Share

Kabanata 6- Decision-making

Nakasanayan na ni Valerie ang gumising ng maaga kapag may may pasok sa trabaho. Kahit hindi pa nga siya magpa-alarm, kusa na lang siyang nagigising kapag alas singko na. Bahagya siyang nag-unat ng mga bisig bago siya tumayo. Ngunit bigla na namang sumagi sa isipan niya si Ivan, ayaw yata siyang tantanan ng walang hiyang lalaki na iyon at kahit wala na sila ay patuloy pa ring ginugulo nito ang isipan niya. Kinuha niya ang kanyang cellphone upang tingnan kung may nagtext sa kanya. Marami ngang nagpa-pop-up na mga text messages at nang malaman niyang nanggagaling kay Ivan ang mga iyon, ay binura niya kaagad. May mga missed calls pa nga ito sa kanya pero dahil naka silent mode ang cellphone niya, hindi na niya ito narinig kagabi. 

Iniskrol muna niya saglit ang cellphone niya hanggang sa napunta siya sa kanyang gallery. Nand'un pa pala ang mga pictures ng manloloko niyang nobyo. Mga kuha iyon noong huli silang magkasama. Habang tiningnan niya ang mga iyon, muli na naman siyang nagiging emosyonal. Hindi niya talaga akalain na humantong sa ganito ang kanilang relasyon. Pinahid niya ang mga luha sa kanyang mga mata habang pinagmamasdan ang mga pictures nilang dalawa ng lalaki. Sa huling pagkakataon nais muna niyang tingnan ang mukha ng lalaking minahal niya ng labis at pinagkatiwalaan niya ng buong-buo ngunit niloko lang siya.

Pagkatapos ng sandaling pag-e-emote niya, binura na niya lahat ang mga alaala ni Ivan pati na ang mga text messages nito. Pagkatapos ay binuksan niya ang kanyang Face book account upang i block ang account nito at nang hindi na ito makapanggugulo pa sa kanya. 

Ayaw na niyang umiyak pa dahil sa lalaki na 'yon. Kailangan na niyang mag move-on at magpatuloy sa buhay. At naipangako niya sa kanyang sarili na hindi na siya muling iibig pa at hindi na muling magtitiwala pa sa mga lalaki. Sa isip niya, totoo nga ang sinasabi ng iba na 'walang forever'. Siguro nga'y maswerte na rin iyong iilan na nagkatuluyan talaga hanggang sa huli. Pero siya, ay isa sa mga hindi pinalad na mamahalin ng totoo. 

Napabuntung-hininga na lamang siya at pilit na iwinawaksi sa isipan ang mga masasakit na pinagdaanan niya kay Ivan. Bumangon siya at nagsaing sa rice cooker. Kadalasan siya ang nagsasaing dahil mas nauna siyang gumising kaysa kay Faye. Ngunit kapag weekends naman ay ang kaibigan niya ang naghahanda ng kanilang pagkain. Tuwing umaga, pritong itlog at beefloaf lang ang kanilang inuulam para na rin makatipid. Mahal pa naman ang mga bilihin sa Maynila, hindi kagaya sa probinsya na maraming mapagkukunan basta’t masipag lang sa pagtatanim.

Pagkatapos niyang makapagluto, kinuha niya ang kanyang tuwalya para maligo. Isa lang ang comfort room nila kasi dalawa lang naman sila ni Faye sa loob ng apartment. Hindi naman sila nagkakasabay sa paggamit ng banyo dahil kadalasan pasado na alas syete kung nagigising ang kanyang kaibigan.

Pagkaraan ng labin limang minuto lumabas na siya ng banyo at nakatapis lang ng tuwalya, ngunit nagulat siya dahil bumungad sa may pintuan ang mukha ni Faye at naghihikab pa ito.

“Gaga ka talaga mars, ginulat mo naman ako!”, bulyaw niya sa kaibigan.

“Sorry po mare, naiihi na kasi ako eh”, nakangiting tugon nito habang nagmamadali sa pagpasok sa loob ng comfort room.

Nakapagbihis na si Valerie at nakahanda na rin ang pagkain sa mesa ngunit nasa loob pa rin ng CR si Faye. Pagtingin niya sa orasan halos nangalahating oras na pala ito sa loob. Kailangang makaalis na sila ng apartment ng alas otso para hindi sila mahuli sa trabaho.

“Hoy bilisan mo na dyan at kakain na tayo!”, malakas na sigaw niya. Naiinis na siya dahil matagal talagang maligo itong kaibigan niya, minsan umabot pa nga ng isang oras.

Maya't maya'y lumabas na ito ng banyo at pangiti-ngiti pa na parang hindi nagmamadali.

"Ang kupad mo talagang babae ka! Ewan ko sa iyo!", naiiritang wika niya.

Ngunit nginitian lang siya nito. Sanay naman kasi ito na makarinig ng ganu'n mula sa kanya dahil parang magkapatid na ang turingan nilang dalawa, kaya malaya nilang pagalitan o sawayin ang isa't isa.

Pagkaraan ng ilang sandali lumabas na ng kwarto si Faye at nakabihis na ito ng uniporme. Nagmamadali silang kumain kasi malapit ng mag-aalas otso at ayaw niyang mahuli sa trabaho. Kapag lampas alas otso na kasi, masyado ng ma traffic sa daan at lagi ng puno ang sakayan sa LRT.

Ngunit biglang nakarinig sila ng busina ng sasakyan at parang huminto ito sa tapat ng kanilang apartment. Dali-daling tumayo ang kaibigan niya para tingnan sa bintana kung sino ang dumating. 

Oh, my God! Lester Montefalcon is here mars!", bulalas ni Faye habang tinakpan nito ang bibig para hindi ito mapatili.

Nagulat siya sa sinabi nito kaya, tumayo din siya upang tiyakin kung si Lester nga ba talaga ang sakay ng kotse na pumarada sa tapat ng kanilang apartment. At kitang-kita niya ang hitsura ng lalaking kahapon lang ay tinawag niyang 'bakulaw'. Nagbaba kasi ito ng salamin sa bintana ng sasakyan kaya tumambad sa kanyang paningin ang gwapo nitong mukha.

"O diba, sinundo ka na ng prince charming mo mare!", kinikilig na wika ni Faye.

Inirapan lang niya ito dahil hindi naman niya inasahang pupunta dito ang lalaki. Hindi rin naman sinabi nito kagabi nu'ng hinatid siya. Sa isip niya, ano kaya ang nakain ng mokong na ito at may pasundo-sundo pang nalalaman?

"Halika na mare at aalis na tayo. Mahirap ng pag-antayin ang gwapong kagaya ni Lester. Hay, ang gwapo talaga niya! At kung ganito kayaman at kagwapo ang mapapangasawa ko, pwede na talaga akong mamatay!", sabi ng kaibigan niya at nagmamadaling kinuha nito ang shoulder bag.

"Hoy ang OA mo ha! Para kang sira!', saway niya habang nakasunod siya rito palabas ng apartment.

"Hi Mr. Lester", bungad na bati ni Faye.

Tumango lang ang lalaki tapos ngumiti ng tipid. Bumaba ito ng sasakyan at pinagbuksan sila ng pintuan.

"Dito ka sa passenger's seat Miss Valerie", mariing sabi ng lalaki ni hindi man lang ito tumingin sa kanya.

Sa isip niya baka tinupak na naman ang bakulaw na ito at bakit pa kasi pumunta pa dito kung magagalit lang din naman.

"Uhm, Mr. Lester ako nga pala si Faye. Maraming salamat sa pagsundo mo sa amin ha!", wika ni Faye nang makasakay na sila.

"Nice to meet you, Faye. But just call me Lester. Masyado ka namang pormal", tugon ng lalaki at bahagya itong ngumiti.

"Uhm, Miss Valerie, nabasa mo na ba ang nasa kontrata?", tanong nito.

"Hindi pa po Mister, maaga akong natulog kagabi".

Nang makarating na sila ng bangko, naunang bumaba si Lester at pinagbuksan sila ng pintuan.

"Salamat sa paghatid Les ha!.", feeling close na sabi ni Faye.

Ngiti lang ang itinugon ng lalaki at pagkatapos binalingan nito si Valerie.

"Hwag mong kalimutan, isang linggo lang ang ibinigay ko sa iyo para makapag-isip ka. Hindi ko ugali ang naghihintay ng matagal. Kaya sana bilisan mo na ang pag-iisip at kung hindi maghahanap na lang ako ng iba", pabagsak na sabi ni Lester.

Isang masamang tingin lang ang ipinukol niya dito at mabilis na tumalikod sabay hila sa kamay ng kanyang kaibigan. Nakakainis talaga ang bakulaw na iyon! Bakit nga ba kasi ang sungit nito sa kanya? Hindi ba talaga ito marunong makipag-usap ng maayos? Pagmamaktol niya.

"Mars, ba't nakasimangot ka dyan? Maaga pa naman kaya chill lang!!!", nakangiting wika ni Faye.

"Hay naku!!!Kainis talaga ang lalaking iyon!!!"

"Mars, ang gwapo talaga ni Lester noh?", pag-iiba nito ng usapan nang makapasok na sila ng bangko. Ngunit wala doon ang focus niya sa sinasabi ng kanyang kaibigan. Bigla kasing nahagip ng kanyang paningin mula sa salamin na pinto, si Ivan at kasama nito 'yong babaeng nakaulayaw niya nu'ng isang araw at masayang-masaya ang mga ito habang papunta sa nakaparadang puting kotse.

"Mars, sino ba yang tiniting---"

"Ang walanghiya mo palang boyfriend yan!!!Ang kapal ng mukha!!!Sarap sabunutan 'yong babae mars!!Anong gusto mo, simulan ko na ngayon?", galit na wika ng kanyang kaibigan.

"H'wag mong gawin yan mars, Hayaan na natin sila", wika niya habang pilit na pinipigilan ang mga luhang nagbabadya. 

Pagkatapos ay dumiretso na siya sa kanyang desk.

"Mare, okay ka lang ba?", tanong ni Faye.

Tinanguhan lang niya ito at sinimulang buksan ang computer. Bigla siyang napaisip. Ano kaya kung tatanggapin na niya ang alok ni Lester sa kanya? Nais niyang makaganti kay Ivan. Nais niyang ipamukha rito na kaya niyang humanap ng iba kahit ang totoo nama'y binabayaran lang siya. Gagamitin niya ang kasunduan para makapasok sa mundo ng mga mayayaman. Ipapakita niya rito na hindi ito kawalan sa kanya dahil mas makakahanap pa siya ng mas gwapo at mayamang lalaki.

Napabuntung-hininga siya sa ideyang iyon. Wala naman sa bokabularyo niya ang manggamit ng ibang tao para makaganti. Pero gagamitin din naman siya ni Lester para sa sarili nitong pakinabang kapalit ng malaking halaga, kaya anong kaibahan nu'n?

Buo na ang kanyang desisyon na tanggapin ang inalok ni Lester sa kanya, bahala na kung anong magiging kahihinatnan. Tutal naman, gagawin lang niya ang nasa kontrata. Hindi kasama ang kanyang puso du'n kundi magiging praktikal lang siya.

Nang dumating na ang lunch break, magkasama silang lumabas ni Faye para kumain sa karinderya na malapit lang sa bangko na kanilang pinapasukan. Sinabi niya sa kanyang kaibigan ang tungkol sa nabuo niyang desisyon. 

"That's good mars. At malay mo baka si Lester talaga ang nakalaan para sa iyo", nakangiting wika nito habang sumusubo ito ng pagkain.

Pinandilatan lang niya ito ng mata  dahil walang-wala naman sa isip niya ang ganoong mga bagay. 

"At kung mangyayari 'yan mars, ikaw na yata ang pinakaswerteng babae sa buong mundo. Maari ka ng hindi magtrabaho niyan dahil super yaman yan si Lester Montefalcon!", dagdag pang sabi ni Faye at kahit pa punung-puno ang bibig nito ng kanin patuloy pa rin ito sa pagdaldal.

"Hoy mars, kung anu-ano nalang ang mga iniisip mo. Tapusin na lang muna natin ang pagkain t'saka tayo mag-usap. Ang daldal mo grabe!", nairitang tugon niya.

Pagkatapos nilang kumain ay bumalik na sila ng bangko. Nagpunta muna siya sa ladies' room para mag retouch saglit ng makeup niya. Hindi naman heavy ang nilagay niyang makeup kasi hindi siya nasasanay ng ganu'n, kung maari nga lang hindi na siya maglalagay pa ng lipstick. Pero hindi naman maari dahil humaharap sila sa mga customers at part sa kanilang orientation na magiging maayos silang tingnan. 

Naalala niyang tawagan si Lester at sabihin dito na gusto siyang makipag-usap ng personal. Kinuha niya ang calling card ng lalaki at nagsimulang mag dial.

"Hello,", sagot ng isang lalaking may baritonong boses. Natitiyak niyang si Lester 'yon, pero may kaunting kaibahan ang boses nito sa telepono.

"Hello Mr. Lester, si Valerie ito. Pwede ba kitang makausap ng personal mamaya?"

"Miss Valerie, mahalaga ang bawat oras ko kaya siguraduhin mong importante ang sasabihin mo sa akin", pabagsak na tugon nito.

Sa isip niya, napakayabang talaga ng mokong na ito. Walang modo!

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status