Share

Chapter 3: Stalker

Sinundan ng tingin ni Sarah si Jessica, ang kaibigan niya. Para itong pusa na hindi matae, panay ang labas-pasok nito sa bahay. Nahihilo siya habang pinagmamasdan ito. “Jessica, puwede bang pumirme ka sa isang tabi?” Nakabalik na siya mula sa Rizal.

“Ano bang dapat na ibigay ko sa kanila?” wala sa loob na tanong nito.

Nagsalubong ang kaniyang kilay. “Regalo ba ‘yon? Para kanino?”

“Ngayon lilipat ‘yong bago nating kapitbahay. Gusto ko sana silang bigyan ng kahit na ano para ma-feel nilang welcome sila rito.”

Sa pagkakataong ‘yon ay umarko naman ang kaniyang kilay. “Kailan ka pa nag-abala na i-welcome ang bagong boarder ni Aling Nena?”

Walang nagtatagal na boarder ang matandang babae dahil napakasungit nito. Sanay na sila na buwan-buwan na may umaalis at dumarating na nangungupahan. Nagtataka siya kung bakit gusto pa itong i-welcome ni Jessica.

 

“For a change!” malapad ang ngiting tugon nito. “Malay mo naman, tumagal sila rito dahil sa pag-welcome ko sa kanila.”

 

May naaamoy siyang kakaiba sa kaibigan, mukhang may ulterior motive ito. “Huhulaan ko, binata ang lilipat sa kabila?” Bakante ang katabi ng unit nila.

 

Impit na tili ang naging sagot ni Jessica. Tumalon-talon ito at hindi pa nakuntento sa ginawa, nagpagulong-gulong ito sa sahig. Mistula itong isang bulate na binudburan ng asin.

 

“Baliw!”

 

Umayos ito ng upo at tumabi sa kaniya nang mahimasmasan. “Nakakabaliw naman kasi ang itsura ng dalawang ‘yon, lalo na ‘yong tisoy.” Muli itong nagpakawala ng tili. “Actually, para siyang artista; matangkad, guwapo, maputi, makinis, parang anak-mayaman. Bagay kaming dalawa! Pero bagay rin kami no’ng isa.”

 

Napailing siya. Ano namang gagawin ng isang anak-mayaman sa lugar na ‘yon? “Guni-guni mo lang ‘yon.”

 

Tumayo ito sa harapan niya at namaywang. “Excuse me, for your information, nakita ko sila sa malapitan at nakausap,” pagmamalaki nito. “Noong rest day mo at dumeretso ka sa Rizal, ‘yon ‘yong araw na napadpad sila rito pero naunang umalis ‘yong moreno at nagpaiwan ‘yong tisoy pero nagmamadali ring umalis pagkatapos makausap si Aling Nena. Papasikat pa lamang ang araw nang magtagpo ang landas namin.”

“Ah, kaya naman pala. Sigurado akong inaantok ka no’n dahil galing ka sa trabaho.”

 

Nagkakilala silang dalawa ni Jessica nang mag-apply siya sa call center. Sabay silang natanggap sa trabaho at pareho ang account na napasukan, pero magkaiba sila ng team at oras ng trabaho. Naging matalik silang magkaibigan at nagpasyang umupa ng apartment malapit sa office.

 

“Hoy, malinaw na nakita ng dalawang mata ko ang kaguwapuhan at kakisigan ni tisoy!”

 

“Fine!” Nagkibit-balikat siya. “Bahala ka kung gusto mong magpa-cute sa kaniya pero…” Sinadya niynag ibitin ang nais sabihin.

 

“Pero?”

 

“Bawal magpapasok ng lalaki rito, doon ka lumandi sa unit nila.”

 

Umawang ang bibig nito at matagal bago nakabawi sa kaniyang sinabi. “Nahawa ka na kay Aling Nena!” bulyaw nito. Tinawanan niya lang ang kaibigan.

MADILIM ang paligid. Hindi sapat ang liwanag na nagmumula sa poste ng mga ilaw sa kalsada upang masabi niyang maliwanag sa kaniyang dinaraanan. Walang masyadong tao dahil malapit nang maghating-gabi. Twelve midnight kasi ang duty niya kaya tatlongpung minuto bago mag-alas-dose ay umaalis na siya sa apartment. Siya lang mag-isa ang naglalakad sa footbridge.

 

Sa tatlong taong pagtatrabaho niya sa call center, sanay na siyang umuwi at pumasok ng alanganing oras. Sa awa ng Diyos, wala namang nangyaring masama sa kaniya. Kahit papaano ay mayroon namang nakatokang pulis sa lugar na ‘yon maging sa vicinity ng pinagtatrabahuan niya kaya kampante siyang pumasok sa ganoong oras, pero hindi sa gabing ‘yon.

 

Pakiwari niya’y may sumusunod sa kaniya simula nang lumubas siya ng bahay. Sinubukan niyang lumingon sa likuran pero wala naman siyang nakita. Binilisan na lamang niyan ang paglalakad. Mabuti’t ligtas siyang nakarating sa office.

 

Ang akala ni Sarah ay nagkaton lang na parang may sumusunod sa kaniya pagpasok sa opisina, pero hanggang sa kaniyang pag-uwi ay ganoon pa rin. Luminga siya sa paligid ngunit wala naman siyang nakitang kahina-hinalang tao. Nagkibit-balikat siya.

 

Muling sumapit ang gabi. Kinakabahan siya dahil sa nangyari nitong nagdaan, pero kailangan niyang tatagan ang loob. Nilagay niya ang cell phone sa harapang bulsa ng suot na brown hoodie. Sinadya niyang hindi i-lock ang phone at naka-dial na ang numero ng pulisya. Pipindutin niya na lang ang call button kung sakaling may manakit sa kaniya.

 

Ilang minuto na rin siyang naglalakad nang maramdaman niyang may sumusunod sa kaniya. Lumingon siya sa likuran, sa pagkakataong ‘yon ay may nakita siyang lalaki. Nakasuot ito ng itim na cap, jacket, at jeans. Nakaramdam siya ng kaba kaya tumakbo siya paakyat ng footbridge. Hingal-kabayo siya nang makarating sa taas. Muli siyang lumingon sa likuran, nakahinga siya nang maluwag nang hindi na makita ang lalaki.

 

Normal na ang kaniyang lakad nang may matanaw siyang pulis sa di-kalayuan, pero hindi hindi nabawasan ang kabang kaniyang naramdaman hanggang sa makarating siya sa building. Pagpasok niya sa elevator ay pumuwesto siya sa pinakasulok na bahagi at sumundal doon. Nawala sa isip niya na pindutin ang floor kung saan siya bababa. Kikilos na sana siya nang biglang may pumasok na lalaki.

 

Kulay itim ang suot nito mula ulo hanggang paa. Maputla ang mukha nito na waring hindi nasinagan ng araw. May hawak itong footlong at kape. Hindi kaya ito ang sumusunod sa kaniya?

 

“Miss, anong floor mo?” tanong nito nang mapansin na hindi pa pumipindot ang dalaga. “Miss?” untag nito at tinitigan siya sa mukha.

 

Humalukipkip siya at pinagtaasan ito ng kilay. “Mind your own business.” Wala siyang tiwala sa hilatsa ng mukha nito.

 

Bumukas ang bibig nito ngunit walang lumabas na salita mula roon. Inalis nito ang tingin sa kaniya at saka pinindot ang 19th floor. Nakabibinging katahimik ang namagitan sa kanila hanggang makarating sa 6th floor, kung saan marami ang sumakay na nanggaling sa pantry.

 

Napuno ang elevator at nagmistula silang isda sa loob ng lata. Napaatras ang lalaki papunta sa kinatatayuan niya hanggang sa tuluyan na silang nagkatabi. Bahagya itong nakatagilid paharap sa kaniya.  Nakatukod ang kanang kamay nito na may hawak na footlong malapit sa kaliwang bahagi ng kaniyang mukha. Ang kabila naman nitong kamay na may hawak na cup ay nakataas ng bahagya, nasa tapat ng kaniyang tiyan.

 

“Excuse me.” Tiningala niya ang lalaki dahil mas matangkad ito sa kaniya, sa tantiya niya ay nasa anim na talampakan ang taas nito samantalang 5’5’’ naman ang height niya. “Baka matapon ‘yang kape mo.”

 

“Sorry.”

 

Itinapat nito sa labi ang cup at ininom ang laman niyon. Gumalaw ang Adam’s apple nito nang lagukin ang kape. Napalunok siya nang wala sa oras. Parang bigla siyang nauhaw at gusto na ring sumimsim ng kape kahit hindi siya umiinom no’n. At dahil magkadikit sila, nasamyo niya amoy nito. Nanuot sa kaniyang ilong ang pinaghalong aroma ng kape at minty na amoy nito na tila kay sarap singhot-singhutin.

 

“Sorry ulit,” anito nang maubos ang laman ng cup.

 

Bumalik ang kaniyang huwisyo nang marinig ang boses nito. Binaling niya ang tingin sa likod ng lalaking nasa harapan niya. Nakita niya kayang tinitigan ko siya? Gusto niyang iumpog ang ulo dahil sa kahihiyan.

  

Lumipas ang ilang segundo, nabawasan na ang lulan ng elevator. Nagkaroon ng kaunting espasyo kaya bahagyang dumistansya ang lalaking katabi niya. Maya-maya ay bumaba ito sa 19th floor. Tatlo na lamang silang natira at sinadya niyang magpaiwan kahit sa 18th floor siya dapat bumaba. Malay ba niya kung sinusundan pala siya ng lalaking naka-itim. Babalik na lang siya.

 

Maayos ang simula ng shift niya nang gabing ‘yon. Maganda ang performance ng team niya noong nakaraang buwan, maliban sa dalawang newbie na nag-a-adjust pa lang. Napangiti siya. Tiyak na babaha ang incentives.

 

“Excuse me, TM.”

 

“Yes?” aniya subalit hindi siya nag-abalang tapunan ito ng tingin. Newbie ito kaya malamang na may itatanong ito sa kaniya. Wala sigurong available na SME o Subject Matter Expert, sila ang nag-a-assist sa mga agent kapag may tanong ang mga ito.

 

“Hindi ko na kaya.”

 

Nag-isang linya ang kilay niya nang iangat ang ulo. “EOP!” Meaning, English-only policy. Nasa production floor sila kaya istrikto siya pagating sa rules. “What’s your problem?”

 

“I’m sorry.”

 

Hindi na ito nagsalita pa pero nanatili itong nakatayo sa harapan niya. Napansin niyang namumutla ito at sapo ang bandang ilalim ng pusod. “Do you have dysmenorrhea?” Jenna shook her head. “Go back to your station.”

 

Tumango ito at hindi nagreklamo. Tumayo siya at nilapitan ang isang SME upang i-assist si Jenna habang wala siya. Kailangan pa rin kasi nitong mag-take ng calls kahit masama ang pakiramdam nito. Pumunta siya sa locker area upang kumuha ng pain reliever. Hindi siya nauubusan ng over-the-counter drugs sa kaniyang locker dahil kung sakaling may magkasakit sa team niya, mabibigyan niya agad ng paunang lunas. Minsan kasi nauubusan din ng gamot sa clinic.

 

Nang makuha na niya ang kailangan ay agad niyang isinara ang locker. Nagulat pa siya nang biglang sumulpot ‘yong lalaking nakasabay niya sa elevator. Mukhang nagulat din ito nang makita siya.

Una itong nakabawi sa pagkabigla. “Walang vacant na locker sa 19th floor kaya pansamantalang nakikigamit ako ng locker dito,” paliwanag nito.

 

“So?” Tila napahiya ito sa naging reaksyon niya. Napakamot ito sa ulo at alanganing ngumiti. “Excuse me, nakaharang ka sa daraanan ko.”

 

“Sorry.”

 

Hindi niya ito pinansin at dere-deretsong naglakad paalis sa locker area. Pinainom niya ng gamot si Jenna pagbalik sa production floor at binalikan ang kaniyang trabaho. Matuling lumipas ang oras at uwian na. Paglabas niya ng building ay parang may sumusunod sa kaniya. Nakita niya ‘yong lalaking naka-itim. Ipinagwalang-bahala na lamang niya ‘yon dahil baka pareho sila ng daan pauwi.

 

Nang makatawid siya footbridge ay muli siyang lumingon sa likuran at nakita niya pa rin ang lalaki. Sa pagkakataong ‘yon ay binilisan na niya ang paglalakad kahit maraming tao sa paligid. Habol niya ang hininga pagdating pagpasok sa gate ng apartment. Bago siya pumasok sa bahay ay tiniyak niyang hindi siya nasundan ng lalaki subalit laking gulat niya nang bigla itong sumulpot.

 

“Sinusundan mo ba ako?” sita niya sa malakas na tinig. Namaywang siya at pinanlisikan ito ng mata. “Mayroon kang balak na masama sa akin, ‘no?”

 

“Mali ang—” 

 

Pumalatak siya. “Tsk! Magsisinuwaling ka pa talaga, eh, huling-huli ka na!”

 

“Wait, let me ex—”

 

“I don’t need your nonsense explanation!” She interrupted for the second time.

 

“Ano bang kaguluhan ang nangyayari dito?” sabat ni Aling Nena sa usapan. Lukot na lukot ang mukha nito. “Ang ingay-ingay ninyo!”

 

“Aling Nena, ito kasing lalaki na ‘to, may balak na masama sa akin. Sinundan niya ako kagabi pagpasok sa office, pagkatapos sa locker area, at pati rito sa bahay,” sumbong niya sa matanda, pero deadma lang ito.

 

“Magandang umaga po,” magalang na bati nito sa ginang na ipinagtaka niya. “Pasensya na po at naistorbo namin kayo. Nagkaroon lang po ng misunderstanding.”

 

Tumango-tango ito sabay baling sa kaniya. “Sarah, alam mong ayoko ng magulo. Sana magkasundo kayong dalawa.”

 

“Ho?” Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa dalawang kaharap. “Paki ulit nga ho ng sinabi n’yo.”

 

“Ang bata-bata mo pa pero bingi ka na. Maglinis ka ng tainga!” Inirapan siya nito bago binaling ang tingin sa binata. “Kayong dalawa na lang ang mag-usap,” bilin nito sa lalaki at naglakad na palayo sa kanila.

 

Napapadyak siya nang mawala sa kaniyang paningin ang matanda. Paano nangyari ‘yon? Bakit hindi niya alam na magkapitbahay sila? Nakakahiya ang inasta niya. Nakakahiya talaga!

“Excuse me, miss.”

 

“Inaantok na ako,” walang ganang tugon niya. Nilagpasan niya ito na hindi man lang tinatapunan ng tingin. Mabilis niyang binuksan ang pinto ng unit at agad ding isinara. “Anong gagawin ko?” tanong niya sa sarili bago iumpog ang ulo sa pinto.

 

“Anong ginagawa mo?”

 

Hindi pa pala natutulog si Jessica. Mas maaga ang pasok nito sa kaniya kaya una itong nakauwi. “Huwag mo akong kausapin!” Wala itong kinukuwento tungkol sa kapitbahay nila kaya ito ang may kasalanan kung bakit napunta siya sa nakakahiyang sitwasyon na ‘yon.

 

“Bakit? Anong kasalanan ko sa ‘yo?” takang tanong nito.

 

Inirapan niya lang ito at dumeretso sa kuwarto.

 

“Anong problema ng babae na ‘yon?” tanong ni Jessica sa sarili nang mawala sa paningin ang kaibigan. Napailing na lamang ito.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status