Share

Chapter 5: Dinner

Bumalikwas ng bangon si Sarah. Nagising siya sa ingay na nagmumula sa ibaba ng bahay. Dinig na dinig niya ang boses ni Jessica at ng lalaking kausap nito.  Napagpasyahan niyang bumaba. Nasa kalagitnaan pa lang siya ng hagdanan ay nakita na niya ang kakuwentuhan ng kaibigan. Tumikhim siya upang ipabatid ang kaniyang presensya.

“Uy, gising ka na pala!” masiglang wika ni Jessica. “Nakapagluto na ako ng hapunan.”

“Ang ingay n’yo kasi,” reklamo niya. Masuwerte ang mga ito dahil wala siyang pasok sa gabing ‘yon kaya palalagpasin muna niya ang pag-iingay ng mga ito. “Maliligo lang ako ‘tapos kumain na tayo.”

“Okay.”

Bumalik siya sa taas upang kumuha ng towel at damit na pamalit. Maliit lang ang apartment na ‘yon at isa lang ang banyo. Pagbaba niya ay nandoon pa rin si Erhart at prenteng nakaupo sa sofa. Nilagpasan niya ito na parang wala siyang nakitang tao.

Binilisan niya ang pagligo dahil kumakalam na ang kaniyang sikmura. Paglabas niya ng banyo ay naabutan niya pa rin ang binata sa sala pero wala na roon si Jessica. Sa sobrang liit ng apartment na ‘yon ay imposibleng hindi niya agad makita ang kaibigan.

Pagpasok sa loob ay makikita na ang lahat. Unang mapapansin ang TV set pagbukas ng pinto. Sa bandang kaliwa ay naroon ang hagdanan at ang espasyo sa ilalim no’n, nandoon ang isang two-seater sofa at dalawang one-seater sofa, at maliit na mesa. Ilang hakbang lang ang lalakarin at kusina na agad, may dining table roon, at nasa pinakasulok ang banyo.

“Hi!” nakangiting bati ng binata sa kaniya. “Pasensya na kung nagising ka dahil sa ingay namin. Hinatid ko lang ‘tong baonan na pinaglagyan ng spaghetti ‘tapos nagkuwentuhan kami ni Jessica.”

“Pasalamat ka at rest day ko ngayon dahil kung hindi…” Hindi na niya itinuloy ang nais sabihin. “Basta, huwag n’yo na lang ulitin dahil ayokong naiistorbo ang pagtulog ko.”

“Noted.”

“Nasaan si Jessica?” pag-iiba niya sa usapan.

“Nandito na ako,” tugon ng dalaga. Napalingon siya sa pintuan at napansin niyang may kasama itong lalaki. Kung hindi siya nagkakamali, roommate ito ni Erhart. “Dinalhan ko lang ng ulam si Aling Nena at pagkatapos ay dinaanan ko si Harry para sabay-sabay na tayong maghapunan,” paliwanag nito.

“Hello, Sarah!” kiming bati ng binata, pero hindi niya ito pinansin.

She crossed her arms over her chest. Annoyance was visible in her eyes. “Nakalimutan mo na ba ‘yong napag-usapan natin?”

“Tungkol saan?” patay-malisyang tanong nito. Matalim na titig ang ipinukol niya rito. “Ah… natatandaan ko na.” Alanganin itong ngumiti. “Bawal ang boys dito.”

“Bakit nandito sila?” Nagkatinginan ang dalawang binata bago tumitig sa magkaibigang nagtatalo. “Doon sila kumain sa bahay nila.”

“Napakaistrikta mo talaga! Tinalo mo pa si Aling Nena. Apo ka ba niya?”

“Siguro,” balewala niyang tugon.

“Hay!” Nagpakawala ito ng buntonghininga. “Ang tigas talaga ng puso mo!” madrama nitong pahayag na dinedma niya.

Tumayo si Erhart pero nanatili ito sa puwesto. “Sa bahay na lang kami kakain.” Natuwa siya sa sinabi nito. Mabuti naman at nakaramdam ito na ayaw niyang may ibang kasama. “Pero puwede bang makahingi ng ulam?”

Napatanga siya sa binata. Sinong mag-aakala na manghihingi ito ng pagkain? Kung pagbabasehan niya ang itsura nito, na mukha talagang may-kaya, malabo itong manghingi ng pagkain sa kapitbahay.

“Sure,” sagot ni Jessica. “Ipagsasalin kita sa mangkok ng nilagang baboy.” Pumunta ito sa kusina at dahil maliit ang apartment, kitang-kita niya ang pagkilos nito at dinig na dinig niya ang sinabi nito. “Ang KJ kasi ng isa riyan!” parinig nito.

“Actually, para sa ‘yo talaga ang niluto ko,” sabi nito kay Erhart nang iabot nito ang ulam sa binata. Nakapatong ang mangkok sa plato dahil mainit pa ang sabaw ng nilagang baboy. “Hindi kasi marunong magpasalamat ang isa riyan kaya ako na ang gumawa ng paraan para naman malaman mo na na-appreciate ko, niya pala, ang pagtulong mo sa kaniya. At saka ito na rin ang pa-welcome gift ko sa inyo. Free dinner. Medyo delay nga lang.”

Hindi ito nakabili ng pa-welcome gift ‘kuno’ dahil sinermonan niya ito.

Napailing siya. Kilala niya ang kaibigan, hindi ito titigil sa paglilintanya at pangongonsensya hangga’t ‘di siya pumapayag sa kapritso nito. “Fine!” Naiirita siya sa katabilan ng dila nito. “Dito na sila magdi-dinner.”

“Sa bahay na lang,” maagap na tutol ni Harry. “Salamat sa ulam.” Kinuha nito ang plato na bitbit ni Erhart pero hindi ‘yon ibinigay ng binata.

“Dito tayo kakain,” deklara nito. Bitbit ang plato, tinungo nito ang mesa at inilapag doon ang dala. “Mas masaya kapag maraming kasabay na kumain.”

Tila may kung anong bagay ang sumundot sa kaniyang puso dahil sa sinabi ng binata. Naalala niya ang ama. Nagagalit ito kapag hindi sila sabay-sabay na kumain. Anito, mas masarap at masayang kumain kapag kompleto ang pamilya. Miss na miss na niya ito.

“Sarah, bakit nakatayo ka pa riyan?” untag ni Jessica na nakapagpabalik sa kaniyang huwisyo. Nakaupo na ang lahat at siya na lang ang hinihintay. “Sandali.” In-on niya ang TV upang doon mabaling ang atensyon ng mga ito at hindi sa kaniya.

Pang-apatan lang ang mesa nila kaya wala siyang choice kundi ang umupo sa katapat ng upuan ni Erhart. Magkatapat naman si Jessica at Harry. Nagkukuwentuhan ang mga ito habang kumakain samantalang tahimik lang siya at panaka-naka’y sumusulyap sa TV.

Nasa akto siya ng pagsubo nang binanggit sa balita ang pangalan ng mayor ng Marikina City. Nabitiwan niya ang hawak na kubyertos. Umusal siya nang piping dalangin na sana walang nakapansin sa kaniya. Nang ibaling niya ang tingin sa mga kasama ay nakatutok ang atensyon ng mga ito sa balita. Nakahinga siya nang maluwag.

Ayon sa balita, imbes na engrandeng selebrasyon ang dapat na naganap sa kaarawan ng bunsong anak ng mayor na si Arianne, napagpasyahan ng dalagita na i-donate sa mga batang cancer patient ang perang nakalaan sa party nito. Personal itong dumalaw sa napiling foundation kasama ang mga magulang nito. Hinangaan at pinuri ng publiko ang naging pasya ng dalagita. 

“Napakasuwerte naman ng mga magulang ng batang ‘yan. Mayroon silang anak na maganda at mabait,” komento ni Jessica.

Hindi siya kumibo samantalang ang dalawang lalaki ay tumango lang. And speaking of parents, may panayam ang alkalde kasama ang misis nito. Iniwas niya ang tingin sa screen at ipinagpatuloy ang naudlot na pagkain.

“Ang ganda naman ng asawa ng mayor at mukhang bata pa. Sarah, parang magkahawig kayo,” puna ng kaibigan niya.

Muli niyang nabitiwan ang kubyertos at sa pagkakataong ‘yon, nakuha niya ang atensyon ng lahat. Hindi niya tuloy alam kung anong gagawin o sasabihin. Hindi niya inaasahan ang pangyayari na ‘yon.

“Medyo lang,” bahagyang pagsangayon ni Harry. Wala sa hinagap niya na ito ang unang magkokomento dahil parang naiilang ito sa kaniya. “Pero hindi naman talaga.”

“Huh? Ano ba talaga? Ang gulo mo, a,” wika ni Jessica.

Tahimik lang siya at si Erhart, naghihintay sa susunod na sasabihin ni Harry. Tinitigan ni Harry ang kaniyang mukha na tila pinag-aaralan nito ang bawat anggulo niyon. Naasiwa siya.

“Magkakorte ang labi ninyo at kilay, parehong matangos ang ilong, at iisa ang hugis ng mukha, pero medyo chubby ang pisngi mo. Bilugan at kulay itim ang mga mata mo, ‘yong sa kaniya naman ay deep set na kulay tsokolate. May pagkakahawig kayo pero kapag tinitigan nang mabuti ang isa, malalaman ang pagkakaiba.”

“Wow!” bulalas ni Jessica. “Napansin mo agad ang pagkakaiba nila kahit sa TV mo lang nakita ‘yong isa?”

“Nakita ko na siya sa personal.”

“Talaga?” Namilog ang mga mata ng dalaga. “Saan? Paano? Sino ang mas maganda sa kanilang dalawa?” walang prenong tanong nito.

“Jessica!” Pinandilatan niya ito ng mata. Dahil sa tanong nito ay dalawang lalaki na ang nakatitig sa kaniya. “Ano?” angil niya sa mga ito.

“Mas maganda ‘yong walang make up,” tugon ni Erhart kahit hindi naman ito tinanong.

Wait, ako ba ang tinutukoy niya? Hindi nito inalis ang tingin sa kaniya kaya naman siya na ang nag-adjust. Ibinalik niya ang tingin sa monitor. Laking pasalamat niya dahil iba na ang ibinabalita sa TV. Ang akala niya ay tapos na ang topic na ‘yon, pero nagkamali siya dahil nagsalita pa si Harry.

“Sa tingin ko mas magan—” Naudlot ang pagsasalita ng binata nang biglang nag-ring ang cell phone nito. Hinugot nito ang phone mula sa bulsa ng shorts. Tiningnan nito kung sino ang tumawag pagkatapos ay tumingin ito kay Erhart. “Si Arianne,” anito at saka nagpaalam na sasagutin tawag. Lumabas ito.

“Sino si Arianne?” nakataas ang kilay na tanong ni Jessica kay Erhart nang makalabas si Harry.

“Ang alam ko, mahalaga si Arianne sa buhay ni Harry. Maganda rin siya at mabait,” dagdag nito.

“Tsk!” pumalatak si Jessica at pinaikot ang mga mata. “What a coincidence! Maganda at mabait din ‘yong Arianne na anak ng mayor. Magpalit na lang kaya ako ng pangalan? Ano sa palagay mo, Sarah?”

Nabilaukan siya sa tinuran ng kaibigan. Mabilis na nagsalin ng tubig sa baso si Erhart at ibinigay ‘yon sa kaniya na agad naman niyang ininom. Naramdaman naman niya ang banayad na hagod ng kamay ni Jessica sa kaniyang likod.

“Salamat,” aniya sa binata nang mahimasmasan siya. “Tumigal ka na Jess,” awat niya rito. “Okay na ako.”

“Sorry,” usal nito bago nagpatuloy sa pagkain.

Nagulat siya sa inakto nito. Ang alam niyang crush nito ay si Erhart dahil panay ang pa-cute nito sa binata. Nagtataka siya kung bakit biglang nagbago ang mood nito nang may tumawag kay Harry.

Tapos na siyang kumain nang bumalik ang binata sa loob. Nagkasalubong sila paglabas niya ng bahay. Wala sa loob na napatingala siya sa kalangitan. Dismayado siya noong walang makitang bituin. Ipinikit niya ang mga mata at in-imagine na maraming nagkikislapang tala sa kalawakan gaya ng nakikita niya kapag nasa probinsya siya.

“Minsan, mas maganda pa ‘yong nakikita ng mga mata natin kapag nakapikit tayo.”

Naudlot ang kaniyang pag-i-imagine nang marinig ang tinig ni Erhart. Iminulat niya ang mga mata. Nakatayo ito sa tabi niya, nakatingala at nakapikit. Hindi niya mapigilan ang sarili na titigan ang maamong mukha nito na may makapal na kilay, matangos na ilong, at mapulang labi.

“Tulad ngayon, malinaw kong nakikita ang kumikinang na mga butuin kahit nakapikit ako.”

Pareho pala kami ng iniisip. Hindi niya namalayang unti-unting sumilay ang ngiti sa kaniyang labi habang tahimik niyang pinagmamasdan ang binata. Hindi niya inaasahang magmumulat agad ito ng mata kaya nahuli nitong nakatitig siya rito. Huli na para umiwas ng tingin.

“Akala ko mag-isa na lang ako rito.” Ngumiti ito sa kaniya nang ubod ng tamis. “At hindi ko alam na marunong ka palang ngumiti.”

Sumimangot siya at inirapan ito. “Anong akala mo sa akin bato?”

“I’m glad to know that you’re not.”

“What?” She raised her eyebrow and put her hands on her hips. “Naghahanap ka ba ng away?”

“Hindi.” Umiling ito. “Ang totoo niyan, gusto kong magkasundo na tayo.” Nawalan siya ng kibo sa sinabi nito. “Puwede bang maging magkaibigan tayo?”

“Ha? Kailangan pa ba ‘yon?” Ayaw niya sa ideyang ‘yon.

“Hindi kita pipilitin kung ayaw mo.” Tila nabasa nito ang nasa isip niya. “Sa susunod na araw na lang,” dugtong nito.

“Ha?”

“Good night, Sarah.”

Bago pa siya makapag-react ay pumasok na ito sa sariling unit. Naiwan siyang nakatulala sa kawalan. Anong ibig nitong sabihin?

“ANO sa tingin mo? Magkamukha ba sila?” tanong ni Harry pagpasok ni Erhart sa apartment. Nakabalik na pala ito.

Nagkibit-balikat siya. Wala siyang pakialam sa bagay na ‘yon. “Kumusta si Arianne?”

Ngumiti ito. “Nami-miss na raw ako. Naglalambing na bilhan ko siya ng paborito niyang pagkain.”

“Dalawin mo siya kapag may libreng oras ka,” suhistyon niya.

“Oo naman,” puno ng excitement ang tinig nito. “Miss na miss ko na ang batang ‘yon.”

J.R. McKay

Ang update ay tuwing Lunes-Biyernes. Salamat po sa pagbabasa. Maaaring mag-iwan ng komento, bumoto, magbigay ng gems, at i-add sa library. Salamat po.

| Like

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status