Share

Chapter 12

Hindi ko alam kung may problema ba si Tita Hyacinth. Ngayon ko na lang din ulit siya nakita pagkatapos ng mahabang linggo. Ni hindi ko na rin siya nakikitang bumibisita sa bahay at kinakausap si Mama kaya naman nang makita ko siyang sumundo sa akin sa klase kanina ay hindi ko naiwasang makaramdam ng pananaba sa puso.

Pananaba ng puso dahil sa presensya niya o nagulat lang ako dahil naging malaki ang epekto ng presensya niya sa mood ko magmula pa kanina.

Pinagmasdan ko siyang iniliko ang sasakyan palabas ng bakuran gaya nga ng paalam niya kanina na nagmamadali siya. Ni hindi niya na nga nagawang mag-angat ng tingin sa 'kin mula sa hagdan kaya naman hindi ko naiwasang magtampo sa ginawa niya.

Nang sandaling batiin niya ako ay hindi ko naiwasang makaramdam ng labis na tuwa kahit na hindi ko man lang naramdamang nagtagal ito sa reaksyon ng mukha ko. Minsan ay natutuwa ako sa isang bagay ngunit hindi ko ito nagagawang maipakita sa panlabas kong anyo, kaya naman hindi ko rin namang maiwasang makatanggap ng critisism mula sa iba dahil sa uri ng reaksyong ipinapakita ko. Malayong-malayo ang nagiging reaksyon ko sa nararamdaman ko mula sa loob kaya naman hindi ko rin sila magawang masisi sa tuwing pupunain nila ang reaksyon ko sa mga regalong ibinibigay nila.

Natutuwa ako sa loob pero galit ang ipinapakita ng mukha ko mula sa labas. Ang unfair, 'di ba?

Hindi siya balanse.

Kirot ang bumalot sa puso ko nang makita kong malayo na ang narating ng kotse ni Tita Hyacinth mula nang naihatid niya ako sa hagdan paakyat sa bulwagan ng malawak na bahay ni Daddy. Hindi ko mapigilang malungkot sa bagay na hindi ko man lang alam kung ano ang tunay na dahilan.

Nalulungkot ako sa hindi ko maipaliwanag na sanhi. Hindi ko rin namang mapigilan ang sarili kong si Tita Hyacinth ang maituro kong dahilan dahil para bang nakakahawa ang reaksyon niya kanina.

May problema kaya sila ni Daddy?

Baka naman sumama ang loob niya kay Mama dahil pinagsabihan siya nitong layuan ang daddy ko? 

Dahan-dahan kong inangat ang paperbag na inabot ni Tita Hyacinth kanina sa kotse at mabilis ko itong pinasadahan ng kuryosong tingin.

Paano niya nalamang birthday ko?

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na binati niya ako sa mismong araw ng birthday ko. Dalawang taon ko na siyang kilala pero ngayon lamang sumakto sa mismong kaarawan ang pagbati niya hindi tulad no'ng nakaraang taon na late siya ng tatlong linggo kung bumati sa 'kin.

Hindi na ako nagsayang ng sandali at agad nang binuksan ang paperbag na naglalaman ng isang maliit na kahon.

Isang kibit-balikat na lamang ang ginawa ko bago muling isiniksik sa paperbag ang maliit na kahon na iyon at nagdesisyon na lamang na mamaya na lang buksan kasabay ng iba pa.

Gaya nga ng sinabi ko ay hindi naman ako sanay sa mga ganitong klase ng regalo. Ang kwintas na regalo lang naman ni Klaude ang nagsilbing espesyal para sa 'kin sa araw na ito kaya naman nang matanggap ko ang regalo niya kanina ay nagmistulang bula na lamang ang lahat ng excitement kong magbukas ng iba pang regalo na maaari kong matanggap mamaya.

Ramdam ko ang paghihina ng mga binti ko sa hindi maipaliwanag na dahilan habang naglalakad ako papasok ng bulwagan. Maging ang paperbag na bitbit ko mula pa kanina ay hindi ko magawang mabuhat ng maayos dahil sa labis na panghihina sa hindi maipaliwanag na dahilan. 

Nang sandaling buksan ko ang  nakasaradong pinto sa salas ay halos mapatalon ako sa gulat nang marinig ko ang pagputok ng party poppers mula sa kung saan. 

“Happy Birthday!” sigaw ng lahat.

Kasabay ng pagputok nito ay ang pagbukas rin ilaw na naging sanhi kung bakit bahagya pa akong napatakip sa mga mata ko.

Nakakasilaw ang maliwanag nitong sinag. Inabot pa ng ilang segundo nang masanay ang mga mata ko sa liwanag nito bago ako naglakas ng loob na mag-angat ng tingin sa kung sino man ang nagpaputok.

Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang kumpulan ng mga kamag-anak namin na nakatayo at nakangiti sa salas. Lahat sila ay may hawak na regalo at nakangiting nakatitig sa kung nasaan man ako.

Nasa gitna nila si Daddy na may hawak ng party poppers at natitiyak ko na siya rin ang may pakana ng sorpresang ito. Pinanood ko siyang ngumiti sa akin nang malaki bago lumagpas sa akin ang titig niya at tumungo sa likod ko.

Pinanood ko lamang ang pag-ikot ng mga mata niya na tila ba may hinahanap pang presensya ng iba na tila ba wala rito sa loob kung nasaan man kaming lahat.

“Nasaan ang Tita Hyacinth mo?” 'Yan ang kauna-unahang lumabas sa bibig niya na ikinawala ng malaking pagkakangiti ko.

Ramdam ko ang unti-unting paglusaw ng mga ngiti sa labi ko nang marinig ko ang sinabi niya at nang ma-intindihan ko kung kaninong presensya ang hinahanap niya.

Bakit gano'n?

Nasa harap mo na ako pero bakit siya pa rin ang unang hinanap ng mga mata mo?

Bakit sa halip na batiin mo ako sa mismong kaarawan ko ay ang presensya ng taong wala rito ang hinahanap mo?

“Nasaan ang Tita Hyacinth mo, Anak?” baling niya sa 'kin nang hindi ko siya sinagot sa nauna niyang tanong. “Siya ang nagpresintang sunduin ka sa huling klase mo. Nasaan na siya?”

“Happy Birthday sa 'kin, Daddy?” patanong kong bati na ikinataas ng mga kilay niya. “Salamat po.”

Alam niyang wala siyang mapapala sa 'kin kaya naman nang matapos ang sinabi ko ay siya na ang nagkusang lagpasan ako at dumiretsyo sa labas.

Kabi-kabila ang naging pagbati ng mga kamag-anak ko. Panay sila sa pakikipagpalitan ng ngiti sa akin ngunit hindi ko man lang nagawang suklian ng ngiti ang mga naggagandahan nilang ngiti na ipinupukol sa akin ngayon. Tila ba wala ako sa sarili habang naka-upo sa sofa at pinapanood ang lahat na magkwentuhan at magbatian.

Para bang may sariling silang buhay at abala sa pakikipag-usap sa isa't isa habang ako naman ay nagmistulang patatas at tuod sa pagiging ilap sa mga kwentuhan nila. 

Magmula nang lumabas si Daddy kanina ay hindi pa rin siya bumabalik magpahanggang ngayon. Hindi ko tuloy maiwasang mangamba at magtampo sa inakto niya sa harap ko kanina.

Hindi ko maiwasang lihim na maiyak sa sarili sa tuwing maaalala ko kung paano akong binalewala ni Daddy kanina at tila ba inuna ang presensya ng taong wala sa tabi ko sa halip na batiin ako sa pinaka-espesyal na araw ng kaisa-isang anak niya.

“Happy Birthday, Anak,” bati ni Mama.

Ni hindi ko na nga rin naramdaman ang dahan-dahan nitong pag-upo sa tabi ko at malambing akong hinawakan sa hita na ikinangiti ko.

Gawain na ni Mama ang pagyapos sa binti ko sa tuwing magkakasama kaming dalawa. Maging sa kwentuhan ay ganito ang pauna niyang kilos kaya naman nasanay na rin ako di kalaunan.

Isang malungkot na ngiti ang iginawad ko sa kanya na alam kong nakuha niya. Nang mapansin niya ang panlalata ko ng baling sa kanya ay hindi ko rin naiwasang titigan ang titig niyang animong nagtatanong sa ngiting iginawad ko sa kanya.

“May problema ba, Anak?”

Nang dahil sa tanong niya ay hindi ko naiwasang pangiliran ng luha. Daglian ko iyong pinunasan kaya naman mas lalong nangibabaw ang pag-aalala sa boses niya ngayon.

“Si Daddy po, Mama.”

Sa tono ng boses ko ay para ba akong isang musmos na nagsusumbong sa magulang dahil inagawan ng kendi ng mga kalaro niya. Hindi ko naiwasang ma-down sa mga naisip ko kaya naman mas lalo kong naramdaman ang paninikit ng dibdib ko.

“Anong ginawa niya sa 'yo, Anak?”

Pinanood ko siyang lumapit sa akin at ang mahigpit na yakap niya ang bumungad sa mukha ko. Amoy na amoy ko ang alcohol mula sa wine na ininom niya kanina ngunit hindi ko man lang maramdaman ang kalasingan sa boses niya nang makita niyang lihim akong nagpunas ng luhang nangilid kanina.

“Mas importante po ba si Tita Hyacinth kaysa sa 'kin para kay Daddy?” tanong ko bago ko pinakawalan ang isang mahina ngunit maingat na paghikbi.

Kailangan kong pigilan ang pagbuhos ng emosyon ko dahil kapag nalaman ng iba na umiiyak ako sa mismong kaarawan ko ay may posibilidad na maapektuhan nito si Daddy. Ayoko rin namang idawit si Tita Hyacinth sa kadramahan ko sa buhay kahit na alam ko namang malaki ang puntos ng pagkakadawit niya dito.

Naririto pa naman ang mga Tita ko at ayoko rin namang magkagulo sa mismong araw ng kaarawan ko, 'no.

“Hindi, Anak. Bakit mo naman naisip 'yan?” bakas ang pag-iingat sa tono ng pagtatanong ni Mama kaya naman hindi ko maiwasang mangamba. “Ano bang problema, Kimberly? Magsasabi ka sa 'kin kung anong problema mo, Anak.”

Gaya ng inaasahan ay napuno ang yakapan namin ng tanungan. Hindi ako nagdalawang-isip na aminin sa kanya ang ikinilos ni Daddy kaya naman hindi na rin ako nagtataka kung para saan ang lihim na pagkuyom ng mga kamay niya mula sa pagkakayakap kanina.

Palalim na rin ang gabi at unti-unti na ring nagpapaalam ang mga bisita na dumalo sa bahay ko. Gaya ng inaasahan ay marami akong natanggap na regalo mula sa mga pinsan ko na agaran ko na ring pinasalamatan.

Ako na ang nagdesisyon na hindi muna buksan ang mga regalong iyon kasama ng regalo rin ni Tita Hyacinth kanina. Gaya nga ng sinabi ko ay hindi naman ako interesado sa mga materyal na bagay.

Aanhin mo pa ba ang bagay na hindi mo naman kailangan kung nasa sa 'yo na rin naman lahat ng mga bagay na kailangan mo at alam mo na rin namang sapat para sa 'yo, 'di ba?

Oo, naa-appreciate ko ang mga ganitong simpleng bagay at alam ko namang regalo ito para sa 'kin kaya naman sa halip na tanggihan ang mga ito ay malugod ko itong tinanggap.

“Happy Birthday ulit, Hershey,” bati ng isa sa mga pinsan ni Mama.

Agad na nangunot ang noo ko sa pangalang binanggit niya at alam kong alam niya rin ang salitang lumabas sa bibig niya dahil pabiro niya ring tinutop ang sariling bibig at nag-peace sign sa 'kin.

“Kimberly nga pala ang pangalan mo. I almost forgot. I'm sorry,” hagikgik niya bago ako iniwang nakakunot pa rin ang noo at naguguluhan sa inakto niya.

Alam ko naman na hindi kami gaanong nagkikita at nagkakausap pero hindi naman siguro siya tanga para sa edad niya na hindi ako makilala gayong ang lapit lang ng bahay nila sa bahay namin.

She's almost twenty seven at hindi niya man lang alam ang pangalan ko. She's rude— okay. Alam ko naman na medyo bastos siya sa edad niya pero— wala ba siyang respeto?

Nagagawa miyang um-attend sa birthday party ko taon-taon pero ang simpleng pagbati lang at pagtawag sa pangalan ko ay hindi niya man lang magawang maitama?

Pinanood ko silang magtawanang magpipinsan habang naglalakad papalayo at naghahampasan.

Hindi nagkakalayo ang edad nila at ng edad ni Tita Hyacinth kaya naman nasisigurado ko na close silang dalawa at natitiyak ko rin na nasasabi ni Tita Hyacinth sa kanya ang mga bagay na kami-kami lang ang nakakaalam sa pamilya— maliban kay Tita Hyacinth na kadugo lang at wala namang ambag sa pamilya ko.

“Nakita niyo ba yung reaksyon niya? Gulat na gulat,” rinig kong tawanan nila habang naglalakad papalayo.

Wala akong nagawa kundi mapanguso at lihim na sinikmuraan si Tita Hyacinth sa isip ko.

Naiwan ang matatanda sa garden at natitiyak kong nandoon din si Mama kasama nila Lolo. Hindi ko na rin alam kung nasaan si Daddy dahil maging ang anino nito ay hindi ko na nagawang matanaw pa magmula no'ng umalis siya kanina.

Hindi ko man lang lubos na maisip na nagawa niyang hanapin si Tita Hyacinth sa halip na yakapin ako kanina o maski batiin man lang ako sa mismong kaarawan ko.

Unti-unti kong nararamdaman ang pananakip ng dibdib ko kaya naman bago pa man may makakita sa pagdadalamhati ko ay nagmamadali na akong tumakbo paakyat at patungo sa kwarto ko.

Doon ko binuhos lahat ng luha ko na halos makatulugan ko na rin sa sobrang pagod. Hindi ko alam na sa bawat tuwang nararamdaman ko ay may mga bagay palang kapalit ito.

Aaminin kong tuwang-tuwa ako sa regalo sa akin ni Klaude, maging ang pagbati sa 'kin ni Tita Hyacinth ay ikinatuwa ko, idagdag mo pa 'yung surpresa ng mga kamag-anak ko. Kung ang presensya rin pala ni Daddy ang kapalit ng magagandang bagay na natanggap ko ngayon— pwede bang ibalik ko na lang ang lahat?

Gaya nga ng paulit-ulit kong tinatalakay magmula kanina— kailanman ay hindi ko naging kailangan o maski kailanman ay hindi ko inasam na magkaroon ng mga materyal na bagay lalo na kung kapalit lang naman ito ng presensya ng isang taong mas importante pa sa presensya ng iba.

Isang simpleng pagbati lang naman ang inasam ko pero bakit hindi niya man lang ibinigay sa akin 'yon? Nagawa niyang hanapin si Tita Hyacinth pero ako, na anak niya, ay hindi man lang nagawang batiin sa mismong araw na importante rin sa akin.

Kung sinubukan ko bang isama si Tita Hyacinth at imbitahan sa selebrasyon ko, may pag-asa ba na hindi na muling umalis si Daddy at magawa niya pa kaya akong batiin?

Wala sa sarili akong bumangon mula sa pagkakahiga sa kama ko. Hindi naman sa pagiging maarte pero sa bawat minutong lumilipas ay nararamdaman ko ang unti-unting pagbigat ng dibdib ko kaya naman nagdesisyon ako na pansamantala munang bumaba at magtungo sa garden upang doon magpalipas ng sandali.

Natitiyak ko na hindi pa naman pumapatak ang alas-dose sa orasan kaya naman sigurado ako na may mga bisita pa sa baba— at tama nga ang hinala ko.

Naabutan ko na nakaupo sa mga mesa sa garden sila Mama kasama ang mga magulang ni Daddy. May ilang mga matatanda rin ang nasaksihan ko at natitiyak kong madalas kong nakikita sa bahay.

Sila yung mga matanda na madalas bumisita kay Daddy na sa tuwing may pagkakataon ay lihim nilang pinagsasabihan at sinesermunan. Minsan ay nagagawa naman nila akong kamustahin at bigyan ng simpleng regalo pero hanggang sa ngayon ay wala pa rin akong clue sa kung ano nga ba ang tunay nilang pagkatao at ano nga bang role nila sa buhay ko.

Nakangiti akong naglakad patungo sa kanila. Nakayapak lamang ang mga paa ko kaya naman alam kong hindi nila maririnig ang paglapit ko.

Gawain ko na ang dumikit kay Mama sa tuwing hindi ako makakatulog at siya rin ang in-charge na kantahan ako upang madali lang akong dapuan ng antok sa gabi.

Hindi naman sa gusto kong makatulog ngayon pero ngayong alam naman ni Mama ang problema ko, natitiyak ko naman na magagawa niya akong payagang dumikit sa kanya lalo na at wala naman si Daddy sa bahay.

Ito na rin siguro ang chance upang magawa ko nang makilala ang mga matandang pamilyar sa mga mata ko ngunit wala akong ideya sa kung ano man ang katauhan nila.

Nakatalikod sa gawi ko si Mama, wala rin naman sa gawi ko ang atensyon ng iba kaya naman kampante ako na hindi nila magagawang maramdaman ang paglapit ko.

Bahagya akong sumiksik sa malalaking dahon ng halaman sa garden upng doon sana dumaan dahil mas malapit ito sa gawi kung nasaan sila.

Habang papalapit ako nang papalapit sa gawi nila ay siya namang pagbagal ng paglalakad ko dahil sa unti-unting paglinaw ng usapan nila.

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status