Share

Chapter 3

Walang kasiguraduhan kung mabubuhay siya. Iyon ang kasalukuyan na tumatakbo sa isip ni Katya habang hila-hila ang kanyang maleta.

Naunahan man siya ng emosyon sa paglayas pero buo pa rin ang desisyon niya. Hindi niya kayang ipalaglag ang anghel na nasa tiyan niya. Sabihin man na nagawa ito dahil sa isang trahedya pero anak niya pa rin ito. Dugo at laman niya ito. Hindi niya ito kayang ipalaglag.

"Bakit ka naman naglayas, Katya? May nangyari bang hindi maganda sa inyo at nag-alsa balutan ka?"

Si Juliet lang ang tanging malalapitan niya sa mga oras na ito. Tinawagan niya ang kaibigan kanina at agad siya nitong pinuntahan kahit na may klase pa ito.

Hinawakan niya ang mga kamay ni Juliet at nagmamakaawa na tumingin dito. "B-Buntis ako. Gustong ipalaglag nila Mama ang dinadala ko kaya tumakas ako. Wala akong pwedeng mapuntahan kundi ikaw."

"B-Buntis ka?!" gulat nitong bulalas. "Paano nangyari iyon eh wala ka namang boyfriend?!"

Walang nagawa si Katya kundi ang isalaysay ang lahat ng mga nangyari. Wala naman ng dahilan pa para magsinungaling dahil nandito na ang problema.

"Kinidnap ka ng secret admirer mo... at pinagsamantalahan?" Kulang ang salitang gulat upang ilarawan ngayon ang mukha ni Juliet. Bumukas sara ang bibig nito at kulang na lang ay mahimatay ito sa inilahad niyang istorya.

"Bakit ngayon mo lang ito sinabi sa akin? Nasaan ang walang hiyang iyon at bubugbugin ko!"

Umiling si Katya at muling nanubig ang kanyang mga mata. "Hindi ko alam. At please, huwag mo nang babanggitin ang lalaking iyon."

Bumaha ang matinding pagkaawa sa mga mata ni Juliet habang nakatingin sa nakakaawang itsura ng kaibigan.

"Dali. Pasok ka. Pasensya na at magulo dito sa bahay."

Dalawa lang si Juliet si Tita Sonya na nakatira dito sa bahay na ito. Hiwalay na ang mga magulang ni Juliet at may may iba ng pamilya ang ama nito.

"Naku, Kat. Paniguradong hahanapin ka ng mga magulang mo!"

Alam niya iyon. Nakatakas lang siya kanina dahil umalis ang mga ito upang maghanap ng pribadong doctor na titingin sa kanya.

Hindi nga nagtagal ay nakarinig ang dalawa ng sunod-sunod na mga pagkatok sa pintuan.

"Sonya? Sonya! Nandiyan ba si Katya?!" boses iyon ng kanyang Mama.

Nagkatinginan ang dalawa at agad na naalarma.

"Bilis. Magtago ka! Pumunta ka sa taas!" mariin na bulong ni Juliet.

"Sonya ano ba?! Ilabas mo ang anak ko kung nandiyan siya!"

Nang masigurong nakatago na si Katya ay binuksan na ni Juliet ang pintuan. Baka lalo lang na magduda ang ina nito kapag iignorahin.

Hindi pa gaanong nabubuksan ni Juliet ang pintuan pero agad na siyang sinunggaban ni Brenda.

"Nasaan ang anak ko? Ilabas mo siya!"

Sinubukan nitong pumasok pero mabilis iyon na naagapan ni Juliet. Ipinagpapasalamat niya na mag-isa lang ito dahil kung kasama pa nito ang asawa ay lalo lang siyang mahihirapan. Baka naghahanap din ito sa mga kabilang bahay.

Hindi siya papayag na saktan ulit ng mga ito ang kanyang kaibigan!

"Nandito si Katya 'no kaya ayaw mo akong papasukin? Ipapakulong kita kapag napatunayan kong itinatago mo siya!"

Ngumisi si Juliet at hindi nagpasindak sa nanay ni Katya. Ewan ba niya kung bakit ganito ang mga magulang ng kaibigan niya. Masyadong gahaman. Makasarili na pati ang anak ay handang saktan.

Inilihis ni Juliet ang manggas ng kanyang damit at maangas na lumapit dito.

"Ipapakulong? Baka ikaw ang ipakulong ko. Alam mo bang trespassing itong ginagawa mo? May pang-piyansa ako kung makukulong ako. Ikaw, meron ba? Balita ko ay wala na kayong pera. Kaya nga pinipilit niyong ipakasal si Katya sa isang nuno diba?"

Namula ang mukha ng ina ni Katya sa pinaghalong pagkapahiya at galit.

"Ikaw... Bastos ka talagang bata ka kahit kailan! Kaya ayaw ko na nababarkada sa iyo ang anak ko dahil sa balasubas mong ugali! Tingnan mo ang nangyari sa kanya, sinasagot-sagot na niya kaming mga magulang niya!"

Lalong lumawak ang pagkakangisi ni Juliet.

"Mabuti naman kung ganun dahil hindi naman kayo karespe-respeto." Ibinalibag ni Juliet pasara ang pintuan.

"Hoy buksan mo ito! Ipapa-barangay talaga kita!"

"Wala dito si Katya! Mag-isip ka nga Anti Brenda. May maglalayas bang sa kapitbahay pupunta?" ganti naman niyang sigaw.

Natahimik ito ng ilang saglit. "Babalik ako mamaya."

Agad na pinuntahan ni Juliet si Katya sa kanyang kwarto. Naabutan niya ito sa tabi ng bintana kaya tiyak niyang narinig nito ang lahat ng mga palitan nila kanina ng salita ng ina nito.

"Ano na ang gagawin ko, Jul? Wala akong ibang mapuntahan," iyak ni Katya. Dala niya ang kanyang ipon pero hindi iyon sasapat kapag itutuloy niya ang paglalayas.

"Bakit ba sunod-sunod na lang na problema ang dumadating sa akin?" dagdag pa niya.

Napabuntong hininga si Juliet at nilapitan ang kaibigan. Hinaplos nito ang balikat ni Katya at inalo.

"Malalagpasan mo rin ang lahat ng mga ito. Ikaw pa kaya. Malakas ka, Katya. Ako ang higit na nakakaalam nun. At hindi ba dapat ay matuwa ka? Dahil sa pagbubuntis mo ay hindi na matutuloy ang pagpapakasal mo sa unanong intsik na iyon. Kung hindi ito nangyari, sa tingin mo ba ay magkakaroon ka ng lakas ng loob na umalis sa bahay ninyo? Hindi diba? This is a blessing in disguise, Kat. Huwag mong isipin na malas lahat ang mga nangyayari sa iyo. Look at the other side, the bright side of those events. Hindi ba ay ikaw din ang nagsabi sa akin na lahat ng mga bagay ay konektado? Na ang mga nararanasan natin ngayon ay parte ng pagkabuo natin bilang tao? Nakalimutan mo na ba?"

Natahimik si Katya at tumigil sa pag-iyak. Tama si Juliet. Bakit nga ba niya nakalimutan ang mga bagay na iyon?

Hinaplos niya ang manipis niyang tiyan. Kung hindi dahil sa nasa tiyan niya ay hindi siya magkakalakas ng loob na lumayas. Kung hindi dahil dito ay baka nga makasal siya kahit na hindi niya gusto. Ayaw niyang makasal pero wala siyang lakas ng loob na tumanggi kaya heto, binigyan siya ng langit ng rason upang tumakas at makawala sa kadena na gumagapos sa kanya.

"Magulo lang ang utak mo ngayon at naiintindihan kita. Kalmahin mo muna ang sarili mo saka ka mag-isip ng hakbang na gagawin mo. Hindi ka makakapag-isip ng tama kapag emosyonal ka. Kumain ka na ba? Baka nagugutom ka."

Saktong kumalam din ang sikmura niya kaya nagkatinginan silang dalawa at sabay na tumawa.

"Ikukuha lang kita ng makakain," paalam ni Juliet.

Pinanuod ni Katya ang papalayong pigura ng kaibigan. Ang marinig ang mga malalalim na salitang iyon galing kay Juliet ay nakakamangha. Hindi ito nagseseryoso sa buhay kaya labis ang gulat niya sa mga salita na binitawan nito kanina.

Kailangan na niyang itigil ang pag-iyak. Walang mangyayari kung iiyak lang siya at magmumukmok. Nandito na siya kaya paninindigan niya ang desisyon niyang ito.

Mabuti na lang at nasa trabaho ang ina ni Juliet. Baka lalong nagkagulo dito kanina dahil mortal na magkaaway ang mga magulang nila.

Dito sa kwarto ni Juliet siya nagpahinga at natulog. Gabi na nang magising siya kaya nagpasya siyang bumaba upang kumuha ng maiinom.

Paliko na si Katya sa kusina nang marinig niya ang boses ng Mama ni Juliet.

"Nandito si Katya? At buntis pa? Bakit hindi na lang kasi siya umuwi sa kanilang bahay? Kapag nalaman ng Brenda na iyon na nandito ang anak niya ay ako na naman ang sisisihin! Pauwiin mo na!"

Nakagat ni Katya ang kanyang labi. Alam niyang bawal ang makinig sa mga usapan pero hindi niya mapigilan lalo na at siya mismo ang pinag-uusapan ng mga ito.

"Ipapalaglag nga nila ang bata kaya hindi siya pwedeng umuwi sa kanila. Pwede bang dito muna siya pansamantala?" pakiusap ni Juliet.

"Ay hindi pwede! Kung hindi siya pwedeng umuwi ay humanap siya ng ibang matutuluyan! Hindi pwede dito sa bahay. Magdadagdag ka lang ng palamunin!"

"Ma!"

Hindi na tinapos ni Katya ang pakikinig at madaling bumalik ulit sa itaas. Napangiti siya ng mapait. Nakalimutan nga pala niyang ayaw din sa kanya ng ina ni Juliet dahil sa away ng kanilang mga magulang. Nagulat nga siya kung paanong silang dalawa pa ang naging magkaibigan.

"Kat, kumain na tayo," yaya sa kanya ni Juliet maya-maya.

Umiling siya. "Mauna na lang kayo."

Tinitigan ni Juliet si Katya. "Narinig mo ba ang usapan namin kanina ni Mama?"

Tumango siya kaya napabuntong hininga ito.

"Alam mo naman na ganun si Mama magsalita. Hayaan mo na lang siya. Hindi ka naman niya isusumbong," pagpapagaan ng loob ni Juliet.

"Pero tama naman si Tita Sonya. Dadagdag lang ako dito sa bahay niyo. At masyado ring risky kapag magtagal ako dito. Magkalapit lang tayo ng bahay at paniguradong matutunton ako nila Mama."

"Ano nga ang plano mo kung ganun? Saan ka pupunta?"

Tinitigan ni Katya ang kaibigan ng matagal bago sinabi ang nabuo niyang desisyon kanina.

Maaga na umalis ang dalawa. Hindi pa sumisikat ang araw nang gumayak ang mga ito papunta sa terminal ng bus.

"Sigurado ka na ba sa desisyon mong ito, Kat? Mapapalayo ka dito sa lugar natin," sabi ni Juliet sa malungkot na boses.

"Oo, Jul. Ito lang ang tanging paraan na naiisip ko upang tuluyan nang makalaya."

Gustong umalma ni Juliet ngunit tama ang kaibigan. Kung maaari lang sana niya itong samahan ay gagawin niya.

"Heto, pandagdag mo sa pera mo. Huwag kang tumanggi dahil sasapakin talaga kita," ani Juliet na naiiyak.

Tiningnan ni Katya ang mga lilibuhin na hawak ni Juliet at kinuha iyon. Hindi niya ito tatanggihan dahil kailangan talaga niya ng pera. Babayaran niya rin ito kapag nakaluwag luwag na siya.

"Salamat, Jul." Nanubig ang mga mata niya at niyakap ito ng mahigpit.

"M-Mag iingat ka sa pupuntahan mo, okay? Tawagan mo lang ako kapag may kailangan ka."

Ilang sandali rin na nag-iyakan ang magkaibigan bago magtawag ang conductor ng bus na sasakyan niya.

Aalis siya at pupunta sa ibang bayan. Magsisimula siya doon ng panibagong buhay kasama ng magiging anak niya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status