Share

Kabanata 1

Isang malalim na hininga ang hinugot ko bago bahagyang hinagod ang aking buhok, upang siguruhing hindi ito nagulo sa pagkakaayos. Abala ang lahat ng staff dahil sa ito na ang huling set ng mga designs na irarampa ng mga modelo, at sa ilan lamang sandali ay lalabas na ako rito kasama ang huling piraso ng designs ko.

"You got this, Emely," bulong ko sa sarili ko bago sinabayan ang huling modelo sa paglabas sa backstage.

Nakasisilaw ang bawat flash ng camera ngunit pinanatili ko ang aking magandang ngiti bago nagsimulang maglakad sa runway.

"Ladies and gentlemen, Mrs. Emely El Fuente and her designs!"

Hindi ito ang unang pagkakataon ngunit hindi ko maiwasang nerbiyosin sa tuwing maglalakad ako sa runway kasama ng mga modelong suot-suot ang mga designs ko. Ngunit kahit na ganon, walang paglagyan ang sayang nararamdaman ko dahil muli ay matagumpay ang fashion show at mukhang nagustuhan ng mga bisita ang mga designs ko.

"Congratulations, Emely! All your designs are mind-blowing. Grabe, iba ka talaga!" Biro ni Mrs. Alcantara na isa sa mga bisita at fan ng mga designs ko matapos ang event. I've been designing her dresses and other outfits for different occasions for almost two years now, at masaya ako na malaki ang tiwala niya sa akin at sa mga designs ko.

"Thank you so much, Mrs. Alcantara. I know you have a busy schedule but you still find time to attend this event. I'm more than grateful," turan ko saka ngumiti ng matamis sa kaniya.

"Ano ba, I love your designs kaya hindi pwedeng palampasin ko ang bawat fashion show mo,"

"Salamat po talaga,"

Mrs. Alcantara's husband is one of Rico's business partners, at isa siya sa investors ng Em's. Ang clothing brand na nilaunch ko three years ago, na isa na ngayon sa mga namamayagpag na clothing brand sa fashion industry.

Matapos ang maikling batian namin ni Mrs. Alcantara ay nagpaalam na ito dahil kaliwa't-kanan ang kaniyang schedule ngayong linggo. Matapos iyon ay pinuntahan ko ang mga staff kong abala na sa pagliligpit ng mga gamit.

"Nice work, team! Salamat sa tulong niyo," sambit ko saka ngumiti bago umalis.

Ngayong gabi ang uwi ni Rico galing sa kaniyang business trip sa Taiwan, kaya't kailangan kong umuwi para ipaghanda siya ng hapunan. Alam kong pagod siya sa biyahe kaya't hindi ko gustong datnan niya ang bahay na wala ako roon. Nag-ring ang phone ko kaya't agad ko iyong kinuha sa bag ko, habang patuloy na naglalakad patungo sa kotse ko. Tumatawag ang papa ko.

"Pa," bungad ko saka sumakay sa kotse at inipit sa pagitan ng tainga at balikat ko ang phone ko. "Napatawag ho kayo?"

"Wala naman, anak. Gusto lang kitang kumustahin dahil matagal-tagal ka nang hindi bumibisita rito sa amin ng mama mo,"

Gumuhit ang ngiti ng saya sa mga labi ko habang nagmamaneho paalis. "Okay lang ho ako, Pa. Masyado lang ho akong naging abala sa negosyo. Hayaan niyo ho, kapag lumuwag-luwag ang schedule ko ay magpapaalam ako kay Rico para umuwi riyan. Kumusta ho si Mama?"

"Okay naman ang mama mo, maingay pa rin," biro niya na parehas naming ikinatawa.

"Baka naman ho dahil matigas ang ulo niyo?"

"Sabi ko naman sa inyo, huwag na kayong mag-alala dahil malakas na ako,"

"Pa naman, kahit na malakas ka na kailangan mo pa ring alagaan ang sarili mo,"

Narinig ko ang mahina niyang tawa. Alam kong kahit ilang beses namin siyang paalalahanan ay hindi pa rin siya susunod.

"Masyado mo nang napapabayaan ang sarili mo dahil sa pagsuporta sa gamutan ko. Magpahinga ka naman minsan, anak. Alam kong mahal mo ang ginagawa mo pero mahalin mo rin ang sarili mo,"

Sandali akong natigilan sa sinabing iyon ni Papa, dahilan upang mapait akong napangiti sa hangin.

"O-opo, Pa," sagot ko.

"O siya sige na, anak. Magpahinga ka pagkatapos ng trabaho mo ha? Mahal na mahal ka namin ng mama mo,"

"Opo. Mahal ko rin po kayo, Pa,"

Ibinaba ko na ang telepono matapos iyon at huminga ng malalim upang paatrasin ang luhang muntikan nang mamuo sa mga mata ko. Alam kong trabaho ang tinutukoy ni Papa, pero parang tungkol iyon sa ibang bagay. Ewan. Siguro dahil ayoko na, kaya naiisip kong sign ang mga bagay-bagay para huminto na. Pero kahit na ayaw ko na, hindi ako pwedeng umalis na lang basta.

Nakauwi ako ay pasado alas-sinko na kaya't nagmadali akong pumasok ng bahay upang maghanda ng lulutuin kong kare-kare na paborito ni Rico.

"Ma'am Emely," bati sa akin ni Diday na isa sa mga katulong namin dito sa bahay nang makapasok ako sa may pintuan.

"Diday, pakihanda ang kusina. Magluluto ako ng hapunan." Utos ko at saka ipinatong ang bag ko sa may couch sa sala.

"Sige ho," sambit niya bago tumalikod at nagtungo sa kusina.

Ano mang oras ay darating na si Rico, kaya't wala na akong time para magbihis kaya hinubad ko ang blazer ng suot ko at itinapon iyon sa tabi ng bag kong nasa couch. Tapos ay ipinuyod ang buhok ko paitaas at itinulak sa may siko ang sleeve ng suot kong long sleeve. Sumunod ako kay Diday sa kusina at napatigil ako nang makasalubong ko si Drake na may hawak na baso ng tubig.

"N-nanidto ka pala," ani ko saka naiilang na ngumiti at naglakad palagpas sa kaniya. Kinuha ko ang apron at sinuot iyon bago muling tumingin sa kaniya. "Dito ka ba maghahapunan? Magluluto ako,"

Hindi siya sumagot, bagkus ay naupo sa isang silya sa dining table na ilang metro lang ang layo mula sa counter kung saan ako nakapuwesto para magluto. Tinignan niya lang ako ng malamig habang umiinom ng tubig. Napagtanto kong wala akong makukuhang sagot sa kaniya kaya umiwas na ako ng tingin at nagsimula nang maggayat ng mga rekado.

"Uuwi ang daddy mo, dito ka na maghapunan," sambit ko na hindi tumitingin sa kaniya. Walang bago sa pakikitungo sa akin ni Drake simula noong araw na malaman niyang ako ang magiging step-mother niya. Hindi ko naman siya masisisi, dahil sino bang matutuwa na ang girlfriend mo, step-mother mo na ngayon.

"Tss," iyan lang ang lumabas sa bibig niya bago tumayo at umalis.

Sanadali akong napahinto at pinilit na lang na hindi pansinin ang bawat kilos niya. Apat na taon nang ganito ang sitwasyon, walang dahilan para hindi ako masanay.

Matapos ang higit kalahating oras ay tapos na ang niluluto ko kaya inutusan ko na si Diday at ang isa pang kasambahay na ihanda na ang lamesa. Nagtungo ako sa itaas upang maligo at magbihis. Nagsuot ako ng isang simpleng white ruffle dress at itinali sa isang pony tail ang buhok ko. Hindi na ako nag-ayos masyado dahil narinig ko na ang sasakyan ni Rico sa labas. Dali-dali akong bumaba ng hagdanan at sakto namang pagbaba ko ay bumukas ang pintuan. 

"Hon," bati ko nang salubungin siya sa pagpasok sa may pintuan. "You're just in time. Nagluto ako ng hapunan," sambit ko na may hilaw na ngiti matapos yumakap sa kaniya.

Rico is like the older version of Drake, except for the fact that Rico doesn't look his age. My husband actually looks younger, and most of the time, they are mistaken to be brothers.

"Perfect," sambit niya saka ako hinalikan sa pisngi.

Papunta na sana kami sa kusina nang makuha ni Drake ang atensyon namin nang tumayo ito mula sa pagkakaupo sa couch at naglakad patungo sa kusina. "Tss," naulinigan ko na namang lumabas sa bibig niya.

"He's here," sambit ni Rico habang sinusundan ng tingin ang anak niya.

"Yeah. Nandito siya kanina paguwi ko. Sinabi kong dito na siya maghapunan dahil darating ka,"

Rico sigh and then looked at me. Ngumiti lang siya saka ako niyaya na magtungo na sa kusina.

Tahimik lang kaming naghapunan na tanging ang tunog lamang ng pagtama ng mga kubyertos sa pinggan ang maririnig mo. Hindi ako kumportable ngunit pinilit ko iyong itago. Kailangan kong pag-aralan kung paano pakikisamahan si Drake dahil marami pang pagkakataon na kagaya nito ang mangyayari.

Napansin kong kakaunti na ang nakahaing kanin kaya't tumayo ako upang kumuha pa. Pinigilan ako ni Rico at sinabing iutos ko na lang iyon sa mga katulong pero sinabi kong ako na. Matapos kumuha ay bumalik ako sa mesa at nakitang tahimik pa rin ang mag-ama. Ipinatong ko sa mesa ang kanin ngunit hindi sinasadya kong natabing ang baso ng tubig sa tabi ni Drake. Natapon iyon at nabasa ang knaiyang damit kaya't napatayo siya sa gulat.

"What the fuck!" sigaw niya sa inis.

Taranta akong kumuha ng table napkin at wala sa sarili siyang pinunasan. "Sorry, Drake. Hindi ko sinasadya, sorry,"

"Wag mo akong hawakan!" Sigaw ni Drake na nakapagpatigil sa akin.

Masama ang tingin niya sa akin habang ako naman ay nahihiya siyang tinignan sa mata. "Pasensya na--"

"Pasensya?"

"Drake!" Saway ni Rico sa anak niya. Nilingon ko si Rico na malamig ang tingin sa anak saka lumapit sa kaniya. "Mind your manners. She's your mother!"

Tumawa si Drake ng pagak saka ako tinignan mula ulo hanggang paa. Kitang-kita ko ang disgusto sa mga mata niya. Ibinaling ko na lang ang tingin ko sa ibang direksyon dahil hindi ko kayang salubungin ang mga tingin niyang tila nandidiri sa akin.

"Hindi ko siya nanay," saad ni Drake. "Hindi maruming babae ang mama ko." tumalikod si Drake at umalis.

"Drake!" Bakas ang galit sa boses ni Rico pero pinigilan ko na siya.

"Tama na. Hayaan mo na," sambit ko saka nilingon ang direksyong tinahak ni Drake.

Bumalik ako sa upuan ko at ipinagpatuloy ang aking pagkain. Nanunubig ang mga mata ko sa maanghang na pananalita ni Drake pero pinilit kong huwag iyong pumatak sa harapan ni Rico. Bumalik na rin siya sa pagkain matapos magpakawala ng isang malalim na hininga.

"That moron still acts like a teenage kid," bulong ni Rico sa sarili na hindi naman nakaligtas sa pandinig ko. Hindi na lamang ako umimik, at nagkunwaring hindi iyon narinig.

Matapos maghapunan ay nauna akong umakyat sa kuwarto dahil sa sobrang pagod. Ngayon pa lamang ako makakapagpahinga at hindi na ako makapaghintay na lumapat ang likod ko sa kama. Nang makapasok ako sa kuwarto ay agad kong sinipa paalis sa mga paa ko ang suot kong sapatos at sandaling ipinikit ang mga mata ko para marahang magpakawala ng malalim na hininga. Palalagpasin ko ang ang lahat ng masasakit na pananalitang maaari kong matanggap mula kay Drake dahil kasalanan ko ito. Wala akong karapatang magdamdam dahil pinili ko ito.

Napamulat ako nang maramdaman ang pagdampi ng mga kamay sa magkabilang braso ko na nasundan ng marahang halik sa may batok ko. Agad akong napaiktad at napaharap sa asawa kong nakatayo at nakatingin sa akin.

"R-Rico," sambit ko na hindi malaman kung paano iiwas ng tingin.

"May problema ba, Emely?" malamig niyang tanong saka mas lumapit pa sa akin.

Naikuyom ko ang mga kamao ko dahil sa panginginig ng kamay ko. Gumapang sa akin ang matinding takot at kaba dahil hindi ko alam kung paano ko tatakasan ang sitwasyong nais niyang maganap.

"H-hon, pagod ako. I came home right after Em's fashion show and I feel really exhausted," paliwanag ko ng marahan.

Ngumiti lang si Rico at hinaplos ang pisngi ko ng marahan. "I'll do all the work tonight, don't worry," aniya.

"Rico, please. I'm really tired,"

Nagigting ang panga ni Rico na labis na nagpalundag sa puso ko. Hindi na halata ang mga pasa ko sa katawan dahil sa dalawang linggo niyiang pagkawala ay lumipas na ito. Ngunit ngayong gabi ay hindi ko sigurado kung muli bang malalatayan ang katawan ko o hindi.

"Fine. Rest now," saad niya bago tumalikod at nagtungo sa banyo.

Napaupo ako sa kama at nakahinga ng maluwag. Napakalaki ng pasasalamat kong pinagbigyan niya ako ngayon. Asawa ko siya, at alam kong responsibilidad kong ibigay ang pangangailangan niya. Pinakasalan ko siya kahit na alam kong wala akong pagmamahal sa kaniya, pero pinipilit ko pa ring maging isang mabuting asawa. Pero ang bagay na ito, hindi ko magawang ibigay ng boluntaryo kung kaya ay madalas niya akong nasasaktan makuha lang ang gusto niya.

Hindi lingid sa kaalaman niya na hindi ko siya mahal. Pero may isang bagay na hindi alam si Rico. Hindi niya alam ang nakaraan na meron kami ni Drake.

Hindi ko namalayang tumulo na pala ang mga luha ko. Marahan ko iyong pinunasan bago nahiga sa kama. Gusto ko na lang magpahinga habang hinahayaan pa ako ni Rico. Ayoko nang alalahanin ang ano mang pangyayari sa nakaraan. Kung ano man ang namagitan sa amin ni Drake noon, tapos na iyon. Ako mismo ang tumapos sa pagwasak ng puso niya. . . puso ng lalaking mahal ko.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status