Share

Chapter 2

Humagulgol nang tuluyan si Alexis sa balikat ni Joy. Ramdam nya ang paghikbi ng kaibigan at hindi nya maiwasang mapatiim bagang.

"Sagutin mo ako, Alexis," muling sabi ni Joy. "Sinong gumawa nyan sayo?"

Mas lalong lumakas ang hagulgol ni Alexis. 

"S -si Manuel," umiiyak na sagot nya. “S -sinampal nya ako.”

Napakuyom ng kamay si Joy. Galit ang agad nyang naramdaman. Ang pula nyang labi ay halos magdugo dahil sa pagkagat nya rito para magpigil ng galit. Hindi sya makapaniwalang masasaktan ni Manuel si Alexis.

"Kumain ka na ba?" tanong ni Joy at hinimas ang likod nya para patahanin. "Gusto mo ipagluto kita? Anong gusto mo? Gusto mo ng lugaw?" 

Tumango si Alexis bilang sagot. Tumayo silang dalawa at nagtungo sa kusina. 

Ipinagluto ni Joy si Alexis ng lugaw. Matapos ang ilang minuto ay na sa lamesa na sila para kumain. 

Kinapa ni Joy ang sitwasyon. Gusto nyang tanungin ang kaibigan sa nangyari. Kitang kita kasi nya ang sitwasyon nito ngayon. Masyadong haggard, kitang kita ang namamagang mata at ang pasa sa kaniyang pisngi. 

Mukhang napansin ni Alexis ang gustong tanungin ng kaibigan kaya mapait itong ngumiti.

"Gusto ko kasi sana syang dalawin para kumain muna bago kami humanap ng venue para sa reception," panimula ni Alexis. "Kaso nasagi ko yung vase na binigay sa kaniya ng ex nya. Kaya nagalit sya."

"Pero hindi yon sapat na dahilan para sampalin ka nya!" sabat ni Joy sa kaniya. "Ano, dahil lang sa vase pagbubuhatan ka nya ng kamay?" 

Hindi sumagot si Alexis at pinili na lang kumain. Walang nagawa si Joy kung hindi ang unawain ang desisyon ng kaibigan na huwag munang pag-usapan ang nangyari. 

Pero hindi papayag si Joy na ganito. Hindi nya hahayaan na saktan ng kahit na sinong lalaki ang kaibigan nya. Kaya after makatulog ni Alexis ay agad syang lumabas ng bahay nito at nagtungo sa bar na lagi nilang pinupuntahan.

Sigurado syang nandoon 'yon ngayon. Pero para mas lalong makasiguro ay tinawagan nya si Bruno, ang isa pa nilang matalik na kaibigan. Sya ang may-ari ng bar na pinupuntahan nila.

"Nandyan ba si Manuel?" agad na tanong nya.

"Yup, why—".

Hindi na pinatapos ni Joy si Bruno at pinatayan ito agad ng tawag. 

Nagmamadali syang pumunta sa bar. Hapon pa lang pero marami na ang tao. Nagtungo sya sa counter at agad na hiningi ang room number ng vip kung na saan si Manuel. 

Dahil kilala naman siya rito bilang kaibigan ng may-ari ay binigay niya ang room number. 

"Nandoon din po si Boss Bruno," sabi ng waiter.

"Isang red wine, please," utos ni Joy. 

Binigyan sya ng isang baso na may red wine.

Agad na kumunot ang noo ni Joy sa waiter. "Hindi isang baso. Isang bote. Isang bote ang iabot mo sa akin." 

Matapos matanggap ang bote ay agad na nagtungo sa vip room si Joy. Sa pagbukas nya ng pinto ay agad nyang nakita si Manuel at Bruno na nag-iinuman. 

Hinagis agad ni Joy ang bote sa pwesto ni Manuel. Mabuti na lamang at nakailag ito agad. 

Gulat na pumagitna si Bruno.

"Chill ka lang," ani Bruno sa kaniya. "Muntik mo na mapatay si Manuel."

"Talagang mapapatay ko 'yan!" sigaw ni Joy.

"Ano bang problema?" agad na tanong ni Bruno sa kaniya. "Masyado kang mainit. Kararating mo lang.”

Ngumisi si Joy. "Bakit hindi mo tanungin yang hayop na 'yan?”

Humarap si Bruno kay Manuel. “Ano bang nangyari?”

Hindi sumagot si Manuel.

Napangisi si Joy. “See, hindi sya makasagot. Kasi sinaktan nya si Alexis!"

Kunot noong tumingin si Bruno kay Manuel. Hindi sya makapaniwala sa sinagot ni Joy. Kailanman ay hindi dumapo sa isip ni Bruno na masasaktan ni Manuel si Joy.

"Kaya pala tatlong araw na tayong nag-iinom. Ni hindi mo man lang binanggit."

"Kumusta na sya?" tanong ni Manuel kay Joy.

"Sa tingin mo?" pabalang na sagot niya at lumabas ng vip room. 

Napailing si Bruno habang tinitignan si Manuel na nilalagok ang beer. Kaya pala walang sawa itong umiinom. Bumuntong hininga sya.

"Sundan ko lang, baka pwede pang mahilot 'yon," paalam nya sa kaibigan. 

——————-

Paglabas ni Alexis ng kwarto ay bumungad sa kaniya si Bruno at Joy na nagluluto. Ngumiti sya sa kanilang dalawa at umupo sa lamesa.

“Nandito ka rin pala, Bruno.”

"Kumusta ka na?" agad na tanong ni Joy. "Alam kong di ka ok pero sana kumain ka naman."

"Pinaglutuan ka namin ng spaghetti," ani Bruno.

Bruno, Alexis, Joy, at Manuel.

Magkababata silang apat at si Alexis ang pinakabata sa kanila. Kaya ganoon na lamang magalit si Joy kay Manuel.

Umupo sila sa upuan at pinagsaluhan ang spaghetti. Kahit papaano ay gumaan naman ang pakiramdam ni Alexis. Naibsan kahit papaano ang sakit na naramdaman nya.

Hindi napigilan ni Bruno magtanong.

"Ano nang balak nyo?" 

Napangiwi pa sya nang sipain sya sa paa ni Joy. Pinanlakihan pa sya nito ng mata. 

Humarap si Joy kay Alexis. "Hehe wag mo na lang intindihin yung tanong nyang panget na 'yan," pekeng tawa ni Joy. "Kumain ka lang."

Ngumiti si Alexis at pumunta sa kwarto nya. Natalakan tuloy ni Joy si Bruno.

“Ano yon? Bakit ganoon yung tanong mo?” inis na banat ni Joy kay Bruno. “Nag-iisip ka ba?”

Hindi na nakasagot si Bruno at nagulat silang dalawa nang lumabas si Alexis sa kwarto nya.Bitbit na nya ang isang kulay fuchsia na box na may laman na singsing. Ito ang wedding ring nila sa kasal sana.

"Pakibalik na lang sa kanya 'to." Tinanggal ni Alexis ang singsing sa daliri. "Pakisama na rin pala 'to. Kung pwede nyong ihagis sa mukha nya, gawin nyo.”

"Sigurado ka na ba talaga? Alam namin na matagal mo nang pangarap ito, Alexis." Ani Bruno. "Hindi mo ba pagsisisihan?"

Huminga ng malalim si Alexis. Ilang araw nya rin itong pinag-isipan. Mukhang ang vase ang syang nagpagising sa kaniya sa katotohanan.

Dekada rin naghintay si Alexis. Bata pa lang sila ay mahal na nya si Manuel. Noong nagkanobya ito noon ay halos manlumo sya. Walong taon syang nakatingin sa malayo. Nakatingin lang sya sa malayo habang tanaw si Manuel at ang ex nito noon. Sobrang tagal nyang hinintay ang pagkakaton na ito pero hindi nya matanggap ang mga nangyari.

"Mahal pa ni Manuel ang ex nya," mapait na ngiti ni Alexis. “Aanhin ko naman ang kasal kung hindi ako yung mahal nya.”

"Eh? Ikaw naman ang papakasalan nya," sagot naman ni Bruno. “Mababago pa ‘yon. Bigyan mo lang sya ng chance or time.”

"Sya nga ang papakasalan pero yung isip nun na sa ex nya," sabat ni Joy.

"Sa vase pa nga lang nasampal na nya ako. Paano pa kaya kung sa ibang gamit pa?" mapait na tanong ni Alexis. "Isang taon ko syang binigyan ng chance at hinintay. Akala ko mababago ko sya pero hindi pala. Mahal nya pa ang ex nya. Pakibalik na lang sa kaniya. Ayoko na."

Mahaba ang pasensya ni Alexis. Matagal na panahon na rin nyang tiniis ang malamig na pakikitungo ni Manuel sa kaniya. May hangganan din ang lahat at nasagad na nang tuluyan ang kay Alexis.

Nang matapos kumain ay inihatid ni Alexis ang dalawang kaibigan sa labas. Nang isara nya ang pinto ay agad syang nagtungo sa kwarto nya. 

"Ang haggard mo na," saad nya sa sarili habang nakatingin sa salamin. "May pasa ka pa," naiiling na dagdag nya. 

Pinahiran nya ng ointment ang mukha. Nagbabakasakaling umimpis ang pamamaga nito at mawala ang pasa.

Matapos ay binuksan nya ang cellphone. Ilang araw nya rin itong hindi ginamit. Sa pagbukas ng phone ay agad na lumitaw ang mga messages ni Joy at Bruno noong mga nakaraang araw. 

Wala man lang message si Manuel sa kaniya.

"My future husband," pagbabasa nya sa nickname ni Manuel sa kaniyang messages. 

Mapait nya itong binura at dinelete. Blinock nya rin ito at bumuntong hininga. Sa isiping ito ay napagdesisyunan din nyang burahin na rin ang mga larawan ni Manuel sa phone nya at hindi nya akalain na matatagalan sya.

"5,387 pictures," bulong nya at napailing.

Madami na rin pala silang memories pero sigurado syang wala lang ito kay Manuel.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status