Share

Chapter 4

Lisa POV

Nakayuko ako habang hawak ang mga kamay ko sa aking harapan. Kinakabahan at nahihiya ako sa 'di ko malamang dahilan. Nandito siya sa kubo naming bahay, may dala-dalang kumpol ng bulaklak at tsokolate. Maraming nakatanaw sa aming mga kapitbahay ko. Ang iba ay tinatanong kung sino siya at ang iba naman ay todo kilig na akala mo'y mga sinaniban ng kuryente sa katawan.

Kasama na doon si Marie na kunwari isang mahinhing babae pero nakikita ko sa mga mata at nginig ng kanyang mga labi na gusto nitong tumili sa mangha.

"Magandang umaga po! Hi, Lisa!" bati niya sa amin pagtapat sa gate naming kahoy. Matamis siyang ngumiti at bahagyang yumuko na akala mo’y sobrang magalang.

"Lisa, ang gwapo naman ng iyong nobyo. Pakilala mo naman sa amin." buyo ni Aling Minda na may hawak na walis tingting.

"May manliligaw ka pa lang gwapo, Lisa. Hindi mo man lang sinabi sa amin. Hi, pogi!" bating kinikilig naman ng dati naming ka-klaseng bakla na si Markus.

Hinawakan ni Marie ang kamay ko para kunin ang pansin ko na nakayuko lamang sa aking paanan, hiyang-hiya. Hindi ko alam kung paano ako a-akto.

Nang magtaas ako ng tingin, bumungad sa akin ang mga tingin ni Fier. Nakangiti siya sa akin habang hawak ang mga dala-dala.

"P-pasok ka, sir, ahm, Fier!" Tumikhim ako at nilingon ang paligid ko. Wala naman yatang nakarinig ng pagtawag ko sa kanya ng— sir.

Ang tanga ko talaga! Dapat ko nang sanayin ang sarili kong tawagin siya sa pangalan niya. 

Lalo na sa sweet na paraan.

Inabot niya sa akin ang dala. Nahihiya ko itong tinanggap. Ang ganda ng bulaklak! Ngayon lang ako nakakita ng ganito, halatang mamahalin. Ang laki ng sunflower sa gitna na may maliit na puting bulaklak sa gilid nito na binalot sa pink at mala-net na papel. Gusto ko itong amoyin ngunit nahihiya ako sa kanya na kanina pa ako pinagmamasdan. Binubuyo ako ni Marie sa aking likuran, tinutulak ako ng bahagya na may pahila pa. 

Kaasar ito! Pahalata masyado.

"Sa-salamat," Inaya ko na siyang pumasok sa munti naming bahay. Mabilis na tumakbo si Marie sa likod bahay namin kung saan nandoon si nanay nagta-trabaho.

Inudyukan ko siyang maupo sa kawayang upuan namin. Nakita kong umiikot ang mga mata siya sa buong bahay. Nagmamasid o nadudumihan?

Wala naman mamahaling gamit dito. Ang bahay lang naman namin ay gawa sa kalahating semento at kalahating kahoy. Ang mga gamit namin ay mga pinaglumaan ng panahon. Wala kami ng mga electronic na kagamitan gaya ng mga TV o refrigerator. Ang meron lang, electric fan na wala ang kaha ng likod nito. Sa sala namin, may dalawang kawayang upuan at kawayan ding lamesita. Ang bintana namin na 'di-tukod ay may kulay pink na kurtinang tinatangay ng hangin.

Naupo siya doon, ngumiti sa akin. "A-anong gusto mo? Kape o juice?" Pag-aalok ko sa kanya. Umiling siya at tinapik ang katabing upuan.

Pinaghandaan ko na kahapon ang pagdating niya. Bumili na ako ng pwede niyang makain pagpunta dito gaya ng juice at biskwit. Hindi man ganoon ka-sosyal gaya ng mga kinakain nila sa mansion ay pwede naman na rin ito. Wala naman ako pera pangbili ng mga ganoong klaseng pagkain. Bahala na siya kung kainin niya man o hindi.

"Hello po!" magalang na bati niya. Tumayo ito at bahagyang yumuko nang makitang papalapit ang nanay.

"May bisita pala tayo! Bakit hindi mo man lang sinabi, anak?" bulalas ni nanay na pinapagpag ang kamay niya at pinunas ito sa suot na palda bago i-abot kay Fier na naglahad ng kanyang isang kamay para mag-bless. Nagulat ako doon.

Alam niya pala ang ganitong tradisyon. Malamang may nagsabi lang sa kanya.

"Magandang umaga po!" Inabot niya ang isa panghawak na bulaklak kay nanay. "Para sa inyo po!"

Kung sa akin ay sunflower, ang kay nanay naman ay mga rosas na puti. Alam ko ang ibig sabihin nito, eh!

Nilingon ako ng nanay habang tinatanggap ang bulaklak. May gulat at pagtataka sa kanya ngunit na gawa pa ring ngumiti at nagpasalamat sa kaharap na ngayon ay ngiting-ngiti.

Umalis ako doon, iniwan sila ni nanay na nag-uusap. Tinatanong niya ito ng mga kung ano-ano. Kinikilala siya. Kagat-labi akong naglakad, kinakabahan sa pwede nilang pag-usapan. Pagpasok ko sa kusina, na abutan ko si Marie na naghuhugas ng mga baso sa lababo. Nilabas niya ang baso namin na once in a blue moon lang kung lumabas dahil para talaga ito sa mga bisita na darating. Nakangiti niyang inilagay ito sa isang tray. Nakita ko sa lamesa na may na timpla na siyang juice ngunit hindi malamig. Kukuha na sana ako ng pambili sa pitaka ko sa loob ng kwarto ko nang humarap siya sa akin at mahinang nagtitili doon. Nagtata-talon pa nga. Hinila niya ako sa kanyang tabihan habang nakasilip sa sala namin.

"My friend!" tili niya na inirapan ko. Kumuha ako ng basong stainless sa lalagyan saka sinalinan ng juice na kulay orange.  Inisang lagok ko lang ito. Uhaw na uhaw sa kaninang nararamdaman.

"Ang gwapo, friend! Nasaan ang iba? Pupunta din ba dito? Tanong mo nga dali!" maligalig niyang tanong, sumusulyap siya sa pintuan habang niyu-yugyog ang balikat ko dahilan para matapon ang pangalawang sinasaling juice.

"Ewan ko sa 'yo. Nandito ka daw kasi kaya ayaw na nila pumunta." pagbibiro ko.

Inirapan niya ako. "Sama mo talaga, my friend. Porket may gwapo ka lang na future, ganyan ka na sa akin. What about our friendship?" pagdaramdam niyang nakanguso.

"Bumili ka na nga lang ng yelo doon sa tindahan. Piso lang, mamaya ko na bayaran sa 'yo." Agad naman itong tumalima sa utos ko at walang sinabi.

Bago iyon, ah!? Bihira lang mangyari ito kaya sasamantalahin ko na.

"Samahan mo na rin ng Stick-O at limang Barnuts o kaya Honey. Kung may kiss, bumili ka na rin, damihan mo! Kainin na ‘tin mamaya." pahabol na sigaw ko.

Inilabas ko ang ulo ko sa may pintuan at tinanaw siyang naglalakad sa labas patungo sa pinakamalapit na tindahan. Hindi na siya lumingon sa kinatatayuan ko, isinenyas na lang sa hangin ang kanyang hinlalaki bilang ‘okay’ sa kanya.

Natatawa ako. Tagumpay ako sa pag-uto sa kaibigan ko. Naku, hindi na ako makapaghintay pa sa mga susunod na pagkakataon na ganito siya.

Pagharap ko naman para balikan ang iniinom ko siya namang tili ko nang may mabunggo akong isang matigas na dibdib. “Ay, putarages!” gulat na sambit ko sa kanya. Hawak-hawak ang noo ko na tumama sa mabango niyang katawan.

Tiningala ko siya, walang emosyon ang mukha nito. Sandali niya ako tinignan bago sumulyap sa labas kung saan ako sumisigaw kanina. Kung kanina nakangiti siya, ngayon naman akala mo may ginawa akong mali. Bumalik na ang pabago-bago niyang ugali. Kung minsan mapaglaro at maloko. Minsan naman ubod ng sungit. 

“Sino kausap mo d’yan?” tanong niya na tinaasan ako ng kilay.

“Wala, si- Fier. Inutusan ko lang si Marie na bumili ng yelo sa tindahan. Anong gusto mo b-bakit ka nandito?” na u-utal na lintanya ko.

“Muntikan na tayo mahuli kanina sa itinawag mo sa akin. Act like we’re so in love. Paano naman sila maniniwala n’yan kung ilag ka sa akin? Tsk! Try to be sweet, o-or try to flirt a little. Kung anong sinabi ko, gawin mo.” mahina niyang saad. Sinu-sulyapan ang kusina namin. Maingat niyang sinasabi iyon para walang makarinig.

“Sorry, h-hindi pa kasi ako sanay tawagin ka sa pangalan mo.” Yumuko ako.

Narinig ko ang mga yabag ni Marie kaya nag-angat ako ng tingin sa kanya at ngumiti rin. Ganoon din si Fier na kinalimutan na ang galit niya sa akin nang makipagdaldalan na kay Marie. Bumuntong hininga ako. Nag-uumpisa pa lang kami nakaka-stress na. Hay!!

Tinulungan niya ako dalhin ang lahat ng iyon sa sala namin. Hinawakan niya ang kamay ko at hinila ito palapit sa kanya. Patabi sa kanyang kinauupuan. Nasagi ko tuloy ang balikat niya. Sinulyapan ko muna ang ibang kasama namin bago ko sinunod ang gusto niya.

“Baka ma-pagod ka.” napaharap ako sa kanyang sinabi. 

Ano daw? Ah, oo nga pala. Act, Lisa. Act.

“Thank you! Sorry, maliit lang ang bahay namin, ah!? And thank you sa flowers and chocolates. Sana hindi ka na nag-abala pa.” nahihiya man, sinubukan kong lambingan ang boses ko.

Wow! Act lang Lisa. Pero ang haba na nang sinabi na ‘tin, ah? 

Napayuko ako, nahiyang muli. Parte naman doon totoo. Ang ganda kaya ng bulaklak at sure ako na masarap ang tsokolateng nasa kahon na dala niya. First time ko kaya makatanggap ng ganoon, no! Feel na na ‘tin. Mamaya sure mapupuno ng selfies ang cellphone ko at ni Marie.

“Wala ‘yon.” Ngumiti siya ng matamis sa akin.

 Ang galing! Kung hindi ko lang alam na plano lang ang lahat ng ito a-akalain kong totoo ang mga ipinapakita niya ngayon. Pero hindi– magaling lang talaga siyang umarte. 

It is his forte. Ano ka ba?

“Ah, hijo– Philer ba nga kamo ang pangalan mo?” tanong ni inay na nahihirapan bigkasin ang pangalan niya. Gusto kong matawa sa binanggit niyang pangalan. 

Bagay, ah!

“Fier po,” pagtatama niya. “Ang ganda po ng bahay niyo. Ang presko at ang lapit lang pala sa dagat.” 

“Oo, d’yan bumibili ng isda si Lisa at nilalako ito sa mga kapitbahay namin dito.”

Masayang inporma ni nanay. Inabutan niya ng isang biskwit si Fier.

“Kaya pala sariwa ang isda ni Lisa, masarap pa.” 

Napabuga ng juice si Marie. Hinagod ni nanay ang likod niyang hawak ang dibdib. Natatawa naman ako sa namumula ng mukha.

“Saan mo nga pala na kilala ang anak ko?” Napabaling ang tingin ko kay nanay. Kinabahan sa sunod niyang itinanong. “Nanliligaw ka ba sa anak ko?”

“Ah,” saad niyang sinulyapan ako. “She’s so kind and lovely. Unang kita ko pa lang po sa kanya na bighani na ang puso ko. Sa konting panahon na kami ay magkakilala– minahal ko na po siya at alam ko na tama ang desisyon ko.” 

Mas lalong nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Ano daw? Ang lalim, ah!? Saan galing iyon at ang bilis naman?

“Anong desisyon, hijo?” Napa-ayos ng upo ang nanay. Tinignan ako ng makahulugan. Maging si Marie ay nakakunot ang noong pinaglipat-lipat sa amin ang tingin.

“Hindi mo pa ba nasasabi sa kanila, Babe?” Binalingan ako ni Fier. Tinagilid niya ang kanyang ulo. Signaling na galingan ko umarte.

“Ang alin?” singit na tanong ni Nanay.

“Ahm, ano po. . .” kinakabahang umpisa ko. Nilagay ang mga kamay ko sa ‘king tuhod. Ang puso ko, gustong tumakas sa ginagawa naming kasinungalingan.

“Na balak na po namin magpakasal.” Napapikit ako nang siya na ang tumapos sa hindi ko kayang tapusin.

Sinulyapan ko siya, napahawak din siya sa kanyang tuhod. Halatang kabado din. Tinignan niya iyon bago inilipat ang tingin sa akin.

“Ano!?” Malakas na boses ni nanay ang nagpa-awat sa aming mga titigan. “Anong ibig sabihin nito Lisa?” 

Nanigas ako sa tono ng tanong ni nanay. Nakakunot ang noo niya sa akin. Tumikhim ako at isang beses sinulyapan ang bestfriend ko. Gusto ko magpatulong sa kanya. Sana pala sinabihan ko na siya agad para na plano namin ang mga ito.

Ngunit bawal nga! Wala akong pwedeng pagsabihan dahil kung lumabag daw ako isa man sa mga pinag-usapan namin at sa pinirmahan ko . . . makukulong ako.

Natatakot ako doon. Isipin ko pa lang na pwede akong mag-kamali, todo takot na ang nararamdaman ko. Gaya ngayon.

“Balak na po namin magpakasal. Patawad po ngayon lang na ‘min sinabi sa inyo.” sagot niya na nakangiti sa nanay ko.

Hindi ba niya nararamdaman ang kaba ko? Ang nangyayaring kalituhan at galit kay nanay?

Nakangiti pa siya!

Sarap niyang sakalin. Sarap niyang balatan sa filler. Bwisit, amp!!!

Tumayo ang nanay sa kinauupuan nito. Sandaling tumitig sa akin at umupo rin ulit. Hindi ako makapagsalita. Natatakot ako. Parang gusto ko nang umurong.

Act like we’re in love lang. Hindi magpakasal agad. Pwede naman iyon after a month. Sobrang nagmamadali akala mo mauubos ang kayamanan nila kung patatagalin niya kahit ilang araw man lang.

Kinuha niya ang kamay ko para ilagay sa kanya. Supporting me and telling me it’s gonna be okay.

“Seryoso po ako sa anak niyo. Wala na po ako hihilingin sa isang babae. Siya lamang po ang—.”  Hindi na niya na tapos ang kanyang sasabihin nang putulin ito ni nanay.

“Bakit ngayon mo lang sinabi, Lisa? Anong balak mo?” Tanong niya sa akin, napayuko ako sa tingin ni nanay.

“Wala po siyang kasalanan. Ako po ang nag-alok sa kanya ng kasal at gusto ko po sana soon.”

Inalis ko ang kamay ko sa kanyang kandungan ngunit hinawakan niya iyon. Mas mahigpit. Ayaw pa-kawalan. Tinignan iyon ni nanay. Sandaling hindi naka-imik.

“Pwede bang mag-usap muna kami, Phil o anuman ang pangalan mo. Makakauwi ka na.” saad ni nanay na hindi pinuputol ang tingin sa kamay naming dalawa. Bumuntong hininga si Fier bago tumayo.

Mas lalo akong nanigas sa kinauupuan ko nang halikan niya ang noo ko. “Galingan mo.” bulong niya sa akin. Hinaplos ang pisngi ko bago tinginan sila nanay at nagpaalam. Sunod ko na lang narinig ang pagtawag sa akin ni nanay.

“Lisa?” kalmado ngunit matigas niyang tawag sa pangalan ko na hindi ako tinitignan. “Kailan mo balak sabihin ito sa akin?” Dahan-dahan tumayo si Marie na walang kahit na anong sinasabi.

“Nanay,” mahinang tawag ko sa kanya. Hindi ko alam kung paano ko sisimulan o kung ano ang gagawin ko.

Paano na ito? Tsk! Ako na lang mag-isa.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status