Share

If We Love Again
If We Love Again
Author: J.R. McKay

Chapter 1: Encounter

Napatingin si Sarah sa relong-pambisig. Tatlong minuto na lamang ang nalalabi at malapit na siyang mag-out sa trabaho. Atat na atat na siyang umuwi, maging ang buong team niya dahil rest day na nila.

“Sarah.”

Nabaling ang kaniyang tingin kay Pia, ang operating manager niya. Nagtatrabaho siya bilang team manager sa isa sa pinakamalaking call center sa bansa. “OM.” Alanganin itong ngumiti at napakamot sa ulo. Nahulaan na niya kung ano ang pakay nito sa kaniya. “Don’t push your luck, OM. I’m going home.” 

Ang tinutukoy niyang ‘home’ ay sa Rizal. Once a month siya kung umuwi sa probinsya upang bisitahin ang kaniyang mga tiya.

Nangungupahan siya sa isang apartment malapit sa pinagtatrabahuan niya sa Quezon City kasama ang kaibigan niyang si Jessica kaya madalang siyang umuwi roon.

Napairap ito. “I didn’t say anything but you refused right away.”

“Because I can read your mind,” malamya niyang tugon. Alam niyang kinulit na naman ito ni Viggo na kausapin siya. Matagal nang nagpapalipad-hangin ang lalaki pero hindi niya pinapansin. Team Manager din ito under sa supervision ni Pia. “Ayokong makipag-date sa kaniya.” Dahil talamak ang pagiging babaero nito.

Tamang-tama na oras na ng uwi niya kaya mabilis siyang nag-clock out at nagpaalam sa kaniyang team na mauna na siyang umuwi. Kinawayan niya si Pia sabay karipas nang takbo palabas ng production floor. Namataan niya kasi si Viggo na naglalakad patungo sa station niya.

Mabuti’t nakasakay siya agad sa elevator. Lakad-takbo ang ginawa niyang nang makalabas sa building dahil baka sumunod si Viggo sa kaniya. Sa sobrang pagmamadali, naiwan niya ang bag sa locker. Malayo-layo na siya sa building nang maalala ‘yon.

“Hay!” Napapadyak siya dahil sa iritasyong nadarama. “Napakamalas ko naman!” Pumihit siya at naglakad pabalik sa pinanggalingan. Umaasa siyang hindi makasalubong si Viggo.

Pasara na ang isang elevator pagpasok niya sa building, hinabol niya ‘yon. Suwerteng bumukas ang pinto at dali-dali siyang sumakay kasabay ang isang lalaki na humahangos din. Sa kasamang-palad, overloaded na ‘yon.

“Ladies first. Lumabas ka na,” kaswal niyang utos sa lalaking katabi, ito ang kasabay niyang pumasok sa elevator. Hindi man lang niya ito tinapunan ng tingin.

“Miss, puwedeng paunahin mo na ako? Nagmamadali kasi ako dahil baka maabutan ako sa labas ng trainer—”

“Who cares?” She interrupted. Nahagip ng kaniyang peripheral vision na may hawak itong footlong at kape. Awtomatikong umikot ang kaniyang mata. Trainee pa lang ito pero pasaway na. “Mayroon pang ibang elevator.” Iyong isa, under maintenance at iyong dalawa, nasa mataas na floor pa ayon sa red indicator na makikita sa pinakamataas na parte sa bukana ng elevator.

“Miss, pagbigyan mo na ako. Pangako, hahanapin kita at ililibre kapag pinauna mo ako.”

Mariin siyang umiling. “Ayoko!”

“Hoy, nakakaabala na kayo!” aburidong komento ng isang lalaki mula sa likuran. “Kayong dalawa na lang kaya ang bumababa?”

“Bumaba ka na raw.” Tinulak niya ito palabas ng elevator at mabilis na pinindot ang close button. “Good luck sa ‘yo! Sana makita ka ng trainer mo na pakalat-kalat sa labas,” pahabol niyang wika bago tuluyang nagsara ang pinto.

Hindi niya nakita ang reaksyon ng lalaki dahil namumungay na ang kaniyang mata at dahan-dahan nang bumabagsak ang kaniyang talukap. Gusto niyang pumikit nang tuluyan at humilata sa kama, pero mukhang sa pampasaherong sasakyan na siya aabutan ng antok.

“PAMBIHIRA!” bulalas niya nang masilayan ang pagpinid ng pinto ng elevator. Hindi rin nakaligtas sa kaniyang pandinig ang sinabi ng babae na nakadagdag sa pagkayamot niya. Nabigla siya sa ginawa nito kaya hindi siya agad nakapag-react.

Wala na siyang nagawa kundi ang maghintay ng kasunod na elevator. Inumpisahan niyang kainin ang footlong at sumimsim na rin ng kape. Muntik na siyang ma-late kanina dahil may dinaan siya bago pumasok sa trabaho. Hindi na siya nakapag-almusal kaya nang malaman niyang male-late ang kanilang trainer ay lumabas siya sandali upang bumili ng pagkain.

Good luck sa ‘yo! Sana makita ka ng trainer mo na pakalat-kalat sa labas!

Diniinan niya ang pagnguya nang maalala niya ang sinabi ng babae. Dinig niya ang pagkikiskisan ng sariling mga ngipin. Dasal niyang huwag mahuli ng trainer dahil baka hindi siya nito ipasa sa training. Na-late na siya ng isang beses at ayaw niyang madagdagan pa ang kasalanan niya.

Kailangan niyang pumasa dahil ayaw niyang bumalik sa pagiging service crew sa isang sikat na fast food chain. Hindi niya ikinahihiya ang naging trabaho dahil marangal ‘yon, pero hindi sapat ang kinikita niya upang tustusan ang sarili. Maliban doon, nakakapagod ang trababaho at nakaka-stress ang ibang customer na may bastos na ugali.

Ginusto mo ‘yan, kaya wala kang karapatang magreklamo, kastigo ng isip niya. Napa-iling siya. Kailangan niyang magtiis dahil ginusto nga naman niya ‘yon kaya kailangan niyang panindigan.

NAWALA ang antok at pagod ni Sarah nang madatnan niyang nakahain sa mesa ang mga paborito niyang pagkain. Hindi puwedeng mawala ang tinolang native na manok at ginataang langka kapag umuuwi siya sa kanila. Mayroon pang pakwan na paborito niyang prutas.

“The best talaga ang mga tiya ko!” malawak ang ngiti niyang turan. “Kaya gustong-gusto kong umuwi rito.”

Hinila niya ang upuan at umupo. Sinimulan na niyang lantakan ang pagkain. Takam na takam na siya sa amoy ng tanglad na nagmumula sa tinola at sa malapot na sabaw ng ginataang langka. Hindi siya magkandatuto kung ano ang uunahing kainin.

“Hinay-hinay lang, hindi ka naman mauubusan ng pagkain,” natatawang wika ni Remedios. Ito ang nakababatang kapatid ng kaniyang ama at bunso sa tatlong magkakapatid. “Para sa ‘yo ang lahat ng ‘yan.”

“Halata bang sabik na sabik akong kumain ng luto ninyo?”

“Oo,” tugon ni Matilda. Panganay ito sa magkakapatid at pangalawa naman ang kaniyang tatay. Kung pala ngiti si Remi, kabaliktaran nito ang nakatatandang kapatid. Istrikta si Matilda at bihira lang ngumiti. “Para kang bata.”

“Tiya, bata pa naman talaga ako,” depensa niya. “Twenty-one years old lang ho ako.”

“Pero twenty-two ka na sa Hunyo.” Naglagay si Matilda ng kanin at ulam sa sariling plato. “Kailan mo ba planong umuwi rito?” pag-iiba nito sa usapan.

“Tiya, nandito na ako.”

“Ang ibig kong sabihin, kailan ka magre-resign sa trabaho mo?” seryoso nitong tanong.

Natigilan siya sa pagsubo. Nilapag niya ang kubyertos sa pinggan. “Wala po akong balak na mag-resign.”

Nag-isang linya ang kilay ng matanda. “Bakit, wala ka bang balak na bumalik sa eskwela? Nakalimutan mo na ba ang bilin sa ‘yo ni Bernardo?”

“Ate, huminahon ka muna,” awat ni Remi sa kapatid. “Kumain muna tayo bago nating pag-usapan ang tungkol diyan.”

Nakahinga siya nang maluwag sa pagsalo sa kaniya ni Remi. Alam nitong sa matinding diskusyon mauuwi ang pag-uusap nila kaya ito namagitan. Tahimik silang nagpatuloy sa pagkain. Ang kaluskos ng kubyertos na lumapat sa plato ang tanging ingay na maririnig sa paligid. 

Nang matapos silang kumain ay nagpresinta siyang maghugas ng kanilang pinagkainan subalit pinigilan siya ni Remi. Sumenyas ito na manatili siya sa kayang puwesto at kausapin si Matilda.

“Hindi mo ba tutuparin ang ipinangako mo kay Bernardo?” basag ni Matilda sa katahimikan.

“Tiya, gagawin ko ang lahat para makapagtapos sa pag-aaral.” Hindi niya makakalimutan ang huling bilin ng kaniyang tatay Bernardo bago ito bawian ng buhay. Nais nitong ipagpatuloy niya ang naudlot na pag-aaral sa kolehiyo at nangako siyang tutuparin ang hiling nito. “Sa susunod na school year ay mag-e-enrol na ako, pero hindi ako titigil sa pagtatrabaho.”

“Magtatrabaho ka sa gabi at mag-aaral ka sa umaga, ‘yon ba ang ibig mong sabihin?”

Tumango siya. Mabuti naman at naintindihan nito ang punto niya.

“Nahihibang ka na ba?” bulyaw nito. “Gusto mo bang unang mamatay kaysa sa amin ng tiya Remi mo?”

“Hindi ko naman ho ‘yon ikamamatay.” Napailing siya sa eksaheradong pahayag nito. Binaling niya ang tingin kay Remi upang humingi ng saklolo rito subalit abala ito sa paghuhugas ng pinggan. “Marami akong kilala na napagsasabay ang trabaho at pag-aaral.”

“Kaya ka naming pag-aralin.”

“Pero—”

“Pinagbigyan na kita sa gusto mo noon, kaya ako naman ang masusunod ngayon!” deklara nito.

Noong nagkasakit ang kaniyang ama ay nasangla ang bahay at maliit nilang sakahan. Nagpasya siyang pansamantalang huminto sa pag-aaral upang makatulong sa pagpapagamot sa kaniyang tatay na may renal disease.

“Tiya, huli na po ‘to. Pangako, kapag naka-graduate na ako, magre-resign na ako sa call center.”

“Natubos na ang bahay at lupa, nabayaran na rin ang lahat ng utang natin. Mapag-aaral ka na namin.”

“Pero—”

“Pinasan mo na ang lahat ng problema na dapat kami ang lumutas. Hayaan mong bumawi kami sa ‘yo.”

Mataman niyang pinagmasdan ang tiyahin. Nanunubig ang sulok ng mga mata nito, halatang nagpipigil itong umiyak. Kahit na masungit ang kaniyang tiyahin ay batid niyang mahal na mahal siya nito. Tumayo siya at nilapitan ito. Niyakap niya ng matanda mula sa likuran.

“Tiya, naiintindihan ko na kapakanan ko lamang ang iniisip ninyo, pero malaki na ho ako at kaya ko na ang sarili ko.”

“Nag-aalala lang kami sa kalusugan mo,” sabat ni Remi. “Malayo ka sa piling namin at walang nag-aalaga sa ‘yo. Nagpapakasubsob ka sa trabaho gayong kaya ka naman naming suportahan. Nawala na ang tatay mo, ayaw naming pati ikaw ay mawala rin sa amin.”

Naramdaman niya pagyakap ni Remi sa kaniya. Napangiti siya kasabay ng pagpatak ng kaniyang luha. Hindi man niya nakapiling ang babaeng nagsilang sa kaniya, biniyayaan naman siya ng dalawang ina, sa katauhan ng kaniyang mga tiyahin, na labis ang ibinigay na pagmamahal sa kaniya.

“Huwag po kayong mag-alala, hindi ko pababayaan ang sarili ko para sa inyo.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status