi.

"S-Sinabi ba sa'yo ni Vanessa?" Utal na tanong niya matapos ang ilang segundong pagkatulala.

Napakunot-noo naman si Brix.

"Ano'ng sasabihin niya?"

Umiling-iling naman si Hexy saka itinulak nang bahagya si Brix upang malayo ito sa kaniya. 

"Sorry. Papasok na ako. S-Salamat," natatarantang wika ni Hexy at agad na tumalikod at muntik pa niyang hindi mahanap sa kaniyang bag ang susi ng kaniyang apartment.

Agad siyang nakahinga nang maluwag nang makapasok siya sa loob. 

Napakagat-labi siya nang marinig niyang isinara ni Brix ang gate at umalis na.

Napaupo siya sa sofa saka inilapag ang bulaklak sa lamesa. Napahilamos siya sa kaniyang mukha at pilit na pinapakalma ang nanginginig niyang mga kamay.

Nang kumalma siya ay nagpakawala siya ng tili sa pagitan ng kaniyang mga kamay. 

"Ganito pala ang pakiramdam," nakangiting wika niya saka tumitig sa mga bulaklak.

"Good morning!" Bati ni Hexy sa mga kasama niya sa kaniyang shift. Napangiti naman ang mga ito sa kaniya.

"Hi, Mavs!" Abot-taingang ngiting bati niya kay Maverick nang makapuwesto ito sa tabi niya. Lumingon naman ito sa kaniya at bahagyang napakunot-noo.

"Good mood?" Tanong niya.

"Lagi naman," masayang sagot ni Hexy saka tumingin sa mga bagong dating na guests.

"Too much makeup," komento ni Maverick nang mapansin ang inilagay na highlighter ni Hexy sa kaniyang mga pisngi.

"Walang 'too much' sa taong inspired, okay?" Sagot naman niya saka ito nilingon.

"Baka walang 'too much' sa taong may amats," mahinang sambit ni Maverick. 

"Ano?" Inis namang sabi ni Hexy. Hindi naman siya pinansin ni Maverick at pumunta sa isang guest.

‘Sasabihin ko ba sa'yo ang nararamdaman ko para sa ibang tao?’

"Hexy, tawag ka ng isang guest," sabi ng isa nilang kasama kaya napatingin agad siya sa isang table na nagtataas ng kamay sa kaniya.

"Pa-refill naman ng water," saad ng lalakeng guest nang makalapit si Hexy sa kaniya.

"Just a moment, Sir."

Agad na kinuha ni Hexy ang pitcher at nilagyan ng tubig mula sa kitchen.

Nang makabalik siya ay may katawagan sa cellphone ang guest at sinenyasan siyang lagyan ng tubig ang kaniyang baso.

"Brix!"

Nagulat si Hexy sa pagsigaw ng isang babae sa kabilang table kaya aksidenteng naibuhos niya ang tubig sa lalakeng guest.

"S-Sorry, Sir," kabadong wika ni Hexy at pinunasan ng tissue ang lamesa.

Tumayo naman agad ang guest at ibinaba ang cellphone niya sa lamesa.

"No, it's okay. Magpapalit na lang ako," wika nito saka naglabas ng t-shirt sa kaniyang bag.

Napakagat-labi si Hexy nang umalis saglit ang lalake upang magbihis, agad naman niyang pinunasan ang lamesa.

Napalingon siya sa babaeng sumigaw at nakitang pinapagalitan nito ang kaniyang anak.

Humingi ulit ng pasensya si Hexy nang makabalik ang guest saka bumalik sa kaniyang puwesto.

"Pasalamat ka at mukhang good mood din ang guest," mahinang sabi ni Maverick. Hindi niya ito nilingon at napakagat sa loob ng kaniyang bibig.

Huminga nang ilang beses si Hexy at pinilit na hindi isipin ang sinabi ni Brix sa kaniya upang makapag-focus siya sa kaniyang trabaho.

Nang lunch break na nila ay hindi maiwasang mailang ni Hexy dahil sa mga naririnig mula sa kanilang mga katrabaho.

"Well, nasabi sa'kin ng friend ko na kasama raw nila ng mga friends niya si Sir Brix kahapon," sabi ng isang server habang kumakain sila.

"What do you expect sa isang gold digger?" Komento naman ni Sasha kaya napatigil sa pagnguya si Hexy.

Lilingunin na sana niya ang mga ito ngunit naupo si Maverick sa kaniyang harapan.

"Lagi nilang nalalaman ang lahat," sabi nito saka nagsimulang kumain.

"Okay lang naman sa'kin, wala naman akong ginagawang masama," saad naman ni Hexy saka uminom ng tubig.

"So, okay lang din sa'yo na pinag-uusapan ka? Last time I checked, you're worried about everything," walang-ganang sambit ni Maverick.

Hindi naman umimik si Hexy at ipinagpatuloy lang ang pagkain.

"You don't know him, Hexy," mahinang bulong ni Maverick at inilapit pa ang mukha nito sa kaniya.

Bahagya namang nakaramdam ng inis si Hexy. 

"Mag-aaway na naman ba tayo?" Kunot-noong tanong ni Hexy at ibinaba ang kutsara't tinidor sa kaniyang plato.

"No. I mean, naapektuhan na ang work mo dahil sa kaniya," sagot naman ni Maverick at umayos ng upo.

"Dahil lang nabuhusan ko ang isang guest kanina? Hindi ba puwedeng clumsy ako?" Inis na sambit ni Hexy at pilit na pinapakalma ang sarili.

"Clumsy or distracted?" Tanong naman ni Maverick.

"Alam ko ang ginagawa ko, Maverick. At alam ko ang nararamdaman ko. Kaya huwag mo akong pangaralan dahil feelings ko 'to," seryosong sabi naman ni Hexy.

Ilang segundong natahimik si Maverick at nakatingin lang sa kaniya.

"You told me before na you're always doing your best para maging proud ang parents mo sa'yo, ayaw mong magkamali," kalmadong wika ni Maverick saka uminom ng tubig.

Nakatingin lang si Hexy sa kaniya at hindi mapigilan ang panginginig ng mga kamay.

"Don't let your feelings distract you," dagdag pa niya saka tumayo at umalis na.

Bumilis naman ang tibok ng puso ni Hexy dahil first time siyang pagsabihan ni Maverick ng gano'n.

Hindi matignan ni Maverick sa mata si Hexy nang makabalik si Hexy sa dining area.

Bumuntong-hininga naman si Hexy saka napailing.

Agad siyang lumapit sa isang table nang magtaas ang guest ng kaniyang kamay. Hindi pa man siya nakakapunta sa kitchen upang ibigay ang order ay may nagtawag na ulit sa kaniya.

"I think I saw you with Sir Royale sa mall," wika ng isang matandang babae nang mai-serve niya ang mga order nila.

Napatigil naman siya ngunit agad siyang ngumiti.

"P-Po? Hindi ko po kilala ang mga R-Royale," pagsisinungaling niya. Tumango-tango naman ang guest.

Nang makabalik siya sa puwesto niya ay hindi pa rin niya maiwasang tumingin sa guest na nagsabi ng ganoon sa kaniya.

‘Kailangan kong mag-deny dahil kilala siyang tao, at kailangan kong protektahan ang image niya.’

"Hexy? Bakit nandito ka pa? Out niyo na," sambit ng lalakeng server. Napatingin naman si Hexy sa relo niya at nakitang lagpas alas tres na. 

"Salamat. Hindi ko kasi namalayan ang oras," wika naman niya saka ngumiti.

"Ganado ka kasing mag-duty kaya hindi mo napansin."

Napakamot naman ng batok si Hexy. Nagpaalam muna siya saka nag-time out at dumiretso sa kaniyang locker.

Nang makuha niya ang bag niya ay agad niyang binuksan ang cellphone niya.

Napakunot-noo siya nang mabasang may text sa kaniya si Brix.

Napangiti agad siya nang sabihin nito sa kaniya na susunduin siya after ng kaniyang duty.

"Bakit ngayon ko lang tinignan ang cellphone ko?" Mahinang sambit niya habang nakangiti pa rin. Kaninang lunch break nang mag-text sa kaniya si Brix ngunit hindi niya kinuha ang cellphone niya.

Nailang naman siya nang pagsara niya ng kaniyang locker ay nasa tabi na niya si Maverick at kinukuha ang kaniyang gamit.

Nagmadali siyang umalis doon at nagpunta sa comfort room upang magpalit ng damit.

"Sakto," komento niya habang tinitignan ang sarili sa salamin. Nakasuot siya ng kulay pink na off-shoulder na blouse. Nagdagdag siya ng blush on at lipstick.

"Fresh na ulit," nakangiting sambit niya at saka inayos ang sarili.

Nang makalabas siya ay sumilip pa muna siya sa locker upang tignan kung nandoon pa si Maverick ngunit wala na ito.

Nagmadali siyang lumabas at naupo sa bench malapit sa parking area upang hintayin si Brix.

Inilabas niya ang kaniyang cellphone at sinabihan si Brix kung nasaan na siya.

Napatingin siya sa oras at nakitang mag-aalas kuwatro na.

‘May meeting pa siguro siya.’

Bigla siyang napangiti nang maalalang hinalikan siya sa pisngi ni Brix kagabi. 

"Ako lang 'to," mahinang sambit niya saka umiling-iling habang nakangiti pa rin.

Inilabas niya ang kaniyang maliit na salamin mula sa kaniyang bag at tinignan ulit ang sarili.

Napatigil siya nang may humintong motor sa kaniyang harap.

Napalunok siya at agad niyang itinago ang kaniyang salamin nang makitang si Maverick iyon.

"Hindi ako pupunta sa tambayan, kaya huwag mo na akong sunduin dito," wika ni Hexy at hindi matignan si Maverick.

"Hindi kita sinusundo," sagot naman ni Maverick.

Napakagat naman si Hexy sa kaniyang bibig dahil sa pagkapahiya.

"Eh, bakit nandito ka?"

"Walang tao sa tambayan kaya pauwi na ako. Why are you still here?" Tanong naman ni Maverick saka tinanggal ang kaniyang helmet.

"Ano...hmm..."

"You have a date?" Tanong ulit ni Maverick kaya napatingala si Hexy sa kaniya.

"H-Hindi naman date 'yon. Inaya niya lang akong kumain ng dinner," nahihiyang sagot niya.

Tumango-tango naman si Maverick at isinuot ulit ang helmet niya. Hindi na siya nagpaalam kay Hexy at pinaharurot na ang kaniyang motor.

Lumabi naman si Hexy at inayos ang kaniyang damit.

"Nagseselos ba 'yon?" Mahinang saad niya.

Inilapag niya ang cellphone niya sa lamesa at nagpangalumbaba saka tinitigan iyon.

Napakagat-labi siya nang marinig niyang tumunog ang kaniyang sariling tiyan.

Napahawak siya ro'n at naalalang kaunti lang ang kinain niya kaninang tanghali.

Lumipas pa ang ilang minuto ay hindi pa rin dumadating si Brix.

‘Patience, Hexy. Negosyante siya.’

Napatigil siya sa pag-iisip nang dumating ulit si Maverick ngunit iba na ang suot nito.

"Bakit bumalik ka?" Tanong ni Hexy at nakaramdam ng excitement.

"I'm looking for a place na makakainan. And I saw you again. Bakit nandito ka pa?" 

Napakamot naman ng batok si Hexy.

"You're hungry?" Tanong ni Maverick sa kaniya saka bumaba sa kaniyang motor at inilagay ang helmet sa kaniyang box.

"M-Medyo," nahihiyang sagot naman ni Hexy.

"May ihawan diyan," sambit ni Maverick saka naunang naglakad. 

Lumabi naman si Hexy saka sumunod sa kaniya habang hawak ang kaniyang tiyan.

Nang makarating sila sa ihawan ay agad na nag-order si Maverick ng isaw.

Bumalik sila sa bench at doon kumain.

"Mabuti at kumakain ka pa ng mga street food kahit pinakain ka ng expensive food ng Royale na 'yon," saad ni Maverick habang kumakain.

Tumingin naman si Hexy sa kaniya nang masama.

"Wala namang nagbago sa mga gusto ko," mahinang sagot ni Hexy saka kumain.

"Do you like him?"

Bigla namang nabilaukan si Hexy sa biglaang pagtanong ni Maverick sa kaniya. Agad naman siyang uminom ng tubig at pinakalma ang sarili ngunit mabilis ang tibok ng kaniyang puso.

"Bakit mo ba—"

Napatigil si Hexy nang may humintong puting van sa harapan nila.

"Hexy!"

Agad na dumungaw doon si Shantal at saka nagmadaling bumaba.

"Why are you here?" Tanong ni Maverick.

Inirapan naman siya ni Shantal.

"Ang sungit mo naman! We're with someone," sagot nito.

Lumabas sa van sina Vanessa, Rio, at Aldrin. Mas nagulat si Hexy nang makitang bumaba rin doon si Brix.

"B-Bakit—"

"Sinusundo ka namin," pamumutol ni Aldrin kay Hexy.

"Sinusundo namin kayo ni Maverick," dagdag naman ni Vanessa. 

Napatingin naman si Maverick sa kanila.

"Let's go," aya ni Brix sa kanila.

Bigla namang pinagpawisan si Hexy.

‘Akala ko kami lang.’

"S-Saan?"

"Pupunta raw tayo sa rest house nila," sagot naman ni Rio sa kaniya.

"Kaya, Maverick, iwan mo na 'yang motor mo at sumama ka na rin sa'min," aya ni Shantal habang nakakrus ang kaniyang mga braso.

"Uuwi na ako," wika naman ni Maverick saka tumayo.

"Come with us na lang. Sasama naman si Hexy. Wala namang mawawala kung sasama ka," sambit naman ni Vanessa saka inilagay sa kaniyang damit ang kaniyang eyeglasses.

"Tara na," aya ni Brix habang nakatingin kay Maverick.

Matagal silang nagtitigan bago tumango si Maverick.

Napapalakpak naman si Shantal saka nauna sa loob ng sasakyan.

"Walwalan na naman. Hindi puwedeng walang iinom sa dagat," wika ni Rio saka inakbayan si Maverick.

"I'm not drinking tonight," sabi naman ni Maverick.

"Lagi ka namang wala sa inuman, bro. 'Yong session last time sa bar, sobrang saya," saad naman ni Aldrin.

Siniko naman siya ni Shantal at sinamaan ng tingin.

"Ay, oo nga pala. Sorry," wika ni Aldrin saka nag-peace sign.

"He's too loud. 'Yon kasi 'yong time na nalasing si Hex," sambit ni Vanessa. Tumango-tango naman si Maverick saka sumakay sa sasakyan.

Katabi niya si Hexy at nasa pinakagilid siya.

"Ready to go?" Tanong ni Brix habang nakaupo sa driver's seat.

Naghiyawan naman sila.

"Ano'ng meron?" Takang tanong naman ni Hexy.

"Magpapainom daw si Sir Brix sa beach house nila," sagot ni Shantal na nasa kanan niya.

Nagkatinginan naman sina Hexy at Brix sa salamin. Biglang nailang si Hexy nang ngumiti ito kaya napaiwas siya ng tingin.

Napayakap siya sa kaniyang sarili nang biglang lumamig sa loob ng sasakyan.

‘Bakit kasi hindi ako na-inform?’

Nagulat siya sa biglaang pag-akbay ni Maverick sa kaniya kaya napatingin siya.

Halos hindi siya kumurap dahil sa pagkabigla at biglang bumilis ang tibok ng kaniyang puso.

"B-Bakit?" Tanong niya.

Nanlaki ang kaniyang mga mata nang ilapit ni Maverick ang kaniyang bibig sa kaniyang tainga at bumulong.

"There's something I wanna tell you."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status