Share

Chapter 5

Rosi's POV

NAKATAYO sa gilid ng tuktok ng hagdan si Sixto at nakatanaw sa akin. Halata ang pag-aalala sa mukha at mga mata niya. Hindi ko ito pinansin at agad na sinara ang pinto ng guest room kung saan matutulog ang pamilya ko habang nandito sila sa villa.

"Linawin mo nga ang sinasabi mo, Rosi! Ang pangit na iyon ang pinakasalan mo?! Nababaliw ka na ba! Bakit pumayag kang magpakasal sa isang mukhang ipis!"

Nilagay ko ang hintuturo ko sa tapat ng labi ko. "Inay, huwag kayong maingay. Baka marinig niya kayo."

"Ah, wala akong pakialam! Ano ngayon kung marinig niya tayo? Totoo naman ang sinasabi ko, ah! Pangit siya!"

"Hindi kaya nagkamali lang si Don Isidro, anak? Bakit naman ganoon ang hitsura ng anak-anakan niya?"

"Hindi ko alam, itay. Hindi ko rin alam na sa ganoong lalaki ako ikakasal."

"E , scammer pala iyang Don Isidro na iyan! Sa dinami-dami ng lalaki sa mundo, pinakasal ka sa pangit at mukhang utusan."

"Mabuti sana kung pangit pero mamahalin ang hitsura. E, iyong asawa mo, anak, pangit na, mukha pang pulubi."

Galit na galit sina Inay at Itay. Pulang-pula pa nga ang mukha ng mga ito, lalo na si Inay. Hindi ko sila masisi, ako man ay nasusuklam sa lalaking kinailangan kong pakasalan.

"Hindi ko matatanggap na magkaroon ng son-in-law na pangit! Rosi, hiwalayan mo ang lalaking iyon!" Nilapitan ako ni Inay at hinawakan sa braso.

Bumuntonghininga ako. "Inay, kahit ho gustuhin kong hiwalayan si Sixto, hindi puwede."

"At bakit? Papayag ka talagang makasama araw-araw ang lalaking ganoon kapangit? Aba, Rosi, hindi ko pinangarap magkaapo ng mga mukhang kuto, ha?! Natitigan mo na bang mabuti ang mukha ng lalaking iyon? Wala sa lugar!"

"Pero inay, nakuha na natin ang pera at naoperahan ka na rin. Oras na hiniwalayan ko si Sixto, kailangan natin ibalik ang lahat ng perang ibinigay ni Don Isidro."

Natigilan sina Inay at Itay sa sinabi ko. Nagkatinginan ang mga ito.

"Ling, huminahon ka nga muna. Kalalabas mo lang ng ospital, baka makabalik ka ulit."

"Hoy, Lito, tigil-tigilan mo ako, ha?! Ayaw kong malahian tayo ng mga pangit!"

"Pero mayaman."

"Mayaman ba iyon? Mas maayos pa tayong manamit!"

"Ling, nakakalimutan mo na ba? Wala nang pamilya si Don Isidro! Iyong pangit na iyon ang tanging tagapagmana niya!"

"Oh, ano ngayon? Kung ganoon naman ang hitsura!" Bumaling ulit sa akin si Inay. "Hiwalayan mo ang pangit na iyon, ha! Sabihin mo, babayaran natin ang utang kay Don Isidro!"

"Inay, hindi nga puwede. May kasunduan kami ni Don Isidro. Kung gusto ko talagang hiwalayan ang anak-anakan niya, kailangan natin ibalik ang limang milyon at bayaran ang utang ni Itay sa loob nang isang linggo. Kung hindi, ipapakulong niya tayo."

"Ano? Isang linggo?!" Halos malaglag ang panga ni Inay sa sinabi ko.

Si Itay naman ay mabilis na pinanlakihan ng mga mata. "Ling, ayokong makulong! Kapag bumalik ako sa loob ng kulungan, papatayin na ako ni Kadyo doon!"

"Sino naman si Kadyo, itay?"

"Iyong Kadyo na sugarol na kapit-bahay natin! Mantakin mong pagnakawan ng itay mo!"

"Ano ho?!"

"Nagawa ko lang naman iyon dahil nasa ospital ka, Ling. Kailangan natin ng pera."

"Ginawa pa akong dahilan. Hoy! Matagal ka nang sugarol!"

Napapikit ako sa mga narinig. Lumapit ako sa malaking kama at naupo sa dulo no'n. Wala na talaga akong choice ngayon kundi manatili sa tabi ng anak-anakan ni Don Isidro.

Nakita kong lumapit sa magarang sofa set sina Inay at Itay at doon nag-usap sa pabulong na paraan. Mukhang mahalaga ang pinag-uusapan nila.

Nagbuga ako ng hangin. Kung hindi lang sana ganoon ang hitsura ni Sixto, baka kahit paano, mapagtiisan ko pang makasama ito hanggang sa maghiwalay kami. Ang kaso, hindi ko maatim na gumising sa umaga na ang mukhang iyon ang bubungad sa akin.

Ano nga bang nangyari kay Sixto at nagkaganoon ang hitsura niya? Inalog ko ang ulo ko sa naisip. Bakit ko ba iniisip ang mga bagay na ito? Wala akong pakialam sa lalaking iyon at sa nangyari sa kaniya!

Pagkatapos mag-usap nina Inay at Itay, lumapit ang mga ito sa akin. Halatang dismayado pa rin si Inay pero nakapagtatakang nakangiti na si Itay.

"Rosi, pumapayag na kami na hindi kayo maghiwalay ng anak-anakan ni Don Isidro."

"Pero hindi ka magpapabuntis sa pangit na iyon, ha!" Dinuro ako ni Inay nang may himig na pagbabanta.

"Bakit ho nagbago ang isip n'yo?"

Lumapad ang ngiti ni Itay. "Napag-isip-isip namin ng inay mo, matanda na si Don Isidro at malapit nang mamatay."

"Po?" Napatayo ako sa narinig.

"Oras na mangyari iyon, mapupunta ang lahat ng yaman ng matanda sa anak-anakan niyang si Sixto. Mapapasa atin ang pera ng mga Hernandez, anak! Yayaman na tayo!"

"Pero hindi sa atin mapupunta ang yaman ni Don Isidro, itay. Kay Sixto."

"Madali nang gawan ng paraan iyan, anak."

Natigilan ako sa sinabi nito. "Ano hong gagawin n'yo?"

"Puwede ba? Huwag ka nang maraming tanong! Magdasal ka na lang na mamatay nang maaga ang matandang iyon!"

***

Sa malaking silid na ibinigay ni Don Isidro para sa amin ni Sixto, tahimik akong nagmumukmok sa sulok ng kama. Pinagtataguan ko si Sixto kaya nandito ako sa halip na makihalubilo sa labas. Ayaw kong makita ang pagmumukha niya.

Araw-araw, maaga siyang gumigising at late na umuuwi. Napakasipag niyang magtrabaho, sa puntong kapag may trabahanteng nag-utos sa kaniya, ginagawa niya. Tuloy kahit anak-anakan siya ni Don Isidro, daig pa niya ang alila dito sa villa.

"Rosi?"

Natigilan ako sa pag-iisip nang pumasok sa kuwarto si Sixto. Para itong sumasayaw nang lumapit sa akin dahil sa maikli niyang isang paa.

Simula nang mapilitan akong pakasalan siya dahil sa utang ng aking pamilya, hindi pa rin nawawala ang galit ko. At mas tumitindi pa ito sa paglipas ng mga araw.

"Rosi, kumusta sina Inay at Itay? Komportable ba sila sa guest room? May mga kailangan ba sila? Sabihin mo, huwag silang mahihiyang magsabi sa akin."

Napatingin ako dito nang magkasalubong ang mga kilay. "Huwag mo silang tatawaging inay at itay."

"Bakit naman? Kasal na tayo. Para ko na rin silang mga magulang."

Gusto kong matawa sa narinig. Ibang klase rin talaga ang lakas ng loob ng lalaking ito. Hindi pa ba sapat ang mga pag-iwas ko sa kaniya? Mga masasakit na salita na ibinabato ko para maintindihan niyang ayaw ko sa kaniya?

"Sixto, kasal lang tayo sa papel. Huwag kang umastang kasama ka sa pamilya namin. Kahit kailan, hindi ka matatanggap ng pamilya ko!"

Nahalata kong nasaktan ito sa mga sinabi ko pero wala akong pakialam. Gumagaan ang pakiramdam ko sa tuwing naiinsulto ko siya. Ganti ko na rin ito sa kanila dahil pinilit nila ako sa kasal na hindi ko gusto!

"Alam kong nandidiri ka sa akin. Ayaw mo akong kausapin, ni ayaw mo akong lapitan. Ang kama nga natin, ang liit-liit na, pero malaki pa rin ang espasyo sa tuwing nakahiga na tayong dalawa. Pero hindi ako titigil, Rosi."

Napatingin ako kay Sixto dahil doon. Kinilabutan ako nang matitigan na naman ang mukha nito.

"Gagawin ko ang lahat para kahit paano, magustuhan mo ako."

"Nagpapatawa ka ba, Sixto?" Tiningnan ko siya nang may pandidiri. "Magiging honest ako sa iyo. Hinding-hindi kita magugustuhan. Hindi kita matatanggap bilang lalaking makakasama ko! Pangit ka, Sixto. At kahit kailan, hindi kita magugustuhan!"

Comments (4)
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
ay grabe ka naman maka insulto sa asawa mo rosi kung hindi dahil kay sixto baka nasa kulungan na ang iyong mga kinikilalang mga magulang at kasama kana dun
goodnovel comment avatar
Dennis Peralta Silvestre
cnu nman si don isidro?bkit nanjan sa kanya si sixto?
goodnovel comment avatar
joime
ang sakit nya mgsalita sa huli bka kainin nya dn mga pinagsasabi nya..
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status