Share

Chapter 2

Lisa POV

“Nanay, kain na po tayo!” tawag ko sa nanay kong patuloy pa rin sa paggawa ng mga abanikong pamaypay kahit na sa ganitong oras. Napakunot noo ako nang marinig ang mga sunod-sunod niyang pag-ubo. 

Ang tagal na ng ubo ni nanay hindi pa rin nawawala?

Inilapag ko ang plato ng bagong init na ulam namin bago ko siya pinuntahan sa likod bahay kung saan kami madalas gumagawa ng mga pamaypay.

“‘Nay, tara na po kain na po tayo.” aya kong lumapit sa kanya.

Hinawakan ko ang mga kahon kung saan nilalagay ang mga na tapos na. Nakaka-dalawang kahon na pala siya! Malapit na itong kunin ng mga namamakyaw. Ang usapan kasi madalas, tatlong kahon. Kung bibilangin nasa higit isang libong pamaypay ito na nagawa sa loob ng isang buwan.

“Anak, tapusin ko lang itong hawakan. Last na rin ito,” aniya.

Nilibot ko pa ang ibang mga materyales, ka-kaunti na lang ang mga ito at kailangan na rin kumuha ng mga panibago. Nilingon ko ang nanay nang muli itong umubo.

“Ayos lang po ba kayo? Matagal na ‘yang ubo niyo, ah?” Nag-aalalang nilapitan ko siya at hinagod ang kanyang likuran. Patuloy siya sa pag-ubo habang hawak ang kanyang dibdib. Inabot niya ang malapit na pitsil ng tubig at tinungga ito.

“Okay lang ako, anak. Pagod lang siguro ito.” Bumuntong-hininga ako. Naalala ang sinabi ni Sir Fier kanina. Isa ito sa mga na i-isip kong dahilan kaya pumayag ako sa gusto niyang mangyari. 

Ginawa ko ito para maiahon ko lang ang nanay ko sa hirap at makapagtapos ng aking pag-aaral.

“Ako na d’yan, ‘nay. Maghugas ka na ng kamay mo. Kakain na po tayo, gutom na gutom na po ako. Tara na! Masarap po ang ulam na ‘tin ngayon galing doon sa mansion.” Pinilit kong pasayahin ang aking boses.

“Ay, ganoon ba? Sige tayo nang kumain, baka magutom na ang mga alaga mo sa t’yan.”

Sinabayan iyon ng mga tawa ni nanay. Tumayo na siya’t kinuha ang mga pinaggamitan at niligpit. Isa-isa ko din kinuha ang mga materyales at nilagay ito sa tamang lalagyan. Delikado pa naman ito sa mga aso ng kapitbahay namin, nananangay pa naman sila ng mga gamit.

Habang nasa hapag na kami, tahimik lang ang nanay. Habang ako kwento nang kwento tungkol sa mga nangyari sa eskwela. Tumatawa naman siya paminsan-minsan, minsan din nagbibigay ng kumento sa mga sinasabi ko. Pero iba talaga siya ngayon, parang ang lalim ng iniisip niya. Nangangalumata din. Ang lalim ng mga mata niya. 

Baka siguro, sobrang pagod lang niya dahil sa malapit na ang deadline ng mga pamaypay.

Habang hinuhugasan ko ang mga pinagkainan namin sa lababo na gawa sa kahoy na nilagyan lang ng yero, inisip ko ang mga pinag-usapan namin ni Sir Fier kanina. Hindi ko alam kung tama ba ang pinasok ko pero kung para naman ito sa mga pangarap ko at kay nanay . . . gagawin ko.

Sinabi naman niya na siya na ang bahala sa lahat. Ang kinatatakutan ko lang ay ang plano nitong pagpunta dito sa bahay. Para daw mas kapanipaniwala, kailangan makilala din siya ni nanay at mapaniwala naming siya na totoong nililigawan niya ako.

Humugot ako nang malalim na hangin. Ngayon pa lang nasasaktan na ako sa isiping magsisinungaling ako kay nanay at sa lahat. Pero kung sa ikabubuti naman niya ito–  pwede na rin siguro.

Sa part niya wala naman daw magagalit at okay lang ang lahat. Napanganga ako sa sinabi niya tungkol sa kanila ni Ma’am Sabby.

“Wala akong girlfriend or ano man. Walang magagalit sa ’yo.” saad niya bago sumimsim ng kape na sinerved ni Aling Dyosa sa amin kanina.

“Si Ma’am Sabby po? Hindi mo ba siya girlfriend?” nagtatakang tanong ko. Kumagat ako sa sandwich na maraming palamang ham sa loob at mayonaise.

“She’s my friend. Wala ka dapat alalahanin sa kanya.” 

Ano? Friend lang ‘yon? Naglalaplapan at kung ano-ano pa ang ginagawa nila, friend lang ‘yon! Grabe sila, ah!

Napatango-tango na lang ako sa kanya. Ganoon siguro ang definition nila ng friendship parang gawain na ng mag-asawa.

“And also know na hindi ka lang magpre-pretend na asawa ko. Gusto ko dapat act and talk like a decent woman na may pinag-aralan at may you know– class. Isipin mo na lang na magagamit mo din ito someday. Treat this as a training mo. Kailangan kitang isama sa mga ilang gatherings and meetings ko. Hindi maiiwasan iyon lalo na sa status ko. Kung hindi ako ang kasama mo, sila mom. Sa tingin ko naman kaya mo ‘yan. Just a little . . ahm, dressing-up for you, maybe.”

Pinasadahan niya ako ng tingin kahit na nakaupo kami sa lamesa at hindi niya makikita ang kabuuan ko na ramdam ko ang tagusang-init noon. Kaya nag-iwas na lang ako ng tingin at na painom sa juice sa aking harapan.

“Paano ‘yon Sir, wala po akong pera?” 

Pinunasan ko ang gilid ng aking labi. Ang sarap talaga ng sandwich na ito. Kumuha pa ako ng isa at agad iyong kinain. Hindi ko na inalala na nandito pala siya sa aking harapan. Pinagmamasdan ako.

“I told you akong bahala sa ’yo. Ikukuha kita ng magaling na designer and fashion guru sa Manila.” Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. 

Wow! Pero, wait– Manila?

“Manila?” takhang tanong ko. Tinignan ko siya na ngayon ay may kinakalikot na sa kanyang mamahaling cellphone.

“Yes. Doon tayo titira. Anong akala mo, dito? Anong gagawin na ‘tin dito sa lugar na ito? Nandoon sa Manila ang buhay ko. Nagbakasyon lang kami dito to relax a little.” imporma niyang hindi man lang ako sinulyapan. 

Ang sungit, ah?

“Pero paano po ang nanay ko? Nandito po siya hindi ko po siya pwedeng iwan. Kami na lang po ang magkatuwang sa buhay.” 

Isipin ko pa lang na iiwan ko na siya dito na mag-isa, hindi ko na yata kakayanin. Parang ayaw ko na.

“E, ‘di isama mo! Problema ba ‘yon? Kukuhanan ko siya ng sarili niyang condo na matutuluyan.” walang ganang sagot niya. Nakita ko pa ang pag-irap nito sa hawak na cellphone.

“Kung na saan po siya doon din po ako. Matanda na po siya. Malungkot din po ang walang kasama.” Hindi siya sumagot sa sinabi ko. Nagtitipa na siya sa kanyang hawak na cellphone. Ngumingiti ito doon sa kung ano ang ginagawa niya.

Sandali kaming na tahimik. Nang maubos ko ang lahat ng sandwich ko, sumandal na lang ako sa aking upuan. Hinintay ang susunod niyang sasabihin, kung meron pa ba. 

Hindi man lang siya kumain. Sayang iyong nilagay niya sa platito niya. Sana pala kinain ko na lang. Itatapon lang naman nila iyon mamaya. Hindi naman nila pwede ipakain sa mga aso dito dahil may sarili daw itong mga pagkain.

“Oo nga pala! Kailangan din malaman ng nanay mo ang tungkol sa atin. Pupunta ako sa bahay niyo at doon na mag-start ang pag-act mo. Hindi naman pwedeng hindi niya malaman, ‘di ba? Legal ang gagawin na ‘ting pagpapakasal. Hindi ito fake, kaya magiging parte din sila dito.”

Isa din ito sa kanina ko pa iniisip. Paano? Hindi ako natatakot na baka magalit si nanay, nasa tamang edad na ako at matagal na rin niya ako tinatanong tungkol sa mga bagay na ito. Ngunit laging kong sagot sa kanya ay– wala pa. Dahil ‘yon naman talaga ang totoo . . .wala pa akong nagiging boyfriend kahit isa. Natatakot lang ako na . . . baka mabuking ako. Hindi ko pa nagawang magsinungaling kay nanay at walang dahilan para gawin ko iyon– ngayon lang.

“Kailan po?” Kinakabahang tanong ko sa kanya.

“As soon as possible. Matatapos na rin ang vacation namin dito sa isla niyo. Siguro mauna na muna sila bumalik sa Maynila habang inaayos ko pa ang lahat. And start packing your things, sa-sabay na kayo sa akin paalis.”

***

Sinilip ko ang nanay sa kanyang kwarto. Natutulog na ito. Sa tabi niya ang litrato ng tatay ko. Ganito siya matulog tuwing gabi. Simula nang mawala ang tatay at si bunso. Araw-araw na niyang binabanggit ang kanilang mga pangalan. Nawala na rin ang pagiging masayahin niya.

Dahan-dahan akong umupo sa kawayang higaan. Tinitigan ko ang nanay ko. “Mahal na mahal po kita, ‘nay. Para sa iyo po ang gagawin kong ito.” Binaba ko ang ulo ko para halikan siya nang may mahagip ang mga mata ko sa ilalim ng kanyang unan. 

Dahil nahihigaan niya ito, na hirapan akong kunin. Maingat ko itong hinila. Ingat na ingat na hindi siya magising. Hindi lang pala basta papel ito, kung hindi isang malaking papel. Malaking brown envelop na ngayon lang ako nakakita. Binuksan ko ito at nakita ko ang isang kulay blue na plastic. Meron pa sa loob na mga iba’t-ibang papel na naka-sobre pa.

Lumabas ako ng kwarto ni nanay dala ang mga ito. Madilim kasi doon tanging liwanag lang ng buwan ang nagsisilbing ilaw.

Pumunta ako sa kusina at doon isa-isang nilabas ang mga ito. Sa una, hindi ko maintindihan ang mga ito. Ngunit ng basahin ko ang nasa isang sobre. Agad akong napahawak sa aking bibig. Nilingon ko ang kwartong pinanggalingan ko. Hindi makapaniwala sa nalaman. Tulala ako doon. Naghahanap ng tamang sagot sa mga tanong ko. Isa-isang nagsituluan ang mga luha ko sa mata ko.

Gusto kong sabihin na hindi totoo ang lahat ng ito, ngunit pangalan ni nanay ang nakalagay sa mga papel dito at sa kulay blue-ng x-ray niya. May mga resibo din ng mga gamot. Hindi ako pamilyar sa mga ito dahil hindi ito ang binibili kong generic brand na gamot sa ubo ni nanay. 

Nanghina ako sa mga nabasa. Ang nanay matagal na pa lang may sakit base sa date ng mga result at noong isang araw lang ang huling check-up niya.

Bakit niya ito tinago sa akin?

Ang nanay ko!!!

Humagulgol ako doon. Hindi pwede ito. Gagawa ako ng paraan.

Hindi ako nakatulog buong magdamag na iyon. Kaya lumiban muna ako sa klase ko ngayong araw. Wala na din akong pasok sa mansion dahil kasama iyon sa mga pinag-usapan namin kahapon ni Sir Fier. Binigay na rin nila ang una at huling bayad ko sa ilang araw kong pagtatrabaho sa kanila. Mas higit pa nga ito sa pinag-usapan namin ni Aling Dyosa bago ako magsimula magtrabaho doon.

Madilim pa lang nagluluto na ako ng umagahan namin. Nagpirito ako ng itlog na malasado na paborito ni nanay. Dahil wala kaming lamig na kanin kagabi, nagsaing na lang ako ng panibago. Naririnig ko na sa labas ang mga kapitbahay naming mga kalalakihan na papalaot para mangisda. Sa ganitong oras kasi sila pumupunta doon at mamayang pagsikat ng araw ang kanilang balik dala na ang mga isdang nahuli.

Nang matapos ako, nag-ayos na ako ng bahay. Nag-ligpit at inilagay sa isang basket ang mga lalabhang damit namin. Sisimulan ko na itong kusutin sa labas ng bahay. Hindi ko inalintana ang lamig na lumalabas sa aming poso. Hindi ko nga alam kung tama ba ang ginagawa ko ngayon dahil tulala ako sa kinukusot kong damit. 

Kung hindi pa ako binati ng tumawag sa aking kapitbahay namin na papalaot rin, hindi ako matatauhan sa ginagawang paglalagay ng maraming sabon sa batiya. Papasikat na ang araw nang matapos ako. Nag-igib na rin ako ng tubig para sa banyo namin. Nakailang balik na ako para punuin ang malaking drum na naroroon.

“Oh, anak! Ang aga mo naman?” bungad sa akin ni nanay na may dalang tasa ng mainit niyang kape.

Tumango lamang ako at nagtuloy-tuloy sa banyo para dalhin ang huling timba ng tubig.

“Opo, ‘nay! Kain na po kayo. Nakaluto na po ako ng umagahan na ‘tin.” saad ko na hinahabol pa ang hingal dahil sa pagod sa pagbubuhat.

“Masyado ka naman nag-pagod, anak. Pwede naman ako ang gumawa niyan. May pasok ka pa. Hala, sige kumain ka na!” pag-uudyok sa akin ni nanay. Tinitigan ko siya habang inaaya ako sa aming munting kusina. Inilapag niya ang tasa ng kape sa kahoy na lamesa namin.

Hindi ako kumibo nang sandukan niya ako ng kanin at ulam ko. Tumayo pa siyang muli para ipanghiwa naman ako ng kamatis at sibuyas na pagsasaw-sawan namin.

Tumulo ang mga luha ko habang pinagmamasdan siya na nakatalikod sa akin at nagbabalat. Paisa-isa siyang umuubo ng mahina. Pilit niya iyong tinatago sa pamamagitan ng paminsan-minsan pagtikhim.

“Nanay?” tawag ko sa kanya. Hindi siya sumagot. Ipinagpatuloy lang ang paghalo ng bagoong sa kamatis na nahiwa. Pagbalik niya sa kanyang upuan, nginitian niya ako ng matamis.

“Kain ka na, anak. Sasamahan kita sa eskwela, ah? Gusto ko lang maglibot at makita kang papasok.” aniya na pilit pinapalakas ang boses para mag-mukha siyang malakas at masaya.

“Hindi mo po ako maloloko, ‘nay. Bakit mo po tinago sa akin?”

Hindi ko na napigilan ang pag-agos ng mga luha ko. Humagulgol ako sa harapan niya. Kinuha ko ang isang kamay niya at doon umiyak. Nagtataka siya sa akin at pilit akong tinatanong kung may problema ba.

“Gagawa po ako ng paraan, ‘nay. Sana po sinabi niyo ng mas maaga sa akin para naman natulungan kita.” Tumayo ako sa aking upuan at niyakap siya.

“Anak,” tawag niya sa akin na tumutulo na rin ang kanyang luha. Hinigpitan ko ang pagkakayakap sa kanya. Inilubog ko ang aking ulo sa leeg niya at doon umiyak.

Humugot siya ng lakas sa hangin.

“Magpakatatag ka, Lisa. Mahal na mahal kita, lagi mo iyang tatandaan.” Pareho kaming umiyak. Nag-iyakan sa sakit at lungkot. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung mawawala siya sa akin. Hindi ko kaya.

“Gagaling ka, ‘nay. Gagaling ka! Hindi ba sabi mo gusto mo pa ako makitang ikasal? Malapit na po iyon.” 

Pinilit kong maging masaya ang boses ko, ngumiti sa kanya. Tumayo ako ng tuwid. Pinakita na masaya ako kahit sa loob-loob ko ay unti-unti akong nilalamon ng sakit sa mga natuklasan.

Six months na lang . . . 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status