Share

Kabanata 2

"Gigi!"

"Ate!"

Ngumiti ako ng malapad at kumaway sa kapatid ko. Patakbo niya akong sinalubong at mahigpit na yumakap sa akin. "Akala ko hindi ka na darating," sambit niya saka bumitaw sa akin.

"Pwede ba 'yon?" sagot ko saka bumaling kina mama at papa para humalik at yumakap.

"Palagi ka na lang late. Hindi mo naabutan yung speech ko, nakaakinis ka!" atungal pa ni Gigi habang nakanguso.

Today is her high school graduation, at late ako dahil sa meeting ko with Cheska. Gustohin ko mang ibakante ang araw na ito para sa selebrasyon ng graduation ni Gigi ay hindi ko magawa dahil ngayong araw lang bakante ang schedule ni Cheska. Isa siyang bigating artista, na gusto kong maging modelo ng panibagong designs ko.

"Sorry na nga!"

"Hay nako, magpasalamat ka na lang na umabot ang ate mo," saway ni mama kay Gigi na may kasamang hampas sa braso.

"Aray naman, ma!" reklamo ni Gigi.

Sinagi ni papa ng mahina ang braso ni mama para sawayin ito. Kahit na nakatanggap na ng hampas si Gigi kay mama ay patuloy pa rin siyang nagsermon at nagmaktol dahil kung nalate pa raw ako ng kahit isang minuto at hindi na umabot ay magtatampo siya.

Sa kalagitnaan ng panunuyo ko sa matampuhin kong kapatid ay natahimik kaming lahat nang lumapit ang isang lalaking nakasuot ng suit. Lumapit siya sa amin at ngumiti sa kapatid ko.

"Drake," sambit ko dahil sa hindi inaasahan niyang pagdating.

Tumingin siya sa akin at hilaw na ngumiti, saka bumaling sa parents ko at bumati. "Kumusta po?"

Tumingin ako kay Gigi na napakagat sa ibabang labi niya at awkward na ngumiti. "K-kuya, mabuti umabot ka pa," saad ni Gigi kay Drake saka kumamot sa ulo niya.

"Sorry, Gi. Something came up kaya medyo nahuli ako," sagot naman ni Drake saka ngumiti at iniabot kay Gigi ang isang kulay blue na box. "Congratulations, Gi."

Tinanggap iyon ng kapatid ko at agad naman niyang binuksan. Gumuhit ang saya sa mukha niya nang makita ang nasa loob ng box. 

"Thank you kuya!" Sigaw niya sa tuwa at napayakap pa kay Drake. Tumawa lang si Drake at niyakap pabalik si Gigi na halos maiyak-iyak pa sa tuwa.

Pinanood ko lang silang dalawa at hindi na binalak na umimik. Sa pamilya ko, tanging si Gigi lang ang nakaaalam ng tungkol sa amin ni Drake dahil noon pa man, ay malapit na silang dalawa sa isa't isa. Kung susumahin ay in-law ni Drake si Gigi at tiyahin pa. Pero dahil sa nakasanayan ni Gigi ang tawagin siyang kuya, hindi na niya iyon naalis.

"Gusto ko pa sanang magtagal, pero marami pa akong kailangang gawin. Swerte na lang na umabot pa ako para batiin ka," wika niya saka ginulo ang buhok ni Gigi.

"Okay lang, kuya. At least pumunta ka,"

Napataas ang kilay ko sa tinuran ng kapatid ko. Kung ako kanina na mas nauna kay Drake ay inaaway niya, si Drake naman ay okay lang? Bahagya akong napailing at natawa.

"O siya, aalis na ako. Good luck sa college, Gi,"

"Thank you! Ingat kuya!"

"Make me proud, attorney," sambit ni Drake saka kumindat at ngumiti sa kapatid ko bago tumalikod at umalis.

Sinundan lang namin siya ng tingin habang naglalakad paalis. Bumaling akong muli kay Gigi at nakitang malaki ang ngiti niya habang nakatitig sa regalo ni Drake.

"Gi," tawag ko.

Lumingon siya sa akin saka sumiksik sa tabi nina mama Dahil alam nitong kukurutin ko siya. "Tara na sa bahay, ma, pa."

Nakangiti si Gigi na kinaladkad ang parents namin pauwi. Humanda talaga siya sa akin pagdating namin sa bahay. Alam ng kapatid kong hindi kami okay ni Drake, pero ayoko namang sirain kung anong samahan ang meron sila.

Isang maliit na salu-salo lang ang inihanda nina mama para kay Gigi dahil hindi naman ganoon kaganda ang relasyon ng pamilya namin sa mga kapit-bahay para maghanda ng marami. Matapos kaming kumain ay nagpunta si Gigi sa kuwarto para magbihis. Sumunod naman ako sa kaniya para iabot ang regalo ko. Kumatok ako ng tatlong beses sa pintuan ng kuwarto ni Gigi at hindi naman nagtagal ay binuksan niya iyon. Bihis na siya.

"Regalo ko," sambit ko saka ini-abot ang maliit na box.

Ngumiti muna siya sa akin bago iyon binuksan. It was a necklace na kapareho ng sa akin.

"Wow! Thank you, ate!" sambit niya habang nakaharap sa salamin at tinitignan ang kuwintas na isinuot ko sa kanya.

"You're welcome," sagot ko naman.

Ngumiti siya saka naglakad palapit sa kama niya para ayusin ang mga hinubad niyang damit na nakakalat pa sa ibabaw ng kama niya.

"Gi, anong plano mo sa college?" tanong ko saka lumapit sa kama niya at umupo. Napansin ko ang regalo ni Drake kay Gigi na nakapatong sa side table kaya kinuha ko iyon at binuksan. Isa iyong personalize fountain pen na may nakalagay na 'Atty. Argote'. Napaangat ang tingin ko kay Gi at nakitang nakatingin din siya sa akin.

"I'm planning to take a pre-law course ate. I want to be a lawyer," diretso niyang sagot.

Sandali akong natigilan. So that's why Drake called her attorney kanina?

"Well, good for you. Pero sure ka na ba?" tanong ko.

Umupo si Gigi sa tabi ko at hinawakan ang mga kamay ko. Malungkot siyang tumingin sa akin at marahang pinisil ang mga kamay ko.

"Ate, wala ka ba talagang balak na i-annul ang asawa mo?" tanong niya.

Sandali akong natigilan at umiwas ng tingin. Gusto ko. Gustong gusto ko. Kaya lang ay hindi ko alam kung paano ko siya matatakasan.

"Wag mo nang isipin yung mga bagay na hindi naman mahalaga, Gi,"

"Ate, mahalaga 'yon. Alam ko malaki ang naitulong niya sa pamilya natin pero hindi sapat na dahilan 'yon para saktan ka niya. Ilang beses na akong nagtangkang sabihin kina mama na sinasaktan ka ng asawa mo, pero naiisip kita at ang pwedeng mangyari sa'yo kaya hindi ko magawa,"

"Angie!" galit akong napatayo. "Magpapanggap akong hindi tayo nagusap tungkol dito. Wala akong narinig, at wala kang nalalaman tungkol sa amin ni Rico," saad ko bago lumabas ng kuwarto niya. Narinig ko pang tinawag niya ako pero hindi na ako lumingon.

Dumeretso ako kina mama para magpaalam. Tinanong pa nila ako kung bakit aalis na ako kaagad pero sinabi ko na lang na may kailangan akong puntahan na importante. Kinuha ko lang ang bag ko at humalik sa parents ko bago tuluyang lumabas ng bahay. Napahinto ako sa paglakad nang marating ko ang tabi ng kotse ko.

Ayokong malaman ng parents ko kung anong klaseng pagsasama ang mayroon kami ni Rico. Mag-aalala sila, lalong lalo na si papa. Hindi ko rin alam kung paano haharapin ang kahihiyan sa harapan ng mga magulang ko kapag may nakaalam ng totoo. Nasapo ko ang noo ko at napapikit na lang at naiyak. Hindi naman nagtagal ay pinahid ko ang luha ko dahil dumaan ang mga kapitbahay kong mauusisa. Umarte ako na parang wala lang saka sana bubuksan na ang pintuan ng kotse ko nang lumapit sa akin si aling Gloria.

"Emely," tawag niya saka lumapit sa akin.

"Aling Glo, ano ho iyon?"

Sandali niyang tinignan ang bag ko at ang kotse ko bago ngumiti sa akin na alam ko namang hindi totoo. "Big time ka na talaga a. Balita ko maganda yung negosyo mo. Kumusta naman yung asawa mong matanda?"

Pinigilan ko ang sarili kong magpakita ng ano mang indikasyon na hindi ko nagustuhan ang tinuran niya. Bagkus ay ngumiti ako sa kaniya ng hilaw. "Maayos naman ho. Bakit niyo ho naitanong?"

"Ah eh, baka naman may kaibigan yung asawa mo na naghahanap ng mapapangasawa. Ireto mo naman yung pamangkin kong si Janice. Maganda naman yung batang iyon, nasasayang lang dahil hindi marunong pumili ng lalaki," turan niya.

Nawala ang ngiti ko. May mga tao talagang makikitid ang utak at makakapal ang mukha. Ito ang dahilan kung bakit hindi malapit ang pamilya ko sa mga kapit-bahay namin dahil malisyoso, chismosa, at pakialamero sila ng buhay.

"Aling Glo, sa tingin ko po ay hindi niyo dapat pangunahan ang pamangkin niyo kung sinong gugustuhin niya," saad ko ng magalang dahil ayaw kong mambastos. Wala ako sa mood para ipagsawalang-bahala ang harap-harapang pambabastos niya sa akin.

"Sige na, Emely. Siguro naman ay maraming business partners ang asawa mo. Wag ka namang madamot. Gusto mo naman e, ikaw lang ang yayaman,"

Naputol ang natitirang hibla ng pasensya ko sa tinuran niya kaya't walang modo akong napasagot. "Edi ibugaw mo yung sarili mo imbis na yung pamangkin mo, aling Glo,"

"Aba, bastos ka a! Ang yabang mo na porke umangat ka ng kaunti sa buhay akala mo kung sino ka na. E kung hindi naman dahil sa matanda mong asukal de papa, hindi ka yayaman!" Galit niyang sambit bago ako tinignan mula ulo hanggang paa at tumalikod. "Ang yabang, nagpokpok lang rin naman."

Nagpanting ang tainga ko sa narinig kong tinuran niya kaya't napatitig ako sa kaniya habang naglalakad paalis. Doon ko lang napagtanto na may mga kapitbahay palang nakikinig ng usapan naming dalawa. Tinignan nila ako na para bang nandidiri sila sa akin saka isa-isang bumalik sa kanilang mga ginagawa. Inis kong binuksan ang pintuan ng kotse ko saka sumakay doon. Muling bumagsak ang masaganang luha kaya't mariin kong kinagat ang ibabang labi ko at nagsimulang magmaneho paalis.

Madalas akong nakakatanggap ng ganitong mga panghuhusga at komento at sa dami noon ay hindi ko na alam kung paano ko pagkakasyahin ang tapunan ng emosyon ko. Sinabi ko sa sarili kong wala akong pakialam sa sasabihin ng iba dahil wala silang alam, pero heto ako at umiiyak dahil sa hindi ko na makayanan.

Umuwi ako ng bahay na masama ang loob. Tutal bakante ang araw ko ngayon ay sasamantalahin ko muna para magpahinga. Pilitin ko mang iwaksi sa isipan ko ang mga natanggap kong masasakit na panghuhusga kanina ay hindi ko magawa.

Pumasok ako sa bahay at itinapon na lang sa couch sa sala ang bag ko. Dumeretso ako sa kusina at kumuha ng wine glass saka iyon pinuno ng wine at frustrated na ininom. Inubos ko ang lahat ng isinalin ko ng isang inuman at ramdam ko ang paghagod nito sa dibdib. Tumulong muli ang mga luha ko kaya pinunasan ko iyon gamit ang likuran ng palad ko. Pero muli lamang silang umagos kaya't nagsalin na lang akong muli ng alak at uminom.

"You're here already,"

Napalingon ako sa gawi ni Drake na nakahalukipkip at nakasandal sa may ref. Nakatingin siya sa akin at tila pinapanood niya ako. Binalingan kong muli ang alak saka nagsalin muli sa basong hawak ko.

"I guess Attorney El Fuente is not so busy today," komento ko saka ininom muli ang alak. "You left before even Gigi's celebration started."

"Tss" ismid niya saka ngumisi ng hilaw. "I'm not busy today, but I can't stand being in the same place with you, so I came to congratulate her and left."

Ngumisi na lang ako ng pagak. Yeah right. Hindi ko na siya pinansin bagkus ay tinungga na sa bote ang wine saka naglakad palagpas sa kaniya. Napatigil ako sa paglalakad nang magsalitang muli si Drake. "You seem frustrated. Hindi mo na ba alam kung paano gagastusin ang pera ng daddy ko?" malamig niyang tanong.

Hindi na ako umimik pa. Wala akong lakas para pakinggan ang pangmamaliit niya.

"Kung alam ko lang na ang daddy ko ang totoong pakay mo noon, hindi na sana kita ginusto,"

Natigilan ako sa tinuran niya. Marahan ko siyang nilingon na may blankong mukha. Nakatingin lang siya sa akin ng malamig at hindi kagaya kanina, nakatayo na siya ng tuwid at nakapamulsa.

"Tapos ka na? May sasabihin ka pa ba, Drake?" tanong ko. Hindi na siya sumagot bagkus ay pinakatitigan lang ako. Ngumiti ako sa kaniya ng may pait saka sinabing, "Kung meron pa, sa susunod na lang." Saka tuluyang naglakad paalis.

Umakyat ako sa kuwarto dala-dala ang bote ng wine. Tinanggal ko ang pagkakatali ng buhok ko at naglakad sa may balkonahe para tumunganga sa labas na parang baliw. Sunod-sunod na tumulo ang mga luha ko. Naiinis ako at nagagalit sa kanilang lahat pero wala akong magawa para ipagtanggol ang sarili ko. Kahit anong gawin ko, isa lang akong malanding babae at gold digger sa paningin nilang lahat.

Sa pagkakatayo ko rito ay kita ko ang malawak na bakuran ng mag El Fuente. Malaki ang mansyong ito na dalawa lamang kami ni Rico ang nakatira. Si Drake ay may sariling apartment pero hindi ko alam kung bakit nandirito siya. Kadalasan kasi ay mananatili lang siya rito ng isang gabi tapos ay aalis na. Ngayon ay pangatlong araw na niya rito. Hindi ito sa akin; ang bahay, ang yaman, ang lahat. Sa asawa ko ang lahat ng mga ito... kabilang na ako.

Naupo ako sa sulok at tumulala sa loob ng silid namin ni Rico. 

"Bakit ako?" tanong ko sa hangin habang nakatitig sa malaking picture naming dalawa noong ikasal kami na nakasabit sa ding-ding na sa isang tingin lamang ay makikita mo nang hindi ako masaya sa kabila ng isang mapagpanggap na ngiti. 

"Bakit ako, Rico? Bakit ako pa?"

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status