Share

Chapter 7: Determinasyon

"Good morning."

Nagpaangat sa ulo ni Sophia ang tinig na iyon ni Jamir. Abala siya sa paghihiwa ng kamatis na sawsawan ng kanilang ulam na tinapang bangus, d***g na pusit, itlog na maalat at pritong talong. " Magandang umaga rin, Jamir," ganting bati niya rito. Hindi pa rin siya sanay sa malakas na presensiya nito. Naroon pa rin lagi ang biglaang pagbilis ng tibok ng puso niya sa tuwing makikita ito at magsasalubong ang kanilang mga mata. "Ang guwapo," sigaw ng isipan niya.

"Napasarap ang tulog ko, tinanghali ako ng gising. Pasensiya na," nakangiti nitong wika.

"Okay lang. Mabuti nga para makapagpahinga ka ng mabuti. Tsaka hindi naman ikaw ang magluluto ng almusal natin kaya walang problema kahit tanghaliin ka ng gising," biro niya rito.

"Napakabango naman ng mga iyan," tukoy nito sa mga nakahain sa mesa.

"Oo naman at napakasarap pa ng mga 'yan. Kaya maupo ka na para matikman mo. Duda kasi ako na nagkita na kayo ng mga 'yan,"

"Huh?"

"Ang ibig kong sabihin, alam kong hindi ganiyan ang inuulam mo kasi pangmahirap lang 'yan, ikaw rich man. Ang mga inuulam mo, steak, caviar, bluefin tuna, " tumatawa niyang biro.

"Kung maka-rich man ka naman at hindi nag-uulam ng mga gan'yan. Alam ko ang mga ulam na yan. Nag-uulam ako niyan,"

"Talaga lang ha? Sabihin mo nga isa-isa kung ano ang mga 'iyan?" hamon niya rito.

"Iyon lang pala. Mapapahiya ka sa'kin Sophia. Alam ko ang lahat ng 'yan. May pisil ka sa ilong kapag nasabi ko kung ano ang mga 'yan," wika nito na buo ang kompiyansa sa sarili.

"Okay. Pero tinitiyak ko sa'yo na hindi mo alam ang mga iyan," kompiyansa rin niyang sagot.

"Ito ay fried smoked milkfish, fried dried squid, salted egg at fried eggplant. Tama ako 'di ba?" wika nito na mababakas na sa labi ang ngiting tagumpay.

Hindi akalain ni Sophia na alam nga ni Jamir ang mga ulam na 'yon. Inakala niyang sa pagiging bilyonaryo nito ay hindi nito alam at hindi ito nag-uulam ng mga 'yon.

" Mali ka!" kunwa'y malakas niyang wika.

"Huh?" pagtataka ang lumarawan sa guwapong mukha ni Jamir.

"Ang mga iyan ay tinapang bangus, pritong d***g na pusit, itlog na maalat at pritong talong," tumatawa niyang wika. Bagamat malinaw pa sa tanghaling tapat na my pisil na siya sa ilong.

"Puro ka na naman biro na bata ka. Panalo ako. Ilapit mo ang ilong mo," malapad ang ngiting wika nito.

"M-Masakit pa dahil sa pagkakapisil mo kagabi. Palampasin mo na na muna ako ngayon," pagsusumamo niyang wika na hinaplos-haplos pa kunwa ang ilong atsaka iminwestra ang peace sign at nginitian niya ito ng matamis.

Nakuha naman si Jamir sa pagsusumamo niya. "Kung hindi lang masarap itong mga inihanda mong almusal, hindi kita palalampasin at may pisil ka talaga sa ilong," tumatawa nitong wika.

"Kaya mo bang tawirin ang makitid at mahabang hanging bridge na 'yan Jamir?" tanong ni Sophia pagkahinto nila sa bukana ng hanging bridge na mayroong layong isandaang metro. Ilog ang nasa ibaba nito na ang lalim mula sa kinalalagyan nila ay nasa dalawampu't limang talampakan.

"Oo naman. Wala akong fear of heights. Halika na, tawirin na natin," anito na nauna nang naglakad.

"Sandali Jamir. Ikaw walang fear of heights, pero ako mayroon," wika ni Sophia na nagsisimula nang mangatog ang tuhod at nagpapawis na rin ang mga palad.

Kaagad na napahinto si Jamir at pumihit pabalik kay Sophia dahil sa narinig. Pag-aalala ang mababakas dito ng makita nitong balisa na at halata na ang kaba sa dalaga. "May acrophobia ka pala pero bakit niyaya mo pa akong magpunta rito?" wika nito pagkalapit. Kinapa nito sa bulsa ng suot na kupasing maong na pantalon ang panyo nito, pagkatapos ay pinahid nito ang pawis sa buong mukha ng dalaga.

"Gusto ko kasi na makita mo ang magandang lugar dito sa amin. Hindi mo aakalain na mayroong ganoong tanawin dito kapag nakita mo 'yon,"

"Paano ko naman makikita 'yon kung mag-isa lang ako. Hindi ko naman kabisado ang lugar na ito. Atsaka kahit ituro mo, hindi ako pupunta roon. Hindi ko hinahangad na makita 'yon kung maiiwan ka naman dito. Kaya halika na, umuwi na tayo sa bahay," anito na hinawakan na siya sa braso upang iigiya na pauwi.

"Sandali Jamir," naudlot sa paghakbang ang binata at nilingon siya nito. Gusto ko talagang makita mo 'yon,"

"Hindi rin matigas ang ulo mo na bata ka," wika nito na ihinilamos sa mukha ang palad nito.

"May paraan naman para makaya kong tawirin 'yan,"

"Paano?"

"Pipikit lang ako tapos dahan-dahan lang din sa paglalakad para hindi ako mauga at maliyo habang binabagtas 'yan,"

"Sigurado ka ba?" nag-aalala parin nitong wika.

"Oo. Ganoon lagi ang ginagawa ko kapag nagpupunta rito. Kaya lang inaalalayan ako ni Inay o ni Itay,"

Sige, ikaw ang bahala. Pero kung hindi mo na kaya, magsabi ka lang at babalik tayo,"

"Yes, sir!" sagot niya at pilit na tumawa upang maikalma ang sarili.

Pisil naman sa ilong ang iginanti nito sa kaniya. "Nagawa mo pa ang magbiro, nangangatog. ka na nga riyan," wika nito.

Nagpasimula silang humakbang, nauuna si Jamir sa paglalakad habang ang isang kamay nito ay nakaalalay sa isang braso ni Sophia.

"Inhale, exhale, Sophia,"

"O-Okay, Jamir," aniya at sinunod ang sinabi nito. Lumaghap siya ng hangin at marahan itong ibinuga. Dahan-dahan lang," paalala niya.

Naging maayos naman ang mga naunang metro ng kanilang paglalakad. Kalmado siya. May nararamdaman lang siyang kaonting pagkaasiwa dahil sa kamay ni Jamir na nakahawak sa kaniyang braso. Ngunit sinaway niya ang sarili sa nararamdamang iyon

Nasa bandang kalagitnaan na sila nang biglang mapaatras sa kaniya si Jamir. Kung hindi lang siya naging maagap at naging matatag ang pagkakatayo niya, marahil ay nabuwal na silang dalawa. Ngunit nagikha iyon nang paggalaw ng tulay.

"W-Whooah! Ano 'yon?" ani Jamir.

Napamulat naman siya bigla ng mga mata dahil sa kuryosidad. "Ano 'yong nakita mo?" Tanong niya. Ngunit bigla siyang naliyo nang bumungad sa kaniyang paningin ang tanawin mula sa kanilang kinatatayuan. Ang ilog sa ibaba at kung gaano kataas ang kanilang kinaroroonan. Bigla siyang nakaramdam ng panginginig at panlalamig ng katawan. Nangangatog na ang kaniyang mga tuhod at kinakapos na rin siya ng paghinga. "J-Jamir," mahina niyang wika na halos wala na ring lumabas na boses sa kaniyang lalamunan.

Paglingon ni Jamir sa kaniya, kita niya sa mukha nito ang matinding pag-aalala. "Oh, Sophia, sorry. May malaki kasing ibon na biglang dumaan sa harap ko kaya ako napaatras," paliwanag nito.

Hindi na niya nagawang magsalita pa. Tanging pagtulo ng masaganang luha ang naging sagot niya rito sapagkat nanginginig pa rin ang buo niyang katawan.

"Sorry, Sophia," sabay kabig at niyakap siya nito ng mahigpit. "Pumikit ka. Relax, please. Gawin mo muli ang inhale, exhale," wika nito na hinahagod-hagod ng palad ang likod niya.

Sinunod ni Sophia si Jamir. Bagamat nahihirapan siyang gawin dahil sa panginginig ng kaniyang katawan. Humugot siya ng malalim na paghinga at dahan-dahan niya uli itong ibinuga. Sinabi niya sa kan'yang sarili na kailangan niyang kumalma upang hindi siya matalo ng takot at kaba. Gusto niyang makita ni Jamir ang magandang lugar na sinasabi niya rito. Ipinikit niya ng mariin ang mga mata. Pilit na kinontrol at ikinalma ang kinakapos niyang paghinga. Ilang sandali pa ang lumipas hanggang sa unti-unti ay naramdaman niya ang pagbabalik ng normal niyang paghinga.

Iminulat niya ang kaniyang mga mata. Ang malapad na dib-dib ni Jamir ang bumungad sa kaniya. Hanggang balikat lang siya nito kaya kailangan pa niya itong tingalain upang makita ang mukha nito.

"Okay ka na ba? Kalmado na ba ang pakiramdam mo?" tanong nito sa kaniya na kita pa rin sa mukha nito ang pag-aalala.

Nginitian niya ito ng matamis. "Maayos na ang pakiramdam ko,Jamir. Salamat,"

Sa narinig kinabig muli ni Jamir si Sophia at niyakap ng mahigpit. "Mabuti naman, pinag-aalala mo akong bata ka," anito sabay gulo sa buhok niya.

"H-Hmm, ang higpit ng yakap mo, hindi ako makahinga," tila kinakapos ng hangin na wika niya.

"Pasensya na. Sobra lang akong natuwa na maayos ka na. Nakaya mong kontrolin ang lahat. Nalagpasan mo ang takot mo. Matapang ka talagang bata," buong paghanga nitong wika.

"Kinaya ko kasi gusto ko talagang makita mo ang sinasabi ko sa iyong lugar,"

"Sigurado ka ba? Tutuloy pa tayo? Alam mo ngayon ko napatunayan 'yong sinabi ni Inay Tisay na kapag may ginusto ka na kahit ano, gagawin mo at walang makahahadlang," nakangiti nitong sabi.

"Kaya tayo na, kasi hindi mo ako mapipilit na umuwi," nginitian niya ito ng nakakaloko. Sabay muwestra ng kamay ng peace sign.

"W-Whooah! iIto ba iyon? ani Jamir na kitang-kita ang paghanga sa mukha dahil sa kagandahan ng paligid. Nakatunghay ito sa waterfalls na may dalawampung metro ang taas. Napakaputi ng tubig na nanggagaling sa itaas. At ang malalas na lagaslas nito na tila may sariling ritmo ay napakasarap pakinggan. Pagkababa naman ng tubig nito ay alanganing kulay berde at asul na ang kulay nito. "Breathtaking," dagdag pa nito.

Napapalibutan ang kalahati ng paligid ng waterfalls ng nagtataasan at mayayabang na punong kahoy. Hindi gaanong mainit doon kahit na alas onse na ng umaga. Pinagsamang lamig ng panahon at lamig ng tubig ang mararamdaman sa lugar na ito. Kapag naririto ka, tila niyayakap ka ng kalikasan.

"Sabi ko sa iyo eh, maganda ang lugar na ito. Malamang na isa ito sa lugar na hindi mo makakalimutan!" buong pagmamalaking wika ni Sophia.

"Tama ka," nakangiti ng matamis na wika nito.

" Bawal ngumiti,"

"Huh? may ganoong patakaran na sinusunod sa lugar na ito? Parang ang weird yata," maang na tanong nito.

"Bawal ngumiti kasi kinikilig ako sa ngiti mo," mahina nitong usal sa sarili.

"Huh? Ano Sophia? Lakasan mo! Hindi ko marinig. Ang lakas ng lagaslas ng tubig,"

"Ang sabi ko, bawal ngumiti rito kasi may kuwento ang matatanda na mayroon daw nagbabantay na engkantada sa lugar na ito. Baka maakit sa killer smile mo at magustuhan ka, pagkatapos ay iuwi ka niya sa kaharian nila," aniya pagkatapos ay sinundan nang malakas na pagtawa.

"Puro ka biro, akala ko talaga totoong bawal ang ngumiti rito," tatawa-tawa rin nitong sabi.

"Ang sarap Jamir! Ang lamig. Ilubog mo na rin ang mga paa mo," aniya na ikinukuyakoy pa nito ang mga paa sa tubig. Naglilikha tuloy ang ginagawa niya ng pagtalsik ng tubig sa katawan at mukha niya. Napapipikit tuloy siya sa lamig ng tubig na tumatalsik sa kaniyang mukha.

Nakaupo siya at si Jamir sa mga malalaking batong nasa gilid ng tubig.

May pagtatakang nilingon niya si Jamir sapagkat wala man lang pagkilos o salita na narinig siya mula rito. Nasa kaliwang gilid niya ito na ang pagitan nila sa isa't-isa ay nasa tatlong metro. Seryoso itong nakatitig lang sa kaniya.

"May problema ba?" nagtataka niyang tanong dito.

Ngumiti muna sa kaniya si Jamir bago ito nagsalita. "Salamat, Sophia. Para lang maipakita mo sa akin ang lugar na ito, binalewala at pinaglabanan mo ang pagkakaroon mo ng fear of heights. Na-appreciate ko. At hanga ako sa iyo sapagkat napakatapang mo talagang bata," sinsero at buong paghanga nitong wika.

"Jamir, freeze! Ganiyan ka lang, huwag kang kikilos,"

"Huh? Bakit na naman?"

Inilapit nang bahagya ni Sophia ang mukha kay Jamir. Guwapo ka at kamukha mo si Go Yun na korean actor, pero hindi mo bagay ang maging korean drama actor," basag niya sa kaseryosuhan nito. Sabay tawa ng malakas.

Tiningnan naman siya nang nagbabantang tingin ni Jamir. At mabilis na tinawid nito ang pagitan nila at pinisil nito ang tungki ng ilong niya.

"A-Aray! Jamir!" nag-echo sa buong paligid ang boses ni Sophia.

"Pasaway ka kasi," anitong tinawanan siya ng malakas...

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status