Share

1. DILEMMA

Metro Manila

Maja

Bumili ako ng pagkain sa isang malapit na convenient store. At ngayon ay papasok sa loob ng Bonifacio Public Hospital, upang magtungo sa silid ni papa. Ilang araw na siyang walang malay mula ng ma-stroke ito at ngayon ay nasa comatose stage. Dito namin siya dinala dahil wala kami pera gagastusin sa private hospital.

Sinabihan ako ng doctor ni papa na ilipat ito sa malaking ospital upang maoperahan ang baradong ugat nito sa ulo. Ngunit nakiusap ako na bigyan ng sapat na panahon upang makaipon ng pera bago ilipat si papa.

Binitawan namin ang puwesto sa palengke dahil walang mag-aasikaso. Nagamit na rin ang puhunan para sa karne dahil ibinayad ko sa mga laboratory test ni papa at iba pang gastusin.

Naglalakad na ako sa hallway ng second floor at malapit na sa silid ni papa. Nang bigla ako kinabahan kaya tumigil sa paglalakad. Marahil ay nasosobrahan ako sa pag-aalala kay papa, idagdag pa na ilang gabi puyat. Bumuntong-hininga ako bago nagpatuloy sa paglalakad.

Napansin ko aligaga ang mga nurse sa hallway na ito at nakitang labas pasok sila sa silid ni papa kaya tumakbo na ako patungo rito.

“Anong nangyayari?” salubong ko sa nurse na papalabas ng silid.

“Nag-seizure ang pasyente,” sagot nito at iniwan ako.

Pumasok ako sa silid. Ngunit napatda bigla at para bang binuhusan ng malamig na tubig sa nakikitang kalagayan ni papa. Napansin ako ng doctor at tumingin sa akin sabay iling. Pagkatapos ay nagsalita na ito ng oras ng pagkamatay ni papa.

Bigla ko nabitawan ang biniling pagkain. Nakagat ko ng mariin ang ibabang labi at saka tinakpan ng nanginginig kong kanang kamay. Pinipigilan ko ang mapahagulgol at pilit na inihakbang ang mga paa patungo kay papa.

Hindi ko na kinaya pa na kontrolin ang sarili, humagulgol na ako ng iyak nang yakapin ang bangkay ni papa.

“P-papa, open your eyes please.. nandito na ako. Huwag mo muna akong iwan, hindi ko kaya na wala ka,” umiiyak ko sabi.

“I’m sorry, Ms. Lynn.” Narinig ko sabi ng doctor, ngunit hindi ko ito pinansin.

Patuloy lamang ako sa pag-iyak at sa pagtawag kay papa. Umaasa ako na sakaling marinig niya ang boses ko ay bumalik pa siya. Hanggang sa maramdaman ko ang pag-alalay ng isang nurse sa akin upang makatayo. Kailangan na kasing dalhin si papa sa morgue.

Dahil sa kahilingan ni papa noong nabubuhay pa, pina-cremate ko ang bangkay niya. Ganoon pa man ay nagdaos pa rin ng lamay sa bahay, upang maipagluksa rin siya ng kanyang mga kaibigan. Dalawang taon na ang nakakaraan nang lumipat kami rito sa Bagong Silang. Karamihan ng kapitbahay ay naging kasundo ni papa.

Tubong Nueva Ecija sina mommy at lola, pero si papa ay isang Danish. Nagkakilala ang mga magulang ko sa Denmark, nang mamasukang katulong si mommy kina papa. Tutol ang pamilya ni papa sa relasyon nila ni mommy kaya pilit na pinaglalayo ang mga ito. Hanggang sa tumakas si papa sa kanilang bahay at sumama kay mommy sa Pilipinas upang magpakasal. Ako ang bunga ng kanilang pagmamahalan.

Nang mamatay si mommy 3 years ago, naisipan ni papa na ibenta ang ibang lupain namin sa Nueva Ecija. Gusto niyang sa Manila ako makatapos ng pag-aaral. Kasama si Lola Tanya, nakabili kami ng maliit na bahay at lupa rito sa Bagong Silang. May dalawang silid ang bahay, isang banyo at magkasama ang sala at kusina. Kahit papaano ay may kaunting space ang bakuran na nilagyan ni lola ng mga tanim na gulay.

Mabait ang mga kapitbahay kahit may pagkamaingay at tsismosa. Matulungin din sila tulad ngayon, sila ang nag-aasikaso sa mga nakikipaglamay na bisita. Palaging masama kasi ang pakitamdam ni lola at laging sinusumpong ng altapresyon sa edad niyang 60.

Ako naman ay nakatulala sa isang sulok habang minamasdan ang porselanang jar kung saan nakalulan ang abo ni papa. Namumugto ang mga mata ko dahil sa pag-iyak, idagdag pa ang kawalan ng tulog.

“Maja.”

Napatingin ako kay Belle na siyang tumawag at naupo sa tabi ko. Kapitbahay namin ito at kasing edad lamang kaya mabilis kaming nagkasundo upang maging magkaibigan.

“Maja, baka magkasakit ka niyan. Ito, dinalhan kita ng sopas,” nag-aalalang wika ni Belle hawak ang bilog na styro foam na may lamang sopas. Susubukan niyang subuan ako ngunit mabilis na nag-iwas.

“Hindi ako nagugutom,” ani ko.

“Ano?! Hindi pa kita nakitang kumain kahit tinapay lang. Nag-aalala na ako sa ‘yo, pati nga si nanay. Sana maisip mo na walang mag-aalaga kay Lola Tanya, sakaling ikaw naman ang magkasakit.”

Biglang pumatak ang mga luha ko dahil sa sinabi ni Belle. Ngayon ay kaming dalawa na lang ni lola sa mundo.

“Tatagan mo ang loob mo, Maja. Nandito pa ako na kaibigan mo at handang damayan ka.”

Nagpasalamat ako kay Belle dahil sa pagiging mabuting kaibigan nito. Napagaan niya ang loob ko kahit papaano.

Dalawang araw lamang ang naging burol ni papa dahil wala ako balak na patagalin ito. Nilagay ko ang porcelanang jar sa ibabaw ng kabinet habang wala pa naiisip na tamang lugar na pagbubuhusan nito. Dito, sa dating silid ni papa na ngayon ay ako ang gumagamit.

Pagkalipas ng ilang araw ay iniwan ko si lola  kay Belle. Alam ko hindi siya nito pababayaan. Nagtungo ako sa Nueva Ecija upang asikasuhin ang pinagbentahan ng mga natitirang lupa. Itinira ko lamang ang dati naming bahay dahil puno ito ng alaala ng aking mga magulang.

Kinabukasan, pagbalik ko ng Manila ay hindi makapaniwalang walang natira pera sa akin. Ang laki ng binayaran ko sa ospital at sa pag-cremate kay papa. Ganoon pa man, mas importanteng wala na kami utang kahit kanino.

Nakakalungkot lamang na ang inakala ko ay may insurance si papa. Ngunit nalaman ko na na-scam pala si papa ng Golden Age Insurance Inc.

Pag-uwi ko ay nakita ko si lola na inaayos ang kanyang mga halaman na malapit ng magkaroon ng bunga. Hinalikan ko siya sa pisngi at iniabot ang pinabiling kakanin at Batutay. Alam ko paborito niya ang mga ito kaya hindi maaaring makalimutan bilhin.

Nagpasya akong tumigil sa pag-aaral at maghanap ng trabaho upang makapag-ipon. At saka ko na lang itutuloy ang pag-aaral kapag nakaluwag-luwag na.

Ngunit ilang araw na akong naghahanap ng trabaho ay wala pa rin tumatawag sa akin. Madalas, ang gusto nila ay mga nakapagtapos ng kolehiyo at may diploma. Mahirap makipagsabayan sa mga nakapagtapos kahit sa mga fresh graduates na kapareho ko walang experience sa trabaho.

Nasa sala ako at nag-iisip ng paraan upang magkapera, kahit sideline lamang na trabaho. Malapit na kasi kami maputulan ng kuryente at tubig. Si lola sigurado ang kawawa kung sakali.

Sa pag-iisip ko ay bigla ko napansin si lola na lalong bumabagal ang kilos. Hinahayaan ko siyang maghugas ng plato dahil lagi niyang sinasabi na ehersisyo ito. Ngayon ay halatang may iniindang sakit ito na ‘di sinasabi sa akin. Kaya nilapitan ko ito.

“Lola, ako na ang magtutuloy niyan. Magpahinga na kayo,” wika ko at kinuha ang platong kanyang babanlawan.

“Apo, ikaw itong dapat na magpahinga dahil buong araw ka naghanap ng trabaho,” tugon ni lola.

“Hindi ako pagod, lola. Hali nga kayo rito at maupo.” Inalalayan ko si lola na makaupo sa lumang silya katabi ng maliit na mesang ginawang dining table.

“Ang apo ko talaga, napakabait.”

“Kanino pa ba ako magmamana? Siyempre, sa nag-iisa kong lola na sobrang bait,” wika ko na niyakap si lola at hinalikan sa noo.

Kinabukasan ay napabalikwas ako ng bangon dahil sa narinig na ingay sa labas ng silid. Lumabas kaagad ako ng silid upang tignan ang pinagmulan ng ingay.

Nagulantang kaagad ako sa nakita, si lola ay nakahandusay sa sahig at namimilipit sa sakit ng tiyan.

“L-Lola, anong nangyayari?” tanong ko nang makalapit. Dinamayan ko siya kaagad at itinaas ng bahagya ang kanyang ulo.

“A-ang sakit,” sagot nito.

Napatingin ako sa kanyang mga kamay at nakitang dinidiinang hawak ang puson. Natataranta na ako kaya inilapag ko ng dahan-dahan ang kanyang ulo sa sahig. Tumakbo ako palabas ng bahay upang magtungo kina Belle.

“Belle! Aling Bebang!” paulit-ulit ko tawag habang pinaghahampas ang kanilang pintuan gamit ang kanang palad.

Bumukas ang pinto at bumungad ang naalimpungatan si Aling Bebang.

“Ang aga mo naman mag-istorbo, Maja. Tulog pa ang kaibigan mo,” wika nito na naghikab pa.

“A-Aling Bebang si lola, tulungan niyo ko,” sambit ko at hindi na napigilang umiyak.

“A-ah? Anong nangyari?”

“Dalhin po natin sa ospital!” malakas na boses ko sabi. Nataranta si Aling Bebang at ginising ang mga kasama sa bahay upang tulungan ako.

Pagdating namin sa bahay ay kaagad na binuhat si lola ni Mang Troy na asawa ni Aling Bebang. Bakas sa mukha ni lola ang sakit na nararamdaman. Nasa tapat ng kalawangin naming gate ang tricycle na nakuha ni Belle.

Isinakay na muna ni Mang Troy si lola sa tricycle. At saka ako sumunod upang maupo sa tabi ni lola. Sumama si Belle at Mang Troy upang alalayan kami. Nagpaiwan si Aling Bebang upang may magbantay sa bahay dahil laganap ang nakawan sa lugar.

Nakarating kami ng Bonifacio Public Hospital at inalalayan namin ni Mang Troy si lola na makababa ng tricycle. Ngunit biglang may mantsa ng dugo ako nakita sa palda ni lola na masangsang ang amoy. Napansin din ni Mang Troy, ngunit tinignan ko siya at umiling. Nakuha ni Mang Troy ang ibig ko iparating. Mabuting hindi muna malaman ni lola ito upang ‘di makadagdag sa kanyang alalahanin.

“Mang Troy, puwede po ba buhatin papasok si lola?” pakiusap ko.

Binuhat kaagad ni Mang Troy si lola papasok sa ospital at sinalubong kami ng mga personnel na nakatoka rito.

“Ano ‘yon?” bulong na tanong ni Belle.

“A-alin?” tugon ko.

“Iyong dugo sa palda ni lola.”

“Huwag ka maingay at baka marinig ka ni lola,” wika ko. Tumahimik si Belle at sumunod kami sa emergency room kung saan dinala si lola.

“Isang bantay lang po ang puwede pumasok,” wika ng emergency nurse na Rose ang pangalang nakasulat sa name plate.

“Ako po ang apo ng pasyente kaya ako ang magbabantay,” saad ko. Lumabas kaagad si Mang Troy at nanatili sila ni Belle sa labas.

Inaasikaso na si lola at tinatanong ako ng doktor sa mga pangyayari. Sinabi ko ang medical history ni lola at idinagdag na rin ang mantsa ng dugo na may masangsang na amoy sa palda nito.

Sinabihan ako ng doctor na kailangan ni lola ng laboratory test. Iniabot nito ang isang papel na request para sa mga gagawing test kay lola.

Iniwan ko muna si lola sa loob ng emergency room upang puntahan sina Belle at Mang Troy.

“Belle! Mang Troy!” tawag ko. Nakaupo sila sa waiting chair nang makita ko. Tumayo kaagad ang mga ito at lumapit sa akin.

“Kumusta si Lola Tanya?” tanong ni Belle.

“Kailangan ng mga laboratory test ni lola. Wala ako pera dahil binayaran ko ang lahat ng balanse namin nang ma-ospital at i-cremate si papa.” Napasandal na lamang ako sa dingding dahil sa panghihina.

“May ipon kami ni Bebang. Gamitin niyo muna,” wika ni Mang Troy.

Para akong nabunutan ng tinik sa dibdib at bigla na lamang napaiyak, “Salamat po. Babayaran ko kaagad kayo kapag nagkapera ako.”

“Sige balikan mo na ang lola mo sa loob, uuwi muna ako upang kunin ang pera at ikuha kayo ng gamit,” sabi ni Mang Troy at binalingan ang anak, “Belle, maiwan ka na muna rito.”

Pagkaalis ni Mang Troy ay bumalik kaagad ako sa loob ng emergency room upang bantayan si lola. Habang si Belle naman ay naghihintay sa labas.

Nang makabalik si Mang Troy ay pinagawa ko kaagad ang mga kailangang test para kay lola. Matapos nito ay inilipat siya sa ward upang mabantayan ang kanyang kalagayan habang hinihintay ang mga resulta.

May tatlong kasamang pasyente si lola at hindi kalakihan ang nakuha naming silid. Mabuti na rin ito dahil siksikan sa ibang ward.

“Umidlip ka muna sa tabi ni lola at gigisingin na lamang kita pagdating ng doktor,” wika ni Belle.

“Si Mang Troy?” tanong ko dahil kanina ko pa ito hindi nakikita.

“Tumawag si nanay at pinauwi muna siya,” sagot ni Belle.

Tumabi ako kay lola sa kama, parehong ‘di kalakihan ang aming mga katawan kaya nagkasya kami. Nakaidlip ako ng biglang nanggising si Belle. Dumating na pala ang doktor dala ang resulta. Napatingin ako kay lola na mahimbing na natutulog dahil sa mga gamot na nilagay sa kanya.

“Doc, ano po ang resulta?” tanong ko nang makaupo sa kama.

“Ayon sa ultrasound na ginawa ay nakitaan ng mga bukol sa obaryo si lola. Makakabuting ipa-biopsy muna natin siya upang makasigurado kung ano ang mga ito,” paliwanag ng doktor.

Para naman ako nanghina sa mga narinig dahil pakiramdam ko ay isang mabigat na suliranin na naman ito.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status