Share

Chapter 5

Lisa POV

“Aminin mo nga sa akin, buntis ka ba?” kalmadong saad ni nanay pero ang mga mata nito namumula sa galit. Ano itong ginawa ko? Baka bigla na lang siyang ma-high blood dito.

“Nanay, inom ka po muna ng juice. Wait lang po, kalma lang kayo.” Tumayo ako para ipagsalin siya ng juice sa kanyang baso.

“Bakit? Totoo nga? Lisa, kailan mo lang nakilala ang taong iyon. Binigay mo na agad!?”

Napa-iling siyang napakamot sa kanyang sintido. Inabot ko sa kanya ang baso na tinignan lang niya at hindi pinansin. Nakatayo ako sa harapan ni nanay, tinitignan ang mukha niyang namumula. Nag-aalala ako sa nakikita kong galit at pagkadismaya sa kanyang hapis na mukha.

“Alam ko matanda ka na, may sarili ka ng isip. Pero– anak naman! Hindi naman kita pinagbabawalan makipagrelasyo basta ipakilala mo siya sa akin. Kilalanin mo muna ng mabuti. Pag-isipan mong mabuti kung siya na nga ba bago mo ibigay ang lahat lalo na ang . . .” Napayuko siya, sinapo ang kanyang noo. “Lisa, hindi madaling maging ina, alam mo naman iyan. Ang dami dito sa atin na buntis ng maaga tapos, ayun– hiwalay! Paano na lang kung mag-iba siya kalaunan. Ha?” problemadong mahabang lintanya ni nanay. Napanguso ako.

Niyakap ko siya nang makita kong may namumuo ng kislap sa kanyang malalamlam na mga mata. Kahit takot, may kaba . . .may humaplos sa puso ko nang makitang na i-iyak na si nanay, hindi dahil sa nagsinungaling ako o tinago ito . . . kung hindi dahil nag-aalala siya sa magiging buhay ko kung buntis nga ako.

“Nanay, hindi po ako buntis. Kayo naman, oh! Dami niyo na agad sinabi.” Malambing kong hinagod sa kanyang likod.

Gusto kong ma-iyak o matawa sa reaksyon niyang O.A. Pero nanay, eh! Ganyan naman siguro magiging reaksyon nilang lahat kung biglain mo nga ba naman sabihin na ikakasal ka na agad nang hindi pa nakikilala ang magiging asawa mo. 

“Kung hindi, e bakit agad-agad naman yata ‘yang pagpapakasal n’yo? Ang sabi niya kanina ilang linggo ka pa lang niyang na kilala. Tapos gusto niyo kasal agad! Ano iyon, sabik na sabik lang? Bakit Lisa may nangyari na ba sa inyo ng lalaking iyon at sarap na sarap kaya gustong magpakasal kaagad sa iyo?” Bahagya siyang lumayo sa akin. Nagpamewang, nanlilit ang mga mata niya sa aking bumaba ang tingin sa tiyan ko.

Ako naman ang nangamatis sa mga sinasabi niya. “‘Nay!” Pag-aawat ko sa mga sasabihin niya pang muli. Dinaig pa niya si Marie sa mga kahalayang pinagsasabi.

Hindi ko nga alam kung ano uunahin sa mga sunod-sunod niyang tanong.

“Walang ganoong nangyayari sa amin, ‘nay! Parang ano lang . . .ah, sa nagpakita siya sa akin ng kabaitan tapos ayon na po. Na palapit na po ako sa kanya. Gwapo naman, ‘di ba ‘nay?”

Pinalo niya ang braso ko sa huling sinabi ko. Wala na ako maisip na idadahilan, e. Pwede na rin siguro iyon? Totoo naman din.

“‘Tong batang ito– sa itsura lang bumigay ka na!? E, paano kung kabaligtaran pala ang ugali niya?” Niyakap ko siyang muli. Natatawa. 

“Hindi naman po siguro, ‘nay. Mabait naman siya . . . sa ilang linggo na kasama ko siya, wala naman po siyang pinakitang masama sa akin. Ito nga po oh– willing siyang makilala kayo. Gusto nga din po niya tayo dalhin sa Maynila para sa mas mabilis ninyong pag-galing. Mas maganda naman doon ‘nay, ‘di ba? Mapapagamot na kita, makakapagtrabaho pa ako. Mas marami akong pwedeng apply-an. Hindi kagaya dito sa atin na paglalako lang ng isda, gulay at pangangatulong lang ang madaling trabaho. Doon daw po kasi sabi ni Aling Dyosa, ten thousand na daw po ang sahod ng mga katulong doon with benefits pa! Siya kasi nasa fifteen na daw, plus benefits dahil matagal na siya kila Fier, siya po iyong minsan kinuwento ko sa inyon na suki ko sa bayan na nakatira sa malaking bahay sa dulo. E, ako? Pwede na ako ‘nay sa mga kahera, nasa kolehiyo naman na po ako. Pwede ako magtrabaho habang nag-aaral. Napapagamot pa kita. Willing din daw po si Fier na tulungan tayo sa lahat ng ka-kailanganin na ‘tin doon.”

Hinihingal kong paliwanag sa kanya. Umaasa na kagatin niya ang sinabi ko. Dahil totoo naman lahat ng iyon, maliban sa mabait sa akin ang lalaking iyon. Hindi kaya! Swangit at pilyo kaya ‘yon.

Isa pa, kila Sir John ang bahay na iyon hindi kila Fier. Sinabi ko lang para kungwari– ah, basta!

Wala na akong maisip na dahilan.

“Anak, wala naman akong gusto kung hindi mapabuti ang kalagayan mo at matupad mo ang mga pangarap mo pero ang maging hadlang pa ako sa ‘yo, h’wag na lang. Masaya na ako dito at kaya ko na ito. Hindi ko na kailangan pa pumunta sa mga doktor na iyan. Dito lang gagaling na ako. Gagastos pa tayo, huwag na anak.”

“‘Nay, hindi po! Si Doc. Morsolo na rin po nagsabi at sinabi rin niya sa inyo na ‘di kakayanin ng simpleng klinic niya ang sakit niyo. Kailangan n‘yo po madala sa espesyalista na kayang pagalingin ang karamdaman mo.”

“Ayos na ako dito, anak. H’wag mo na ako alalahanin,” saad niyang hinaplos ang kamay kong nasa kandungan ko, na i-iyak siya. “H’wag mo ibahin ang usapan, Lisa.” 

Ay! Patay! Biglang ganoon? Akala ko pa naman nakalusot na ako.

Ginalingan ko pa naman ang pagkumbinsi sa kanya.

“Mahal mo ba siya anak o ginagawa mo lang ito para sa akin? Kung iyon ang dahilan mo— h’wag na! Matanda na rin ako, anak. Ganoon ka rin. Sa edad mo na ‘yan dapat professional ka na. Dapat tapos ka na. Pero ito– nandito ka, inaalala ako. Sorry, anak. Hindi ko kaya suportahan ang pag-aaral mo. Hindi ko na ibibigay ang mga pangangailangang dapat meron ka.”

Umubo siya, kasabay ng pagtulo ng luha sa kanyang mga mata. Tinulungan ko siyang abutin ang basong may juice.

“Hindi po! Sapat na ang lahat ng ginawa niyo sa akin. Ang gusto ko lang gumaling po kayo para magkasama pa tayo ng matagal.” Niyakap ko siya ng mahigpit. Ganoon din siya sa akin.

“Mahal mo nga ba?” tanong niyang ulit. 

Gusto kong mapa-irap sa paulit-ulit na tanong niya pero— hindi yata magandang ideya iyon ngayon kaya tumango-tango ako. Pilit na ngumiti sa kanya at pinasaya ang sitwasyon sa pangungulit ko sa nanay ko.

“Kung d’yan ka masaya anak, sige. Pero kikilatisin ko pa iyan, ah?”

Matapos ng pag-uusap namin na iyon, wala nang tanong pa si nanay ngunit gusto daw niya papuntahin ko si Fier dito bukas din. Bumalik ulit ito sa paggawa ng pamaypay at ako naman pumunta sa ka-klase ko sa bayan para humiram ng lecture namin kahapon at ngayon na hindi ko na pasukan.

Pagdating sa bayan pinagtitinginan ako ng mga tindera sa palengke. Maging sa paradahan kanina. Pinagsawalang bahala ko lamang iyon at nagtuloy-tuloy sa bilihan.

“Tsk! Akala mo sinong mahinhin, dinaan din pala si pogi sa katawan.” bulong ng isang sales lady na nagpapaypay sa nadaanan ko. Palihim kong sinulyapan ang pwesto niya. Inismiran ako nito kasabay ng masamang tingin.

“Oo, ikakasal na nga daw sila!”

“Baka buntis!” segunda naman ng isa pang tindera.

“Kamo, pinikot niya. Sino ba naman hindi bibigay, ‘di ba? Gwapo na, mayaman. A-angat ang buhay nila doon. Tsk! Katulong kunwari ang pinasok, lalaki lang pala tinabaho.”

Rinig na rinig ko ang mga sinasabi nila sa likuran ko habang pumipili ako ng mga gagamiting materyales ni nanay.

Ganito ba ang tingin nila agad sa akin? Ang bilis nila akong husgahan, ah! Hinayaan ko na lang sila at mabilis na ipinagpatuloy ang pamimimili. Tinignan ko ang listahang hawak, halos mapaurong ako nang wala pala dito sa bibilhan ko ang kailangan ko. Doon ako tinuro ng tindera kung saan naruruon ang mga babaeng tindera.

Huminga ako nang malalim, kailangan ko bumili. Pinatatag ko ang sarili ko para makayang lumapit sa kanila. Kahit na halos ikatupi ito ng tuhod ko sa kaba.

Ang bilis naman ng balita, kumalat kaagad!

Ilang oras pa lang ang nakalipas at ito, ako na ang punong pinagkakaabalahan ng mga tao sa munti naming bayan.

“Hala, ikakasal ka na pala! Hindi mo man lang sinabi sa akin.” tiling pangungutiya ni Lara. Nakanguso ito kaagad sa akin habang pinagbubuksan ako ng kanilang kawayang bakod.

Nginitian ko siya’t binati. Sinabi ko ang dahilan ko kung bakit ako lumiban sa klase kahapon nang may magsalita.

“Bakit, Lisa? Ang sabi mo wala ka pang balak mag-asawa pero– tsk! Akala ko iba ka sa kanila.”

Nagulat kami nang biglaang saad ni Liro ng madaanan niya kami sa terrace nila ng kanyang kapatid. Lumabas ito at malakas na isinara ang kanilang gate. Yumanig iyon sa lakas. Naggalawan ang mga halaman nilang nakasabit doon.

Nahiya ako, napayuko. Na guilty ako dahil na saktan ko siya.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Mitsy
Hala, may bf?
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status