Share

Chapter 6

MAKALIPAS ang isang linggo ay nakalabas na rin ng hospital ang ama ni Tracy at nagpapagaling na muna ito. Nang hapong iyon ay maaga siyang umuwi ng kanilang bahay. Kahit paano ay maayos ang pakikitungo ng ina sa kanya dahil sa ginawa niyang pagbabayad sa gastusin ng ama sa pagpapagamot. Bukal naman sa kalooban niya ang ginawa at marunong pa rin siyang tumanaw sa mga ito. Kinalimutan muna niya saglit ang mga gumugulo sa isip niya nitong mga nagdaang araw.

Malaya siyang nakapasok sa loob ng bakuran habang bitbit ang isang basket ng prutas. Pasalubong niya iyon sa ama. May mumunting pagkasabik siyang nadarama habang papalapit siya sa bahay ng kanilang pamilya. Sumapit na nga siya sa harap ng pinto.

“Alam mo Ma at Pa, nagtataka lang ako,” sabi ni Lyra. “Magkakapareho tayo ng blood type pero bakit si Ate Tracy ay hindi. Iniisip ko nga kung totoong kapatid ko ba siya?”

“Huwag kang mag-isip ng kung ano,” may pananaway na boses ni Hernando. “Kahit paano ay kapatid mo pa rin siya. Salamat naman Lyra sa pagdugtong mo sa buhay ko, dahil bawal magdonate ng dugo sa akin ang Mama mo.”

“Pero Hernando, bakit hindi pa natin sabihin ang katotohanan sa magkapatid,” sabad ni Consuelo. “Na si Lyra talaga ang totoong Alcantara at si Tracy ay hindi naman talaga natin kadugo.”

“Totoo po ba ‘yan Ma?” hindi makapaniwalang tanong ni Lyra.

“Kung sa atin ay pwede nating malaman pa ‘yan pero kay Tracy,” alanganing sabi ni Hernando. “Mas mabuti pang maging lihim sa kanya ang lahat.”

Nabitiwan ni Tracy ang dalang basket ng prutas sa naulinigang pag-uusap ng kinagisan niyang pamilya. Nagkaroon na ng kumpirmasyon ang mga hinala niya simula nang malaman niya ang totoong blood type niya.

Bigla niyang naitulak ang dahon ng pinto at pumasok siya sa loob ng kabahayan. “At karapatan kong malaman ang katotohanang ‘yan Pa. Hindi n’yo na maipagkaila sa akin ang lahat dahil narinig ko ang inyong usapan.”

Parang iisang mata na napako sa kanya ang tingin ng tatlo. Parehong nagulat ang mukha ng mga ito pagkakita sa presensya niya lalo na ang Papa niya.

“A-andyan ka pala, Tracy,” namumutlang sabi ng Papa niya. “Wala naman akong balak na itago sa’yo ang katotohanan sa pagkatao mo.”

Tumayo bigla si Consuelo buhat sa pagkakaupo nito sa single-seater. “Huwag na tayong magpaligoy-ligoy pa dito Hernando.” Tumingin sa kanya ang ina. “Tama ang narinig mo Tracy, hindi ka namin totoong anak. Ang dahilan kung bakit iba ang blood type mo sa amin.”

At parang rolyo ng pelikula na nagbalik sa alaala niya ang mga sandali ng malungkot na bahagi ng kabataan niya. Ang kakaibang pagtrato sa kanya nina Consuelo at Lyra. Ang dahilan kung bakit parang si Hernando ang nakakaunawa sa kanya pero mayroon pa ring reserbasyon.

Hindi niya napigilan ang sarili ang mapaiyak sa harap ng pamilyang kinagisna niya. “Kung ganoon po, s-ino po ang aking totoong mga magulang?”

Matindi ang nararanasan niyang paghihirap ng kalooban niya. Isang masakit na katotohanan ang natuklasan niya sa araw na iyon. Wala siyang magawa kundi ang maging saksi ang luha sa mata niya.

“Hija, ipinaampon ka sa amin ni Leona Dela Rosa noong sanggol ka pa lang. Hindi ko siya matanggihan da-”

“Siya ang unang nobya ni Hernando,” putol ni Consuelo sa sasabihin pa sana ni Hernando. “Masakit para sa akin ang ginawa niyang pag-ampon sa’yo. Ang malaking dahilan kung bakit wala akong amor sa’yo Tracy. Naging kabit siya ng asawa ko ang ina mong ‘yun. Naalala kita sa kanya.”

Pakiramdam niya ay nakatanggap siya ng magkabilang sampal sa sinabing iyon ni Consuelo. Ganap na luminaw sa kanya ang lahat kung bakit kalupitan ang inaabot niya dito.

Si Lyra ay nakamasid lang sa mga nangyayari. Naaalala niya na sa tuwing magkakamali ang kinagisnan niyang kapatid ay siya ang napagbubuntunan ng galit ni Consuelo. Madali dito na saktan siya dahil hindi naman pala siya totoong anak. Hindi siya totoong San Nicolas.

Minsan pa siyang napaiyak sa mga katotohanang iyon. Kung may isang bagay man siyang gustong gawin ngayon, iyon ay ang mabuo niya ang pagkatao niya.

“May ideya ba kung saan ang totoo kong ina?” tanong niya na parehong tumingin sa mukha ng kinagisnan niyang mga magulang. Nagsisimula nang kumalma ang matinding emosyon niya.

Napuno ng kalungkutang bumadha sa mukha ni Hernando. Kasunod ang marahang pag-iling nito. “Matapos ka niyang iwanan sa akin Tracy ay hindi na siya nagpakitang muli sa akin. Wala na ako naging balita sa kanya.”

“Iyon ang huling pagkikita nila,” dugtong ni Consuelo. “Okay na sana eh dahil naputol ang ungnayan nila. Pero nag-iwan siya ng alaala ang babaeng iyon at ikaw ‘yun!”

Pinahid niya ang pinakahuling luhang dumaloy sa mukha niya. Matatag niyang hinarap ang mga ito. “Huwag kayong mag-alala Ma, Pa, nagpapasalamat pa rin ako sa ginawa ninyong pagkupkop sa akin. Sa pagkakataong ito, hahanapin ko ang totoo kong ina. Maraming salamat inyo.”

NAKADARAMA na ng pagkahilo si Tracy sa kinaroroonang waiting shed. Inabot na siya ng dis-oras ng gabi sa pag-iinom niyang mag-isa sa isang bar. Ginusto niyang magpakalango sa alak matapos malaman ang katotohanan ukol sa pagkatao niya. Pinili niya ang mag-isa sa gabing iyon. Parang gusto niyang magalit sa mundo sa mga sandaling iyon.

Dahil sa kalasingan niya ay gusto na niyang makauwi sa tinutuluyang apartment. Inabot pa yata siya ng kamalasan dahil walang nagdaraang tricycle. Tinatamad naman siyang pumunta sa pila ng TODA.

Nakadama siya ng takot nang mamataan ang dalawang lalaki sa kalayuan. Itinuro pa siya ng mga ito at halatang target siyang malapitan. Sa mga kilos nito ay halatang hindi gagawa ng maganda. Nababalita pa naman sa kanilang bayan ang mga babaeng nari-rape ng mga adik. Hindi rin kasi isang daang porsyento na safe ang Sta. Maria.

Bago pa man tuluyang makalapit sa kanya ang mga ito, pasimple siyang lumakad palayo sa waiting shed hanggang sa tumakbo na nga siya. Narinig niya ang pagsigaw ng isang lalaki at ramdam niya ang paghabol ng mga ito sa kanya.

Takot na takot na siya dahil nasa panganib ang buhay niya. Kahit naliliyo siya ay pilit pa rin siyang tumakbo ng mabilis. Ngunit unti-unting nannghihina na siya.

‘Lord, please save me.’ Dalangin niya. napatigil siya sa pagtakbo dahil hingal na hingal na siya. Palapit nang palapit sa kanya ang mga lalaking humahabol sa kanya.

Dahil kadesperaduhan, lakas loob niyang pinara ang isang paparating na kotse. Sa kabutihang palad ay tinigilan siya nito. Kaagad siyang sumakay nang pagbuksan s'ya ng pinto ng nasabing sasakyan. Nawala sa isip niya ang panibagong panganib sa ginawa niya kung sakali.

Bahala na.

Mga Comments (3)
goodnovel comment avatar
RIAN
Ampon si Tracy, sabi na nga ba. Naluha ako
goodnovel comment avatar
Juvy Pem
Si Fien na yun, ayyyeeehh
goodnovel comment avatar
Bhie Rambonanza In
sabi ko n nga d tunay n anak c Tracy kc iba tlga ung trato sa knya ng inakala nyang ina nya
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status