Share

Pagsisinungaling

Izzy's point of view

Hindi ko maintindihan ang ipinapakitang ugali sa 'kin ni sir Karson. 'Yung tipong hindi ko masabi kung mabait ba siya o hindi.

Paano ba naman kasi, kung pagsalitaan niya ako ng kung ano-ano ay gano'n na lang.

Wala siyang puso!

Kung maliitin niya ako ay akala mong kung sino siyang perpekto.

Sa isang banda ay pasalamat pa rin ako, kung hindi dahil sa pagtanggap niya sa akin bilang katulong ay malamang palaboy-laboy na ako ngayon sa lansangan.

"Nasa'n ka na ba 'tay? Ano ba ang totoong nangyari at bakit kinailangan mong magtago? Totoo bang pinatay mo ang mag-ina ni sir Karson?" halos mapuno na ng luha ang kabibili ko lang na yellow pad dahil sa kakaiyak.

Miss na miss ko na kasi ang aking itay at maraming bagay ang gumugulo sa aking isipan. Mga tanong na tanging si itay ko lamang ang makakasagot.

"Ehemmm!!" wika ng isang pamilyar na boses.

Mula sa pagkakadukdok ay dali-dali akong nag-angat ng mukha.

"Sir Jay!!" gulat kong sambit sa kaniyang pangalan. Paano ba naman ay nahuli niya ako na nakadukdok sa upuan, baka mamaya ay isipin niyang natutulog lang ako sa klase at hindi gumagawa ng essay.

"Naka istorbo ba ako?"

"Naku, sir, mali po 'yung iniisip niyo. Hindi po ako natutulog." paliwanag ko.

"Alam ko, Alam kong umiiyak ka." saad niya sabay turo sa desk kung saan naroon ang aking yellow pad. "Obvious naman sa papel mo, puro patak kasi ng luha."

Bahagya akong napayuko at agad nakaramdam ng hiya. Masyado na kasi siyang mabait sa akin at ayaw ko namang abusin iyon. Kahit na gustong-gusto kong magsabi sa kaniya ng aking mga problema ay hindi ko na ginawa. Tama na sa akin ang pagtulong niya sa 'kin sa aking pag-aaral.

"Izzy, gusto ko lang na malaman mo na maaari mo akong maging kaibigan. P'wede mo akong sabihan ng mga problema mo, makikinig ako." seryosong wika niya sa akin.

Si sir Jay Vergel ay ang guro namin dito sa ALS. Siya ay 27 years old lamang at talaga naman na marami sa estudyante niya ay nagkakagusto sa kaniya. Bukod kasi sa guwapo siya, ay sobrang lapit din niya sa kaniyang mga estudyanteng tulad ko.

Bigla naman akong nakaramdam nang kapanatagan. Hindi lang kasi siya basta guro ko lamang, para ko na rin siyang kaibigan.

Sa huli ay mas pinili ko na lamang na sarilihin muna ang dinadala kong problema. Tutal ay masyadong komplikado ang sitwasyon ko ngayon at wala dapat na may makaalam nang pinagdadaanan ko ngayon.

"Nga pala, nasaan na 'yung essay mo?"

Hindi ako nakakibo dahil wala na akong essay na maipapasa sa kaniya dahil sa kagagawan ng magaling kong amo.

"A-ahh, ehh, wala pa po akong nagagawa eh," pagdadahilan ko sabay kamot ng aking ulo. "P'wede pa po bang humabol bukas?" dinaan ko na lamang siya sa pacute at pagpapapungay ng aking mata.

"Ikaw talaga, sige, bukas aasahan ko 'yan."

"Salamat, sir!" wala sa sarili ko siyang niyakap dahil sa sobrang tuwa. "The best ka talaga, sir!" napakaswerte ko at siya ang aking naging guro. Palagi niya kasi akong pinagbibigyan sa mga pakiusap ko.

"O-ok na 'yun," wika niya sabay marahan akong itinulak palayo sa kaniya. Mukhang hindi niya nagustuhan ang aking inasal.

"Pasensya na po sir, nadala lang." nahihiya kong sabi sabay balik sa aking kinauupuan.

Nakalimutan ko na hindi nga lang pala kami ang tao rito at hindi tama ang ginawa kong pag-akap sa kaniya.

Teacher kasi siya at estudyante niya lang ako.

Alam kong nailang siya sa aking ginawa kaya mabilis niya akong tinalikuran. Hanggang sa mag-uwian ay hindi niya na ako pinansin.

Samantala,

Nandito ako ngayon sa labas ng eskwelahan at inaantay ang aking sundo.

Ayon kasi kay sir Karson ay susunduin niya raw ako kaya naman ginastos ko na kanina ang hiniram kong pera sa kaniya na pamasahe ko na sana.

Halos isang oras na akong nag-aantay sa kaniya ngunit hindi pa rin siya dumarating. Kumakalam na rin ang tiyan ko dahil hindi pa ako kumakain.

Nagpatuloy pa rin ako sa pag-aantay sa kaniya hanggang inabutan na ako ng malakas na buhos ng ulan.

"Darating pa kaya siya?" nanginginig na ang buo kong katawan dahil sa sobrang lamig. Nabasa kasi ng ulan ang suot kong uniporme at idagdag pa ang malakas na hangin.

Naisip kong humanap na muna nang masisilungan habang naghihintay ng biglang may huminto na pulang kotse sa aking harapan.

"Sakay na!" wika ng pamilyar na naman na boses.

Naestatwa ako sa aking kinatatayuan dahil sa ganda ng ngiti niya sa 'kin.

"H-hindi po kayo galit?" diretsahang tanong ko sa kaniya. Alam ko kasing mali ako sa inasal ko kanina.

"Bakit naman ako magagalit sa paborito kong estudyante? Halika na, basang-basa ka na." ewan, pero parang biglang tumibok nang mabilis ang aking puso sa narinig.

Dali-dali akong sumakay sa kotse niya at naupo sa tabi ng driver seat.

Nakita siguro niya na nanginginig ako kaya pinatay niya ang aircon ng kaniyang sasakyan. "Here, wear this." inabot niya sa akin ang kulay itim niyang jacket, panlaban ko raw sa lamig.

"Naku, sir, huwag na. Ayos lang ako," pagtanggi ko. Masyado na kasi akong nakakaabala sa kaniya.

"Isuot mo na 'yan, basang-basa 'yang damit mo. Bakat tuloy 'yung....." hindi na niya tinuloy ang kaniyang sinasabi kung kaya't mabilis kong na-gets ang tinutukoy niya.

Ngayon ko lang din napansin na bakat pala ang aking dibdib kaya naman pala pinahiram niya ako ng jacket.

Mabilis ko naman 'yon na isinuot at agad akong nakaramdam nang komportableng pakiramdam.

Masyado ata akong kinilig at hindi ko na napansin na mali na ang dinadaanan namin.

"Sir, mali po 'yung daan na tinatahak natin." napansin ko kasi na hindi ito ang daan na patungo sa mansyon ni Karson.

Bigla tuloy kumunot ang kaniyang noo. "Bakit? Hindi na ba kayo umuuwi sa appartment? 'Di ba doon kita hinatid dati?" oo nga pala, hindi alam ni sir na sa ibang bahay na ako umuuwi. Hindi niya alam na napalayas na kami roon at matagal nang hindi umuuwi ang aking ama.

"Ahh, ehh, ang ibig ko pong sabihin eh, dito na lang ho ako sa tabi. May kailangam pa po kasi akong bilihin." kamuntik na akong madulas kay sir Jay mabuti na lang at mabilis ko siyang napaniwala. Sakto kasi na nandirito kami ngayon sa tapat ng sm.

"Ahh gano'n ba? Sige, sasamahan na kita. May bibilin din kasi ako sa loob." lalo pa atang napasama ang aking pagsisinungaling. Wala naman kasi akong kapera-pera rito.

"Sige po." no choice na ako kun 'di ang pangatawanan ang aking pagsisinungaling.

Mabilis niyang pinihit ang kotse at agad na ipinark sa parkinglot ng mall.

"Sir, dito na lang ako." nagmamadali akong bumaba sa kaniyang sasakyan at patakbong tinahak ang daan na papasok ng mall.

"Izzy, sandali, antayin mo 'ko!" dinig kong sigaw niya mula sa aking likuran.

Hindi ko na pinag-abalahan pang lingunin siya at dire-diretso lang akong pumasok sa loob ng mall.

Pagpasok na pagpasok ko pa lang sa loob ay kaagad na bumungad sa akin ang amoy ng bagong piritong manok mula sa isang fastfood chain. "Ang bango..." sa isip-isip ko sabay himas sa aking tiyan. Lalo tuloy akong nakaramdam ng gutom.

Ilang sandali pa ay bigla kong naramdaman na may umakbay sa aking balikat. "D'yan ka rin pala pupunta, sakto, d'yan din ang punta ko." hindi ko alam kung paanong takas ang aking gagawin gayong hila-hila na niya ako papasok sa loob ng fastfood.

Komen (5)
goodnovel comment avatar
Sheena Dangane
may bayad pla hndi ko mababsa ang susunod n episode
goodnovel comment avatar
Pacita Gabriel
good story i like it
goodnovel comment avatar
Emma Elpedes
nku nku lagt ka izzy
LIHAT SEMUA KOMENTAR

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status