Share

Chapter 4: Rumors

Inagahan ni Sarah ang pagpasok sa trabaho. Iniiwasan niyang makasabay sa paglalakad ang bagong kapitbahay dahil nahihiya siya sa nangyari. Naging mapanghusga siya at hindi niya ito hinayaang magpaliwanag. Dapat ba siyang humingi ng tawad?

 

“Pero, bakit naman ako mahihiya? Wala naman akong ginawang masama!” iritadong wika niya. Natural lang naman na pag-isipan niya ito nang hindi maganda dahil sa pagsunod-sunod nito sa kanya. “Hindi ako magso-sorry!”

 

“Miss, kung ayaw mong matulog, huwag kang maingay!” sita ng kung sino mang naistorbo niya sa pagtulog. 

Madilim sa sleeping quarters kaya hindi niya makita ang mukha ng sumita sa kanya. Doon siya nagpalipas ng oras dahil maaga pa, pero hindi naman siya makatulog. Sobrang lamig doon, para siyang nasa loob ng chiller. “Sorry.”

Nagpasya siyang lumabas para hindi makaistorbo sa iba. Binuksan niya ang cell phone at ang liwanag na nagmumula roon ang nagsilbi niyang ilaw. Ingat na ingat siya sa paghakbang upang hindi makalikha ng tunog. Dahan-dahan niyang pinihit ang seradura ng pinto at tahimik na lumabas ng kuwarto. Isasara na niya ang pinto nang biglang may sumundot sa tagiliran niya.

Napigilan niyang sumigaw ngunit nabitiwan niya ang seradura. Malakas na kalabog ang kanyang narinig sa pagpinid ng pinto. Dinig niya mula sa labas na may nagmura sa loob ng sleeping quarters.

“Oops! Sorry…”

Pinanlisikan niya ng mata ang salarin. Gusto niya itong sabunutan. “Nakakainis ka!”

Ngumisi ito. “Nakasalubong ko nga pala si Viggo at hinahanap ka. Sinabi ko na hindi pa kita nakitang dumating.”

“Mabuti naman kung ganoon.” Naghikab si Jessica kaya binuksan niya ang pinto at pinapasok ito. Minsan, natutulog ito kapag break time. “Matulog ka na.” Tumango ito at isinara ang pinto.

Magkatabi ang locker area at sleeping quarters, tatambay muna siya locker area kung saan mayroong mini pantry. Mamaya na siya papasok sa production floor dahil iniiwasan niya si Viggo. Ilang beses na niya itong tinanggihan, pero mukhang wala itong balak na tantanan siya hanggang hindi siya bumibigay.

And speaking of the devil, nakatayo ito malapit sa kanyang locker. Balak niyang humakbang paatras at bumalik sa pinanggalingan subalit nakita na siya ni Viggo. Matamis na ngiti ang isinalubong ng binata na tinanguan lamang niya.

“Sarah, break ko ngayon. Samahan mo akong kumain,” anito sa paraang pautos. “Mamaya pa naman ang oras ng pasok mo.”

Hindi siya na-inform na ito pala ang magpapasya kung anong gusto niyang gawin sa libreng oras niya. Dapat hindi na lang siya pumasok nang maaga. Kasalanan ‘to ng kapitbahay niya. “Ayoko, kumain na ako,” malamig niyang tugon. 

Naglakad siya patungo sa kanyang locker at binuksan ‘yon. Dama niya ang pagsunod ng tingin ni Viggo sa kanya kaya nagkunwari siyang may hinahanap sa loob ng locker. “Maghanap ka na lang ng ibang kasama,” pagtataboy niya rito dahil naiilang siya sa presensya nito.

“How about let’s eat together during your break? Tamang-tama na out ko na ‘yon sa trabaho.”

So, na-check na pala nito ang schedule niya? 24/7 ang customer service ng financial account na handle niya kaya iba-iba ang oras ng pasok at break ng mga empleyado. “No, thanks!” Pabagsak niyang isinara ang locker at ini-lock ‘yon bago hinarap ang binata. “Kasabay ko ang team ko.”

“Sasama ako sa inyo,” pangungulit nito. “Hindi naman ako iba sa team ninyo, nasa iisang cluster lang naman tayo.”

Bilib din siya sa kakulitang taglay ni Viggo at sa pagkamanhid nito. Hindi ba nito gets na ayaw niya itong makasama o nagbubulag-bulagan ito? “Umuwi ka na lang.”

Bakas sa mukha ng binata ang pagkadismaya. “Hanggang kailan mo ba ako tatanggihan, Sarah? Ginawa ko na ang lahat para lang mapansin mo. Ano pa ba ang kulang?” nagmamakaawang tanong nito, dahilan upang mapalingon sa kanila ang ibang taong nandoon.

Wala sa hinagap niya na gagawa ng eksena si Viggo. Hindi niya tuloy alam kung paano magre-react sa sinabi nito. Naumid ang kaniyang dila nang mapansing naghihintay ang lahat sa magiging sagot niya. Gusto niyang ipagtanggol ang sarili, pero ayaw niyang ipahiya ang binata dahil alam niyang masakit siyang magsalita.

“Sarah!”

Napalingon siya sa may-ari ng tinig na tumawag sa kanya. Awtomatikong tumaas ang kanyang kilay nang makita ang maputla niyang kapitbahay. Paano nito nalaman ang pangalan niya?

“Bakit mo ako iniwan? Delikadong maglakad mag-isa sa dis-oras ng gabi. Dapat sabay na tayong pumasok sa trabaho,” may himig na pag-aalala sa boses nito.

“Ah, kasi…” Natigilan siya. What the hell? Bakit siya magpapaliwanag dito?

Lumapit ito sa kanya. “I’m sorry.” Hinawakan nito ang magkabila niyang pisngi at tinitigan siya sa mga mata. “I know, it was my fault. Hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na sabihin sa ‘yo ang totoo. Nalaman mo pa kay Aling Nena. Huwag ka nang magalit sa akin,” paglalambing nito.

Napalunok siya. Ano bang pinagsasabi nito? Kung ang tinutukoy nito ay tungkol sa nangyari noong nakaraan, hindi naman nito kailangang umakto nang ganoon. “Ewan ko sa ‘yo!” Inirapan niya ito at tinabig ang kamay. Pinaalala lang nito ang ginawa niyang kahihiyan.

“Sino ka?” tanong ni Viggo sa binata. Nawala sa isip niya na nandoon pa ito.

“Magkasama kami sa apartment.”

Kunot-noong nagpalipat-lipat ang tingin ni Viggo sa kanilang dalawa. “Magkasama kayo?” Hindi makapaniwalang tingin ang ipinukol nito sa kanya. Alam nitong si Jessica ang roommate niya, hindi lalaki. “Don’t tell me that he is your boyfriend.”

Gusto niya sanang itama ang maling akala nito, pero biglang nagbago ang isip niya. “Hindi ko naman siguro kailangang ipaliwanag sa ‘yo kung ano ang relasyon naming sa isa’t isa, ‘di ba?”

Labag man sa kaniyang kalooban, nilapitan niya ang kapitbahay at umangkla sa braso nito. Naramdaman niyang nanigas ang katawan nito, marahil ay nabigla sa kaniyang ginawa. Pero mabilis itong nakabawi at ini-relax ang katawan.

Hindi nakapagsalita si Viggo, pero halatang hindi ito kumbinsido sa sinabi niya. Bago pa ito mag-usisa ay hinila niya palabas ng locker room ang kapitbahay niya. Walang sabi-sabing dinala niya ito sa fire exit. Dere-deretso niyang tinahak pababa ang hagdanan kasama ang lalaki. Tumigil lang siya sa paglalakad nang makalayo sila sa 18th floor.

“Bakit mo ako dinala rito?” basag nito sa katahimikan.

Sinamaan niya ito ng tingin. “Ano ‘yong pinagsasabi mo kanina? Close ba tayo?” sikmat niya.

His brows knitted. “Look who’s talking?” Tinitigan nito ang magkahugpong nilang braso. “Kumuyapit ka sa braso ko at kinaladkad mo ako dito. Close ba tayo?” balik-tanong nito.

Kumalas siya sa pagkakahawak dito at bahagya ito itinulak. “Ginawa ko lang ‘yon dahil feeling close ka,” pagdadahilan niya. “At sinakyan ko ‘yong trip mo para hindi ka mapahiya.”

“Aminin mo na lang na nakatulong ako sa ‘yo.”

She rolled her eyes. “Sa paanong paraan ka nakatulong? Tiyak na pinag-uusapan na ako dahil sa ‘yo.”

He looked at her with disappointment. “Ang akala ko, magpapasalamat ka sa ginawa ko.”

“Bakit ko naman ‘yon gagawin?”

“Never mind!” His face went blank ang walked away.

Hindi makapaniwalang sinundan niya ng tingin ang bulto ng papalayong lalaki hanggang sa maglaho ito sa kanyang paningin. Mayroon ba siyang maling sinabi? “Bahala na nga siya sa buhay niya! Wala akong paki sa kanya!”

Binuksan niya ang pinto ng fire exit sa 16th floor. Mag-e-elevator siya pabalik sa 18th floor. Pupuntahan niya si Jessica sa sleeping quarters upang abisuhan ito sa naganap. Tiyak niyang magtatanong si Viggo sa kaibigan. Kailangan niya ring mag-log out sa sleeping quarters at ibalik ang bed number sa guard na naka-assign sa 18th floor.

Maraming nais itanong si Jessica nang malaman nito ang nangyari, pero hindi niya nagawang magpaliwanag dahil kailangan na niyang magtrabaho. Si Viggo naman ay hindi siya pinapansin hanggang sa matapos ang shift nito na ipinagpasalamat niya.

Inaasahan niyang magkakasabay sila sa pag-uwi ng kaniyang kapitbahay ngunit hindi ‘yon nangyari. Kung sabagay, mas mainam na hindi magkrus ang kanilang landas dahil hindi naman sila magkasundo. Pagpasok niya sa gate ng apartment ay naabutan niyang nag-uusap si Jessica at ang binata.  Napailing siya. Tiyak na ini-interview na ito ng babae tungkol sa nangyari nang nagdaang gabi.

“Sarah, nandiyan ka na pala. Bakit hindi pa kayo sabay na umuwi ni Tisoy?”

“Bakit gising ka pa?” balewala niyang tanong. Nilagpasan niya ng tingin ang kausap nito.

“Nakatulog na ako. Sinadya kong gumising nang ganitong oras para makausap ko siya.”

“Ah…” Tumango-tango siya at saka binalingan ang lalaki. “Anong pinag-usapan ninyo?” usisa niya sa binata. Pinagtaasan niya ito ng kilay at tinitigan nang matalim. Bago pa makapagsalita ang lalaki ay siniko siya ni Jessica. Napalingon siya sa kaibigan. “Ano ba?”

“Huwag mo siyang sindakin,” saway nito. Tinitigan nito ang binata at ngumiti nang matamis. “Pagpasensyahan mo na ang kaibigan ko. Mukha lang siyang masungit pero mabait talaga siya.”

“Ayos lang,” anito sabay ngiti. “Sige, magpapahinga na ako.”

“Okay! Nagpapasalamat ulit ako sa ginawa mo. Matulog ka nang mahimbing,” pa-cute nitong turan.

Napangiwi siya sa ikinilos ni Jessica. Para itong teenager na nakikipag-usap sa crush nito. “Bakit ka nagpapasalamat sa lalaki na ‘yon?” tanong niya nang makapasok sila sa bahay.

“Dahil alam kong hindi mo siya nagawang pasalamatan. Inaway mo pa nga, eh.”

So, nagsumbong na pala ito sa kaibigan niya. “Bakit naman ako magte-thank you sa kanya?”

“Dahil niligtas ka niya sa pa-victim na Viggo na ‘yon. Aba, ang kapal ng mukha ni Viggo na palabasing ginawa niya ang lahat para sa ‘yo. Paano kung hindi dumating si Erhart? Anong gagawin mo?”

So, Erhart pala ang pangalan niya. Napaisip siya sa sinabi ni Jessica. May point ito, pero kaya naman siguro niyang ipagtanggol ang sarili.

“At kung hindi ka pabor sa ginawa ni Erhart, dapat sinabi mo kay Viggo ang totoo.”

May point ulit ito. Kung tutuusin, ginamit niya ang lalaki para makalusot kay Viggo. Pero sa kabila ng lahat, nagawa niya pa ring pagsungitan ito.

“AALIS na ako,” paalam ni Sarah sa kaibigan. Rest day nito at naisipan nitong magluto ng spaghetti kaya naman nagbaon siya no’n. “Salamat sa pagkain.”

“Wait!” pigil nito sa kanya. “Ibigay mo ‘to kay Tisoy.” Inabot nito sa kanya ang maliit na paper bag na may lamang baonan. “Gusto kong matikman niya ang luto ko.”

“Ikaw na ang magbigay sa kaniya.”

“Ikaw na!” pamimilit nito. “Nakaalis na siya, eh! ‘Tapos rest day rin ng roommate niya.”

“Ayoko nga!” mariin niyang tutol. Baka kung ano pa ang isipin ng lalaki na ‘yon kung siya ang magbigay ng pagkain. “Bukas mo na lang ibigay. ‘Bye!”

Hindi basta-bastang sumusuko si Jessica kaya hinabol nito ang dalaga. “Sarah, sasabihin ko kay Viggo na kapitbahay lang natin si tisoy!” banta nito kaya napilitan siyang huminto sa paglalakad at hinarap ito.

“Huwag!” Hinablot niya ang paper bag na hawak nito. “Ako na ang bahala rito.” Kumaripas siya ng takbo bago pa magkomento si Jessica.

Kalat na kalat na ang tsismis sa opisina tungkol sa isang playboy na team manager na pinaasa ng isang malditang team manager na under sa iisang operating manager. Usap-usapan na ang naturang TM na babae ay may ka-live in na newbie mula sa iisang kompanya, pero magkaiba ng account. Halata namang siya ang tinutukoy sa blind item na ‘yon. Parang showbiz lang!

Wala siyang paki dahil hindi naman ‘yon totoo. Pero ayaw niyang malaman agad ni Viggo ang katotohanan dahil baka kulitin siya nito ulit. Mabuti nang makahanap ito ng ibang lalandian bago nito malaman ang totoo.

Pagdating ni Sarah sa opisina, sa 18th floor, nakita niya ang binata na papunta sa fire exit. Marahil ay galing ito sa locker area at papunta na ito sa 19th floor. “Erhart!” tawag niya sa pangalan nito. Lumingon naman agad ang binata. Napalunok siya nang bigla itong ngumiti. Kasabay nang paglulon niya ng laway ay naumid ang kaniyang dila.

“Bakit?”

Tinitigan niya lang ito at nanatili sa kinatatayuan. Nang wala itong makuhang sagot mula sa kaniya ay nilapitan siya nito. Inabot niya na lang ang paper bag dito. Tinagggap ‘yon ng binata na nakakunot ang noo. “Bigay ni Jessica,” aniya at mabilis itong tinalikuran.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status